frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

In Adviento, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Propeta Isaias, San Juan Bautista, Taon A on Disyembre 7, 2013 at 11:18

advent2A_3

Ikalawang Linggo Adbiyento Taon A
Disyembre 8, 2013

TAMA NA ANG PANINISI … TANGGAPIN AT AMININ!

Aaminin ko, mahirap ang tumanggap ng anumang mapait. Mahirap ang tumanggap na tayo ay mahina at walang kakayahan. Mahirap rin ang magbahagi ng isang bagong pag-asa, kung ang lahat ng nakikita natin ay kawalang pag-asa.

Matulain at mabulaklak ang mga salita ni Isaias na naririnig natin tuwing magpapasko. Mga pangitain … mga panaginip o panagimpan ng Diyos para sa kanyang pinakamamahal na bayan. Ito rin ang mga pangarap ng mga taong ngayon ay sadlak sa hirap … nawala ang bahay, nawala ang kabuhayan, at napawi ang lahat ng tulay tungo sa kinabukasan. Marami ang nagbabaka sakali sa ibang lugar … naglilipatan … naghahanap ng masusulingan. Ubos na ang bangka ay ubos pa rin ang mga niyog. Marami ay namatayan pa at ang mga katawan ay hindi na matagpuan.

Kahapon ay isang mapait na katotohanan ang nagpatangis sa akin. Isang malapit na itunuturing kong kaibigan ang pinaslang sa sariling tahanan ng mga tampalasang ang hanap lamang ay pera.

Mahirap makita rito ang matulaing pangarap ni Isaias.

Pero bago tayo manghinawa at magpadala sa kawalang pag-asa, teka muna sandali at pakinggan natin ang sinasabi ng dalawa pang pagbasa …

Unahin natin si Pablo. Sa kanyang liham sa taga Roma, ipinaalala niyang ang Kasulatan ay nakatuon sa “ikatututo natin,” sa “kalakasan ng loob,” at sa pagkakaroon ng pag-asa.

Naikwento ko na noong nakaraang mga pagninilay na sa likod ng bawat kapaitan ay may nagkukubling kaliwanagan. Nang manalasa ang bagyo, at tumambad sa kaalaman ng mundo ang dami ng namatay, ang dami ng winasak na kabuhayan at kinabukasan, mahirap isipin na ang pamumuhay na marangal na sinasaad ng kasulatan ay tunay na kapani-paniwala.

Walang iniwan ito sa kalagayan ng isang bansang tulad natin, na sa kabila ng ating pagiging Kristyano, ay pinamumugaran ng pinakamasahol na uri ng kurapsyon. Parang hindi na sinasagian ng hiya ang sinuman. Parang wala nang pakundangan sa dignidad ng tao ang mga salarin, tulad ng pumatay sa isang batang-batang dalagang ang tanging pagkakamali ay ang mapunta sa maling lugar, sa maling oras, kung kailan naghahanap ng mabibiktima ang mga kriminal na tila wala nang puso, wala nang konsiyensya, at wala nang damdaming makatao. Wala raw silang intensyong gawan siya ng masama. Wala raw silang masamang hangad sa babaeng walang awang sinakal at sinaksak sa loob ng kanyang sariling kotse. Wala ring iniwan ito sa ginawa ng dalawang binatilyo sa aking kaibigang walang kalaban-laban, walang kalakas-lakas upang makaganti, at walang masamang binhing ipinunla sa tanang buhay niya at ng kanyang pamilya.

Wala na ring hiya ang mga nasa kongreso. Wala ni isang umaamin. Walang tumatanggap. Walang nagsisisi yaman din lamang at lahat daw ng kanilang pirma ay ginaya lamang. Bilyon-bilyong piso ang naglaho na lamang at sukat, pero wala ni isa diumano ang nakaaalam kung paano nawala ito.

Ang masamang balita ay ito … tayo man ay maraming palusot. Kanya-kanya tayong gawa ng istorya. Wala ang tumatanggap ng pananagutan. “Kasalanan ko bang ako ay isinilang nang mahirap?” “Masama bang magmahal nang lubos?” (kahit may tunay nang asawa at anak!) “Minana ko lamang ang problemang ito!” “Wala akong magagawa. Isinilang akong ganito.” “Wala akong intensyong masama!” (kahit masama ang ginagawa, may palusto pa rin).

Alam kong ayaw natin marinig ang salitang ito, pero hindi nag-atubili si Juan Bautista na tawagin ang mga ganitong tao nang ganito: “Kayong lahi ng mga ulupong!”

Masakit Kuya Eddie! Pero walang tama at totoo, lalo na’t tumitimo at tumatagos, ang masasabi nating hindi masakit.

