Ika-3 Linggo ng Pagdating(K)
Diciembre 13, 2009
Mga Pagbasa: Sofonias 3:14-18a / Filemon 4:4-7 / Lucas 3:10-18
ANO ANG DAPAT NAMING GAWIN?
Noong isang Linggo, binigyang pansin natin ang kahalagahang panatiliing magkasama at magka-agapay ang dalawang aspeto ng turo ng Panginoon: pangako at pangaral. Mahalaga, sabi natin, na hindi lamang puro pangako ang panghawakan natin, kundi pati ang mas mahalaga – ang pangaral. Bawa’t pribilehiyo o kaloob ay may kaakibat na pananagutan. Bawa’t pangako ay may kalakip na pangaral.
Sa Linggong ito, tinaguriang Gaudete Sunday, o araw ng pagsasaya, dahil malapit na ang pagdatal ng Mananakop, dalawa na namang magkatuwang at magkalakip na katotohanan ang atin matutunghayan: pagsasaya at paggawa!
Unahin natin sa una: magsaya … gaudete … ito ang tinutumbok ng una at ikalawang pagbasa. Maraming salita ang ginamit upang ikintal ito: “umawit nang malakas … sumigaw … magalak nang lubusan … masayang aawit sa laki ng kagalakan” … Si Pablo sa liham kay Filemon, ay pareho rin ang sinasabi: “magalak kayong lagi sa Panginoon … inuulit ko, magalak kayo!”
Sa kalagitnaan ng panahon ng Pagdating, wasto lamang na bigyang-pansin natin ang diwa ng panahong ito – hindi pagpepenitensya, bagkus, marubdob na paghihintay sa diwa ng pag-asa ang siyang bumabalot sa ating kamalayan sa araw na ito.
Nguni’t ang paghihintay bang ito at pag-asa ay isa lamang mababaw na damdaming dapat manaig sa kabila ng lahat ng kabuktutan at kasalanang naghahari sa daigdig na iniikutan natin? Tayo ba ay dapat mabalot ng kagalakan dahil sa 57 katao ang pinaslang nang ganoon na lamang at sukat nang walang kalaban-laban? Tayo ba ay dapat magpanggap na masaya ang lahat sa kabila ng walang awa at walang pusong pagkitil sa inosenteng buhay sa kadahilanang sila ay nasa maling lugar sa maling oras? Tayo ba ay dapat magkunwaring masaya ang bayang Pilipino kahit na puro pandaraya at panlilinlang ang inaatupag ng naka luklok sa kapangyarihan? Totoo bang sa ikatlong linggo ng panahon ng pagdating ay dapat tayong “umawit sa laki ng kagalakan?”
Hindi ito ang naririnig ko sa mga pagbasa. Totoo na ipinagtatagubilin ni Pablo at ni Sofonias na tayo ay kailangang magalak. Nguni’t ang kagalakang ito ay nakatuon sa isang pangakong ang katuparan ay bumabagtas at lampas sa mga makamundong adhikain at hangarin na atin ngayong inaatupag sa mundong ibabaw.
Ang kagalakang ito ay may kinalaman sa mga pangakong mesiyaniko na dumating na, patuloy na dumarating, at darating pa. Ang kaganapan nito at katuparan ay hindi kailanman natin makakamit ngayon at dito, kundi sa kaganapang darating sa muling pagbabalik ng Mananakop.
Ito ang kagalakang malalim, wagas, lubos, at pang sa walang hanggan!
At dito papasok ang tunay na magandang balita … Hindi ito isang malikhaing pagnanasa lamang … hindi ito isang paghahangad na walang basehan sa kasaysayan at sa anumang turo ninuman. Sa likod ng pangakong ito, ay isang pangaral, tulad ng sinabi natin noong nakaraang Linggo.
Ano ba ang pangako? “’ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon” … “wala nang kasawiang dapat pang katakutan” … “nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos” … “malapit nang dumating ang Panginoon.”
Subali’t ano ba ang pangaral? Narito … sa katauhan, buhay, at pagkamatay ni Juan Bautista. Siya ang naging tampulan ng lahat ng katanungan ng mga tao: “Ano ba ang dapat naming gawin?” Si Juan Bautista, na isinugo ng Diyos upang maging tagapaghatid ng balita at tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon, ang siyang tinanong ng mga taon.
Ano nga ba ang dapat natin gawin? Heto … Una, “huwag sumingil nang higit.” Ikalawa, “huwag manghingi sa pamamagitan ng pamimilit o pagpaparatang nang di totoo.” Ikatlo, “masiyahan sa iyong sahod.”
Ano ang dapat natin gawin? Simple lamang! … ang lahat ng ito ay may kinalaman sa katarungan. Ang katarungan ang siyang buod ng ipinangangaral ni Juan Bautista. Ito ang magandang balitang ating hinihintay – ang katarungan ng Diyos na darating sa atin sa pamamagitan ng “prinsipe ng kapayapaan,” na maghahatid sa atin sa daan tungo sa kapayapaan.
Sa madaling salita, hindi ito isang walang batayang paghihintay … hindi ito isang paghahangad na walang kapalit na pagsisikap. Hindi ito isang trabahong tamad na pagnanais, na walang kaakibat na pagpupunyagi. Hindi ito isang hungkag na pangako na walang kahugpong na pangaral!
Dito natin makikita kung tunay at wagas ang ating pagiging Kristiyano. Dito natin mapatutunayan kung ang ating pagnanasa at may kalakip na pagsisikap.
Kung meron, kung ang dalawang ito ay tunay na magkadaup-palad sa buhay natin, nasasa atin na ang pangako … nasasa atin na ang pagpapatotoo ng pahayag ng Panginoon: “Magsaya … “Nasa piling mo na ang Panginoong Diyos” … “masaya kang aawit sa laki ng kagalakan.” Kung gayon, alam mo na ang dapat mong gawin!