frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

MAGTIPON AT MAKINIG!

In Adviento, Catholic Homily, Panahon ng Pagdating, Simbang Gabi, Taon K on Disyembre 15, 2009 at 12:33


Ika-2 Araw ng Simbang Gabi(K)
Diciembre 17, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 49:2, 8-10 / Mateo 1:1-17

Marami pa rin ang nasa simbahan sa ikalawang araw ng simbang gabi. Taun-taon, ang unang araw ay laging punong-puno ng tao. Ang ikalawang araw ay marami pa rin, nguni’t sa ikatlo hanggang sa kalagitnaan ng nobena, ay unti-unting nababawasan ang nagsisimba, liban kung tumama sa araw ng Linggo ang kalagitnaan ng Simbang Gabi.

Kahapon, binigyang-pansin natin ang isang mataimtim na panalangin na nagmula kay Isaias: “ibuhos nawa sa atin ng kalangitan ang Makatarungan!”

Sa araw namang ito, dalawang kataga ang lumulutang sa unang pagbasa … mga katagang nagbibigay-lagom sa buod ng ating pagiging kasapi ng Santa Iglesya o Simbahang Katoliko. Malimit na makitid ang pagkaunawa ng tao sa pagiging kasapi ng Simbahan. Malimit na para sa marami, ang pagiging kasapi ng Simbahan ay napapaloob sa pagkabilang dito, sa pakikisalamuha sa grupo, sa pagsama sa pagsamba tuwing Linggo o pistang pangilin.

Kung ganito lamang ang kahulugan ng iglesya o pakikibahagi sa simbahan, sapat na ang makisalamuha o makisama sa grupo upang mapabilang sa santa Iglesya.

Tingnan muna natin sumandali ang kinapapalooban ng unang pagbasa. Si Jacob ay may 12 anak na lalaki. Sa kaniyang pagtanda, inisip niya ang kinabukasan, at kung sino ang nararapat mamuno sa kanyang malaking angkan. Sa pag-iisip niya sa mahalagang bagay na ito, tinipon niya ang kanyang angkan at sinabi nang buong linaw: Magtipon kayo at makinig!

At sa pagtitipong ito lumitaw ang kalooban ng Diyos para sa kanyang angkan. Ang lahi ni Juda ang siyang mamamaulo at maghahari. Sa kanya magmumula ang Mananakop, ang siyang titingalain ng buong bayan bilang tagapag-hawak ng pamumuno sa lupaing Israel.

Ito ang pangakong pinanghahawakan natin. Ito ang hulang ang kaganapan ay hinihintay natin, at ginugunita natin tuwing Adviento o panahon ng pagdating. Ito ang nagbibigay sa atin ng marubdob na damdamin ng paghihintay at pag-asa. Naganap ito sa kasaysayan sa pagdating ni Kristo noong araw ng Pasko, na pinaghahandaan natin sa panahon ng pagdating. Nagaganap pa rin ito magpahangga ngayon sa ating simbahan. Patuloy siyang dumarating sa hiwaga, sa pamamagitan ng sakramento ng Simbahan at sa pitong sakramentong alay ng Simbahan.

Ngunit sa Adviento, may isa pang pagdating tayong hinihintay – ang pagdating Niya sa wakas ng panahon.

Sa kanyang pagdatal sa araw ng kanyang pagsilang at sa kanyang muling pagbabalik, mayroong panahong pagitan. Ito ang panahon ng Santa Iglesya. Ito ang ngayon at dito – sa lupang bayang kahapis-hapis.

At para maging ganap na kasapi ng Simbahan, ng mga sumasampalataya at naghihintay sa kaganapan ng pangako ng Diyos, dalawang magkatuwang na bagay ang dapat natin gawin: magtipon at makinig sa Panginoon.

Sa lumang tipan, ang katipunan ng mga Israelitang sumampalataya kay Yahweh, na tumugon sa Kanyang panawagan ay tinawag na qahal. Ito ang mga tinawagan at tinipon ng Poong Maykapal. Ito ang “ekklesia”, ang mga katipunan ng mga “ekkletoi” – mga salitang Greko na pawang galing sa katagang “kaleo” na ang kahulugan ay “tumawag.”