Malinaw na ayaw ni Juan Bautista ang mga palusot natin. Malinaw na gusto niyang tayo ay manindigan at tumayo ayon sa tama. Tama na ang mga pasulot natin. Tama na ang paninisi ng iba. Wag na nating sisihin ang ating magulang, ang nakaraan, ang ating bayang sinilangan, ang kakulangan nito at kakulangan noon. Sapat na ang ipinagkaloob sa atin.

Panindigan ang tuwid na daan at kung hindi ay tuwirin at ihanda para sa kanya. Tama na ang palusot. Tama na ang paninisi. “Pagsisihan ninyo at talikdan ang inyong mga kasalanan.”

BUNDOK … BABALA O BALITA?

In Adviento, Homily in Tagalog, Taon A on Nobyembre 29, 2013 at 20:35

1 Adviento A

Unang Linggo ng Adviento (A)
Disyembre 1, 2013

BUNDOK … BABALA O BALITA?

Takot ako sa tubig. Bilang isang probinsyanong galing sa bulubundukin ng Cavite, takot ako sa malalawak at malalim na dagat. Pero ang bundok ay ibang usapan. Nabibighani ako sa bundok. Hindi kaya’t ito ang dahilan at higit sa 14 na bundok sa Pilipinas na ang aking naakyat?

Ang unang Linggo ng Adviento ay may kinalaman sa matayog na bundok. Ayon kay Isaias, ang bundok raw ng tahanan ng Panginoon ay magiging mas matayog kaysa sa anumang burol, at lahat ay mabibighani rin sa kanya.

Malungkot nga lamang at tayong mga Pilipino ay malapit halos lahat sa dagat. Ang mga bayan natin at lungsod ay pawang itinayo na malapit sa ilog o sa dagat, kung saan tayo unang umasa at kumuha ng ikabubuhay. Ang siyang ipinagtawid-buhay ng marami sa atin ay siya namang naging mecha ng buhay rin ng marami. Sa humpak na dumaluyong sa Tacloban, sa Guiuan, at sa marami pang lugar sa Silangang Visayas nang humagupit ang bagyong si Yolanda, kay rami ang nabigla, nasapawan ng dambuhalang alon na kumitil sa buhay ng mahigit limang libong katao, at marami pa ang hindi pa natatagpuan.

Ang bundok sana ang siyang naging kaligtasan ng marami. Ang bundok na tinitingala natin at para sa ilan ay kinatatakutan o iniiwasan, ay siya sanang nagligtas sa maraming hindi nakaunawa sa kahulugan ng storm surge, na hindi isinalin sa Tagalog o Visaya ng mga tagapagbalita.

Unang LInggo ngayo ng Adviento at sa unang Linggong ito, ay bundok ang bida, ang sentro ng ating atensyon. Sa Biblia, ang bundok ay laging sagisag ng katatagan, kaligtasan, muog at batayang matatag ng buhay. Tumitingala ang mga tao sa bundok at ang kanilang nakikita ay ang diwa ng pakikipagniig sa Diyos, tulad ng nakipagtagpo si Moises sa Bundok ng Sinai. Pati ang salmista ay umawit nang ganito: “Tumitingala ako sa kabundukan, kung saan manggagaling ang aking kaligtasan” (Salmo 121:1)

Pero sa buhay natin, walang katiyakan at kasiguraduhan kailanman. Kampante ang ating mga kababayan, at ang akala nila ay ligtas sila sa kani-kanilang mga bahay. Ngunit nang ang humpak ay dumaluyong, nilamon nito ang lahat ng kanyang dinaanan, sampu ng buhay ng maraming hindi handa sa dagok na ito ng kalikasan.

At puede itong mangyari kahit kanino. At kung bakit hindi sila umakyat sa matayog na burol ay hindi na para sa akin upang sisihin sila at tanungin. Malamang na ako man ay ganuon din ang aking gagawin.

Isang malaking aral para sa atin sa unang linggong ito ng paghahanda sa pasko ng pagsilang. Ang bundok ay maaring isang babala o isang balita. Kung isang babala, ito ay nagbabadya sa atin na ang buhay ngayon at dito, sa kapatagan ay walang katiyakan, walang kasiguraduhan. Hindi ito ang hantungan ng lahat para sa atin. Hindi ito ang hangganan at ang wakas. Hindi ito ang siyang bumabalangkas ng kalahatan ng ating pagkatao at pagiging nilikha ng Diyos.

Tama si Pablo … Oras na upang gumising at maghanda. Oras na upang bumangon sa pagkagupiling sa mali at umayos sa tama.

Sa ebanghelyo, mayroon ring isang babala … Hindi raw natin alam ang oras ni ang araw kung kailan babalik ang Panginoon. Ngunit ang babalang ito ay may higit na malalim at higit na mahalagang balita …

At ito ang diwa ng paghahanda sa adviento … na kailang nating maghanda sapagka’t sa oras na hindi natin inaasahan ay darating ang Anak ng Tao.

Halina’t masaya tayong tumungo sa tahanan ng Panginoon!