frchito

Archive for Nobyembre, 2016|Monthly archive page

MAY WAKAS ANG LAHAT; MAY BUKAS ANG TANAN

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Nobyembre 10, 2016 at 18:57

 

Madaling mapagkamaliang ang unang pagbasa at ang ebanghelyo sa araw na ito ay may kinalaman sa mga bagay na nakagigimbal, kahindik-hindik, at nakababahala. Subali’t tulad ng lahat ng panulat na may estilong apokaliptiko, ang mensahe ay hindi ang larawang ipinipinta kundi ang kahulugang nagkukubli sa larawang iginuguhit ng mga salita at pangungusap. Malilipol nga ba ang masasama na parang tinupok ng mabagsik na apoy? Magmimistula nga bang dayaming lalamunin at masasaid ng apoy ang mga makasalanan?

Ang mahalagang katotohanan ay ito … may wakas ang daigdig at ang buhay ng tao sa daigdig na ito. Darating ang araw na maghahari ang Diyos nang ganap at maglalapat ng Kanyang maka-Diyos na katarungan at magpapanibago sa takbo ng buhay ng lahat ng kanyang nilalang. Ang detalye ng kung paano ito magaganap ay hindi siyang mahalaga. Ang mahalaga ay ang wakas ay darating, at ang pinakamadaling paraan para ilarawan ito ay ang paggamit ng mga sagisag ng mga bagay na madaling maunawaan ng mga orihinal na tagabasa at tagapakinig ng sinasaad ng Kasulatan. Ang mahalaga ay ang mabatid natin na para mapagpanibago ang lahat, ay dapat munang maglaho ang lumang kaayusan na isinasagisag ng pagkasunog ng mga dayami at mga nag-usliang mga ugat sa lupa.

Nakatutuwang isipin na marami ang nagigimbal sa mga unang linya ng pagbasa sa araw na ito. Sapagka’t sila ay dinapuan na ng takot, ay posibleng hindi na nila napansin ang puno ng pag-asang pahayag ni Malaquias na siyang tunay na tinutumbok ng pagbasa: “Ngunit kayó na sumusunod sa akin ay ililigtas ko at pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyó, gaya ng sinag ng araw.”

Noong isang Linggo, natunghayan natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang vision o panagimpan. Ang matukoy ninuman ang kanyang inaasam at pinaghahanap ay lubhang mahalaga. Ang pitong magkakapatid na nakuhang magtiis ng masakit na kamatayan sa pugon ay nakakuha ng lakas at tapang sa kanilang inaasam at pinapanagimpan – ang kanilang paniniwala sa muling pagkabuhay.

Sa Linggong ito, iminumungkahi ng mga pagbasa ang isang dapat ay bahagi ng ating panagimpang kristiano – ang kabatirang ang buhay na alam natin sa mundong ibabaw ay pagpapanibaguhin ng Diyos sa wakas ng panahon. Tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo, para sa isang sumasampalataya, ang kanyang inaasam ay kanya nang nilalasam sa pamamagitan ng pag-asa at pagsampalataya. Mayroong tatak na kasiguraduhan ang mga mananampalataya kay Kristo … may katiyakan. At ang katiyakang ito ang ating ipinagmakaingay pagkatapos ng unang pagbasa: “Poong Hukom ay darating, taglay katarungan natin” (Salmong Tugunan). Ang kaparaanan ay hindi dapat itumbas sa katotohanan. Ang paglalarawan ay hindi rin dapat itumbas sa kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang mga pangungusap at katagang metaporikal ay hindi dapat unawain nang tahasang-tiyak na wari baga’y kung ano ang titik ay siya ring magaganap.

