frchito

Archive for the ‘Catholic Homily’ Category

TIKMAN AT TINGNAN!

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Agosto 6, 2009 at 18:15

mass-painting
Ika-19 na Linggo ng Karaniwang Panahon(B)
Agosto 9, 2009

Mga Pagbasa: 1 hari 19: 4-8 / Efeso 4: 30 – 5:2 / Juan 6: 41-51

Kadustaan ang tila karanasan ni Elias … sa ilang … sa lugar ng tiyak na kamatayan … Kawalang pag-asa ang tila paulit-ulit na saknong ng kanyang mapait na awit: “Tama na … sobra na … Wala akong kaibahan sa aking mga ninuno. Panawan na sana ako ng buhay!” Subali’t isang anghel ang makailang ulit na isinugo ng Diyos sa kanya habang siya ay naidlip sa ilalim ng puno. “Tingnan, tikman … paunlakan ang kaloob kong pagkain. Mahaba pa ang iyong lakbayin.”

Alam natin ang bungang idinulot ng pagkaing yaon … lakas, panibagong buhay, at kapasyahang maglakbay pa at magpatuloy sa kanyang atang na tungkulin. Naglakbay siya, dala ng kalakasang dulot ng tinapay mula sa langit, nang apatnapung araw at apatnapung gabi!

Iba magmahal ang Diyos! Susubukan ka Niya muna … gugutumin … dudustain … hahamakin ng madla. Iba magmahal ang Poong Maykapal … isusuong ka muna sa lahat ng uri ng kapaitan, kahirapan, pagsubok at pagtupok ng iyong papiruk-pirok at papiyok-piyok na pag-asa!

Nguni’t hindi ka Niya lubusang bibitawan. Hindi ka lubos na papanawan ng lahat ng katugunan maging sa pinakamatinding mga suliranin. Ito ang pinanghahawakan natin sa araw na ito … ang buod, ang lagom, ang puno at dulo ng magandang balita …
“Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.”

Di lamang apatnapung araw at apatnapung gabi ang bayang Pilipino naglalakbay sa karimlan. Di lamang mapapait na kadustaan at kahihiyan ang sinapit natin sa pandaigdigang pagtingin. Di miminsang nilibak tayo at inalipusta ng bansang mayayaman, bilang isang mumurahing lahi ng mga DH at utusan. Di miminsang tayo ay nilibak sa kaguluhan at karumihan ng ating politika.

Subali’t may mga Elias, Eliseo at Jeremias at Jonas na patuloy na isinugo ang Diyos sa atin. Silang mga sugo ay naging mapait rin ang mga sinapit. Si Ninoy. Si Cory. Sina Evelio Javier, at marami pang iba na nagdusa dahil sa kanilang pagmamalasakit sa bayan. Di miminsang minaliit ng mga makapangyarihang may tangang baril ang babaeng inilibing lamang natin noong nakaraang Miercoles. Di miminsang pinagsikapang gapiin ng lakas at dahas ang kanyang mataginting na pag-iingat ng kalayaan kagagawan ng mga taong ngayon ay tinatawag nating “honorable” o kagalang-galang!

Sa nakaraang mga araw na ito, wala akong masabi kundi itong payak na katotohanang dulot ng tugon natin sa unang pagbasa: “Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.”

Hindi ba ninyo natikman at nanamnam ang tindi ng pag-ibig at pagpapasalamat ng bayan sa isang babaeng minaliit ng mga makapangyarihan noon? Di ba ninyo nakita at napaggunam-gunam na ang Diyos ay nagwiwika sa pamamagitan ng mga ordinaryong taong nakipagsiksikan, nagpakagutom, at nagpakapuyat, hindi upang ibagsak ang sinomang dapat ibagsak, kundi upang magpugay at magpasalamat sa kanyang sugo ng Diyos para sa bayang nagupiling sa kadustaan at kahihiyan?

Bagama’t may ilang mga walang hiyang mga politico ang nagsikap na gamitin ang libing ni Cory bilang isang plataporma sa kanilang mga madidilim na balakin, hindi sila ang nagwagi. Ang nagwagi at namaulo ay ang mga maliliit na taong pinagmalasakitan ng babaeng anak sa yaman at luho nguni’t nagpamalas ng payak at simpleng pamumuhay! Ang nagwagi at namayani ay ang mga ordinaryong taong naka-tsinelas na nagpumilit na pumasok sa libingan hindi upang ibagsak ang gobyerno at mamolitika kundi upang humiyaw lamang ng “Cory, Cory, Cory” at sa kabila ng umaagos na luha, ay nagpamalas ng kanilang taos-pusong pasasalamat sa kanya!

