frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

BIYAYANG KABIG; BIYAYANG KALOOB!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon A on Hulyo 8, 2011 at 17:35

Ika-15 Linggo ng Taon(A)
Julio 10, 2011

Madalas ang ulan sa bayan natin sa mga araw na ito. Noong nakaraang dalawang Linggo, nasa Davao ako, at pati doon, sa lugar na dati-rati ay hindi binibisita ng bagyo, ay biglang nagkaroon ng baha matapos ang tatlong oras na walang puknat na pag-ulan sa gabi, na ikinasawi ng mahigit na 25 katao, na karamihan ay batang natutulog.

Noong mga bata kami, hinihintay namin ang unang pagpatak ng ulan. Tinatawag na “agua de Mayo,” ang unang ulan sa buwan ni Maria, buwan ng mga bulaklak, ay itinuturing na mapagpagaling, ulan ng biyaya, at ulan na nagdudulot ng tubig sa tigang na lupa at tuyot na katawan, at naghahatid ng kagalingan sa anumang kapansanan.

Ayon sa unang pagbasa ngayon galing kay Isaias, ito ay sagisag rin ng biyayang galing sa langit, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga ng kabutihan, kagalingan, at bunga sa lupang ibabaw. Sagisag ito ng Salita ng Diyos, na hindi nagbabalik sa langit nang hindi nagbubunga nang marami.

Mabisa ang ulan. Nagbubunga ng buhay… at lalung mabisa ang Salita ng Diyos … nagbubunga ng panibagong buhay sa mga nakaririnig nito at pinagyayaman ito.

Nguni’t hindi kaila sa lahat sa atin, na ang ulan ay sagisag rin ng isang palitan ng biyaya … Galing sa itaas, ang ulan ay nagiging ulap na muling pumapailanlang, upang bumalik muli bilang ulan. Ang ulan ay biyayang kabig, biyayang bigay, biyayang bumaba mula sa itaas. Subali’t sa kanyang pagdatal sa lupa, ang ulan ay nagbubunga, nagpapayabong sa halaman. Sagisag rin ito ng biyayang kaloob, ang sukli ng daigdig sa kalangitan sa biyayang kinabig, sa biyayang tinanggap.

Alam ng maraming lumaki nang malapit sa kalikasan ang batas na ito ng kalikasan … bigayan, palitan, suklian. Sa buhay natin, hindi tama ang panay pakabig lamang. Walang nabubuhay nang sagana na walang inatupag kundi ang bumali, ang kumabig, at ang tumanggap. Ang buhay ay isang daang may paroon at parito, dalawang daloy, pailaya at paibaba, pakanluran at pasilangan.

Ito ang nais kong bigyang-diin sa araw na ito.

May 22 taon na ang nakalilipas nang ako ay nagsikap umakyat sa Mt Apo. Hindi kami nakatuloy noong 1989, nang kami ay pinigil ng mga sandatahang mga taong-bundok. Noong nakaraang dalawang Linggo ay tinangka kong muling tingnan ang siyudad kung saan ang aming balaking marating ang tuktok ay nabigo. Noong panahong yaon, ang isa sa mga hindi madaling kalimutang karanasan ay ang pagkakita namin ng Philippine Eagle na lumilipad, sa itaas, kung saan ang kanilang tirahan ay unti-unting nauubos, napapawi, dahil sa mga bundok at gubat na nakakalbo.

Isa iyong sagisag ng kung ano ang nagaganap kung makalimutan ng tao ang batas ng kalikasan, ang batas ng bigayan, ang batas ng pagtanggap at batas ng pagkakaloob at pagsusukli ayon sa kung ano ang tinanggap.

Wala na akong nakikita at naririnig na kagang sa bayan namin. Ang huli kong pagkakataon kung kailan nakarinig ako ng huni ng kagang ay noong lumitaw ang mga ito sa Maryland at Virginia, USA noong taong 2004. Sapagka’t marami nang lugar sa Pilipinas ang pinagsamantalahan ng tao, at hindi na sumunod sa batas ng bigayan at palitan, unti-unting naubos ang mga bagay na dati rati ay palasak sa bayan natin.

