frchito

Archive for Oktubre, 2016|Monthly archive page

KAILANMAN, SAANMAN, AT PALAGIAN

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Oktubre 12, 2016 at 14:44

Ika-29 na Linggo ng Taon (K)

Oktubre 16, 2016

Mga Pagbasa: Exodo 7:8-13 / 2 Tim 3:14 – 4:2 / Lucas 18:1-8

KAILANMAN, SAANMAN, AT PALAGIAN

Palagiang pananalangin ang isang malinaw na paksa ng mga pagbasa sa araw na ito. Natunghayan natin kung paano nagtiyaga si Moises na panatiliing nakataas ang kanyang mga kamay noong nakikipagbakbakan ang mga Israelita laban sa mga Amalekita. Isang malinaw na pagsasagisag ng taimtim na panalangin, ang kanyang kamay na naka-angat ang isinasalarawang naging dahilan ng kanilang pagwawagi (Unang Pagbasa).

Ito rin ang malinaw na paksa ng ebanghelyo ayon kay San Lucas. Isang balo ang inilalarawang nangungulit sa tiwaling hukom, na dahil sa kakulitang ito ay napilitang ipagkaloob ang hinihingi ng balo. Palagiang panalangin ang siyang tinutumbok ng talinghagang ito. Palagian … pagtitiis … pagpupunyagi … ang lahat ng katagang ito ay may kinalaman sa isang saloobing maalam makibaka sa isang daigdig na nababalot ng lahat ng uri ng panghihinawa at panghihina ng loob.

Nanghihinawa na ang marami sa sitwasyon ng gobyerno at lipunang Pilipino. Habang sinusulat ko ito, laman ng mga balita sa radyo ang namumuong sama ng loob at galit ng balana sa patuloy at sunod-sunod na balita tungkol sa mga bagay na hindi na bago at alam na ng lahat – ang katiwalian at kasinungalingan ng mga namumuno sa ating gobyerno. Nangangamba ang marami na muling babalikwas ang mga sundalo upang magsagawa muli ng isang bagay na hindi gusto ng higit na nakararami – isang kudeta.

Panghihinawa rin ang nababasa natin sa kawalang interes ng marami sa organisadong relihiyon, pati na rin ang kawalang interes sa pananalangin. Ayon sa mga pagsasaliksik na ginawa tungkol sa mga kabataan ng mga nakaraang taon, ang mga kabataang lumalaki ngayon ay hindi na magiging tulad ng kanilang mga magulang at mga lolo at lola na malakas ang pagkatig sa relihiyon at lahat ng bagay na kaakibat nito.

Sa ating panahon, marami at susun-suson ang mga katumbas na kaaway na Amalekita ng mga taong masidhi ang pagkatig sa pananampalataya. Subali’t ang ating pinag-aawayan ay higit pa sa isang balon ng tubig lamang sa ilang. Ang mga pinag-aawayan natin ay hindi lamang pangunahing mga pangangailangan, kundi mga bagay na may kinalaman sa kasakiman, katakawan, at kagustuhang magpasasa sa karangyaan. Ang katiwalian na patuloy na bumabalot sa buong lipunang Pilipino ay walang puno at dulo liban sa walang kabubusugang pagnanasa sa higit pa, sa mas marami, sa mas magaling. Tila wala nang mapipiling pinuno sa bayan man o saan man na hindi nababahiran ng kamandag ng pagnanasa ng higit pa.

Malimit natin isipin na ang panalangin ay ginagawa natin para lamang sa Diyos. Ito ay tama. Ang Diyos ay karapat-dapat sa ating pagsamba, pagpupuri, at pasasalamat. Subali’t bukod rito ay may isang mahalagang papel ang panalangin. Sa pagdarasal, bukod sa kinikila natin ang Diyos bilang Diyos, kinikilala rin natin ang kalikasang makatao na sa kailaliman, ay walang kaya, walang dapat ipagyabang, walang dapat ipag-imbot. Bilang isang nilalang, bagaman at may angking dignidad na hindi mapapawi ninuman, ang taong marunong ay siyang maalam ilagay ang sarili sa tamang lugar.

Ang taong banal, samakatuwid ay hindi naghahanap ng bagay na bumabagtas sa kanyang angking dignidad at kakayahan. Ito ang isa sa mga ipinahihiwatig ng palagiang panalangin – ang pagtanggap sa limitasyong makatao, ang pagkilala sa Diyos na siyang pinaka makapangyarihan sa lahat, at ang pagkilala sa kanyang banal na kalooban.