Sa ebanghelyo tila dinagdagan pa ng Panginoon ang listahan ng mga kagimbal-gimbal na mga pangyayari sa wakas ng panahon. Nguni’t kapanatagan ng loob, hindi takot, ang dapat bumalot sa puso at kaisipan ng tao na batid kung ano ang pinakabuod ng sinasaad ng mga pangungusap ng Panginoon. At ang mahalagang buod nito ay puno rin ng pag-asa at pangako – isang panagimpang tamang maging tampulan ng pag-aasam na ngayon pa man ay maari nang tampulan rin ng paglalasam: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Ang Pilipinas ay ginigimbal at ginagambala sa mga araw na ito ng sunod-sunod na pagsabog. Hindi pa nalulutas ang lumang pagsabog ay mayroon na namang bago. Bukod sa pagsabog pisikal, ay mayroon ring mas masahol na pagsabog ng mga katiwalian, ng mga karumihan at lahat ng uri ng pandaraya at kaguluhang dulot ng sobrang politika sa ating lipunan. Kung ating uunawain nang tahasan o literal ang una at ikatlong pagbasa, ay parang pahiwatig ito ng napipintong pagwawakas ng daigdig. Nguni’t tulad nga ng nasabi natin, hindi ito ang pakay ng mga pagbasang ito. Ang buod, ang puno at dulo ng lahat ay ang kahalagahang mabatid ng lahat ang katotohanang ang buhay dito at ang lahat ng bagay na lubhang pinahahalagahan ng mga taong makamundo ay hindi magtatagal at mayroong hangganan. Sa isang banda, mayroong hangganan ang kasamaan. Mayroong katapusan ang katiwalian, at mayroong wakas ang ginagawa ng mga masasamang budhi.

Sa kabilang banda, hindi yaman ang lahat sa buhay ng isang kristiano. Hindi rin kapangyarihan, at lalung hindi ang karangyaan. May wakas ang lahat. At ang lahat ng itinuturing ng tao na mahalaga ay maglalahong parang dayami na tinupok at nilipol ng apoy. Pagpapanibaguhin ng Diyos ang lahat sa wakas ng panahon. Ang pagkalipol ng dayami at mga ugat ng mga punong susunugin ay sagisag ng pagpapanibagong ito na dulot ng Panginoon.

Mapalad ang nakakaunawa at nakababatid ng katotohanang ito. Sa harap ng katotohanang ito, hindi takot, bagkus kasiyahan at pag-asa ang siyang dapat maghari sa puso ng tao. Ito ang parehong saya at pag-asa na ating itatanghal at pagyayamanin sa panahon ng Adbiyento. Isa na namang pagkakataon ito upang ang siyang pinaka-aasam ay siya rin maging pinakanilalasam sa pamamagitan ng pag-asa, pananampalataya, at pag-ibig

ASAM-ASAM; NILALASAM

In Homiliya sa Pangkaraniwang Panahon, Linggo ng Karaniwang Panahon Taon K, Taon K on Nobyembre 4, 2016 at 20:15

 

Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon (K)

Nobyembre 6, 2016

KATOTOHANANG ASAM-ASAM, KATOTOHANANG NILALASAM

Sanay na sanay ang Pinoy na isabuhay sa kasalukuyan ang mga mahalagang bagay na parating pa lamang sa hinaharap. Maagap at maaga ang Pinoy kung magdiwang. Setyembre pa lamang ay nagkukumahog na ang mga himpilan ng radyo, mga shopping malls, at mga TV network na magpadama, magpatugtog, at magbigay-paalala tungkol sa darating na Pasko.

Maging sa mga pamilya ay maaga mangarap ang mga bata. Bunsod marahil ng kahirapan ay maagang makintal sa isipan ng mga musmos ang kagustuhang marating at makamit ang anumang karera upang makatulong sa magulang, makaipon, at makapag-paanyo ng magandang kinabukasan. Hindi malayong ang mga bata ay sinisimulang paghandaan ng itutustos sa pag-aaral bago pa man sila isilang.

Maaga mangarap ang Pinoy at malayo ang tanaw kapag ang pinag-uusapan ay ang hinaharap. Marunong ang Pinoy na habang maaga pa, ay ninanamnam na, dinadama, at isinasabuhay na ang bagay na bagama’t wala pa, ay pinakahihintay na at pinakamimithi. At sapagka’t ang kanyang isip at puso ay nakatuon sa darating, sa hinihintay na hinaharap, handa rin ang Pinoy na magtiis, magdusa, at maghirap sa kasalukuyan.

Sanay ang Pinoy maghintay. Sanay ang Pinoy magtiis at magdanas ng hirap sapagka’t ang hinaharap ay pihong darating. Hindi ba’t ito ang nasa puso ng mahigit 10 milyong kababayan natin na nasa ibang bansa at nagpapakahirap para sa tinatawag nilang kinabukasan? Hindi ba’t ang pinakaaasam na hinaharap ang siyang dahilan kung bakit handa ang Pinoy na humarap sa kalungkutan, pamamanglaw, at pagkagiliw sa kanilang mahal sa buhay at manatili nang maraming taon sa malayong lugar?