Kung gayon, ang katipunan ng sumasampalataya na tinawag ng Diyos ay ang ekklesia o iglesya. Hindi isang tao ang tumawag sa atin kundi ang Diyos.

Pero may isa pang salita na dapat tayong unawain – makinig. Hindi sapat ang magtipon. Ginagawa natin yan tuwina. Maraming tao ang nagtitipon upang manood ng palabas sa Araneta coliseum. Maraming tao ang makikitang nagtitipon sa MOA tuwing Sabado, Linggo, at pista opisyal. Pero hindi sila iglesya. Hindi sila simbahan. Ang simbahan ay kung ang mga tinipon ay nakikinig. At alam ba ninyong ang salitang “obedience” o pagsunod sa Ingles ay galing sa salitang “audire” (ob-audiens), na ang kahulugan ay makinig?

Walang taong makasusunod sa utos kung hindi man lamang makikinig. Walang pagtalima kung walang pakikinig. At walang pananampalataya (obedience of faith) kung walang pakikinig sa salita. Sa katunayan, sinabi ni Pablo nang malinaw: “ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig” (Roma 10:14).

Kay raming iba-ibang tinig ang naririnig ng tao ngayon. Kay raming iba-ibang pangaral ang matutunghayan natin sa panahon natin. Sa araw na ito, dalawang paalaala ang ating pinanghahawakan: magtipon at makinig.

Ito ang ginagawa natin sa Misang ito. Nagtipon tayo nguni’t kung walang pakikinig, namasyal lang kayo o nag-date … o dili kaya’y nag-text o nagpalipas ng oras kasama ng barkada. Nagsimba lang kayo, pero hindi sumamba. Marami ang sumisimba sa Simbang Gabi. Pero hindi ganoong karami ang sumasamba sa Simbang Gabi. Ang pagsisimba at pagsamba ay ang bunga ng dalawang utos ni Jacob na ngayon ay umaalingawngaw sa pandinig natin: magtipon at makinig.

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Panahon ng Pagdating, San Juan Bautista, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Disyembre 7, 2009 at 09:54

Ika-3 Linggo ng Pagdating(K)
Diciembre 13, 2009

Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filemon 4:4-7 / Lucas 3:10-18

ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?

Noong isang Linggo, binigyang pansin natin ang kahalagahang panatiliing magkasama at magka-agapay ang dalawang aspeto ng turo ng Panginoon: pangako at pangaral. Mahalaga, sabi natin, na hindi lamang puro pangako ang panghawakan natin, kundi pati ang mas mahalaga – ang pangaral. Bawa’t pribilehiyo o kaloob ay may kaakibat na pananagutan. Bawa’t pangako ay may kalakip na pangaral.

Sa Linggong ito, tinaguriang Gaudete Sunday, o araw ng pagsasaya, dahil malapit na ang pagdatal ng Mananakop, dalawa na namang magkatuwang at magkalakip na katotohanan ang atin matutunghayan: pagsasaya at paggawa!

Unahin natin sa una: magsaya … gaudete … ito ang tinutumbok ng una at ikalawang pagbasa. Maraming salita ang ginamit upang ikintal ito: “umawit nang malakas … sumigaw … magalak nang lubusan … masayang aawit sa laki ng kagalakan” … Si Pablo sa liham kay Filemon, ay pareho rin ang sinasabi: “magalak kayong lagi sa Panginoon … inuulit ko, magalak kayo!”

Sa kalagitnaan ng panahon ng Pagdating, wasto lamang na bigyang-pansin natin ang diwa ng panahong ito – hindi pagpepenitensya, bagkus, marubdob na paghihintay sa diwa ng pag-asa ang siyang bumabalot sa ating kamalayan sa araw na ito.

