Ika-apat na Linggo ng Adviento – Taon A
Disyembre 18, 2016
KUNG MANGARAP KA’T MAGISING!
Malapit nang matapos ang ating paglalakbay. Sa maikling panahon ng Adviento, tinunton natin ang daan ng paghihintay, daan ng pag-aasam, daan ng pag-asa. Sa ating mga Pilipino, ang ating paghihintay nang buong pananampalataya ay nilakipan pa natin ng mapagmatyag na paghihintay. Siyam na araw tayong gising nang maaga (o gising nang matagal) sa ating pagsisimbang-gabi na isang matingkad na palatandaan ng mapagmatyag na paghihintay.
Sa isang daigdig na nababalot ng iba-ibang uri ng palatandaan, hindi tayo hirap unawain ang diwa na binabanggit sa unang pagbasa. Si Acaz, bagama’t tumutol, ay pinagkalooban ng Diyos ng isang palatandaan mula sa itaas. Ano ba ang palatandaang ito? Ang tanda ng isang dalagitang maglilihi at manganganak ng isang lalaking tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihi’y “sumasaatin ang Diyos.”
Tumanggi si Acaz na humingi ng isang tanda. Sa ating modernong pananalita ngayon, isa siyang “pasaway,” matigas ang ulo, mayabang o palalo. Siya ay isang mapag-imbot, mapagmataas … isang taong hindi kagya’t nagpapadala sa bulong, maging bulong na galing sa itaas. Subali’t naparito tayo sa simbahan sa araw na ito sapagka’t ang mga takbo ng mga pangyayari ay nagpakita sa mata ng ating pananampalataya, na ang palatandaang iwinaksi ni Acaz, ay nagkaroon ng kaganapan sa buhay ni Maria at ni Jose.
Ang sanghaya at mithiin ng mahabang panahon ay naganap sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Jose at ni Maria. Ito ang ipinagmakaingay natin sa salmong tugunan: “Ang Panginoo’y darating; siya’y dakilang hari natin.” Nguni’t ano ba ang naging dahilan at ang palatandaan ay nagkaroon ng kaganapan? Ito ang dapat natin maunawaan sapagka’t dito nasasalalay ang katotohanan ng magandang balita ng kaligtasan. Ang balita ay hindi balita hangga’t hindi naibubulalas at naisisiwalat. Ang balita ay hindi magandang balita hangga’t hindi nagbubunga ng isang kaganapan na may kakayahang pagpanibaguhin ang takbo ng ating buhay.
Ang ebanghelyo ay magandang balita sapagka’t may kakayahan itong hindi lamang magsiwalat ng isang magandang kinabukasan, kundi may kakayahang maghatid ng isang “bagong langit at bagong lupa.” Ang ebanghelyo ay magandang balita kung may nakikinig at may sumusunod rito. Si Acaz ay hindi bukas sa magandang balita. Tumanggi siyang humingi ng isang tanda. Nagmatigas siya … nagmataas, at nagsarado ng kanyang isipan.
Ang Diyos na mismo ang siyang gumawa ng isang malaking palatandaan – ang palatandaan ng isang dalagitang nagkaroon ng kaganapan kay Maria, na nagluwal ng isang sanggol na lalaki, tulad ng ating buong lugod na pinakahihintay. Sa ebanghelyo, nakita natin ang isang mas dakilang palatandaan at kaganapan. Kung si Acaz ay tumanggi at nagmatigas, si Jose ay nakinig, tumanggap, at nagpakumbaba.
Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang ipinamalas. Ito ang pagtanggap ng pananampalataya. Ito ang pagtanggap ng isang balita na naging magandang balita sa kadahilanang ang tumanggap ay hindi tumanggi, bagkus nakipagtulungan sa kalooban ng Diyos. Ito rin ang binabanggit sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma. Pagtanggap, hindi pagtanggi ang ipinamalas rin ni Pablo. Tinagurian niya ang sarili bilang isang “doulos,” isang alipin, na hinirang upang maging apostol, at pinagtagubilinang mangaral sa ngalan ni Kristo Jesus.
Kung paano nagmataas si Acaz, ganoon naman nagpakababa si Pablo. Ito ang kababaang-loob ng isang taong sumasampalataya – isang taong ang tinatayaan sa buhay ay ang Diyos na makatotohanan at may akda ng katotohanan. Ang palatandaan ay nagkaroong kaganapan sapagka’t mayroong tulad ni Maria, Jose, Pablo, at marami pang iba, na nakinig, tumanggap, at nakipagtulungan sa Diyos. Dito na marahil tayo dapat dumako sa ating buhay at karanasan.
Napakaraming pasaway sa ating lipunan. Kay raming matatalino. Ang ilan sa atin kung kumilos at magsalita, ay para bagang alam nila lahat ang solusyon sa mga problema ng bayang Pilipinas. Parang alam na alam ng mga nagtangka na namang ibagsak ang gobyerno kamakailan kung ano ang dapat gawin sa isang lipunang nababalot ng maiitim na ulap ng korupsyon, kadayaan, pagkakanya-kanya, at kasakiman. Subali’t ang tinig ng Diyos na tumatawag sa isang malaliman at malawakang pagbabagong moral mula sa puso ng bawa’t isa ay tila hindi naririnig o pinapansin. Sa kanilang mga pamamaraan, wala silang iniwan sa mga teroristang siguradong sigurado na magbabago ang lipunan kung maraming mamamatay ay magdudusa, maging mga walang kinalamang tao.
Ang Pasko ng Pagsilang na ating pinakahihintay at pinaghahandaan ay palapit na nang palapit. Dadalawang tulog na lamang ang nalalabi. Ngunit ang kaganapan ng araw na ating pinakahihintay ay isang katotohanang nasa ating mga kamay at puso ang pagsasabuhay at pagsasadiwa. Naghihintay tayo, oo. Subali’t ang ating paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Gising tayo, kumikilos, at nagpapagal, hindi tukatok at walang buhay. Gumagalaw tayo at kagampan sa paggawa ng mabuti.
Abala tayo ngunit hindi balisa. Puno ng pag-asa, ngunit puno rin ng pagpupunyagi. Mataas ang pangarap, nguni’t handa ring maging isang alipin, tulad ni Pablo. Matayog ang hangarin, ngunit handang tumanggap at hindi tumanggi, sa paghamon ng Diyos, tulad ni Jose at ni Maria, na “nagulumihanan” ang puso, ngunit nakinig at tumupad sa kalooban ng Diyos. ”
Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón; pinakasalan niya si Maria.” Puno ng paghihintay si Juan Tamad … Totoo ito. Subali’t ang kanyang paghihintay ay walang pagpupunyagi. Ngumanga lamang siya sa ilalim ng puno ng bayabas, at naghintay na bumagsak ang bunga sa bunganga. Ang maka-Kristiyanong paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Ito ang kahulugan ng pag-asa. Hindi sapat ang mangarap. Ang taong nangangarap ay dapat magising at magsikap. Kung mangarap ka’t magising, tandaan lamang ito: “nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.”