frchito

KANLUNGAN O KULUNGAN?

In Taon A on Disyembre 10, 2016 at 09:28

Ika-3 Adbiyento_A

KANLUNGAN O KULUNGAN?

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay puno at tigib ng kagalakan. Sa katunayan, ang pambungad na antipona ay siyang pinagmulan kung bakit ang Linggong ito ay tinaguriang Gaudete Sunday: “Magalak sa Panginoon tuwina. Muli kong sinasabi, magalak! Malapit na ang Panginoon” (Filipos 4:4-5).

Si Isaias sa kanyang pangitain, ay tigib rin ng kagalakan. Ang katuyuan sa ilang ay mapapalitan ng mayamang pagyabong at paglago ng halaman at iba-ibang uri ng bulaklak. At nangingibabaw sa lahat ng pangitaing ito ang kanyang matibay na pagtatagubilin: “Huwag mangamba, maging matatag. Narito na ang inyong Diyos, dumarating Siya nang may pagtatagumpay.”

Ito rin ang buod ng sinasabi ni Santiago Apostol sa kanyang liham: “Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagka’t nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.” Hindi natin maaaring mapagkamalian ang tinutumbok ng mga pagbasa at ng kabuuan ng liturhiya sa araw na ito. Parating na … malapit na … narito na … Ang lambong ng kawalang pag-asa ay mapapalitan ng bubong ng kapanatagan at kaganapan ng mga pangako ng Diyos.

Isang larawan ang namumuo sa ating damdamin at isipan … ang diwa ng kanlungan. Hindi mahirap para sa ating isalarawan ang kanlungan. Kapag may unos at ulan, ang hanap natin ay kanlungan. Kapag may suliranin at matinding pagsubok, ang asam natin ay isang masisilungan, isang muog na matatag na masasandalan, isang bubong kung saan tayo maaaring magkubli, magtago, at magpalipas ng pagdaaan ng unos. Hindi mahirap isalarawan ang Diyos ayon sa una at ikalawang pagbasa na siyang gumagampan sa ating pinag-aasam sa muog, bubong, at kanlungan.

Puno ng matulaing paglalarawan ng kalinga at pagmamalasakit ng Diyos ang dalawang pagbasa. Itong lahat ay nagbubunsod sa atin upang isapuso at unawaing lubos: “Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.” Kanlungan? Tuwa at galak? Tapang at katatagan ng loob? Ito nga ba ay may lugar pa sa ating puso at damdamin sa ating panahon? Sa kabila ng malinaw at mataginting na pangako ng Diyos, sa kabila ng hindi mapapagkamaliang pag-asa ni Isaias at ni Santiago sa katuparan ng mga pangakong nabanggit, kaisa tayo ng salmista na patuloy pa ring sumasamo at nananalangin: “Halina Panginoong Diyos, upang kami ay matubos!” Halina Panginoon, upang kami ay matubos …

Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pangako ay tila kami ay nasa lugar ni Juan Bautista … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pananatili sa aming piling, ay nakararanas pa rin kami, hindi ng kanlungan, kundi kulungan! Kay rami sa amin O Panginoon, ang nasa kulungan ng kamangmangan. Kay rami sa amin ang nasa kulungan ng poot, kawalan ng pagpapatawad, pagsasarili, at pagkakakanya-kanya. Kay rami sa amin ang nakapiit sa kulungan ng kawalang pag-asa, sa kabila ng pangakong kanlungan ni Isaias at ni Santiago at ng Iyong Simbahan sa daigdig.

Kabalintunaan ang sitwasyong kinalalagyan naming mananampalataya. Umaasa kami sa kanlungang dulot mo, O Diyos. Ngunit umiinog ang buhay namin sa iba-ibang uri ng kulungang bumabalakid, sumisiil, at humaharang sa aming paglago, sa aming kagalakan, at sa aming pag-asa.

Nais kong imungkahi sa aking mga tagabasa at tagapakinig na ang buod, ang puno at ang dulo ng ating liturhiya ngayong araw na ito, ay walang iba kundi ang kakayahang pagsamahin, pag-isahin, at pagsabayin ang dalawang tila magkasalungat na katotohanan: kanlungan at kulungan. Galak ang dulot ng kanlungan. Tuwa ang ibinubunsod ng kabatirang ang mga ilang at tuyot na lugar ay mapapalitan ng panibagong buhay at kasariwaan. Ito ang ating inaasam. Ito ang ating pag-asa at panagimpan. Ito rin ang pangakong nagkakadiwa na at nagkakabuhay … dito … ngayon … saan man.

Subali’t ito rin ang diwa at pangako ng isang nasa kulungan … Si Juan Bautista ay hindi isang masamang balitang binusalan ang bibig at pinosasan o tinalian at itinapon sa kulungan. Bagamat siya ay napiit ay hindi napiit ang kanyang pangaral. Hindi naposasan at natalian ang kanyang pangitain. Hindi kailanman nabusalan ang magandang balita, dahil lamang na siya ay nasa kulungan.

Opo… at ito ang buod ng pag-asa. Ito ang diwa ng matinding pag-asa at paghihintay. Ito ang tunay na kahulugan ng Adviento. Ito ang dahilan kung bakit, kaakibat ng pangako ay isang paghamon: Tibayan ang inyong loob at maging matatag. Nalalapit na ang pagdatal ng Panginoon. Ang pag-asang Kristiano ay hindi isang hungkag na pagkapit at pagtanggap sa isang pangako. Ito ay ang pagpupunyagi na ang pangakong iyon ay maging isang katotohanan sa buhay natin.

Binigyang patotoo ni Juan Bautista ang pangakong ito. Binigyang diwa niya ang kanlungan na siyang asam ng bayan ng Diyos. At ang patotoong ito ay pinagbayaran niya nang malaki – ang pagdurusa sa kulungan. Doon sa kulungan ay nangaral siya tungkol sa pinakaaasam na kanlungan. Doon sa kulungan ay ipinakita niya na ang pagtanggap at pananagana ng pangakong kanlungan ay isang bagay na pinaghahandaaan at pinagbabayaran ng katatagan ng loob, masidhing paghihintay, at malalim na pananampalataya sa kabila ng kapaitan sa piitan.

Kanlungan man o kulungan ang bumabalot sa ating buhay ngayon, hindi na ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang paghamon sa atin na dulot ng kagalakang batid ang kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang kagalakang ito ang siyang dapat natin isabuhay, isa-isip at isa-puso: “Magalak tuwina. Muli kong sinasabi sa inyo, magalak. Nalalapit na ang Panginoon.”

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: