frchito

Imbakan ng Awtor

TANGING INA, HINDI ITO ANG “LAST”

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon A on Enero 1, 2011 at 00:02

KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
Enero 1, 2011

Hindi ko napanood pa ang “Tanging Ina, Last na Ito.” Pati nga yung una, at ang mga sumunod, hindi ko rin nakita. Pero sa mga narinig ko ay isang malaking tagumpay ang sineng ito, at ang huling ito ay hindi kakaiba.

Kapag ang pinag-uusapan ay ang ina, bumebenta, tumatawag ng pansin, humihila ng mga tagapanood. Ang ina ay tampulan ng maraming atensyon sa drama, sa panitikan, sa larangan ng sining. Libo libong mga pintor ang nagpinta sa figura ng ina, at ang Inang Birheng Maria ay naging inspirasyon ng libo-libo ring mga pintor na tanyag at di tanyag.

Nguni’t hindi lamang mga pintor, manunulat, at mga nagsusulong ng sining ang nabighani sa Mahal na Birhen. Pati ang simbahan, bilang pagtalima sa sinasaad ng Banal na Kasulatan, ay patuloy na nagsusulong ng debosyon sa figura ng Mahal na Birheng Maria, bilang Ina ng Diyos.

Ayon sa mga lumikha ng kwento at screenplay ng “Tanging Ina,” ito na ang pinakahuli. Hindi na sila muli gagawa ng kasunod pa nito. Naubos na kumbaga ang kanilang mga hinahabing mga kwento tungkol dito.

Mahigit nang dalawang libong taon na ang kwentong ito tungkol sa isang tanging babaeng hinirang, at pinutungan ng natatangin ring tungkulin at misyon ay ipinagdiriwang at patuloy na inilalahad.

Sa bagong taong ito, 2011, hindi ito ang “last.” Nagpapatuloy ito. Patuloy na naghahabi ng isang salaysay na may kinalaman sa ating lahat.

Isang librong hindi ko makalimutan magpahangga ngayon ay pinamagatang “The Man who Got Even with God.” Kwento ito tungkol sa isang monghe na nagdaan sa sari-saring pagsubok hanggang sa makaganti siya, kumbaga, sa Diyos. Isa sa mga linyang hindi ko malimot ay ito: ang bata sa ating lahat ay naghahanap ng isang ina. Ang lalaki sa ating lahat ay naghahanap ng isang babae, at ang conde sa ating lahat ay naghahanap ng isang condesa. Lahat tayo, bata, matanda, lalaki, babae, mayaman, mahirap, malakas, mahina, ay nangangailangan ng isang ina.

Tanging ina ang siyang ipinagdiriwang natin ngayon. Natatangi siya, una sa lahat, sapagkat hindi siya napadala sa agos ng kultura. Hindi niya kinitil ang kanyang anak, bagama’t hindi niya lubos na maunawaan kung ano ang nangyayari sa kanya. Hindi niya iwinaksi ang batang nabubuo sa sinapupunan dahil lamang na hindi niya lubos na maarok ang milagrong nagaganap sa kanyang pagkatao.

Siya ay tanging ina sapagkat tumalima, sumunod, nakibagay, nakipagtulungan, at nakisama sa balak at kalooban ng Diyos. Sa panahong ito kung kailan saksakan ng dami ng mga pasaway sa bayan natin, kung saan kay raming mga katiwalian, at kawalang pagsunod sa batas, kailangan natin ng modelo ng tanging inang na si Maria.

Nagulumihanan? Sumunod pa rin siya. Natakot? Tumalima pa rin siya. Nangamba? Sumagot pa rin siya ng “Oo” sa Diyos.

Ito ang kwento ng ating Ina, ng Ina ni Kristo, Diyos at tao. Ang pistang ito ay hindi tungkol sa kanya, kundi tungkol, una sa lahat, kay Kristo ng kanyang Anak. Kung si Kristo ay Diyos, ang nagluwal sa kanya ay Ina ng Diyos. Ito ang kwentong inilalahad at ipinagdiriwang pa rin natin ngayon.

Tanging Ina natin si Maria, sapagka’t kapatid natin si Kristong kanyang anak. At ang kwentong ito ay hindi ang last. Patuloy itong nagaganap, patuloy na pinagyayaman, at patuloy nating ipinagdiriwang. Manigong Bagong Taon sa inyong lahat!

YAMAN SA KINABUKASAN!

In Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Homily, Taon A on Disyembre 25, 2010 at 15:21

Banal na Pamilya(A)
Disyembre 26, 2010

Mga Pagbasa: Si 3:2-6.12-14 / Col 3:12-21 / Mt 2:13-15.19-23

Isa sa mga itinuturing kong milagro ng kalinangang Pinoy ay ito … Kahit papaano, nakararaos ang pamilyang Pinoy. Patung-patong at susun-suson man ang suliranin ng pamilyang pinoy, walang namamatay sa gutom … walang tumitirik ang mata sa kawalan ng ipagtatawid-gutom … maski na papaano ay nakatatawid sa kabilang pampang, nakapagpapaaral, nakapagtatapos, nakapaghahanap ng ikabubuhay … nakapag –aagguanta, nakapagtitiis, at maski na galing sa lugar na hindi mo iisiping makapagtatagumpay, ay humahantong kahit papaano sa tagumpay!