Ito ang buod na kapansin-pansin sa ating mga pagbasa sa araw na ito. Mapait ang pinagdaanan ng pitong magkakapatid. At kung iisipin natin na pati ang kanilang ina ay nagdanas din ng parehong malupit na kamatayan, lalung tumitingkad ang kabatirang basta ang hinaharap ang pinag-uusapan, ay walang hindi gagawin ang taong puno ng pag-asa, tigib ng pananampalataya, at lipos ng pagmamalasakit sa pinaninindigang katotohanang ang kaganapan ay wala pa rito ngayon, kundi sa darating pang panahon.

Sa ngalan ng hinaharap, ang taong matapat at matuwid at puno ng pananampalataya ay handang bale-walain ang kasalukuyan, at ituring ito na pangalawa o pangatlo lamang sa hanay ng pagpapahalaga. Ano nga ba ang nilalaman ng hinaharap na ito? Ano nga ba ang higit na mahalagang katotohanan na nagbunsod sa pitong magkakapatid upang harapin ang mapait na kamatayan sa pugong nagliliyab at naglalagablab?

Ano nga ba ang mahalagang bagay o lagay na ito na naging sapat na dahilan upang ang mga tao ay mamuhay na tila baga ang pinakahihintay ay dumating na? … na naging sapat na dahilan upang hindi na sila mamuhay tulad ng karamihan? Iisa ang sagot ng una at pangatlong pagbasa … pareho ang tinutumbok ng mga ito. At ang higit na mahalagang ito ay ang kanilang paniniwalang ang tao ay muling mabubuhay, upang makapiling ang Diyos magpakailanman.

Ito ang maka-apat na ulit na sagot ng magkakapatid sa aklat ng Macabeo. Ito rin ang sagot ni Jesus sa mga Saduseong nag-usisa sa kanya ng mga tanong na walang kapararakan … mga tanong na alam naman ng lahat ay malayong-malayo sa larangan ng makatotohanan at maaring mangyari. Tulad ng mga tanong ng mga taong aral at nagdudunung-dunungan, ang tanong ng mga Saduseo ay isang patibong. Ang pakay nila ay siluin ang Panginoon, at hindi upang malaman ang katotohanan. Sa kadahilanang hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay, nag-imbento sila ng tanong na batid natin ay malayong mangyari.

Nguni’t sa halip na mawalan ng matibay na pundasyon ang sagot ni Jesus, ay bagkus naidiin niya ang katotohanan – na sa muling pagkabuhay ay mababago ang takbo ng ating pakikitungo sa isa’t isa … na sa muling pagkabuhay ay hindi na tayo nalalambungan ng makamundo at material na uri ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa … na ang mga muling nabuhay ay tila mga anghel, na hindi na muling mamamatay kailanman.

Matibay at malalim ang pagpapahalaga ng taong sumasampalataya dito sa katotohanang ito. At sapagka’t mahalaga ito, ninanamnam na ito bilang katotohanang ganap at narito na. Dahil ito ay pinaninindigan ng sumasampalataya, handa siyang mamuhay na tila baga ay ito ay isa nang katotohanang naganap na ngayon, dito, palagian, at saanman. Maging ang pamumuhay bilang anghel ay handa niyang gawin at akuin. Maging ang pag-aasawa ay handa niyang ipagpaliban o palampasin, sapagka’t dama na niya at niloloob na ang hinaharap na katotohanan ng muling pagkabuhay.

Tulad ng pitong magkakapatid, malayo ang tanaw ng mga sumasampalataya … malalim, matibay, at mapunyagi. Sa lakas ng kanilang pangitain sa hinaharap na luwalhati, ay tinanggap nila ang pansamantalang kahirapan sapagka’t nadama na nila ang luwalhating darating mula sa Panginoon. Tulad ng libo-libong mga banal at mga martir sa kasaysayan ng Santa Iglesya, pinaninindigan natin ang sinasaad sa Salmo na binasa natin sa sandali ng Komunyon: “Ang Panginoon ay aking pastol, hindi ako mangangailangan ng anuman.” Sapagka’t sa ating pananampalataya, ang katotohanang inaasam at hinihintay ay katotohanang ganap, laganap, at nilalasam na.