frchito

Posts Tagged ‘Pagiging Propeta’

SANGKATAUHANG MASUWAYIN

In Uncategorized on Hulyo 4, 2015 at 10:53

images

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Ika-14 na Linggo Taon B

PAGKADAPA NG SANGKATAUHANG MASUWAYIN

Maulan habang sinusulat ko ito. Tulad ng unang pagbasang, higit pa sa ulan ng kalungkutan ang paksa … Sabi ng Panginoon kay Ezekiel: “Susuguin kita sa bansang suwail … naghihimagsik sila sa akin hanggang ngayon.”

Parang maulan rin ang kapaligiran sa lungkot ng liham ni Pablo. “Ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan” Nakaranas siya na maging “mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis.”

Pero walang tatalo sa Panginoon na hindi man lang pinansin sa kanyang sariling bayan. Pinagdudahan pa. Pinagdiskitahan, ika nga, sa makalumang Tagalog. “Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan?”

Kaming mga pari ay sanay sa ganitong trato ng mga tao kahit saan. Kahit saan kami magpunta, laging mayroon masaya (karamihan, sa biyaya ng Diyos!). Pero lagi rin mayroong ang tawag ko ang panghabang buhay na kontra bulate … laging may angal, laging parang nalalamangan, at laging may gustong ireklamo.

Ganito rin ang ginawa nila kay Kristo … kung kaya’t nasabi niya na ang propeta ay tinatanggap sa lahat ng lugar liban sa kanyang sariling bayan.

Maganda ang sinabi ni Fr. Greeley. “Kung may makita raw kayong ganap at perpektong simbahan, sumali ka sa kanila. Pero pakatandaan lamang na kapag sumali ka, hindi na perpekto ang simbahang iyon.”

May tama ba siya?

Pero, tama o mali, ito ang mahalaga para sa ating lahat. Hindi napadala si Ezekiel sa mga kontra pelo. Hindi napigil si Pablo ng mga kontra bulate. At lalong hindi nanghinawa ang Panginoon sa pagtupad ng kanyang misyon mula sa Ama.

Ito ang magandang balita para sa ating lahat sa araw na ito. Tayo ay tinatawag ng Diyos upang sumunod at tumulad kay Kristo. Tayo ay isinugo Niya upang gumanap sa isang misyon na karugtong sa misyon ng Panginoon.

Wag sana tayo manghinawa. Ating isapuso ang panalanging binigkas ni Father sa simula ng Misa: “Pakundangan sa pagpapakumbaba ng Anak mong masunurin, ibinangon Mo sa pagkadapa ang sangkatauhang masuwayin. Ipagkaloob mo sa amin ang banal na kagalakan upang kaming sinagip mo sa kaalipinan ay magkamit ng iyong ligayang walang katapusan.”

Sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen!

Advertisement

MATIBAY NA MUOG!

In Adviento, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, San Juan Bautista, Taon A on Disyembre 11, 2013 at 11:29

john_the_baptist_in_prison_350

images

Ikatlong Linggo ng Adbiyento Taon A
Disyembre 15, 2013

MATIBAY NA MUOG!

Sino sa atin ang hindi nagpalipad ng boka-boka noong bata pa? Gamit ay pad na pang Grade 2, at pandikit na kanin at laway, kaunting pisi o sinulid … lagyan ng buntot na gawa rin sa papel, at larga na! Lipad na! Takbo na!

Noong mga bata pa kami, mayroon kami sa aming bayan na biskwit na ang tawag ay “palipad-hangin.” Para itong boka-boka … wala masyadong laman, manipis … parang puedeng paliparin sa hangin. Ganito ang boka-boka … mabasa lang ay sira na … mahipan ng malakas na hagin ay punit na.

Tulad ng cogon sa parang. Madaling hipan ng hangin, at pasuling-suling dipende kung saan patungo ang direksyon ng hangin … walang sariling lakas … walang matibay na ugat … madaling hipan ng hangin.

Ito rin ay katumbas ng mga namumunong walang sariling bait, ika nga. Madaling madala… madaling mauto … madaling magbago ng desisyon depende sa simoy ng hangin.

May tanong ako sa aking mambabasa … Tulad ng tanong ng Panginoon, “ano ba ang inaasahan ninyong makita sa ilang? … Isang tambo na iniuugoy ng hangin?”
Ang taong walang sariling bait at desisyon at paninindigan ay walang iniwan sa tinapay na palipad-hangin, o isang boka-bokang borador, o isang bangkang papel na hindi tumatagal at hindi nananatiling nakatayo.

Isa pang tanong … Ano ba ang hanap ninyong marinig sa amin o sa Simbahan? Isa bang pabago-bago ng isip? Isa bang pangaral na umaayon sa kung ano ang gusto ng ABS-CBN o ng isang survey na dinaya naman? Ano ang gusto ninyong marinig sa amin? Mga turong napapalitan depende sa simoy ng hangin at sa uso sa buong daigdig? Tulad ng isang tambong nagsasayaw sa hangin?

May masama akong balita sa inyo. Hindi tambo si Juan Bautista. At lalong hindi siya palipad-hangin o isang boka-boka lamang. Nagwika siya. Higit pa siya sa isang propeta. Isa siyang tagapaghatid ng balita. At ang balita niya ay hindi napapalitan ng mga makapangyarihan sa Palasyo. Hindi ito nahihilot upang magbigay ng isang takdang pagkiling. Sinabi ni Juan ang totoo … ang mapagligtas, hindi ang popular at gustong marinig ng tao.

Malaki ang pinagbayaran ng isang taong tulad niya na hindi lamang parang isang tambo na walang lakas at walang paninindigan.

Sinabi niya ang totoo, ang makatarungan. Kung kaya’t itinuring siyang parang palipad-hangin at ipinapatay … pero naging isang mistulang matibay na muog ng katotohanang mapagligtas at balitang naghahatid sa tunay at walang hanggang buhay.

Magsaya! Gaudete Sunday ngayon. Magalak sapagka’t narito na ang tagapaghatid ng balitang maghahanda ng daraanan ng Panginoon!