Sa aking mahaba-haba nang mga taon ng paglilingkod bilang pari, ito ang malinaw na liksiyon na hindi ko maaaring ipagkibit-balikat na lamang.

Subali’t ito ay isa lamang mukha ng isang katotohanang may kabilang pisngi, kumbaga. Ang kabila nito ay masasabi nating mga paghamon … mga kalagayang yumuyurak sa pusod ng pamilya, kumbaga. Ayon kay Matthew Kelly, isang batang-batang manunulat na Katoliko mula Australia, tatlong bagay ang naghahadlang sa mga kabataan upang pahalagahan ang simbahan at ang kanilang pananampalataya: indibidwalismo, hedonismo, at minimalismo.

Ang indibidwalismo ay ang pagiging makasarili, ang kalakaran ng isip na ang lahat ay dapat umiikot sa sariling kapakanan, sa sariling kabutihan lamang.

Ang hedonismo ay ang kalakarang nagsusulong ng luho at pita ng laman bilang pinakamahalaga sa lahat.

At ang minimalismo ay ang kaisipang ang dapat lamang gawin ay ang pinaka-maliit, pinaka minimal, yung hindi kinakailangan ng sobrang pagpupunyagi. Samakatuwid, kahit ano, puede na.

Sa harap ng kalakarang ito, wala nang kailangang dagdag na hirap. Wala nang halaga ang pagiging bayani. Walang saysay ang magpakadakila at gumawa nang higit pa sa iyong tungkulin. Gawin lamang ang pinakamaliit at pinakaminimum. Hindi na dapat gumawa pa nang higit sa rito.

Nakikita ko ito araw-araw sa mga estudyante. Ayaw nila ng nahihirapan. Ayaw nila ang nagsusulat nang mahabang mga report. Hingan mo ng isang pangungusap, at isang pariralang hindi kompleto ang ibibigay sa iyo. Hingan mo ng dalawang pahina, at kalahating papel ang isusulit sa iyo. Hingan mo ng parirala, at isang kataga ang isasagot sa iyo.

Ang indibidwalismo naman ay talagang mas matindi … Hindi na sumasabay sa pagkain ang mga kabataan. At lalung hindi na sumasabay sa pagdalo sa Misa ang mga talubata. Hindi na sila sumasabay sa magulang sa maraming bagay. Maging sa bahay, kanya-kanyang painit ng pagkain sa microwave. Kanya-kanyang simba. Kanya-kanyang luto at laba. At halos walang paki-alaman. Ang mga sagot sa tanong ng magulang malimit ay “wala lang.” “Dyan lang.”

Sa harap ng mga paghamong ito, ang pamilya ay nagkakawatak, nawawala ang kaisahan at humihina ang pundasyon ng pagniniig.

Ito ang dahilan kung bakit matapos ang Pasko, sa loob ng tinatawag nating Oktaba, o walong araw, ay ipinagdiriwang natin ang Banal na Pamilya. Maraming puedeng sabihin tungkol dito, nguni’t sa aking palagay sa araw na ito, sapat na ang kabatirang pahatid ni Sirac sa atin. “Ang gumagalang sa ama ay umiiwas sa sala,” aniya. “At ang gumagalang sa ina ay nagtitipon ng yaman para sa kinabukasan.”

Tama si Papa Juan Pablo II. Ang daan ng kinabukasan ay ang daan ng pamilya. Kapag ang pamilya ay buo at malusog, ay malusog rin ang lipunan. Kapag ang pamilya ay watak, ay malamang na watak rin ang lipunan.

Nakikita ko ito araw-araw sa aking trabaho bilang Principal ng isang eskuela. Matindi ang problemang hinaharap ng mga pamilyang watak, at walang kaisahan. Kung hati ang pamilya, hati rin at hinahatak sa dalawang panig ang puso at damdamin ng bata. Tuliro sapagka’t hindi pa nila kayang mamili at magpasya laban o para sa isa sa kanilang mga magulang. Hirap ang gumalang, lalu na kung pangita na ang katotohanang ang isa sa dalawa ay malinaw na may malaking kamalian, o ang dalawa ay parehong may malaking pagkukulang.

Dasal natin at hiling na sana’y sa pamamagitan ng Banal na Pamilya, ang mga pamilyang ngayon ay naririto at sama-sama, ay manatiling tunay na buo, ganap, at ang bawa’t miembro ay gumagawa upang makapag-ipon ng yaman sa kinabukasan!