frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

GALAK NA SIYANG TULAK NG PANANAGUTAN

In Adviento, Simbang Gabi, Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 20, 2015 at 16:11

yhst-37939424361191_2027_161446281SIMBANG GABI 2015 Ika-6 na Araw Disyembre 21, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

GALAK NA SIYANG TULAK NG PANANAGUTAN

Galak ang bumabalot sa ating liturhiya ngayon. Tuwa at pagtatanggal ng anumang bahid ng kalungkutan ang siyang laman ng mga pagbasa, patungkol sa figura o katauhan ng isang anak na babaeng dapat ay magalak at magsaya.

Iisa ang dahilan ng ganitong kagalakan – ang Panginoon, ani Sofonias, ay kapiling na natin, at wala nang anumang dapat ikatakot sinuman. Tulad ng sinabi natin noong isang araw, ang Banal na Kasulatan ay parang may replay, may teaser at may katuparan. Sa sulat ni Sofonias, isang anak na babae ang figura na binabanggit.

Sa ebanghelyo ang figura ng babae ay nagkaroon ng pangalan at walang iba ito kundi si Maria na siyang binisita ng Anghel at binigyan ng isang matinding balita at mabigat na pananagutan. Ito ang tanda ng tunay at panloob na kagalakan – hindi umuurong sa pananagutan, hindi nadadala ng takot at sumusuko sa mga suliranin.

Ito ang ginawa ng Mahal na Birheng Maria, na nagdumali at bumisita sa kanyang kagampang pinsan na si Isabel, na noon ay nagdadalang-tao rin at ipinaglilihi si Juan Bautista.

Isang malaking palaisipan sa ating lahat kung bakit nagkaganito ang bayan natin. Sa anumang aspeto ng buhay natin, marami tayong mga katanungan: kung bakit hanggang ngayon ay maduming politica pa rin ang nagpapatakbo sa lipunan … kung bakit ang kriminalidad ay hindi maampat, at kung bakit ang korupsyon ay lalong lumala sa lahat ng antas ng buhay, mapa sa gobyerno o sa labas ng gobyerno.

Malimit ay gusto nating sumuko. At hindi ko ipinagtataka kung bakit kay raming gustong mangibang-bayan, at lisanin na ang kanilang lupang sinilangan, at pumunta sa lugar na sumusunod sa batas ang mga tao. Pero, kung tunay na nanunuot sa atin ang magandang balita ng kaligtasan, kung totoong ang pananampalataya ay nagiging bahaging mahalaga ng ating buhay, marahil ay may maituturo sa atin ang Mahal na Birhen na hindi umurong sa pananagutan.

Galak na panloob at matimyas ang laman ng puso, hatid ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos na mapagligtas. Ang galak na ito ay hindi ikinukubli, hindi itinatago, hindi sinasarili. Ang galak na ito ay hindi lamang namumutawi sa mga bibig, at lumalabas sa royal celebration at mga maiingay na inuman at sayawan.

Ang galak ay tulak sa serbisyo, paglilingkod, at pagmamalasakit sa kapwa. Ang galak ay tulak rin sa habag at awa, na siyang dapat nating bigyang-diin sa buong taong ito ng awa ng Diyos.

Papuri kay Maria! Luwalhati sa Diyos na nagtanghal sa kanya bilang isang huwaran ng galak na nagtulak sa tunay na paggawa at pagmamalasakit. May tatlong araw pa tayo upang higit na matuto. Sana’y magbalik pa rin kayo bukas hanggang sa matapos ang ating paghahanda!

TIWALA LANG, KAPATID!

In Adviento, Simbang Gabi 2015, Taon K, Uncategorized on Disyembre 11, 2015 at 01:39
Collage created using TurboCollage software from www.TurboCollage.com

Collage created using TurboCollage software from http://www.TurboCollage.com

SIMBANG GABI 2015 Ika-4 na Araw

Disyembre 19, 2015

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

TIWALA LANG, KAPATID!

Malimit na ang mga kwento sa Lumang Tipan at ang mga sinasaad sa Bagong Tipan ay may tinatawag na paralelismo. Parang ang naganap noon sa Luma ay nagkaroon ng “replay” sa Bago. Ang mga taong naging bida sa Luma ay nagkaroon ng katumbas sa Bagong Tipan sa tinatawag nating “prefiguration.”

Isa ito sa patunay na ang Banal na Kasulatan ay galing sa Diyos. Sinulat ng tao, pero ang kanilang sinulat ay halaw sa inspirasyong ipinagkaloob ng Espiritu Santo. Iyan ang dahilan kung bakit ang Biblia ay ciento por cientong gawa ng Diyos at ciento por ciento ring gawa ng tao.

Ang mga bida ngayon ay dalawang taong magkatulad ang takbo ng buhay – si Samson at si Juan Bautista. Pareho silang isinilang ng matatandang magulang na itinuring na baog, at pareho silang naging tila tagapaghatid ng mensahe at pangaral sa ibang tao.

Walang kaya ang kanilang mga magulang. Katulad ng mga matatanda sa ating lipunan, wala silang tangang kapangyarihan, walang kakayahang mag demanda, walang tinig, ika nga, sa lipunan. Katumbas sila sa mga “anawim” ni Yahweh, na tulad ng mga ulila, mga balo, at mga mahihirap.

Sila ang tinawag na mapalad sa banal na kasulatan. Sila ay mapalad, hindi dahil sila ay mahirap, kundi sapagka’t sila nga ay mahirap at walang kaya, ay tanging Diyos lamang ang kanilang pinagtitiwalaan, inaasahan, at tinitingala.

May mahalagang liksyon sila para sa ating lahat. Sa panahon natin, mas nagtitiwala tayo ngayon sa teknolohiya. Mas naniniwala tayo sa internet, at lahat ng katanungan natin ay tila kayang sagutin ng google. Pati trapik na alam naman nating masikip kahit saan, ay isasangguni pa natin sa Waze at sa google maps. Pati GPS ay naluma na ng WAZE, ng mga bagong teknolohiya na base sa web.

Isang mahalagang turo sa atin ng magulang ni Samson at ang magulang ni Juan Bautista ay ito mismo – ang pagtitiwala sa Diyos na ngayon ay napapalitan nan g teknolohiya.

Subali’t kahit gaano pa man ka siguro ang internet, kahit gaano man katiyak ang dulot ng modernong teknolohiya, hindi nila mapapalitan ang malalim na pagkauhaw natin sa Diyos.

Ito ang inyong ipinakikita tuwing kayo ay sisimba sa Simbang Gabi. May hinahanap kayo na hindi ninyo marahil matukoy, pero lahat ay batay sa pagkauhaw na ito sa Kanya, na simulain at hantungan ng buhay.

Tulad ni Samson, ang anak nina Zacarias ay hindi rin umasa sa takbo o kalakaran ng lipunan. Sa panahong lahat ay umiinom, hindi uminom si Juan. Sa panahong ang lahat ay kumakain at nagsusuot ng ordinaryong nakikita sa lahat, iba ang uri ng pamumuhay na tinahak ni Juan.

Nagtiwala silang lahat sa Diyos, sa kaniya lang at wala nang iba.