frchito

Imbakan ng Awtor

PIKIT MAN ANG MATA, DILAT NAMAN ANG PUSO!

In Uncategorized on Oktubre 24, 2015 at 10:23

CSCZgd3VEAAhmMS images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-30 Linggo Taon B

Oktubre 25, 2015

PIKIT MAN ANG MATA, DILAT NAMAN ANG PUSO!

Nagdudumilat ngayon ang katotohanang ang buong Pilipinas ay nahumaling sa Al-Dub phenomenon. Wag kayong mabahala … kasama ninyo ako sa paghanga kay Yayadub. Sa sandaling ito, libo-libo na ang nakapasok at libo-libo rin ang nagpalipas ng gabi sa labas.

Lahat sila ay naghahanap … naghahanap ng ilang oras na kasiyahan at tawanan at iyakan. Walang masama rito. Ako man, ay naghahanap rin ng lahat ng ito.

Ang mga pagbasa ngayon ay nakatuon rin sa paghahanap. Sa kabila ng mga pagdurusa at kalungkutan, sinabi ni Jeremias na “umawit” sila sa kagalakan dahil sa sila ay iniligtas ng Panginoon. Isa itong paanyaya sa mga Israelita na tumingin nang higit pa sa kanilang nakikita.

Isa itong panawagan sa pag-asa. At ang sinumang may pag-asa ay nakakakita nang higit, hindi kulang.

Maraming kabulagan sa ating kapaligiran. Maraming bulag sa korupsyon ng kanilang paulit-ulit na inihahalal. Maraming bulag sa kadayaan ng mga taong tinatawag nating kagalang-galang. Maraming bulag sa katotohanang ang trapiko ay hindi lamang problema ng hindi pagdaloy ng mga sasakyan – na ito ay bunga rin ng kawalan nating lahat ng disiplina at pagpapahalaga sa kapakanang pangkalahatan!

Pero naghahanap tayo. Nag-aasam pa rin tayo. At ang pagdagsa ng mga tao sa Tamang Panahon concert ay tanda na mayroon tayong hinahangad pang iba, na mayroon tayong inaasam pang higit.

Sabi ni Fr. Rolheiser na sa likod ng ating pagnanasa at pag-aasam ay ang malalim nating paghahanap sa Diyos. Sa likod ng ating kagustuhang kiligin sa Tamang Panahon ay ating masugid na paghahanap sa kung ano ang magbibigay sa atin ng kaganapan ng kaligayahan at kahulugan sa buhay.

Naghahanap tayo ng kaliwanagan.

Mabuti pa si Bartimeo. Pikit ang mga mata niya, pero dilat ang kaisipan at ang puso. Nang marinig niyang papalapit ang Panginoon, nilisan niya ang kinauupuan sa bangketa at humiyaw sa Panginoon: “ANAK NI DAVID, MAHABAG PO KAYO SA AKIN!”

Maraming bulag sa ating lipunan. Hindi tayo napapalibutan ng masidhing pananampalataya sa Diyos. May kababawan rin tayo. Masaya na tayo sa kilig factor, at sa mababaw na tawanan at iyakan.

At dito ngayon pumapasok ang Tamang Panahon … Sapagka’t uhaw tayo sa magagandang asal at wastong pagkilos, tuwa at galak ang ating isinukli sa Yayadub. Sa likod ng kagustuhan nating matawa at maiyak, ay naghahanap tayo ng mga pagpapahalagang dati-rati ay ginagawa natin at isinasabuhay.

Huwag tayong padala lamang sana sa agos. Tularan natin si Bartimeo, na bagama’t pikit ang mata ay dilat ang puso sa paghahanap ng liwanag at katotohanan.

At hindi siya nag-atubiling tumayo at sumigaw: “Ibig ko pong makakita!”

MADALING MAGHANAP; MAHIRAP GUMANAP!

In Uncategorized on Oktubre 17, 2015 at 08:13

Jesus calling His disciples

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-29 na Linggo ng Taon B

Oktubre 18, 2015

MADALING MAGHANAP; MAHIRAP GUMANAP!

Pagsubok ang nasa harap ng mga Hebreo. Alam nilang humihirap ang buhay nila, na naging kumplikado dahil naniwala sila at sumunod sa turo ng Galileo. Ang pinakamadali ay ang magbalik sila sa Judaismo, at tapos ang lahat ng kanilang problema.

Pero hindi ito ang pakay ng nagsulat sa kanila, kundi ang maghatid sa kanila ng panibagong pag-asa, sapagka’t mayroon silang “punong pari” na nakaluklok sa trono, na nagdaan sa lahat ng uri ng paghihirap at pagpapakasakit.

Ito ang tinutukoy ni Isaias na tagapaglingkod na tumupad sa kalooban ng Diyos at naghatid ng kaligtasan sa lahat.

Sa ebanghelyo, medyo nalasing ang magkapatid noong makatikim na kaunting tagumpay. Naging mapusok sila nang hiningi nilang iluklok sila sa kanan at sa kaliwa, kapag dumating na ang ganap na tagumpay.

At dito nila nabatid na madali ang maghanap, pero mahirap ang gumanap. Madali ang mag-asam, pero hindi ganoon kadali ang tumupad sa lahat ng kahihinatnan ng kanilang nais.

Hindi kailanman naging kasalanan ang mag-asam. Hindi masama ang magkagustong maging dakila, maging tanyag, maging matagumpay. Hindi kasalanan ang maghanap nang higit, ang magsikap maging kilala at maging isang taong titingalain ng balana.

Hindi ito ang problema. Nang magnasa ang magkapatid na umupo sa kanan at sa kaliwa ng Panginoon, kagya’t sila tinanong ng Panginoon: “Kaya ba ninyong pasanin ang aking pasanin? Kaya ba ninyong tanggapin ang bautismong aking tinanggap?”

Sa mga nakaraang araw, nakita natin kung gaano karami ang nagnanasang maging Presidente o Vice Presidente. Libo libo pa ang gustong maging senador, kongresman, o mayor o governador sa buong kapuluan.

Lahat sila ay gusto raw mag-serbisyo sa bayan. Lahat sila ay gusto raw maglingkod.

Eto naman ang turo ng mga pagbasa ngayon. At walang makapagsasabing wala itong kinalaman sa nagaganap sa buhay natin ngayon.

Tulad ng mga Hebreo, dumarating ang panahon na gusto nating umurong, lalu na’t nakikita natin kung ano ang kahulugan ng pagsunod kay Kristo. Tulad nila, kailangan natin ng paalaala. Kailangan natin ng dagdag na pag-asa, at kabatirang, ang lahat ng dakila at kahanga-hanga ay hindi nakukuha sa salita, kundi sa gawa.

Madali ang maghanap; mahirap ang gumanap. Madaling maging senador, lalu na’t maraming pera ang partido mo. Madaling maging Presidente, lalu na’t suportado ka ng mga dambuhalang mga kompanya, na siya namang magdidikta sa iyo pagdating ng panahon. Madali ang pangako; mahirap ang magpapako sa turo ng wasto at tama, at kaaya-aya sa mata ng Diyos.

A ver … gusto mo ba kamo maging tagasunod ni Kristo at mag-ani ng luwalhati pagdating ng panahon?

Eto ang tugon sa ating mga ambisyoso at mapaghanap: “Ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ipagkaloob ang buhay para sa kaligtasan ng marami.”

Hala, campanya pa more! KOnti pang hanap! Konti pang ambisyon, pero hinay-hinay lang … kaya mo bang ganapin ang kay dali mong hanapin?