frchito

Imbakan ng Awtor

SANGKATAUHANG MASUWAYIN

In Uncategorized on Hulyo 4, 2015 at 10:53

images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-14 na Linggo Taon B

PAGKADAPA NG SANGKATAUHANG MASUWAYIN

Maulan habang sinusulat ko ito. Tulad ng unang pagbasang, higit pa sa ulan ng kalungkutan ang paksa … Sabi ng Panginoon kay Ezekiel: “Susuguin kita sa bansang suwail … naghihimagsik sila sa akin hanggang ngayon.”

Parang maulan rin ang kapaligiran sa lungkot ng liham ni Pablo. “Ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan” Nakaranas siya na maging “mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis.”

Pero walang tatalo sa Panginoon na hindi man lang pinansin sa kanyang sariling bayan. Pinagdudahan pa. Pinagdiskitahan, ika nga, sa makalumang Tagalog. “Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan?”

Kaming mga pari ay sanay sa ganitong trato ng mga tao kahit saan. Kahit saan kami magpunta, laging mayroon masaya (karamihan, sa biyaya ng Diyos!). Pero lagi rin mayroong ang tawag ko ang panghabang buhay na kontra bulate … laging may angal, laging parang nalalamangan, at laging may gustong ireklamo.

Ganito rin ang ginawa nila kay Kristo … kung kaya’t nasabi niya na ang propeta ay tinatanggap sa lahat ng lugar liban sa kanyang sariling bayan.

Maganda ang sinabi ni Fr. Greeley. “Kung may makita raw kayong ganap at perpektong simbahan, sumali ka sa kanila. Pero pakatandaan lamang na kapag sumali ka, hindi na perpekto ang simbahang iyon.”

May tama ba siya?

Pero, tama o mali, ito ang mahalaga para sa ating lahat. Hindi napadala si Ezekiel sa mga kontra pelo. Hindi napigil si Pablo ng mga kontra bulate. At lalong hindi nanghinawa ang Panginoon sa pagtupad ng kanyang misyon mula sa Ama.

Ito ang magandang balita para sa ating lahat sa araw na ito. Tayo ay tinatawag ng Diyos upang sumunod at tumulad kay Kristo. Tayo ay isinugo Niya upang gumanap sa isang misyon na karugtong sa misyon ng Panginoon.

Wag sana tayo manghinawa. Ating isapuso ang panalanging binigkas ni Father sa simula ng Misa: “Pakundangan sa pagpapakumbaba ng Anak mong masunurin, ibinangon Mo sa pagkadapa ang sangkatauhang masuwayin. Ipagkaloob mo sa amin ang banal na kagalakan upang kaming sinagip mo sa kaalipinan ay magkamit ng iyong ligayang walang katapusan.”

Sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

EUKARISTIYA: TANDA, TUNAY, TOTOO!

In Uncategorized on Hunyo 6, 2015 at 15:28

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Katawan at Dugo ni Kristo – Taon B

Junio 7, 2015Corpus Christi_tg

TANDA. TUNAY. TOTOO

Uso ngayon ang mga logo kahit saan. Kung gusto mo makita, matandaan, makilala at hindi makalimutan, kailangan mo ng logo, at ang logo ang siyang nasa likod ng tinatawag na “branding.”

Pag wala kang branding, wala kang benta. Kung wala kang tandang pagkakilanlan, wala kang branding. Wala kang patunay at wala kang patotoo. Kung walang branding, generic ka. Maraming katulad. Maraming kapantay. Hindi ka unique. Ika nga noong araw ay isa kang telang “kukur” – kukurtinahin!

Ang mga tagasunod ni Kristo ay may Biblia. Ito ang naglalaman ng Salita ng Diyos. Subali’t ang Salita ng Diyos ay mas malawak, mas malaki, at mas malalim kaysa sa Biblia. Hindi nakakulong sa Biblia ang gustong ipahayag ng Diyos. Hindi nakapako sa material na aklat ang kalooban ng Diyos. At lalong hindi dapat ipantay ang Pahayag ng Diyos sa iisang aklat o sa koleksyon man ng mga aklat.