Isa itong pagunita sa atin tungkol sa buhay natin bilang Kristiyano … buhay na palitan at bigayan, suklian at pagkakaloob ayon sa kung ano rin ang tinanggap. Ito ang buhay ng isang taong marunong kumilala at tumanaw ng utang na loob. Ito ang buhay ng isang Kristiyanong, hindi lamang puro pakabig kundi ang mga palad ay bukas rin upang magbigay-sukli sa biyayang galing sa itaas.

Puno ng kaguluhan ang buhay natin ngayon. Ito ay sapagka’t nahirati na tayo sa kaswapangan, pagkamakasarili, at pagkakanya-kanya. Walang nang kabute at mamarang sa parang dahil sa sinira na natin ang kalikasan. Wala nang tubi-tubi … wala nang mga patango at mga tikri, at mga alitaptap. Wala nang makunan ng tubig na malamig at matamis na dumadaloy sa bukal, at hindi sa gripo. Masyado nang masikip ang mga kabahayan at kabihasnan.

Nguni’t hindi ito ang tunay na trahedya. Ang trahedya ay hindi na rin tayo marunong makipagtulungan sa nagsasabog ng binhi. Tulad na batuhan at dawagan, ang lupang tigang na hindi na marunong makipagtulungan ay hindi nakapagkakaloob tulad ng kung ano siya tumanggap.

Ang tanong sa atin ngayon ay ito … anong uri ng lupa baga tayo, at anumang uri, tayo ba ay handang kumabig lamang o magkaloob rin ng sukli sa bukal ng biyaya na ating Panginoon at Diyos? Tayo ba ay parating lupang tigang, lupang uhaw na walang kakayahang magbunga o lupang handang tumanggap at handa ring magkaloob ng sukli sa Kanyang pinagmulan ng lahat ng kabutihan?

GUNITAIN, AT GAWIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Hunyo 25, 2011 at 10:19

KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO (A)
Hunyo 26, 2011

Isa sa mga kinahihibangan ko sa mga araw na ito, habang nasa Maynila at nagtuturo sa mga seminarista sa dalawang buwang bakasyon sa Guam, ay Facebook. Pero hindi basta Facebook, kundi facebook na kaugnay sa isang grupo ng mga kababayan ko sa Mendez, Cavite. Bagaman at kakaunting panahon ang aking itinigil ko sa bayang sinilangan, hindi ko maipagkakailang ang aking kamalayan, ang aking pag-iisip, at lahat ng kung sino ako, ay hinubog, nabuo, at nagkaroon ng kakanyahan kung saan ako nagmula.

Bilang isang terapista, bukod sa pagiging pari at guro ng teolohiya, isa sa pinaggugugulan ko ng panahon ay ang mawari kung ano ang nasa likod ng kung ano mang ginagawa ng karamihan, pati ako. At sa aking pagmumuni-muni, ay napagtanto ko kung ano ang isa sa mga marahil ay dahilan kung bakit kaming magkakababayan ay nagsasama-sama sa umpukan naming sa cyberspace, kahit na ang karamihan ay nasa iba-ibang sulok ng daigdig!

At ang buod ng lahat ng ito ay tila isang salita lamang … GUNITA … PAG-AALA-ALA … PAGBABALIK-TINGIN … PAGBABALING NG ISIPAN SA NAGDAAN! Nguni’t ito ay hindi lamang isang hungkag at walang lamang pagbabalik-isip. Ito ay puno ng isang masidhing kagustuhang maisagawa ang maraming mga bagay na kinatuwaang gawin noong nakaraan … tulad ng paglulupak, panghuhuli ng “tubi-tubi” (tutubi), at marami pang napakasimpleng mga gawaing nagdulot ng masidhing kagalakan sa aming mga bata noong araw.

GUNITAIN! Ito rin ang paksa ng mga pagbasa natin sa kapistahang ito ng Corpus Christi. Ito mismong kapistahang ito ay nagdudulot ng maraming maaaring gunitain … ang prusisyong ginagawa nuon kahit sa loob lamang ng simbahan kapag pista ng Corpus Christi … ang puno ng debosyong pagsisimba ng mga taong-bayan sa Misa Rezada at Misa Cantada tuwing Linggo ng umaga … ang mataginting na pag-awit ng mga himig Latin tuwing magmimisa si Fr. Santiago, o si Fr. Sugay, at ang iba pang naging Pari sa aming maliit na bayan, sa patnubay ng Patrong si San Agustin!

