frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

KALAYAAN TUNGO SA PAGLILINGKOD

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hunyo 24, 2010 at 17:27

Ika-13 Linggo ng Taon(K)
Junio 27, 2010

Mga Pagbasa: 1 Hari 19:16b, 19-21 / Gal 5:1, 13-18 / Lk 9:51-62

Mahirap kahit kailan ang napipilitan lamang. Walang sinumang matutuwa kung ang ginagawa niya ay bunga ng pamimilit ng kapwa. Walang sinumang magagalak sa paggawa ng anumang iniatang sa kanyang balikat nang wala niyang pahintulot, ni wala siyang kaalaman, at pagsang-ayon.

Ewan ko sa inyo, pero susunod kaya si Eliseo kung wala siyang paggalang at paniniwala kay Elias? Isa itong palaisipan para sa ating lahat na naglilingkod sa Diyos, sa bayan, at sa Inang Santa Iglesya. Sa Turkey, kamakailan, isang Obispo ang pinaslang ng kanyang driver, isang muslim. Magagawa kaya ng taong ito na paslangin ang isang namumunong mayroon siyang pitagan at paggalang? Sa kanyang karumal-dumal na krimen, nagpapatunay lamang na hindi siya tulad ni Eliseo na may pitagang tumalima kay Elias, tulad ng sinasaad sa unang pagbasa.

Malungkot ang naganap sa pagpaslang kay Bishop Padovese sa Istanbul. Nguni’t ang pinakamalungkot ay ang walang pakundangang paggalang hindi lamang sa isang pinuno kundi sa kinakatawan niyang institusyong banal at hindi isa lamang samahang makamundo, hindi isang likhang-isip lamang ng tao.

Ito ang binibigyang-diin ng mga pagbasa ngayon – ang pagiging disipulo, ang pagiging tagasunod, ang paglilingkod na bunga ng kalayaan at hindi sapilitan.

Alam nating lahat kung ano ang ibinubunga ng pamimilit. Alam nating ang napipilitan ay hindi masayang naglilingkod, hindi maaasahan, hindi mapagkakatiwalaan. Kung pilit ang paglilingkod, hindi ito magtatagal. Hindi maglalaon at manghihinawa, magsasawa, at maglalaho na lamang na parang bula, pagdating ng panahon. Kahit bayaran, kung sapilitan ang ginagampanan, ay hindi rin magtatagal, hindi lalawig, at hindi makalalayo at papanawan ng pagpupunyaging maglingkod nang bukal sa kalooban.

Mahirap ang gawain ng isang tagapaghatid ng magandang balita. Malimit, ang kausap naming mga pari ay ang mga taong ebanghelisado na, ang mga taong hindi na kailangan makarinig sa aming mga pangaral. Ang tunay na nangangailangan ng pangaral at mabuting balita ay ang mga taong nagbibigay rin ng sakit ng ulo sa atin – ang mga pasaway, ang mga walang paggalang sa krus, ang mga taong nanlilibak sa doktrina ng Santa Iglesya, ang mga grupong galit sa Misa, sa Eukaristiya, sa debosyon kay Santa Maria at sa mga banal, at ang inaakala nating pagsamba sa mga diyus-diyusan.

Ito ang mga taong namumuhi sa Iglesya, hindi sapagkat ang Iglesya Katolika at tunay kamuhi-muhi, kundi sapagka’t hindi nila lubos na nauunawaan at naiiintidihan ang mga pangaral ng banal na Iglesya. Galit sila hindi sapagka’t masama ang Iglesya, kundi masama ang pagkakilala nila sa Iglesya. Galit sila sa larawan, hindi sa katotohanan ng kung sino at ano ang Santa Iglesya.

Bilang pari, di miminsan akong nakatikim at nakaramdam ng pagkamuhing ito … lalu na ngayon kung kailan ang larawan ng pagkapari ay nabahiran ng susun-susong mga karumihang nagawa ng ilan sa amin. Ang sabi ng marami, ay wala raw kami karapatang mangaral kung kami mismo ay pinamumugaran ng mga marurumi ang budhi na nagsasamantala sa kawalang-malay ng mga kabataan.

Walang iniwan dito ang karanasang tumambad sa Panginoon at sa kanyang mga alagad. Sa pagpasok nila sa Samaria, ay sinalubong sila ng pagtutol ng madla. Ngali-ngaling tawagin ng mga alagad ang kapariwaraan sa lupaing yaon, upang sila ay lipulin at puksain ng apoy.

Subali’t hindi sumang-ayon ang Panginoon … Nanatiling nakatuon ang kanilang layunin sa kanilang tungkulin, sa kanilang mithiin, sa kanilang adhikain.

