frchito

Imbakan ng Awtor

MILAGRO NG KAGALINGAN AT KABUUAN

In Uncategorized on Setyembre 5, 2015 at 09:06

images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-23 Linggo ng Taon B

Setyembre 6, 2015

MILAGRO NG KAGALINGAN

Noong bata kami, sanay kami sa hatian. May tawag pa nga kami doon – hating kapatid. Lahat ng bagay ay dapat hatiin: Coke, tinapay, sandwich, tsokolate, atbp. Bihasa ang mga Pinoy sa katotohanang ang paghahati ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay.

Pero hindi kaila sa lahat, na ang gusto lagi natin ay buo. Ayaw natin ng may kahati. Gusto nating buong-buo natin kakainin ang hamburjer. At sapagka’t ayaw nating may balikan sa bote ng Royal tru-orange, mas gusto natin na wala tayong dapat hatian sa bote ng Royal.

Kapag takot tayo, hindi tayo ganap. Hindi tayo buo. May kulang o may labis. Kulang tayo sa enerhiya kapag takot, o sobra sa kutob ng dibdib. Ito ang payo ni Isaias sa unang pagbasa: ang manatiling malakas ang loob, sapagka’t ang Diyos ang magliligtas.

Kung tayo ay nagtatangi ng kapwa, o iba ang tinitingnan at iba rin ang tinititigan, hindi rin tayo ganap. Hindi rin tayo buo. Basag ang ating pakikitungo sa kapwa, sapagkat iba ang tingin natin sa kanila. Ito rin ang turo ni Santiago – ang tumingin sa kapwa tulad ng pagtingin ng Diyos sa kanila.

Malinaw na hindi buo at ganap ang taong pipi at bingi. Kulang siya sa pandinig, at kulang rin sa pananalita. Pero, di miminsan na mas masahol pa ang kakulangan ko kapag wala akong pasensya na makipag-usap sa kanila sapagkat ayaw kong ulitin ng dalawang beses ang lahat ng aking sinasabi.

Sa araw na ito, hindi ang pipi at bingi ang pakay ng aking pagninilay, kundi ako mismo.

Ako ang takot at hindi buo ang kalooban. Takot akong gawin ang tama, para hindi mapulaan ng kapwa. Takot akong kumilos at magsalita nang ayon sa turo ng Ebanghelyo upang hindi ako tugisin ng mga kalaban ng Santa Iglesya.

Ako ang may itinatangi at hindi pinapansin at pinahahalagahang grupo ng tao. Hindi ko pansin ang mga nagdarahop. Hindi ko lubos pinagmamalasakitan ang mga naiiwan sa lipunan, ang mga walang malay, ang mga walang kapangyarihan, at mga walang masulingan.

Ako, ikaw … tayong lahat … ang mga bagong bulag, pipi, at bingi.

Pero ngayon rin, tulad ng nakatuon ang isipan ko sa sariling kakulangan, sa sariling kawalan ng kaganapan at kabuuan, nakatuon rin ang pansin ko sa Diyos na mahabagin na handa laging gumawa ng milagro ng kaganapan at kagalingan.

Opo! Siya ang dakilang tagapagpagaling. Siya ang kailangan ko upang magtamasa ng ganap at tunay na kagalingan. Tanging Siya ang may hatid na mensahe ng kaganapan at kabuuan.

Hindi na dapat ako magbingi-bingihan. Hindi na dapat ako magpipi-pipihan. Panahon na upang ibukas ang puso, damdamin at kaisipan. Panahon na upang buksan ang bibig at magpatunay: “Kaluluwa ko, iyong purihin ang Panginoong butihin!”

PORMA, PAKIRAMDAM, PAGGAWA

In Uncategorized on Agosto 29, 2015 at 13:04

Hoffman-ChristAndTheRichYoungRuler

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-22 Linggo ng Taon – B

Agosto 30, 2015

PORMA, PAKIRAMDAM, PAGGAWA

Medyo mahirap ang pangaral ngayon. Tagos to the max, ika nga. May tama at kurot sa puso at damdamin. Payo ni Moises sa mga Israelita ay ito: “unawain ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo.” Dalawang beses pa inulit: “Unawain ninyo ito at sunding mabuti.”

Mahirap ito lusutan. Hindi rin ito tinantanan ni Santiago na nagdagdag pa: “Huwag lang daw pakinggan, kundi isagawa.” Gawa, hindi ngawa, ika nga.

Ito ang isa sa mga uso ngayon … panay pa-cute … puro pabebe … puro porma, kahit wala namang sustansiya. Kapag SONA, talaga namang pag narinig mo ang talumpati na sinulat ng ibang tao, pakiramdam mo lutas na ang lahat ng problema ng bansa. Pero, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, trapik na nga at lahat, ay mayroon pang mga pabebe at pasaway, una sa Padre Faura, at tapos ay sa EDSA.

May alam akong grupo na bihasa sa ganitong panlilinlang … ang mga Eskriba at Pariseo. Sanay sila sa porma. Sanay sila sa drama. Kapag hugasan ng kamay at batas tungkol sa anik-anik na bagay, sumangguni kayo sa mga Pariseo. Pati kng ilang hakbang ang puedeng gawin ng isang tao sa araw ng Sabado, alam nila. At hind puede sa kanila ang pawisik-wisik. At pag hindi ka sumunod sa titik ng batas ay talagang makasalanan ka.

Hmmm … malinis ang labas, pero marumi ang loob?

Iyan ang napapala natin kapag porma lang at damdamin ang pakay natin.

Nais kong isipin na ang turo ng pagbasa ngayon ay akmang-akma sa buhay nating lahat. Lahat tayo ay naging ipokrito sa buhay natin. Lahat tayo ay nagdaaan sa panahong puro pa-show ang asta natin. Lahat tayo ay nag-asam magkaroon ng signature items para umangat ang pogi points natin. Lahat tayo ay nag-isip gumawa ng hakbang upang mapuri tayo at mabigyan ng parangal, kahit na ang nagawa natin ay walang timbang sapagka’t ampaw lang, tulad ng mga kalsadang kapag inulan ay parang popcorn na bumubusa at nabubutas.

Malaki ang tama nitong lahat sa akin ngayon. Mahirap lansihin. Mahirap ilagan. Nanunuot sa kasu-kasuan. Sa looban … sa kaibuturan …

At ito ang para sa ating lahat na puro porma at pabebe at pa-cute lang ang pakay … “Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos, kundi ang mga nagmumula sa kanya. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao- nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya …”

Wag tayong masiyahan sa porma at pakiramdam lang. Dapat na ito ay mauwi at magbunga sa paggawa.

Walang short-cut sa buhay ng tao. Walang instant. Walang nakukuha sa pabebe o pa-cute. Ang lahat ay pinaghihirapan, at hindi nakukuha sa porma, pakiramdam, kundi sa paggawa.

Guilty much? Welcome to the club of saints and sinners!