frchito

Posts Tagged ‘Tuwid na Daan’

TUWID NA DAAN, O PATAG NA DAAN?

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 22, 2015 at 17:02

long_straight_road-wallpaper-1024x1024SIMBANG GABI 2015   Ika-8 Araw

Disyembre 23, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

TUWID NA DAAN O PATAG NA DAAN

Medyo nagsawa na ako sa katagang tuwid na daan. Halos araw-araw ay narinig ko sa mga nagdaang taon. Hindi ko sinasabing hindi ito tama. Wala tayong dapat pag-awayan sa konsepto ng tuwid na daan.

Sa katunayan, daan ang paksa ng mga pagbasa ngayon. At daan ang naging imahe ng paghahanda sa pagdatal ng Manliligtas. Ito ang paksa ng pagbasa mula sa hula ni Propeta Malaquias.

Ang puno at dulo ng mensahe ni Malaquias ay ito: Isusugo ng Diyos ang isang tagapaghatid na maghahanda ng kanyang daraanan. Di magluluwat at siya ay darating.

Naghihintay na naman ang ating bayan para sa pagbabago. Ilang dekada na tayong naghihintay ng pagbabago. Tuwing magkakaroon ng bagong pinuno, ang puso ng bawat Pilipino ay puno ng pag-asa na darating ang tunay na pagbabago.

Subali’t ilan na ang nagdaan. Ilan ang nangako. Ilan na ang nagpasimula ng kung ano-anong slogan. Pero magpahanggang ngayon ay luma pa ring kalakaran ang namamayani.

Meron kayang kulang sa tuwid na daan, daan ng pagbabago, daan ng katuparan o patag na daan? Isa itong malaking palaisipan para sa lahat.

Kung ating titingnan ang nilalaman ng mga pangakong binitiwan ng mga propeta, hindi daan ang binibigyang-pokus, kundi ang mensaherong maghahanda sa daraanan ng Panginoon. Hindi nangako ang Diyos sa pamamagitan ng propeta ng isang bagong highway, o bagong MRT or LRT, kundi ng isang taong magliligtas sa mga tao, hindi sa mga kalye.

Ang ibig sabihin nito ay napakasimple. Hindi ang daan ang dapat baguhin kundi ang mga gumagawa ng daan, tuwid man o baluktot o patag o baku-bako. Sa ibang salita, ang pagbabago ay napapaloob sa konsiyensya at kamalayan muna ng tao, bago ito mailatag sa kalye, sa buhay, sa gobyerno o sa lipunang pangkalahatan.

Dito ngayon tayo papasok lahat. Ang daan ay hindi mahalaga. Pero ang maghahanda sa daraanan ang mahalaga. Ang tao, hindi ang kanyang kasuotan o kabahayan ang dapat bigyang-diin. At matuwid man o lapat man ang daan, kung ang kalooban o moralidad ng tao ay baluktot, ay wala pa rin tayo mararating.

Posible ba kaya itong aking sinasabi?

Iyan ang mahalagang turo ng Banal na Kasulatan. Hindi perpekto si Samuel. Hindi perpekto si Hannah, si Zacarias, na kaya napipi ay hindi lubos na nagtiwala. Walang sinuman sa Biblia ang isinilang na santo. Wala sinuman sa namuno sa Israel ang nagising na banal. Pero ang lahat ay nagbago, nagsikap, nagpunyagi, at nagtagumpay sa tulong ng biyaya ng Diyos.

Kasama rito si Zacarias at si Elizabet. Kasama sila sa mga nagsikap, nakinig, sumunod at naging daan ng pagbabago.

Tayong lahat ay mahina, marupok, madaling lumimot. Tayong lahat ay isinilang na may bahid ng kasalanan. Pero ito ang tandaan natin.

Tulad ni Juan Bautista ay inaasahan tayo maging daan, maging daluyan ng pagbabago. Hindi na kailangang umasa pa sa isa pang muling mangangako na padadakilain niya ang bayan natin.

Hala! Mag-a la Juan Bautista rin tayong lahat. Ihanda ang daraanan ng Panginoon. Huwag na tayong magtalo kung tuwid ba o lapat, basta’t ang mahalaga ay wasto, tapat, patag ay hindi baluktot.

MATUWID BA O BALUKTOT?

In Uncategorized on Disyembre 17, 2014 at 08:14

straight-path

Ikatlong Araw ng Simbang Gabi

Disyembre 18, 2014

Pagbasa: Jer 23:5-8 / Mt 1:18-24

MATUWID BA O BALUKTOT?

Malimit natin marinig ngayon ang katagang “matuwid.” Bago dumating ang eleksyon noong 2010, kay raming paninira ang napukol sa baluktot na daan – ang C5 extension na paliko-liko, at tila pinadaan sa gustong daanan ng sinumang naka-isip noon at nagbalak.