Sa ating panahon, ito pa rin ang adhikain ng Simbahan, sa kabila ng kawalang tiwala ng marami sa Inang Santa Iglesya. Ito pa rin ang mithiin, ang layunin at panuntunan ng Santa Iglesya, kahit na marami na ang pinanawan na ng paniniwala at pananampalataya sa kapangyarihan ng ebanghelyo upang papagpanibaguhin ang mundo, at iayon sa landas ng kaligtasan.

Dito ngayon papasok ang bawa’t isa sa ating lahat – ang pangangailangan ng tulad ng kabataang nagwika, “susunod ako saan ka man magpunta.” Nguni’t nang ilahad ni Kristo ang kabayaran sa pagsunod na ito, malamang na napag-isip ang mga mabilis pa sa agos ng rumaragasang tubig ang bibig sa pagbibitaw ng pangako. Kailangan nito ang isang matibay at matinding pagpapasya na bunga ng malalim na kalayaan. Hindi ito isang salitang itinatapon na lamang at sukat. Ito ay katagang pinaninindigan, pinananagutan, at pinagyayaman at buong pusong tinutugunan.

Ito ang kahulugan ng pagiging disipulo… mahirap, masalimuot, mapanganib, at tigib ng makamundong pangamba, at pag-aalinlangan.

Ito ang pagiging disipulo sa panahong ito na maraming namumuhi sa aming mga pari, sa Simbahan, na hindi maipagkakailang hindi madali, mahirap, at puno ng hilahil, problema, at pagsubok.

Tama ang nanay ni San Juan Bosco … ang pagsisimulang mag-Misa, ay simula rin ng paghihirap at pagsasakripisyo – kung tutuparin lamang namin ang aming misyon, nang puno ng kalayaan, pagpupunyagi, at pagsisikap.

Ganap na kalayaan ang kailangan nito … kalayaang hindi lamang nauuwi sa pamimili sa dalawa o higit pang pagpipilian, bagkus isang kalayaang malalim na nagbubunsod sa ganap at wagas na paglilingkod – ang kalayaan sa pagbibigay ng sarili at wagas na paglilingkod.

Ang bayaran at swelduhan ay madaling manghinawa. Ang disipulo ay parang energizer na baterya … patuloy ang pagsulong, patuloy ang paggawa, tigib ng kalayaan tungo sa lubusang paglilingkod.

LIBAN O LABAN?

In Catholic Homily, Eukaristiya, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Homily, Taon K on Hunyo 2, 2010 at 22:21

Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo (K)
Junio 6, 2010

Mga Pagbasa: Genesis 14:18-20 / 1 Corinto 11:23-26 / Lucas 9:11-17

Matapos natin pagnilayan ang pinakabuod ng pagka Diyos ng Banal na Santatlo noong nakaraang Linggo, nakatuon naman ang isipan natin sa kung ano ang kinahinatnan ng dakilang kaloob ng Ama – ang bugtong na Anak ng Diyos na si Kristong Panginoon. Bahagi ng kalikasan ng Diyos ang magkaloob. Ipinagkaloob ng Ama ang Anak, at patuloy na ipinagkakaloob ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo, na patuloy ring nagkakaloob sa kanyang dakilang bayan ng susun-suson at patung-patong na mga iba pang mga kaloob.

Ang mga kaloob na ito ay napapaloob sa konteksto ng mga tanda – mga tandang nakikita, namamalas, nakikilatis, at madaling maunawaan. Isa sa mga tandang ito ang tanda ng Banal na Iglesya – ang katawang mistiko ni Kristong Manliligtas.

Nguni’t hindi lamang ang tanda ng Simbahan ang kanyang ipinagkaloob. Nababalot ang dakilang tandang ito ng iba pang mga dakilang tanda – ang mga Sakramento na nagpapamalas, naghahatid, at nag-aakay sa atin sa kaligtasan.

Susun-suson at dugtong-dugtong ang mga tanda na ito.

Ang unang tanda ng pag-ibig ng Diyos Ama ay ang Diyos Anak na nagkatawang-tao. Si Kristo ang dakilang tanda ng Ama.

Ang tanda ng pag-ibig na ito ng Ama ay pinangangatawanan ngayon ng isa pang tanda – ang Santa Iglesya – ang tanda o sakramento ng kaligtasan.

Subali’t hindi sa Simbahan natatapos ang hanay ng mga palatandaang ito. Mayroon pang pitong dakilang tanda – ang pitong sakramento na hindi lamang nagpapahiwatig, bagkus gumaganap sa ipinahihiwatig nito – ang kaligtasan, at kabanalan ng kanyang bayang hinirang.

