frchito

Imbakan ng Awtor

SA BAHAY NG AKING AMA!

In Panahon ng Pasko, Tagalog Homily, Taon K, Uncategorized on Disyembre 26, 2015 at 10:11

Banal_na_Pamilya_2015[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Kapistahan ng Banal na Pamilya

Disyembre 27, 2015

SA BAHAY NG AKING AMA!

Walang Pasko kung wala ang pamilya. Ang Pasko ay laging kaakibat at kaugnay sa pamilya.

Nakita ko ito noong bisperas ng Pasko. Libo-libo ang nagsikap humabol at umuwi patungong bahay, kahit na siksikan at mahaba ang pila sa mga istasyon ng bus patungong probinsiya. Sa mga posting sa facebook, damang-dama ko ang mga kaibigan kong malayo sa pamilya sapagka’t nasa trabaho sa abroad. Para sa Pinoy, ang pasko at pamilya ay hindi puedeng paghiwalayin.

Tamang-tama at matapos ang araw ng Pasko, ay ipinagdiriwang ng Simbahan ang pista ng Banal na Pamilya. Pati ang pamilya ni Jose, Maria at Jesus ay nagbuklod matapos siya isilang. Pero sa naiibang paraan …

Matapos siya isilang ang buhay ng banal na pamilya ay hindi na pareho. Pinag-usig ang bata, pinagbantaan, at pumatong sa kanilang mga ulo ang matinding problema at paghamon nang kung paano pananatilihing buo ang kanilang pamilya.

Ito ang dahilan kung bakit sila nangibang-bayan, tulad ng maraming Pinoy na nagtitiis nang malayo sa pamilya, maitawid lang sila sa kahirapan. Ang dati nilang buhay na simple ay naging komplikado nang pinagbalakang gawan ng marahas ang sanggol dahil sa inggit ni Herodes.

Ang pamilya ngayon ay nagdadaan rin sa maraming modernong pagsubok at paghamon. Nariyan ang pagsubok ng pagwawalang-halaga sa buhay – ang walang habas na pagpaslang sa mga inosente. Nariyan ang pagsubok ng droga at masasamang gamut … nariyan ang paghamon galing sa isang kulturang ang inuuna ay pagpapasasa sa sarili, at pagiging makasarili at mapaghanap lamang ng luho at sarap sa katawan.

Nariyan rin ang paghamon na galing sa katotohanang hindi sapat ang trabaho sa bansa, at kung meron man, ay hindi naman sapat ang kita. Kung ang banal na pamilya ay napilitang mangibang-bayan, ngayon rin, maraming pamilya ang nagkakahiwa-hiwalay sa paghahanap ng magandang kinabukasan.

May isang araw na turo sa atin ang banal na pamilya. Una at higit sa lahat, ang paglalagay sa unang hanay ng pagtupad ng kalooban ng Diyos ang siyang dapat bigyang-pansin ng lahat.

Si Jesus ay lumisan sa kanilang pamilya, at ito ay ikinalungkot ng kanyang mga magulang. Tinanong siya nang siya ay matagpuan, at ito naman ang kanyang sinabi: “Hindi nyo ba alam na nararapat akong magtungo sa bahay ng aking Ama?”

Sa harap ng paghamon at pagsubok sa atin, iisa ang dapat nating unahin – ang pagtupad sa kalooban ng Diyos!

Ang pananatili sa bahay ng Ama ang ibig sabihin nito – hindi ang pakikituluyan sa bahay ng may bahay. Hindi tayo mga taga hotel lamang, o nakatira sa mga bahay panuluyan. Kailangan natin ng isang uwian, ng isang tahanan o tiyak na tirahan kung saan dapat magmula ang paggawa ng mabuti at tama.

Simulan natin sa dapat pagsimulan. Umuwi muna tayo sa Diyos. Tumuloy muna tayo sa tahanan … simulan natin ang misyon natin mula sa “bahay ng ating Ama!”

Ikaw, saan ka ba nakatira?

In Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 23, 2015 at 09:09

tumblr_m0gxpueRbo1qbzsujo1_400

sea-dawn-sunset-holiday.jpgSIMBANG GABI 2015   Ika-9 na Araw

Disyembre 24, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

MAGLILIWANAG ANG BUKANG LIWAYWAY!

“Halina, Panginoon, magmadali! Huwag nang paantala!” Ito ang angkop na angkop na unang linya sa ating dasal sa simula ng Misa. Sa gabi ring ito ay magaganap ang ating matagal na pinakahihintay.

Pero hindi lahat ng paghihintay ay nababalot ng pakiramdam na OK ang lahat. Habang lumalapit ang pinaghahandaan natin, meron lagi tayong nakikitang kulang. Meron lagi tayong nararamdamang kakulangan.

Di ba’t iyan ang pakiramdam ng mga taong malapit nang ikasal, o malapit nang mag graduate o malapit nang maordenahan? Lagi tayong atubili, sapagka’t ang dama natin ay hindi tayo lubos pang handa, hindi pa tayong ganap, o ika nga, ay hilaw na hilaw pa.

Maging si Haring David ay pinamugaran ang puso ng ganitong pag-aalinlangan. Nabahala siya na siya ay nakatira sa isang palasyo at ang kaban ng tipan ay nasa isang tolda lamang. Na-guilty ika nga si David.

Pero ang Diyos na siyang nagbalak ay hindi napapailalim sa mga kakapusan ng tao, o kakulangan ng kapwa. Hindi magiging anumang balakid sa Kanya ang ating kahinaan, at mga kakapusan nating lahat. Kaya’t siya na ang nagsabi: “Ako mismo ang gagawa ng Kaharian.” “Ako ang banala,” sabi ng Panginoon.

Marami tayong nakikitang balakid sa buhay natin, sa lipunan natin. Hanggang ngayon ay hindi pa tayo magkaisa. Sa katunayan, lalung naging hati-hati ang bayan, matapos may pumasok na bagong kandidato. Marami tayong gustong baguhin, gustong gawain.

“Ako ang bahala,” sabi ng Panginoon!

Ito ang magandang balita ng Pasko. Laging may pag-asang bago. Laging may pag-asang matutupad. Laging mayroon tayong maaring mahintay. Ito ang mensahe ng pagsilang ng sanggol sa Belen.

Hindi kompleto ang lahat nang makita ni Zacarias ang kadakilaan ng Diyos. Hindi nalutas lahat ng kanilang problema. Matanda pa rin siya. Magulo pa rin ang mundo.

Pero sa kabila ng lahat, puno pa rin siya ng pasasalamat, at puno ng pagdakila sa Diyos, at bumulalas ng ganito: “Purihin ang Panginoon ang Diyos ng Israel, sapagka’t naparito siya upang iligtas at palayain ang kanyang bayan.”

Kaya ito ang para sa ating lahat … Hindi pa rin tayo mayaman. Hindi pa rin nalulutas ang trapiko. Marami pa tayong suliranin. Pero ito ang tiyak …

Darating ang Panginoon, hindi magluluwat. Sasabog ang isang panibagong umaga. Sasambulat ang isang nagniningning na bukang liwayway!

Ano pa hanap mo?