Nguni’t ang paghihintay bang ito at pag-asa ay isa lamang mababaw na damdaming dapat manaig sa kabila ng lahat ng kabuktutan at kasalanang naghahari sa daigdig na iniikutan natin? Tayo ba ay dapat mabalot ng kagalakan dahil sa 57 katao ang pinaslang nang ganoon na lamang at sukat nang walang kalaban-laban? Tayo ba ay dapat magpanggap na masaya ang lahat sa kabila ng walang awa at walang pusong pagkitil sa inosenteng buhay sa kadahilanang sila ay nasa maling lugar sa maling oras? Tayo ba ay dapat magkunwaring masaya ang bayang Pilipino kahit na puro pandaraya at panlilinlang ang inaatupag ng naka luklok sa kapangyarihan? Totoo bang sa ikatlong linggo ng panahon ng pagdating ay dapat tayong “umawit sa laki ng kagalakan?”

Hindi ito ang naririnig ko sa mga pagbasa. Totoo na ipinagtatagubilin ni Pablo at ni Sofonias na tayo ay kailangang magalak. Nguni’t ang kagalakang ito ay nakatuon sa isang pangakong ang katuparan ay bumabagtas at lampas sa mga makamundong adhikain at hangarin na atin ngayong inaatupag sa mundong ibabaw.

Ang kagalakang ito ay may kinalaman sa mga pangakong mesiyaniko na dumating na, patuloy na dumarating, at darating pa. Ang kaganapan nito at katuparan ay hindi kailanman natin makakamit ngayon at dito, kundi sa kaganapang darating sa muling pagbabalik ng Mananakop.

Ito ang kagalakang malalim, wagas, lubos, at pang sa walang hanggan!

At dito papasok ang tunay na magandang balita … Hindi ito isang malikhaing pagnanasa lamang … hindi ito isang paghahangad na walang basehan sa kasaysayan at sa anumang turo ninuman. Sa likod ng pangakong ito, ay isang pangaral, tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo.

Ano ba ang pangako? “’ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon” … “wala nang kasawiang dapat pang katakutan” … “nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos” … “malapit nang dumating ang Panginoon.”

Subali’t ano ba ang pangaral? Narito … sa katauhan, buhay, at pagkamatay ni Juan Bautista. Siya ang naging tampulan ng lahat ng katanungan ng mga tao: “Ano ba ang dapat naming gawin?” Si Juan Bautista, na isinugo ng Diyos upang maging tagapaghatid ng balita at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon, ang siyang tinanong ng mga taon.

Ano nga ba ang dapat natin gawin? Heto … Una, “huwag sumingil nang higit.” Ikalawa, “huwag manghingi sa pamamagitan ng pamimilit o pagpaparatang nang di totoo.” Ikatlo, “masiyahan sa iyong sahod.”

Ano ang dapat natin gawin? Simple lamang! … ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katarungan. Ang katarungan ang siyang buod ng ipinangangaral ni Juan Bautista. Ito ang magandang balitang ating hinihintay – ang katarungan ng Diyos na darating sa atin sa pamamagitan ng “prinsipe ng kapayapaan,” na maghahatid sa atin sa daan tungo sa kapayapaan.

Sa madaling salita, hindi ito isang walang batayang paghihintay … hindi ito isang paghahangad na walang kapalit na pagsisikap. Hindi ito isang trabahong tamad na pagnanais, na walang kaakibat na pagpupunyagi. Hindi ito isang hungkag na pangako na walang kahugpong na pangaral!

Dito natin makikita kung tunay at wagas ang ating pagiging Kristiyano. Dito natin mapatutunayan kung ang ating pagnanasa at may kalakip na pagsisikap.

Kung meron, kung ang dalawang ito ay tunay na magkadaup-palad sa buhay natin, nasasa atin na ang pangako … nasasa atin na ang pagpapatotoo ng pahayag ng Panginoon: “Magsaya … “Nasa piling mo na ang Panginoong Diyos” … “masaya kang aawit sa laki ng kagalakan.” Kung gayon, alam mo na ang dapat mong gawin!