Ang taong palalo ay hindi marunong magdasal. Hindi niya kailangan ang Diyos. Ang taong mapag-imbot at mapaghanap ng higit pa sa kanyang kakayahan ay hindi maalam tumawag sa Diyos. Wala siyang kailangan liban sa kanyang sarili. Bakit pa siya magdadasal? At narito ang sitwasyong kinapapalooban ng marami. Sa tinatawag ng sitwasyong postmodern, napalipat sa isipan ng balana ang sentro, simulain, at sukdulan ng tunay na kapangyarihan.

Napalipat sa tao ang maraming bagay na noong una ay batid natin na nagmumula lamang sa kalooban ng Diyos. Marami nang bagay ang pinang himasukan ng tao. Kaya ng taong gumawa ng bata sa test tube. Kaya ng taong kumitil ng buhay bago pa man ito mag-mistulang may buhay. Kaya nating palitan ang takbo ng kalikasan. Pati yelong milyon-milyon nang taong at maraming siglong matigas na yelo ay nalulusaw nang unti-unti dahil sa ating kapabayaan, at kasakiman.

Ang global warming ay gawa ng tao, hindi ng Diyos. Ang taong ito, tulad ng bawa’t isa sa atin, ay siyang naging napaka talino at napaka pangahas, kung kaya’t nabale wala at natapakan ang paghahari ng Diyos sa lupa at sa langit. Oo, tumpak na sabihing ang panalangin ay patungkol sa Diyos. Subali’t tumpak rin na sabihing ang panalangin ay para din sa tao, upang kilalanin ng tao kung sino ang tunay na may angking kapangyarihan sa buong daigdig as sa lahat ng nasa daigdig.

Ang panalangin ay hindi kailangan ng Diyos, subali’t ito ay lubhang kinakailangan ng tao. Sa unang pagbasa, nakita natin ang pagtanggap ni Moises ng kanyang kawalang kakayahan. Napagod siya sa katataas ng kamay, sa pananalangin para sa kanyang bayan. Tinanggap niya ang dalawang katotohanan: una, kailangan niya ng tulong ng iba, kailangan niya na ang kanyang kamay ay patuloy na panatiliing nakataas sa Diyos sa panalangin. Ikalawa, kinilala niya na tanging ang Diyos lamang ay may hawak sa takbo ng kasaysayan. At ang pagkilalang ito ang siyang nagbubunsod sa taong may pananampalataya, na patuloy at palagiang ipatungkol sa Diyos ang tunay na pag-asa, matimyas na pag-aasam, at masugid na paghiling sa tulong ng Maykapal. Ito rin ang buong pananampalatayang pagkilala ng balo sa kanyang kawalang kaya kung kaya’t naghinuhod siya sa masamang hukom upang maganap ang kanyang hinihiling at pinahahalagahan.

Iisang liksiyon ang malinaw na tinutumbok nito – ang palagiang pananalangin, saan man at kailan man. Humuhulagpos ang buong lipunan saan man sa kabatirang ang Diyos ang siyang tunay na Hari at Panginoon ng lahat. Sa paglalahong ito ng kabatirang nabanggit, naglalaho rin ang pagkilala rito. At kapag ang pagkilala sa Diyos bilang Diyos ay nanlabo, nanlalabo rin ang wasto at akmang pagkilala sa kakayahan ng tao. Sa pagkakait natin sa pagkilalang ito kung sino ang Diyos at ano ang kanyang papel sa larangan ng makamundong buhay natin, ipinagkakait rin natin sa ating sarili ang isa sa mga malinaw na palatandaan ng dignidad pantao – ang kakayahang tumawag sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Hindi kailangan ng Diyos ang ating panalangin, kung tutuusin. Kailangan natin ang panalangin bilang pagtanggap sa ating tunay na kakayahan at dignidad, at pagtanggap sa tunay na hanay ng pagpapahalaga at hanay ng katotohanan. Isa sa pangunahing katotohanang ito ay ang Diyos ay Diyos at Panginoon ng lahat. Tanging Siya lamang ang karapat-dapat tumanggap ng ating pagpupuri at pagpupugay, pagsamba at pananalangin … saanman, kailanman, at palagian. Purihin natin ang Diyos!

 

SOLVITUR AMBULANDO

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Oktubre 7, 2016 at 15:29

 

SOLVITUR AMBULANDO!

Parang bulong ng mga herbolario o manggagamot ang pamagat ko sa araw na ito sa pagninilay na ito. Solvitur ambulando … Isa ito sa mga pamana ng aming mahal na Patron sa Mendez, Cavite … ang dakilang santong si San Agustin ng Hippo. Nangangahulugan ito na ang mga bagay-bagay, ang mga pag-aagam-agam, ang mga suliranin at iba pa, ay nagkakaroon ng lunas habang tayo ay naglalakad, habang ang panahon ay lumalawig, habang ang tao ay handang maglayag at magpatuloy sa pagtahak sa landas ng buhay.

