Madaling mapagkamaliang ang unang pagbasa at ang ebanghelyo sa araw na ito ay may kinalaman sa mga bagay na nakagigimbal, kahindik-hindik, at nakababahala. Subali’t tulad ng lahat ng panulat na may estilong apokaliptiko, ang mensahe ay hindi ang larawang ipinipinta kundi ang kahulugang nagkukubli sa larawang iginuguhit ng mga salita at pangungusap. Malilipol nga ba ang masasama na parang tinupok ng mabagsik na apoy? Magmimistula nga bang dayaming lalamunin at masasaid ng apoy ang mga makasalanan?
Ang mahalagang katotohanan ay ito … may wakas ang daigdig at ang buhay ng tao sa daigdig na ito. Darating ang araw na maghahari ang Diyos nang ganap at maglalapat ng Kanyang maka-Diyos na katarungan at magpapanibago sa takbo ng buhay ng lahat ng kanyang nilalang. Ang detalye ng kung paano ito magaganap ay hindi siyang mahalaga. Ang mahalaga ay ang wakas ay darating, at ang pinakamadaling paraan para ilarawan ito ay ang paggamit ng mga sagisag ng mga bagay na madaling maunawaan ng mga orihinal na tagabasa at tagapakinig ng sinasaad ng Kasulatan. Ang mahalaga ay ang mabatid natin na para mapagpanibago ang lahat, ay dapat munang maglaho ang lumang kaayusan na isinasagisag ng pagkasunog ng mga dayami at mga nag-usliang mga ugat sa lupa.
Nakatutuwang isipin na marami ang nagigimbal sa mga unang linya ng pagbasa sa araw na ito. Sapagka’t sila ay dinapuan na ng takot, ay posibleng hindi na nila napansin ang puno ng pag-asang pahayag ni Malaquias na siyang tunay na tinutumbok ng pagbasa: “Ngunit kayó na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyó, gaya ng sinag ng araw.”
Noong isang Linggo, natunghayan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang vision o panagimpan. Ang matukoy ninuman ang kanyang inaasam at pinaghahanap ay lubhang mahalaga. Ang pitong magkakapatid na nakuhang magtiis ng masakit na kamatayan sa pugon ay nakakuha ng lakas at tapang sa kanilang inaasam at pinapanagimpan – ang kanilang paniniwala sa muling pagkabuhay.
Sa Linggong ito, iminumungkahi ng mga pagbasa ang isang dapat ay bahagi ng ating panagimpang kristiano – ang kabatirang ang buhay na alam natin sa mundong ibabaw ay pagpapanibaguhin ng Diyos sa wakas ng panahon. Tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo, para sa isang sumasampalataya, ang kanyang inaasam ay kanya nang nilalasam sa pamamagitan ng pag-asa at pagsampalataya. Mayroong tatak na kasiguraduhan ang mga mananampalataya kay Kristo … may katiyakan. At ang katiyakang ito ang ating ipinagmakaingay pagkatapos ng unang pagbasa: “Poong Hukom ay darating, taglay katarungan natin” (Salmong Tugunan). Ang kaparaanan ay hindi dapat itumbas sa katotohanan. Ang paglalarawan ay hindi rin dapat itumbas sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang mga pangungusap at katagang metaporikal ay hindi dapat unawain nang tahasang-tiyak na wari baga’y kung ano ang titik ay siya ring magaganap.
Sa ebanghelyo tila dinagdagan pa ng Panginoon ang listahan ng mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari sa wakas ng panahon. Nguni’t kapanatagan ng loob, hindi takot, ang dapat bumalot sa puso at kaisipan ng tao na batid kung ano ang pinakabuod ng sinasaad ng mga pangungusap ng Panginoon. At ang mahalagang buod nito ay puno rin ng pag-asa at pangako – isang panagimpang tamang maging tampulan ng pag-aasam na ngayon pa man ay maari nang tampulan rin ng paglalasam: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Pilipinas ay ginigimbal at ginagambala sa mga araw na ito ng sunod-sunod na pagsabog. Hindi pa nalulutas ang lumang pagsabog ay mayroon na namang bago. Bukod sa pagsabog pisikal, ay mayroon ring mas masahol na pagsabog ng mga katiwalian, ng mga karumihan at lahat ng uri ng pandaraya at kaguluhang dulot ng sobrang politika sa ating lipunan. Kung ating uunawain nang tahasan o literal ang una at ikatlong pagbasa, ay parang pahiwatig ito ng napipintong pagwawakas ng daigdig. Nguni’t tulad nga ng nasabi natin, hindi ito ang pakay ng mga pagbasang ito. Ang buod, ang puno at dulo ng lahat ay ang kahalagahang mabatid ng lahat ang katotohanang ang buhay dito at ang lahat ng bagay na lubhang pinahahalagahan ng mga taong makamundo ay hindi magtatagal at mayroong hangganan. Sa isang banda, mayroong hangganan ang kasamaan. Mayroong katapusan ang katiwalian, at mayroong wakas ang ginagawa ng mga masasamang budhi.
Sa kabilang banda, hindi yaman ang lahat sa buhay ng isang kristiano. Hindi rin kapangyarihan, at lalung hindi ang karangyaan. May wakas ang lahat. At ang lahat ng itinuturing ng tao na mahalaga ay maglalahong parang dayami na tinupok at nilipol ng apoy. Pagpapanibaguhin ng Diyos ang lahat sa wakas ng panahon. Ang pagkalipol ng dayami at mga ugat ng mga punong susunugin ay sagisag ng pagpapanibagong ito na dulot ng Panginoon.
Mapalad ang nakakaunawa at nakababatid ng katotohanang ito. Sa harap ng katotohanang ito, hindi takot, bagkus kasiyahan at pag-asa ang siyang dapat maghari sa puso ng tao. Ito ang parehong saya at pag-asa na ating itatanghal at pagyayamanin sa panahon ng Adbiyento. Isa na namang pagkakataon ito upang ang siyang pinaka-aasam ay siya rin maging pinakanilalasam sa pamamagitan ng pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig