frchito

Posts Tagged ‘Bagong Taon’

LUWALHATI SA ANAK; PAPURI SA INA!

In Homily in Tagalog, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon K, Uncategorized on Disyembre 31, 2015 at 10:07

014_mdd_du_perpetuel_secours

[The Greek letters above the image are abbreviations of the words Meter Theou, which means Mother of God]

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Maria, Ina ng Diyos

Enero 1, 2016

LUWALHATI SA ANAK; PAPURI SA INA!

Ipinagdiwang natin ang kapanganakan ng Anak ng Diyos noon isang Linggo. Sa oktabang ito ng Pasko ng Pagsilang, hindi lamang ang Anak ang siya nating itinatanghal. Pati ang nagluwal sa kanya, at naghatid sa Anak ng Diyos sa kaliwanagan ng buhay sa daigdig, ay atin rin binigyang-dangal.

Walang taong hindi nagwiwika nang maganda tungkol sa anak, na hindi rin nagwiwika nang maganda tungkol sa kanyang Ina. Walang sinuman ang nagkakait ng papuri at parangal sa isang Ina ng isang taong nakakitaan ng anumang uri ng kadakilaan.

Kung anong puno ay siyang bunga, ika nga. Walang prutas na nahuhulog nang sobrang layo sa punong-kahoy. Ang anak ay nagbibigay parangal sa kanyang pinagmulan.

Ang pagdiriwang natin sa araw na ito ay pagdiriwang patungkol sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos na nagpakumbaba at naging tao sa pagsilang ni Kristong pangakong Mesias. Sa pagkilala natin sa kanyang Ina, hindi natin ninanakawan ng luwalhati at papuri ang Diyos na siya mismong nagpasya na isilang ang kanyang bugtong na Anak sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng isang babaeng nagngangalang Maria.

Hindi po ito idolatriya. Hindi rin ito pagsamba sa diyus-diyosan. Hindi ito isang kalapastanganan sa Diyos na tanging karapat-dapat luwalhatiin at sambahin.

Pero, ito nga mismo ang natatanging papel na ginampanan ng Mahal na Birhen. Nakipagtulungan siya sa Diyos na nagpasyang isilang ang Kanyang Anak sa pamamagitan ng isang babae.

At sa pagpapasyang ito, sa pamamagitan ng milagro ng encarnacion o pagkakatawang-tao ng Diyos, ay tinatawag nating Anak ng Diyos si Jesus, bilang ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, at anak rin ni Maria bilang taong totoo at Diyos namang totoo.

Ang Pista ni Maria, Ina ng Diyos ay pista ng Diyos. Sa kanya ang luwalhati. Sa kanya lamang ang pagsamba. Sa kanya ang lubos na pasasalamat ng madla.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo!

Papuri kay Maria, Ina ni Kristo, taong totoo at Diyos na totoo.

Papuri sa kanya na pumayag maging Ina ng Diyos sa katauhan at pagka-Diyos ni Kristong ating Panginoon at Manunubos!

Advertisement

HUWAG PADALA NA LAMANG SA AGOS!

In Uncategorized on Disyembre 31, 2014 at 17:38

Higgins, Mary, Scan

MARIA, INA NG DIYOS

Enero 1, 2015

HUWAG PADALA NA LAMANG SA AGOS

Marami ngayon ang naloloko ng mga gumagawa ng balita, mga palabas sa TV, mga blogs, vlogs, mga nilalaman sa twitter at facebook, atbp. Tulad na lamang ng mga publicity T-shirts ng isang tanyag na estasyon ng TV, pati ang sinabi ng Santo Papa ay pilit na binabaluktot at pinapalitan ng kahulugan, dinadagdagan, at nilalakipan ng iba pang kahulugang akma sa kanilang agenda.

Marami rin ang nadadala sa agos ng mga kamalian. Nandyan ang mga hindi na yata makapagdiwang ng bagong taon nang walang pagsangguni fengshui (pungsoy), o sa horoscope, o kay Madame Auring, at sa iba-iba pang mga okultang mga grupo o samahan.

Pero meron ding marami na ang akala ay pista ngayon ng bagong taon. Hindi! Walang kapistahan ng bagong taon sa simbahan. Nagkatuig lang na ang bagong taon ay kasabay ng Oktaba ng Pasko ng pagsilang, ang kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos.

Maling akala na ito ay pista ng bagong taon. Maling akala rin na ito ay pista na nagsasabing dalawa ang Panginoong dapat sambahin: si Jesus at si Maria. Mali! Si Maria ay tao lang tulad mo, tulad ko.

Maling akala rin na isiping si Maria ang puno, dulo, sentro, at dahilan ng araw na ito. Para mo na ring sinabi na mas sikat pa ang buwan kaysa sa araw. Para mo na ring sinabi na ang ilaw ng buwan ay mas dakila pa sa ilaw ng araw!

Sa ating pananampalatayang Kristiano at Katoliko, si Maria ay hindi ang araw, kundi si Kristo. Si Maria ay parang buwan na nagsasalamin lamang sa ilaw ng araw, na si Kristo, ang liwanag ng sanlibutan.

Maling akala na si Maria ang bunga, ang puno at ang lupa. Tanging si Kristo ang bunga at ang puno, subali’t walang magiging puno at bunga kung walang lupa na nagkalinga rito. Ito si Maria, ang lupang kinatigan ng puno at ng bunga na siyang maghahatid ng kaligtasan para sa sanlibutan.

Huwag tayo padala sa agos. Magtanong-tanong rin pag may time. Magbasa-basa rin pag may time, at mag-aral rin naman ng teolohiya o katesismo everytime!

Manigong Bagong Taon at mapagpalang mga araw sa taong 2015 sa inyong lahat.