Magandang larawan; mainam na palaisipan … sino baga ang ayaw tumunton at maglakad sa isang tuwid na daan? Di ba’t ayon sa pisika ay ang pinakamalapit na distansya sa pagitan ng dalawang lugar ay isang tuwid na daan?

Wala tayong pag-aawayan dito … Lahat tayo ay naniniwala na sa lahat ng aspeto ng buhay natin, mahalagang ang tinatahak nating landas ay matuwid, deretso, at hindi paikot-ikot, o paliko-liko. Pangarap ito ng lahat ng manlalakbay. Sa dinami-dami na ng bundok na aking inakyat, nakita kong kung magagawan ng paraan, ang hiker ay maghahanap at maghahanap ng pinaka maikling daan – ang tuwid na daan.

Sayang nga lamang at ang pangarap na ito ay nananatili pa ring pangarap. Sayang nga lamang at ang pangakong pinakamimithi ng tanan, ay nanatiling napako sa kawalan. Tuloy pa rin ang ligaya ng mga tampalasan. Tuloy pa rin ang pangungulimbat ng mga kinauukulan.

Pero, teka muna … hindi natin gustong ipokus ang lahat ng ating usapin sa mga nasa kapangyarihan. Sa likod ng lahat ng katiwalian at korupsyon, ay isang bagay na pinagdadaanan ng lahat ng tao – ang kasalanan. At ang kasalanan ay nagmumula sa puso ng bawa’t isa, politico man o hindi, pari man o laiko, banal man o makasalanan.

Balik tingnan natin ang pangaral ni Jeremias. Nabigo ang bayang Israel sapagka’t ang kasalanan ay naghari sa mga pinunong itinanghal ng Diyos. Ang mga hari matapos ni Solomon, ay naging mapusok, mapag-imbot, at palalo. Di ba’t ito ang kwento ni David, na gumawa ng lahat ng paraan para mapasakanyang kandungan si Batsheba at mawala sa landas niya si Urias na asawa ni Batsheba? Di ba’t sa kabila ng tagubilin ni Yahweh, ay nahatak ang mga Israelita na sumamba rin sa diyus-diyusan, ang bisirong ginto na itinanghal tulad ng diyos ng mga hentil?

Kailangan natin muling marinig ang pangako at hula ni Jeremias: “Pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari.” Kailangan natin muling isadiwa at isabuhay ang pangakong dapat lamang maging totoo ngayon at dito, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa Diyos. Kailangan nating magtiwala na sa dinami-dami ng mga suliranin natin at pasakit, ay babalik rin tayo, tulad ng mga Israelita, sa “sariling lupa at doon muling mamumuhay.”

Pero ang pangarap na ito ay hindi isang hungkag na kathang-isip lamang. Ito ay tunay. Ito ay totoo. At ang pagiging totoo nito ay nakasandig sa katotohanang ang tao ay inaasahan ng Diyos na makikipagtulungan sa Kaniya, upang ang kaligtasan ay maganap, maging tunay, at maisakabuhay ng lahat ng sumasampalataya sa Kaniya.

Meron ba naman kaya tayong patunay na ito ay puedeng mangyari at maganap?

Huwag na tayong maghanap pa sa malayo. Sa ebanghelyo sa araw na ito, isang babae ang itinatanghal sa ating harapan na modelo at huwaran ng tunay na pakikipagtulungan sa biyaya ng Diyos – walang iba kundi si Maria. Sa kaniyang pakikipagtulungan, naganap ang lahat ayon sa wika ng anghel.

Meron pa ba? Eto pa … sa pamamagitan ng isang taong matuwid, na hindi lamang slogan ang kanyang pagiging matuwid, kundi tunay na tanda ng kanyang kabanalan – si Jose, “isang taong matuwid.”

Iisa ang tinutumbok ng pagninilay na ito – ang katanungan para sa bawa’t isa sa atin ngayon: tuwid ba o baluktot? Deretso ba o paikot-ikot ang daang tinatahak ng buhay natin.

At ito ang mahalaga … ang pagiging tuwid o baluktot ng daan ay hindi nakukuha sa propaganda at patalastas o pahayag-ulat sa TV at radio at social media. Ang tuwid na daan ay ipinakikita at isinasabuhay. At ito ay hindi nagmumula sa Senado at Kongreso, kundi sa mababang kapulungan ng ating konsyensiya, puso, at kaibuturan ng ating pagkatao. Nagmumula ito samakatuwid, sa bawa’t tao, sa akin at sa iyo, sa kanya at sa kanila … sa ating lahat!

Matuwid ba, o baluktot ang daang tinatahak ng buhay mo?