Solvitur ambulando … things are solved while walking. Matagal-tagal na rin akong gumigising nang maaga araw-araw para maglakad, para mag-ehersisyo. Nasa kalendaryo pa ang aking edad noong ako ay magsimulang gawin ito, lalu na noong itinatag ko, sa tulong ng mga estudiante, ang isang samahan ng mga umaakyat ng bundok.

Ayon sa aking karanasan, ang mahabang paglalakad, ang tahimik na pakikipag-niig sa kalikasan, habang tulog pa, o pagising pa lamang ang buong daigdig, ay nagdudulot ng linaw ng kaisipan, at inspirasyon mula sa itaas, na nagiging simulain ng kalutasan ng maraming katanungan o suliranin. Ang gawaing ito ay dinala ko saan man ako nagpunta, malamig man o mainit … sa Roma, sa Salamanca, sa Paris, sa iba-ibang lungsod sa Amerika, kasama ang Baltimore, Maryland, sa iba-ibang bayan sa Filipinas … magpahangga ngayon. Sa paglalakad sa dilim at katahimikan, kalakip ang panalangin at pakikipagniig hindi lamang sa kalikasan, kundi pati na rin sa may akda ng kalikasan, paulit-ulit na napatunayan ko ang katotohanan ng sinabi ni San Agustin … solvitur ambulando.

May kinalaman ang paglalakad na aking binabanggit sa ebanghelyo sa araw na ito. Ang kinapapalooban ng bahagi ng Ebanghelyo ayon kay Lucas ay ang paglalakbay ni Jesus patungo sa Jerusalem. Maging si Jesus ay naglalakad, naglalakbay, tumatahak sa landas na maghahatid sa kanyang kaluwalhatian. Hindi lamang siya ang naglalakad. May sampung ketongin ang nasa mga lansangan. Malamang na ang mga ito ay hindi naglalakad sapagka’t sila ay walang magawa. Naglalakad sila sapagka’t sila ay naghahanap, naghahangad, nagsisikap makatunghay ng kagalingan at kaligtasan. Hindi malayo ang posibilidad na natunugan nila na ang bantog na Galileo ay papalapit, paparating, patungo sa dakong iyon. May pakpak ang balita … at ang magandang balita ay nauuna sa tagapaghatid nito. Sinalubong si Jesus ng sampu. Buo ang loob, tiyak, at tahasan nilang sinambit ang panalanging tiyak rin at tahasan ang hinihingi: “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin!”

Ito ay may kinalaman sa isang taong tiyak ang balak, alam ang nais, at buo ang loob sa pag-akyat sa bundok. Sa aming maraming beses na pag-akyat, mahalaga na buo ang loob at malinaw sa sarili kung ano ang pakay at layunin. Ang isang taong patumpik-tumpik ay hindi makararating, hindi makaaabot sa tuktok. Ito rin ang determinasyon na nakita natin kina Leo Oracion at ang tatlong babaeng Pinay na nakaabot sa Everest kamakailan. Alam nila ang gusto nila. Buo rin ang loob nila. At ang kanilang determinasyon ay hindi maipagkakaila. Nakita ko ito nang sila ay makatagpo ko noong isang taon sa isang Filipino restaurant sa Virginia, USA. Bagama’t kulang ang pera (kung kaya’t sila ay nangalap ng salapi sa America), bagama’t minamaliit ng balana, ang kanilang determinasyon at sigasig ay pangitang-pangita sa kanilang mukha, sa kanilang buong pagkatao, at sa kanilang diwa ng pagpupunyagi.

Nais kong isipin na ito rin ang pagpupunyagi na natutunghayan natin sa sampung ketongin. Malinaw ang kanilang pakay. Malinaw ang kanilang naisin. At lalong matindi ang kanilang hiling: “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.” Nagbunga ang kanilang paglalakad. Namukadkad ang bubot na bulaklak ng kanilang mithiin. Ang adhikain ay nagkaroon ng malinaw na katuparan. Ang paglalakad at paghahanap ay nauwi sa pagkakamit, pagwawagi, at pagtanggap ng kung anong hanap.