Nagkabuhay ang mga binabanggit ni Pablo sa ikalawang pagbasa: “Ang lahat ng kapaitan ng loob, poot, galit, pagtungayaw at pag-alipusta ay dapat maglaho sa inyo … At maging mabait kayo sa isa’t isa at magpatawad sa isa’t isa.”

Halos imposible na hindi natin matikman at matingnan ang kagandahang-loob ng Diyos sa atin. Mahirap tayong bansa … Oo … Marami sa atin ay mga naninilbihan sa mga among banyaga sa ibang bansa. Marami sa atin ay nagbabanat ng buto nang malayo sa mga mahal sa buhay. Sa “live streaming” na ipinakita sa internet ng kanyang libing, ilang mga Pinoy ay nagpuyat, nakipaglibing, nakiramay bagama’t sila ay libo-libong milya ang layo sa Pilipinas?

Sumilip at sumungaw sa ating bayan ang isa na namang anghel na sugo upang turuan tayo ng mahalagang liksiyon. Nagkaisa muli ang bayan. Nagkaroon muli ng pag-asa ang tanan. Nabuhay na muli ang diwa ng EDSA UNO. Daan-daang mga pamisa ang ginanap sa buong bansa para sa anghel na ito na, tulad ni Elias, ay nasadlak sa isang matinding pagsubok, pasakit, at panimdim.

Sa kabila ng lahat, ang pananampalataya ni Cory sa Eukaristiya ay namaulo, lumutang at umusbong. Pinatunayan niya na sa kadustaan, sa kahirapan, at kapanglawan ay may nagkukubling panibagong buhay – ang buhay na walang hanggan na siyang pangako ng Ginoong nagwika: “sino mang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

Natikman natin sumandali muli ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng halimbawa ni Cory. Natingnan natin sa kanya ring halimbawa, na sa kadustaan ay may panibagong buhay na hindi kailanman magagapi ng makamundong mga batayan ng kapangyarihan. Sa kanyang personal na halimbawa, na hindi natinag sa kanyang matibay na pananampalataya sa Panginoon at sa tinapay na dulot niya mula sa langit, nagkadiwa, nagkabuhay, at nagkatotoo ang tugon natin sa unang pagbasa sa araw na ito: “Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.”

Natikman natin. Natingnan natin. Halina at dumulog pang muli at makibahagi sa tinapay na naghahatid ng buhay na walang hanggan.! Tulad ni Elias. Tulad ni Jeremias. Tulad ni Cory. At tulad ng lahat ng tinig na sumisigaw: “Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!”

Kaawaan mo ang aming bayan, O Panginoon! Kahabagan mo kami, O Panginoon! Maging isang bayan nawa kami, batay sa iisang pananampalataya. Dahil sa iisang binyag. At bunsod ng pagkatikim at pagkakita sa iisang Diyos at iisang Panginoon. Tanging Siya lamang ang puno ng awa at habag at kaganapan ng kagandahang-loob.

DI SA PAGKAING NAAAGNAS, KUNDI SA TINAPAY NA WALANG KUPAS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Hulyo 30, 2009 at 19:06

panem
Ika-18 Linggo ng Taon(B)
Agosto 2, 2009

Malimit tayong maghanap ng kung ano ang nagtatagal, kung ano ang matibay, sulit sa anumang ating ibinayad, mga bagay na hindi madaling kalawangin, di kagya’t nasisira, at di marupok sa tingin at sa gamit.

Sa kabila nito, kay dali nating mainip, magsawa, mainis, at magtampo. Tulad ng mga Israelita, na pinupog ng reklamo si Moises matapos sila dalhing palabas sa pagka-alipin sa Egipto, hindi lamang tayo naiinis. Tayo man ay nag-aalsa … nag-aalboroto, kumbaga, at nagpapahayag ng niloloob maging sa Diyos man o sa tao.