Ito ang ipinagdiriwang natin sa araw na ito – ang dakilang tanda hindi ng katawang mistiko ni Kristo, kundi ng sacramental na katawan at dugo ng Panginoon – ang kapistahan ng Corpus Christi.

Lilisanin ko sa sandaling ito ang malalim at teolohikal na pagpapaliwanag sa misteriong ito. Gusto ko sanang tumbukin kaagad ang kahulugan ng misteriong ito sa buhay natin.

Marami sa inyo ay nagkokomunyon tuwing Linggo. Marami sa inyo ay nakakaunawa kahit papaano na ang komunyon ay hindi lamang sagisag. Ito ay isang sakramento na nagpapahiwatig at nagsasakatuparan ng ipinahihiwatig. Alam kong para sa marami sa inyo, ang komunyon ay hindi isang pirasong tinapay lamang o wafer, tulad ng kinakaing matamis na parang ampaw na gustong gusto ng mga bata. Alam kong sa inyong kabatiran, ang komunyon ay hindi lamang pagtanggap sa isang sagisag na walang kinalaman sa buhay nating pang-araw-araw.

Dito papasok ang aking pagninilay na ito. Hindi. Hindi isang paglunok lamang ito ng isang dakila at banal na tanda. Ang komunyon at ang pagtanggap sa Katawan at Dugo ng Panginoon ay hindi nauuwi lamang sa isang ritual, gaano man kabanal ito. Hindi ito katumbas ng isang pagliban lamang sa kabilang baybayin ng isang ilog. Hindi ito isang pagpapatong lamang ng talukbong sa ulo upang dalhin tayo sa ibang larangan ng buhay makatao.

Ang katawan at dugo ng Panginoon at ang pagtanggap nito sa Eukaristiya ay hindi lamang isang pagliban. Ito ay isang paglaban at pakikibaka sa status quo. Ito ay isang subversibong gawain na may mahalagang kahihinatnan sa buhay makatao sa mundo. Hindi ito isa lamang pangakong napapako sa kawalan. Ito ay isang pangako at paghamon … ang panawagang napapaloob sa pangakong “ang sinumang kumain at uminom nito ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”

Ang dahilan nito ay simple lamang … ang buhay na walang hanggan na binabanggit ng Panginoon ay isang panibagong buhay, isang buhay na walang katulad sa buhay makamundo. Nguni’t para masabing tayo ay lumiliban sa isang bagong larangan ng pamumuhay bilang Kristiano, dapat tayong makilaban at makibaka sa anumang walang kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa buhay makalangit. Ito ang dahilan kung subersibo ang Banal na Komunyon. Hindi maaring tumanggap nito na parang kumain ng apa. Ang kumain nito ay uminom ng banal na katawan at dugo ay lumiliban sa isang bagong antas, bagong anyo, at bagong kalakaran. At nangangailangang ang sinumang lumiban sa bagong antas na ito ay matutong lumaban sa salungat sa parehong antas na ito.

Tumbukin agad natin ang bagong antas na ito. Ito ang bagong kautusan, ang bagong tipan, ang bagong kasunduan. At ang tanda ng kasunduang ito ay ang dugo ng Kordero at ang katawan ng kordero ng Diyos na nag-alay ng kasukdulan para sa ating ikapapanuto.

Malaki ang responsibilidad natin matapos makibahagi sa Eukaristiya. Matapos maipatatag at mapag-ibayo ang pagiging bahagi ng Katawang mistiko ni Kristo, sa pagtanggap natin sa katawan at dugo ng Panginoon, handa tayo at pinalakas tayo upang hindi lamang lumiban sa kabilang pampang, kundi lumaban upang marating natin ang langit na tunay nating bayan. Kailangang makibaka sa mali, sa kasalanan, sa katiwalian, sa pagkamakasarili, at sa lahat ng uri ng kasamaan. Ito ang bunga ng pagkakaloob sa atin ni Kristo ng kanyang sarili, hanggang sa ibubo niya ang dugo at ipagkaloob ang katawan hanggang sa kamatayan – kamatayan sa krus.

Wala na tayong paligoy-ligoy pa. Hindi lamang wafer ang komunyon. At lalong hindi lamang ito isang madamdaming pagkain at pag-inom. Ito ay sagisag, tanda, at katotohanang may kinalaman sa pagliban sa isang panibagong buhay, na nagbubunga ng matatag at matapang na paglaban sa anumang walang kinalaman sa panibagong buhay na ito.

Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin!