frchito

Archive for the ‘Adviento’ Category

UMASA KAYO’T KANYANG TUTUPARIN!

In Adviento, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, Taon K on Nobyembre 19, 2015 at 08:54

advent sunday 1 Hope

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Unang Linggo ng Adbiyento – K

Nobyembre 22, 2015

UMASA KAYO’T AKING TUTUPARIN

Panay kawalang katiyakan ang pinagdaanan ng mga Israelita sa lumang tipan. Puro kawalang kaayusan rin ang pumalibot sa batang-batang Iglesya na itinatag ng Panginoon. Isang malawak na karagatan ng walang katapusang alitan ang pumaligid sa mga unang mananampalataya.

Wala itong kaibahan sa nagaganap sa kapaligiran natin. Kahit saan tayo sumuling ay mayroong gawang karahasan. Kahit saan tayo tumingin ay merong kawalang katiyakan at kaguluhan tulad ng terorismo at walang pakundangang paggamit ng mga kaloob ng kalikasan.

Dalawa ang malimit nating solusyon dito: una, ang magbalik-tanaw sa nakaraan – ang gunitain lamang ang magagandang panahong nakalipas. Ang ikalawa ay ang umasam na lamang sa kinabukasan ng higit na maganda, ang humiling o mangarap na lamang na ang lahat ng bagay ay gaganda kahit papaano.

Hindi ito ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Walang hungkag na pag-aasam. Walang mababaw na pagnanasa o paghiling lamang.

Sa tuwing papasok ang Adbiyento, mayroong diwa ng pagbabago at pag-asa. At ang diwang ito ay laman ng mga pagbasa. Sa unang pagbasa, halaw kay Jeremias, malinaw na isang tiyak na pangitain ang kanyang paksa: “Pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin ko ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain.”

Pati ang mga taga Tesalonika ay tila tuwang-tuwang naghihintay sa muling pagdating ni Kristo. Pero, pinayuhan sila ni San Pablo, na ang wastong paghihintay ay ang paggawa ng mabuti at ang pagmamahal sa kapwa.

Mayroong mahalagang paalaala sa atin ang ebanghelyo. Hindi na kailangang magbantay tayo ng mga makatindig balahibong mga tanda sa araw, sa buwan at sa mga bituin sa langit. Sapat na ang maraming nagaganap sa ating kapaligiran upang mabatid na may mahalagang aral para sa ating lahat.

At ang aral ay walang iba kundi ito … may wakas ang mundong kilala natin. May hangganan ang panahong iniikutan natin. May katapusan ang lahat at may hantungan ang lahat.

Subalit mayroon pang isang mahalagang aral bukod rito. Hindi lang paghihintay ang dapat nating gawin. Ito ang turo ni San Pablo: ang “pagbutihin ang pamumuhay na ayon sa natutunan sa kanya” … ang maging “kalugud-lugod sa Diyos.”

Sa madaling salita, ang Kristiyanong paghihintay ay hindi ang pagbababad sa kawalan. Ang maka Kristianong paghihintay ay katumbas ng pagiging aktibo sa paggawa nang mabuti … ang pag-iwas sa gawang tungo sa kapariwaraan tulad ng “pagkagumon sa katakawan at paglalasing at ang mabuhos ang pag-iisip sa mga intindihin sa buhay na ito.”

Ito mismo ang kahulugan ng Adbiyento, ang aktibong paghihintay na puspos ng pag-asa. Magulo man o hindi ang mundo; puno man ng pag-aalinlangan at kaguluhan, taas noo pa rin tayo, sapagka’t batid natin at tiyak tayo sa isang bagay: Si Kristo’y dumating. Si Kristo’y muling darating. At ang tagumpay ay nasa panig ng Diyos, at hindi sa panig ng kadiliman.

Umasa kayo’t ito ay tutuparin ng Diyos!

MAGBANTAY SA LIWANAG!

In Adviento, LIngguhang Pagninilay, Panahon ng Pagdating, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 29, 2014 at 09:43

Background___Advent_2010_537661558

Unang Linggo ng Adbiyento – Taon B
Nobyembre 30, 2014

MAGBANTAY SA LIWANAG!

Lahat ngayon sa buong Pilipinas ay nagbabantay sa liwanag. May ilang linggo na ring nagkakabit ng maraming pailaw at pakutitap sa lahat ng dako ng mga pangunahing lungsod sa buong kapuluan. Hindi masama ang magbantay sa liwanag. Pati mga taong naninirahan sa mga liblib na lugar ay nabibighani sa magagarang mga ilawan tuwing darating ang Kapaskuhan.

Pero sapagka’t hindi pa Pasko ngayon, at simula pa lamang ng panahon ng Adbiyento o Pagdating, na nangangahulugang kailangan natin ang gawang paghihintay o pagbabantay, dapat marahil natin maunawaan ang tunay na diwa at kahulugan ng Panahon ng Pagdating.

Isa sa mga mahirap gawin sa ating bansa ang mag-maneho sa gabi, lalu na sa mga liblib na lugar. Sobrang dilim. At maraming mga hambalang sa kalye ang hindi mo inaasahang makita. Sa mga nagmamaneho, dapat sila laging magbantay … sa mga sasakyang nakaparada na walang EWD (early warning device!); sa mga iba pang sagabal na basta na lamang iniwang nakabalandra sa lansangan, tulad ng kulahan, tindahan, mga pira-pirasong kahoy na basta na lamang itinapon sa daan. Kailangang magmatyag. Kailangang magbantay – sa ilaw na kumukutitap, o sa ilaw na dapat ay naroon pero wala.

Matay nating isipin, ito mismo ang paksa ng mga pagbasa natin ngayon. Himayin natin nang isa-isa ang mga ito. Sa unang pagbasa, liwanag ng wastong pagkilala at kabatiran sa sarili ang paksa. Sino sa atin ang tanggap ang liwanag ng katotohanang tayo ay “tuloy pa rin sa pagkakasala, at ang ginawa nami’y talagang masama mula pa noong una” … “kahit anong gawin namin ay duming di hamak.” Marami ang nabubuhay sa kadiliman, at ang kadilimang ito ay may kinalaman sa hindi pagtanggap sa tunay nating katatayuan sa harapan ng Diyos.

Sa ikalawang pagbasa naman, mula sa liham sa mga taga-Corinto, ang liwanag ng biyaya ng Diyos ang siyang malinaw na paksa: “sa mga pagpapala sa pamamagitan ni Kristo Jesus” … “mga kaloob na espiritwal, habang hinihintay nating mahayag ang ating Panginoong Hesukristo.”

Pero ang pinakamatindi at pinakamahalaga ay ito … ang nilalaman ng ebanghelyo … isang EWD o maagang babala tulad ng “early warning device.” Ito ang tunay na kahulugan ng mga ilaw na darating, sa Pista ng Dakilang Liwanag sa araw ng Paskong pinakahihintay natin … “Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras.”

Ewan ko lang sa inyo, pero ito ang pakahulugan ko sa Panahon ng Adbiyento o Pagdating … ang pagiging mapagmatyag, mapagbantay, mapag-ingat at mapag-paanyo. Ito ang panahon ng Pagdating at kung may darating ay may naghahanda at nag-aayos. Tama ang hiling natin sa Aleluya bago binasa ang ebanghelyo: “Pag-ibig mo’y ipakita, lingapin kami tuwina, iligtas kami sa dusa.” Halina, Panginoon, halina!