Gunitain! Ito ang payo ng Aklat ng Deuteronomio: “alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan!” Ang pusong walang binabalikan ay pusong walang pinasasalamatan. Ang taong walang nagugunitang kabutihan ay wala ring kakayahang magkaloob ng pasasalamat. Ang taong marunong lumingon sa pinanggalingan ay higit na may pagkakataong makararating sa patutunguhan!

Ito ang Eukaristiya! Ito ang buod ng Eukaristiya – pasasalamat at ang pasasalamat ay magaganap sa pamamagitan ng paggunita!

Tingnan natin kung ano ang dapat nating kilalanin upang mapagpasalamatan … “tinuruan tayong magpakumbaba …” “binigyan ng manna …” “nagpalaya mula sa pagka-alipin.”

Di ba’t kasaysayan nating lahat ito? Di ba’t tayong lahat ay naging bihag ng kasalanan, ng pagkamakasarili, ng kamangmangan at kawalang kaalaman? Di ba’t lahat tayo ay nagdaan sa kahinaan, sa kapayakan, sa kawalang kakayahan?

Ito ang hinihingi ng kapistahan ng Corpus Christi … ang paggunita at ang pagkilala. “Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapapsalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Kristo?”

Nguni’t dito nagkakaiba ang paggunita na ginagawa naming sa facebook, at ang tunay nag paggunita na ginagawa ng Simbahan. Ang pagbabalik-isip na ginagawa naming sa facebook, ay dulot lamang ng isang pagnanasang balikan ang mga bagay na nagbigay sa amin noon ng kasiyahang makabata, kasiyahang hindi na puedeng mangyaring muli. Tanging gunita lamang at alaala ang puede naming ibalik, o balikan, o balik-isipin.

Sa Eukaristiya, ang paggunitang ginaganap ng Simbahan at ng mga mananampalataya ay hindi lamang pag-alala. Ito ay isang paggunitang nauuwi sa paggawa. Ito ay isang pagbabalik-isip na dapat at nagiging makatotohanan sa buhay natin ngayon at sa buhay na hinaharap at darating.

Ang Eukaristiya ay pasasalamat … pasasalamat sa nagdaan, pangkasalukuyan, at pang hinaharap. Ginugunita natin ang pagsilang ng Panginoon, ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay … ang pag-aalay ng sarili para sa ating kaligtasan. Ginugunita rin natin ang kasalukuyan nating pamumuhay na kaniig ang Diyos sa mga sakramento ng Simbahan. At higit sa lahat, ang isipan natin ay nakatuon sa darating na luwalhati at ganap na kaligtasang nakalaan sa atin, sa langit na tunay nating bayan!

Gaano ko man gustuhin, ay batid kong hindi ko na maibabalik ang simple at masayang pamumuhay noon sa aking bayan. Wala nang masyadong tubi-tubi ngayon. Wala nang masyadong kabute at mamarang (isang uri ng kabute). Wala nang mga prutas na dati-rati ay pinipitas lamang naming kahit saan. Wala na rin halos pati ang estilo ng aming pananalita na may puntong walang katulad sa Katagalugan, liban sa aming karatig bayan na Batangas. Marami na ang naglaho at hindi na maibabalik.

Nguni’t sa Eukaristiya, sa Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, walang naglalaho … walang nababago … walang napapawi o nabubura … “Ang kumain ng aking katawan at uminon ng aking dugo ay magkakamit ng buhay na walang hanggan.” Si Kristo ay Diyos, kahapon, ngayon, at magpasawalang hanggan!

Ang hinihingi niya sa atin ngayon ay ito: GUNITAIN ang lahat ng kanyang biyayang ipinagkaloob … at GAWIN ang nilalaman ng ating ginugunita at pinagyayaman! “Ang sinumang kumain sa akin, ay mabubuhay ng dahil sa akin!”