Ang lahat ng Kristiyano ay nakikilala sa iisang batayan ng pangaral, kumbaga. Ang kanilang logo ay ang Banal na Kasulatan at ang debosyon sa Salita ng Diyos.

Pero ang tanda ng pagiging Kristiyano ay hindi napapako sa Banal na Kasulatan. Ang Biblia ay tulad ng isang logo. Ang logo ay tumatayo at kumakatawan sa kung sino at ano ang isang kompanya, o isang samahan, subali’t ang samahang tunay o ang kabuuan ng kompanya ay hindi mapapantayan at hindi lubos na maipahahayag ng isang logo.

Tanda lamang ito.

Hindi ito ang tunay na kabuuan.

Hindi rin ito ang kaganapan ng totoo.

Mahalaga ang Banal na Kasulatan bilang batayan ng pangaral. Lahat ng nilalaman nito ay totoo, subali’t hindi lahat ng totoo ay nilalaman nito.

Subali’t dahil sa Banal na Kasulatan ang batayan natin, tayo na’t tumunghay sa Kasulatang ito, upang makakuha ng isa pang tanda na nilalaman nito na nagbibigay ng pagkakilala at identidad o kakanyahan sa Simbahang itinatag ni Kristo.

Magsimula tayo sa tanda. Ang tanda ng dugo na sa Lumang Tipan ay naging tanda rin ng kasunduan ng Diyos at ng bayang Israel. Dugo ng hayop na inialay sa templo ang ibinuhos sa altar at ibinuhos rin o iwinik sa mga kasama ni Moises. Tandang maliwanag ito ng kasunduan ng Diyos at ng tao.

Segundahan natin ito ng sinasaad sa Biblia … Ang tupang inialay at ang dugong ibinuhos sa altar sa Lumang Tipan ay napalitan ng maamong tupa na walang iba kundi si Kristo. Ang kanyang dugo ay nabuhos sa altar ng kung saan siya napako sa krus. Ang kanyang katawan ay tulad ng tupa na inialay bilang sakripisyo sa krus.

Galing lahat ito sa Biblia. At mula sa parehong Biblia ay nakita natin kung paano siya kinilala rin ng nagsulat ng liham sa mga Hebreo: “Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dakilang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin.”

Galing rin ito sa Biblia … Ang kanyang dugo at katawang inialay ay dakilang tanda ng kanyang pagmamahal at pagliligtas sa atin, sa atin ding mga kasalanan.

Lahat ay galing sa Biblia! Pero meron pa!

Bago siya magdusa at mag-alay ng dugo at katawan, ay mayroon siyang ginawa na naging tandang dakila at patunay at patotoo ng kung ano na siya ngayon para sa atin. At ito ay galing pa rin sa Biblia! “Kunin ninyo; ito ang aking katawan.” “Ito ang aking dugo ng tipan, ang dugong mabubuhos dahil sa marami.”

Galing sa Biblia. Pero ang turo niya ay hindi lamang salita. Ang kanyang ginawa ay hindi lamang tanda. Hindi lamang logo. Hindi lamang branding. Ito ay may kinalaman sa mas malawak na katotohanang siya ngayon ay nagkakaloob ng sarili bilang pagkain, bilang tandang tunay at totoo ng kanyang pagmamahal sa atin.

Ito ang Banal na Eukaristiya – ang dakilang Katawan at Dugo ng Panginoong Jesucristo. Tanda. Tunay. Totoo. Gawa, hindi lamang salita. Pagmamahal, hindi lamang pangaral. Pagmamalasakit, hindi lamang pasakit.

Pista ngayon ng sentro at pundasyon ng pananampalatayang Katoliko na galing sa Banal na Kasulatan. Totoo ang nilalaman nito.

Hindi lamang logo. Hindi lamang tanda. Siya ay Diyos at taong totoo, sa anyong Tinapay at Alak na naging daan, hindi lamang tanda, ng kanyang ganap na pagliligtas sa kanyang bayang minahal.

Purihin at ipagdangal ang Kabanal-banalang Sakramento ng Eukaristiya!