Sa gitna ng ganitong saloobin at gawain ng tao, malinaw pa rin ang pahayag ng mga pagbasa ngayon, tulad ng ating tugon sa unang pagbasa noong nakaraang Linggo: “Binubusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugon Niyang lahat ang ating pangangailangan.” Sa kabila ng ating pagkasuwail, ganito pa rin ang tugon ng Diyos sa atin at siya nating tugon sa unang pagbasa: “Pinagkalooban sila ng Diyos ng tinapay na mula sa langit.”

Nguni’t tunghayan natin ang tinapay na ito …

Ang puno at dulo ng reklamo ng mga Israelita ay iisa … ang kanilang tinapay ay pinagsawaan nila … ang manna … Nasabik sila sa mga karne, recado, at pangsahog na sagana sa Egipto. Nakalimutan nila ang biyaya at natuon ang puso at isipan sa pagpapasasa. Nalungkot sila sa tinapay na walang lasa … walang ulam …. Walang kasabay na masaganang mga pang-ulam sa tinapay na mula sa langit.

Kay dali nating lumimot… kay dali nating magtampo … ginusto natin ang isang bagay kahapon …. Sinisiphayo natin ngayon at kinasusuklaman sa panahong ito. Sala tayo sa init … sala rin sa lamig. Hindi kailanman tayo nasiyahan sa kung ano ang meron tayo. At sa oras na makamit ang pinakamimithi, lagi tayong nag-aasam ng bagay na wala sa atin. Mas luntian, ika nga, ang damo sa halamanan ng kapitbahay. Laging mas ganap, mas mainam, mas nakalalamang sa anumang bagay. Maging sa larangan ng politika, ayaw natin dati sa presidente. Maging ang itinatanghal natin bilang bayani ngayon ng demokrasya, ay pinagsikapan natin ibuwag sa paulit-ulit na kudeta na madugo at marahas. Ang mga nagsusulong dati ng cha-cha ay ngayon ay salungat dito, at ang pinalayas natin sa pamamagitan ng people power ang siya ngayong itinatanghal bilang tugon sa lahat ng mga suliranin nating hinaharap ngayon.

Matay nating isipin, ang lahat ng bagay na iwiwaksi natin at pinagsasawaan ang mga bagay na pansamantala … mga bagay na pangkasalukuyang sarap lamang … mga bagay na di nagtatagal. Nag-alsa ang Israelita laban sa tinapay na hindi man lamang maiipon para sa kinabukasan. Dapat silang magtipon sa bawa’t umaga ng manna. Nag-alsa sila sa bagay na hindi nananatili … hindi nagtatagal … At ang lahat ng tampulan ng atensyon ng balana ay sa mga bagay na walang kapararakan, mga bagay na naaagnas at nagwawakas.

Subali’t sa kabila ng masamang balitang ito, ay isang mahalagang balita ang tumatambad sa ating kamalayan … Ito ang balita tungkol sa Eukaristiya na nagtipon-tipon sa atin ngayon. Ito ang magandang balita na sinasaad sa tugon natin sa unang pagbasa … “Binigyan sila ng Diyos ng tinapay mula sa langit.”

Hindi sila ang pokus ng ating pagninilay ngayon, kundi tayo. Tayo ngayon ang tampulan ng pag-aalay na ito ng manna na hindi basta nabubulok; hindi basta naglalaho.

At ang tinapay na ito ay walang iba kundi ang katawan at dugo ni Jesus na ipinagkaloob nang lubusan para sa ating lahat. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon sa mga nangagsipagsunuran sa kaniya, matapos sila pakainin. Nagsisunod sila sapagka’t naghahanap sila ng pagkain. Pero diniretso sila ni Kristo … Hindi siya ang pakay nila, aniya, kundi ang kabusugan. Sa kabila ng kanilang kababawan, at pag-reklamo sapagka’t mahirap tanggapin ang pangaral ni Kristo, nagkaloob pa rin siya ng pinakamahalagang aral bagama’t ang kaganapan ay mangyayari sa kaniyang pagkakaloob ng sarili sa kamatayan sa krus.

At pinagtagubilinan sila ng isang mahalagang pangaral. Huwag aniya tayo masiyahan sa pagkaing naaagnas, bagkus maghanap ng pagkaing walang kupas.
Ito ang Eukaristiya … tinapay ng buhay … tinapay na mula sa langit … tinapay na dulot ni Kristo …. Walang agnas, walang kupas … pagkaing nagbibigay-buhay … pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan!

Ikaw, saan ka pa? Dito na tayo, pre! Walang kakupas-kupas!