Ikatlong Araw ng Simbang Gabi
Disyembre 18, 2014
Pagbasa: Jer 23:5-8 / Mt 1:18-24
MATUWID BA O BALUKTOT?
Malimit natin marinig ngayon ang katagang “matuwid.” Bago dumating ang eleksyon noong 2010, kay raming paninira ang napukol sa baluktot na daan – ang C5 extension na paliko-liko, at tila pinadaan sa gustong daanan ng sinumang naka-isip noon at nagbalak.
Magandang larawan; mainam na palaisipan … sino baga ang ayaw tumunton at maglakad sa isang tuwid na daan? Di ba’t ayon sa pisika ay ang pinakamalapit na distansya sa pagitan ng dalawang lugar ay isang tuwid na daan?
Wala tayong pag-aawayan dito … Lahat tayo ay naniniwala na sa lahat ng aspeto ng buhay natin, mahalagang ang tinatahak nating landas ay matuwid, deretso, at hindi paikot-ikot, o paliko-liko. Pangarap ito ng lahat ng manlalakbay. Sa dinami-dami na ng bundok na aking inakyat, nakita kong kung magagawan ng paraan, ang hiker ay maghahanap at maghahanap ng pinaka maikling daan – ang tuwid na daan.
Sayang nga lamang at ang pangarap na ito ay nananatili pa ring pangarap. Sayang nga lamang at ang pangakong pinakamimithi ng tanan, ay nanatiling napako sa kawalan. Tuloy pa rin ang ligaya ng mga tampalasan. Tuloy pa rin ang pangungulimbat ng mga kinauukulan.
Pero, teka muna … hindi natin gustong ipokus ang lahat ng ating usapin sa mga nasa kapangyarihan. Sa likod ng lahat ng katiwalian at korupsyon, ay isang bagay na pinagdadaanan ng lahat ng tao – ang kasalanan. At ang kasalanan ay nagmumula sa puso ng bawa’t isa, politico man o hindi, pari man o laiko, banal man o makasalanan.
Balik tingnan natin ang pangaral ni Jeremias. Nabigo ang bayang Israel sapagka’t ang kasalanan ay naghari sa mga pinunong itinanghal ng Diyos. Ang mga hari matapos ni Solomon, ay naging mapusok, mapag-imbot, at palalo. Di ba’t ito ang kwento ni David, na gumawa ng lahat ng paraan para mapasakanyang kandungan si Batsheba at mawala sa landas niya si Urias na asawa ni Batsheba? Di ba’t sa kabila ng tagubilin ni Yahweh, ay nahatak ang mga Israelita na sumamba rin sa diyus-diyusan, ang bisirong ginto na itinanghal tulad ng diyos ng mga hentil?
Kailangan natin muling marinig ang pangako at hula ni Jeremias: “Pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari.” Kailangan natin muling isadiwa at isabuhay ang pangakong dapat lamang maging totoo ngayon at dito, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa Diyos. Kailangan nating magtiwala na sa dinami-dami ng mga suliranin natin at pasakit, ay babalik rin tayo, tulad ng mga Israelita, sa “sariling lupa at doon muling mamumuhay.”
Pero ang pangarap na ito ay hindi isang hungkag na kathang-isip lamang. Ito ay tunay. Ito ay totoo. At ang pagiging totoo nito ay nakasandig sa katotohanang ang tao ay inaasahan ng Diyos na makikipagtulungan sa Kaniya, upang ang kaligtasan ay maganap, maging tunay, at maisakabuhay ng lahat ng sumasampalataya sa Kaniya.
Meron ba naman kaya tayong patunay na ito ay puedeng mangyari at maganap?
Huwag na tayong maghanap pa sa malayo. Sa ebanghelyo sa araw na ito, isang babae ang itinatanghal sa ating harapan na modelo at huwaran ng tunay na pakikipagtulungan sa biyaya ng Diyos – walang iba kundi si Maria. Sa kaniyang pakikipagtulungan, naganap ang lahat ayon sa wika ng anghel.
Meron pa ba? Eto pa … sa pamamagitan ng isang taong matuwid, na hindi lamang slogan ang kanyang pagiging matuwid, kundi tunay na tanda ng kanyang kabanalan – si Jose, “isang taong matuwid.”
Iisa ang tinutumbok ng pagninilay na ito – ang katanungan para sa bawa’t isa sa atin ngayon: tuwid ba o baluktot? Deretso ba o paikot-ikot ang daang tinatahak ng buhay natin.
At ito ang mahalaga … ang pagiging tuwid o baluktot ng daan ay hindi nakukuha sa propaganda at patalastas o pahayag-ulat sa TV at radio at social media. Ang tuwid na daan ay ipinakikita at isinasabuhay. At ito ay hindi nagmumula sa Senado at Kongreso, kundi sa mababang kapulungan ng ating konsyensiya, puso, at kaibuturan ng ating pagkatao. Nagmumula ito samakatuwid, sa bawa’t tao, sa akin at sa iyo, sa kanya at sa kanila … sa ating lahat!
Matuwid ba, o baluktot ang daang tinatahak ng buhay mo?