Mahalaga para sa akin ang larawan ng paglalakad. Lumaki ako bilang bata sa isang tahimik at mahirap na lugar (compara sa higit na mayayamang bayan ng Cavite). Ang aking Ama ay isang empleo ng gobierno na nagbanat ng buto at katawan sa pamamagitan ng pagsasaka at pagtatanim kung wala siya sa opisina. Bata pa siya (11 taong gulang) ay nagtanim na ng mga puno ng kape sa Tagaytay. Namulat akong siya ay maagang gumising tuwing Sabado at nagsusuyod na ng kapehan upang higit na magbunga at maparami ang ani.

Namulat ako sa isang lugar na kay rami akong nakitang magagandang halimbawa ng tao – bata o matanda – na naglalakad, naglalako, nagtitinda ng kung ano man – tinumis (dinuguan sa Mendez), maruya, butse, puto, duldol (isang uri ng sapin-sapin), bibingka atbp. Hindi ko makakalimutan ang Andang Mintang na araw-araw ay naglalakad at nagtitinda ng sweepstakes tickets, maging ang babaeng hindi ko na maala-ala ang pangalan na laging may sunong na malaking kaldero at naglalakad, naglalako ng “tinumis.” Determinasyon ang kanilang gintong aral. Buo ang loob na ginagalugad ang lansangan, naglalakad para lamang kumita ng kaunti. Ito ang determinasyon ng sampung ketongin ng ebanghelyo. At ang determinasyong ito na naipakita sa kanilang paglalakad, kasabay sa paglalakad ng Panginoon, ay nagbunga ng kagalingan, naghatid ng kalinisan at kakinisan ng balat.

Tama ang poong si San Agustin … solvitur ambulando. Napag-aral ng Andang Mintang ang kaniyang mga anak (kahit siya ay maagang nabalo). Naipagtawid-buhay ng naglalako ng tinumis ang kaniyang pamilya. At hindi ko na dapat pang isalaysay kung ano ang aming narating na mga magkakapatid. Determinasyon at kabuuan ng loob at pagsunod sa kagustuhan ng Ama ang ipinakita ni Jesus Panginoon. Ang determinasyong ito ang nagbunsod sa kaniya upang harapin, batahin, at tiisin ang lahat ng uri ng pasakit – hanggang sa kamatayan sa krus – na siya naming naghatid sa kanya sa rurok ng kaluwalhatian.

Ito ay determinasyong bunga ng pagtalima at masugid na pagsunod sa kalooban ng Ama. Dapat natin banggitin na, bukod sa buong-loob na paglalakad, ang sampung ketongin ay nagpakita rin ng pagsunod sa utos ng Panginoon: “Humayo kayo at magpakita sa mga pari.” Paglalakad pa rin ang kanyang utos. Humayo kayo … At sila ay nagpatuloy sa kanilang paglalakad, sa kanilang paghahanap … solvitur ambulando. Marami tayong mga buhay na ejemplo ng paglalakad na ito.

Palasak nang tawagin ang mga OFW na mga “bagong bayani ng bayan.” Tumpak ito. Nguni’t bago sila naging bayani ng bayan, ay bayani na sila ng kanilang mga mahal sa buhay. Bayani sila … tuldok. Tumulak sa ibang bansa … naglakad … lumayo … pumalaot at nangibang-bansa upang maghanap kalutasan sa suson-susong mga suliranin. Solvitur ambulando … Nguni’t hindi pa tapos ang ating paglalakbay. Malungkot nga lamang at sa sampung ketongin na pinagaling ng Panginoon, siyam sa kanila ang tumigil na sa paglalayag … huminto sa paglalakad … Nasiyahan na sila sa tinanggap. Hindi na sila naghanap pa ng iba. Hindi na sila nag-asam pang umangat pa isang panibagong larangan ng buhay – ang pag-angat sa buhay espiritwal … ang pagkilala ng higit pang mga katotohanan … ang pagkilala sa nagkaloob ng kagalingan sa pamamagitan ng pagpapasalamat.

Tanging isa sa sampu ang bumalik upang magpasalamat. Tanging isa ang nagpatuloy sa kanyang paglalakad. Tayo man ay nagsisikap magpatuloy sa ating paglalakbay sa buhay. Tumatanaw tayo ng utang na loob kung kaya’t tayo ay nagtitipon tuwing Linggo sa Eukaristiya – na ang kahulugan ay pasasalamat. Alam mo ba ang tugon ni Jesus sa nag-iisang ketongin na bumalik at nagpasalamat? … “Tumayo ka at humayo … sinagip ka ng iyong pananampalataya.” Sa isang madaling salita … “humayo” … tulad ng maririnig natin pagkatapos ng Misa … “Humayo” … ITE MISSA EST!

Patuloy na maglakad … solvitur ambulando!