frchito

Imbakan ng Awtor

MATUWID BA O BALUKTOT?

In Uncategorized on Disyembre 17, 2014 at 08:14

straight-path

Ikatlong Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 18, 2014

Pagbasa: Jer 23:5-8 / Mt 1:18-24

MATUWID BA O BALUKTOT?

Malimit natin marinig ngayon ang katagang “matuwid.” Bago dumating ang eleksyon noong 2010, kay raming paninira ang napukol sa baluktot na daan – ang C5 extension na paliko-liko, at tila pinadaan sa gustong daanan ng sinumang naka-isip noon at nagbalak.

Magandang larawan; mainam na palaisipan … sino baga ang ayaw tumunton at maglakad sa isang tuwid na daan? Di ba’t ayon sa pisika ay ang pinakamalapit na distansya sa pagitan ng dalawang lugar ay isang tuwid na daan?

Wala tayong pag-aawayan dito … Lahat tayo ay naniniwala na sa lahat ng aspeto ng buhay natin, mahalagang ang tinatahak nating landas ay matuwid, deretso, at hindi paikot-ikot, o paliko-liko. Pangarap ito ng lahat ng manlalakbay. Sa dinami-dami na ng bundok na aking inakyat, nakita kong kung magagawan ng paraan, ang hiker ay maghahanap at maghahanap ng pinaka maikling daan – ang tuwid na daan.

Sayang nga lamang at ang pangarap na ito ay nananatili pa ring pangarap. Sayang nga lamang at ang pangakong pinakamimithi ng tanan, ay nanatiling napako sa kawalan. Tuloy pa rin ang ligaya ng mga tampalasan. Tuloy pa rin ang pangungulimbat ng mga kinauukulan.

Pero, teka muna … hindi natin gustong ipokus ang lahat ng ating usapin sa mga nasa kapangyarihan. Sa likod ng lahat ng katiwalian at korupsyon, ay isang bagay na pinagdadaanan ng lahat ng tao – ang kasalanan. At ang kasalanan ay nagmumula sa puso ng bawa’t isa, politico man o hindi, pari man o laiko, banal man o makasalanan.

Balik tingnan natin ang pangaral ni Jeremias. Nabigo ang bayang Israel sapagka’t ang kasalanan ay naghari sa mga pinunong itinanghal ng Diyos. Ang mga hari matapos ni Solomon, ay naging mapusok, mapag-imbot, at palalo. Di ba’t ito ang kwento ni David, na gumawa ng lahat ng paraan para mapasakanyang kandungan si Batsheba at mawala sa landas niya si Urias na asawa ni Batsheba? Di ba’t sa kabila ng tagubilin ni Yahweh, ay nahatak ang mga Israelita na sumamba rin sa diyus-diyusan, ang bisirong ginto na itinanghal tulad ng diyos ng mga hentil?

Kailangan natin muling marinig ang pangako at hula ni Jeremias: “Pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari.” Kailangan natin muling isadiwa at isabuhay ang pangakong dapat lamang maging totoo ngayon at dito, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa Diyos. Kailangan nating magtiwala na sa dinami-dami ng mga suliranin natin at pasakit, ay babalik rin tayo, tulad ng mga Israelita, sa “sariling lupa at doon muling mamumuhay.”

Pero ang pangarap na ito ay hindi isang hungkag na kathang-isip lamang. Ito ay tunay. Ito ay totoo. At ang pagiging totoo nito ay nakasandig sa katotohanang ang tao ay inaasahan ng Diyos na makikipagtulungan sa Kaniya, upang ang kaligtasan ay maganap, maging tunay, at maisakabuhay ng lahat ng sumasampalataya sa Kaniya.

Meron ba naman kaya tayong patunay na ito ay puedeng mangyari at maganap?

Huwag na tayong maghanap pa sa malayo. Sa ebanghelyo sa araw na ito, isang babae ang itinatanghal sa ating harapan na modelo at huwaran ng tunay na pakikipagtulungan sa biyaya ng Diyos – walang iba kundi si Maria. Sa kaniyang pakikipagtulungan, naganap ang lahat ayon sa wika ng anghel.

Meron pa ba? Eto pa … sa pamamagitan ng isang taong matuwid, na hindi lamang slogan ang kanyang pagiging matuwid, kundi tunay na tanda ng kanyang kabanalan – si Jose, “isang taong matuwid.”

Iisa ang tinutumbok ng pagninilay na ito – ang katanungan para sa bawa’t isa sa atin ngayon: tuwid ba o baluktot? Deretso ba o paikot-ikot ang daang tinatahak ng buhay natin.

At ito ang mahalaga … ang pagiging tuwid o baluktot ng daan ay hindi nakukuha sa propaganda at patalastas o pahayag-ulat sa TV at radio at social media. Ang tuwid na daan ay ipinakikita at isinasabuhay. At ito ay hindi nagmumula sa Senado at Kongreso, kundi sa mababang kapulungan ng ating konsyensiya, puso, at kaibuturan ng ating pagkatao. Nagmumula ito samakatuwid, sa bawa’t tao, sa akin at sa iyo, sa kanya at sa kanila … sa ating lahat!

Matuwid ba, o baluktot ang daang tinatahak ng buhay mo?

TUNAY NA HARING SA SETRO’Y MAGTATANGAN!

In Uncategorized on Disyembre 16, 2014 at 08:07

jacob-blessing-sons_1242518_inl

Ikalawang Araw Simbang Gabi

Disyembre 17, 2014

TUNAY NA HARING SA SETRO’Y MAGTATANGAN!

Ayon sa pag-aaral ni Alex Lacson, mahigit lamang isang daan at limampung pamilya ang “naghahari” sa buong Pilipinas, dahil sa dinastiya. Iyan din ang sinabi ng isang Amerikanong sosyolohiko mahigit 20 taon na ang nakalilipas. Puede nating sabihin na maraming naghahari … maraming naghahari-harian, at maraming nag-aasal-hari sa bayan natin.

Dinastiya … salin-saling lahi na pare-pareho ang pinanghahawakang kapangyarihan, yaman, at posisyon sa lipunan. Matay nating isipin, parang isang dinastiya ang binabanggit sa ebanghelyo sa araw na ito … tatlong tig lalabing-apat na salinlahi ang nagdaan bago isinilang si Jesus, na nagmula sa angkan ni David.

Pero, teka muna … Iba ang dinastiyang gawa ng tao, na bunga ng yaman, kadayaan, kaswapangan, at pagka makasarili, at iba rin ang dinastiyang galing sa paghihirang at pagkakaloob ng Diyos. Iba ang masiba sa kapangyarihan na walang ibang ginagawa kundi bakuran at sarilinin ang kapangyarihan, pero iba ang taong hinirang at inatangan ng Diyos ng pananagutan para sa kapakanan ng iba.

Dito nagkakaiba ang dinastiya sa Pilipinas at ang dinastiya o salin-saling lahi na pinagmulan ng Mananakop.

Ano ang puno at dulo ng kaibahan? Walang iba kundi ang kalooban ng Diyos.

Ang dami na ngayon ang nagkakandarapa para “mahalal” sa 2016. Nandiyan ang paninira sa kalaban, sa pamamagitan ng mga pekeng survey. Nandyan ang pagpupugay sa namatay nang tanyag na artista, para lamang hindi makalimutan ang apelyido niyang kailangan ng isang ginagamit rin ang parehong apelyido. Nandiyan ang paglalagay ng mga litratong kunyari ay “stolen shots” pero halata namang mga tauhan nila ang kumuha at nag post sa facebook. Nandiyan ang pagpapalabas ng mga kabulastugan ng mga kaaway sa politica na pareho rin naman nilang kabulastugan at pagkagahaman sa pork barrel.

Marami ang may tangang setro nguni’t kakaunti at iilan lamang ang karapat-dapat magtangan nito.

Sa ikalawang araw ng ating Simbang Gabi, pagtuunan sana natin ang tunay na karapat-dapat na magtangan ng setro na mula sa Diyos. Malinaw ang hula ni Jacob, mula sa aklat ng Genesis: “Hawak niya’y strong tuon sa paanan; sagisag ng lakas at kapangyarihan; ito’y tataglayin hanggang sa dumatal ang tunay na Haring dito’y magtatangan.”

Ang tunay na Haring dito’y magtatangan! … Siya ang ating pinakahihintay. Siya ang ating lubos na inaasahan! Wala nang iba. Wala nang duda. Si Kristong dumating, si Kristong dumarating at si Kristong muling darating ang siyang hinirang at inatangan ng tunay na setro ng kapangyarihang walang hanggan.

Huwag sana tayo padaya sa mga nangangakong “maglilingkod sa bayan,” pero mabilis pa sa alas kwatro ang gawang pagnanakaw. Huwag sana tayo masilaw sa setrong kumikinang dahil sa salapi, ginto, pilak at kamanyang! Huwag sana tayong madala ng mga pamilyang gobernador si Tatay, mayor si Tito, konsehal si Diko, at barangay chairman si Ditse … Huwag sana tayo paloko sa mga “naglilingkod sa bayan” kuno, pero lahat sila, asawa, hipag, pamangakin at inangkin ay may tangang setro tuwina, hanggang sa apo sa tuhod.

Tumingala tayo sa hinirang ng Diyos. Makinig tayo at manikluhod sa kanyang nagmula sa angkan ni David at nagmula sa lahi ni Abraham.

Halina’t makinig at sumunod sa kanyang hindi bunga ng dinastiyang makamundo, bagkus bunga ng dinastiyang hinirang at pinagpala, hindi ng tao, kundi ng Diyos!