frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

MAPILIT, MAKULIT, O PUNO NG PAG-ASA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Agosto 13, 2008 at 02:39

Ika-20 Linggo ng Taon (A)
Agosto 17, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 56:1, 6-7 / Roma 11:13-15, 29-32 / Mateo 15:21-28

Sa mga araw na ito, ang pagiging mapilit ay ginagamtimpalaan. Ang pagiging mapilit sa pagsasanay, bilang isang halimbawa, ay nagbubunga ng medalya sa Olympics sa Beijing. Napapanganga na lamang ang milyon-milyong katao tuwing mapapanood ang mga manlalarong tumatanggap ng gintong medalya sa larangang kanilang sinasalihan.

Subali’t hindi lingid sa ating kaalaman na ang marami sa mga ito ay nagdadaan sa napakaraming oras na pagpupumilit upang marating ang kanilang oras ng luwalhati. Hindi kaila sa atin na si Michael Phelps ng Baltimore, Maryland, ay walang ibang ginagawa kundi kumain, matulog, at magsanay sa paglalangoy. Ito ang kanyang “full time job,” ika nga. Ang bunga ang siya ngayong tinitingala at hinahangaan ng marami.

May katuturan ang kakulitan, tulad ng aking sinabi kamakailan sa isa ring pagninilay sa blog na ito.

Ang pagiging mapilit at makulit ay may kaugnayan sa ating mga pagbasa ngayon. Sa hula ni Isaias, natunghayan natin na ang Diyos ay nangangako ng kaligtasan sa mga taong nananatiling tapat sa kasunduan at nagpupunyagi sa pagtalima sa kanyang kalooban.

Sa ikalawang pagbasa, ipinaaalala ni Pablo sa atin kung gaano katapat ang Diyos sa tao, at kung paanong ang kaloob ng Diyos at ang kanyang panawagan ay wagas at walang pagbabago at pagkupas. Mapilit o matimyas ang pag-ibig ng Diyos sa atin at ang kanyang awa ay walang hangganan. Kakulitan sa pag-ibig ang puno at dulo ng sinasabi ni San Pablo.

Subali’t wala nang mas lilinaw pa sa sinasaad sa ebanghelyo. Ito ang kasukdulan ng kakulitan ng pananampalataya at kakulitan sa panalangin. Ang babaeng nabanggit ay hindi man lamang kapanalig ni Kristo, kung baga. Wala siyang dapat asahan, ika nga, sa Panginoon. Subali’t ang malaking pangangailangan ang nagbunsod sa kanya upang lumapit. Nguni’t hindi lamang pangangailangan kundi pananalig ang tuluyang nagbunsod sa kanya upang magpumilit sa Panginoon.

At ito ang magandang balita para sa atin sa araw na ito. May isang napakagandang panalangin ang turo sa atin ng babaeng Cananea: “Panginoon, tulungan mo ako.” Bagama’t siniphayo siya sa simula, nagpumilit siya sa kanyang panalangin, “Panginoon, tulungan mo ako.”
Tayong lahat ay nagdadaan sa matinding pangangailangan o suliranin sa buhay. Wala ni isa man marahil sa aking mga tagabasa ay makasasansala sa katotohanang ito. Lahat tayo ay ay may karanasan ng malaking pangangailangan, lalu na sa isang sitwasyong ang lipunan natin ay binabalot ng sari-sari at masalimuot na kalagayan ng katiwalian sa loob at labas ng gobyerno. Di lingid sa lahat na marami sa mga suliraning pinagdadaanan ng Pilipino ay hindi lamang galing sa kalikasan, tulad ng mga bagyo ay iba pang mga natural na kalamidad. Walang higit pang masahol sa kalamidad na dulot ng mga tampalasang mga politico na patuloy na naninipsip ng dugo ng mahihirap at walang kakayahang lumaban sa sistemang mapaniil at puno ng kadayaaan at pagmakasarili. Hindi pa man nasisimulan ang mga proyekto na utang sa ibang bansa, ay napagsamantalahan na ng mga tampalasang ito na nagkukubli sa titolong “public service.” Ang perang dapat sana ay mapunta sa pagsasaayos ng edukasyon ay napupunta lahat sa walang sawang katakawan ng mga tiwali at walang konsiyensiyang “public servants” sa ating lipunan.

Hindi kaila na ang lahat ng ito ay nauuwi sa maraming mga problema ng mga mangmang, walang kaya, at walang tinig sa lipunan.

Sila ay walang iniwan sa babaeng Cananea na ang tanging nasabi lamang ay isang panalanging punong-puno ng pag-asa at kakulitang mapagligtas: “Panginoon, tulungan mo ako.”

KALINGA, PAGPAPALA, PAGGAWA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 27, 2008 at 21:35

Ika-18 Linggo ng Taon (A)
Agosto 3, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 55:1-3 / Roma 8:35,37-39 / Mt 14: 13-21

Kalinga mula sa Diyos ang paksa sa unang pagbasa. Isang pangitain mula sa panulat ni Isaias ang naglalarawan sa Diyos na nagbibigay anyaya  sa lahat upang dumulog sa hapag niya. Ang paanyaya ay para sa mga nauuhaw, sa mga salat at walang salapi, sa mga walang pambayad. Maigting na panawagan at mahigpit na paanyaya sa isang panibagong kasunduan, na inilalarawan sa pamamagitan ng isang handaan, ang magandang balita ni Isaias.

Pagpapala naman ng isang maigting na ugnayan at pagmamahalan ang pinapaksa ng ikalawang pagbasa. Sa panulat ni San Pablo sa mga taga Roma, pinagtitibay ang katotohanang ang Diyos na nagkakalinga ay may higit pang pagpapala sa mga nagmamahal sa kaniya. Wala aniya anuman ang makapaghihiwalay sa Diyos at sa mga nagmamahal sa Kaniya. “Sa lahat ng bagay,” ani Pablo, “matagumpay tayong makapagwawagi sa pamamagitan niyang siyang unang nagmahal sa atin.”

Parang isang kabalintunaan na ang tinutumbok ng mga pagbasa ay pawang may kinalaman sa pagkain. Ang larawang ipinipinta ni Isaias ay isang makalangit na handaan. Ang kwento sa ebanghelyo ay may kinalaman sa pagpaparami ng tinapay at pagbubusog sa libo-libong tao. Isang kabalintunaan ito sa panahon natin kung kailan ang seguridad sa pagkain ay tinatanaw na malaking problema sa maraming bahagi ng daigdig. Sa araw na ito kung kailan natin isinisigaw ang tugon natin matapos ang unang pagbasa: “kaloob ng Diyos ay pagkain, tinutugon niya ang pangangailangan natin,” kay rami ang nagugutom, maging sa ating bansa. Kay raming salat na walang maibili ng pagkain, at kay raming lugar na wala ring mabiling pagkain. Bukod dito, maging sa ating bayan, ang halaga ng pagkain ay walang ampat na tumataas. Unti-unting nalalapit sa bingit ng pagkagutom ang napakaraming mga mahihirap.

Ito nga bang magandang balitang ito ay may kaugnayan sa tunay nating buhay? Ito nga bang sinasaad sa ebanghelyo ay makapagliligtas sa atin, at makapagtatawid-gutom sa balana? Ito nga bang pinag-uusapan natin Linggo-linggo sa simbahan ay may kakayahang magdulot ng nakikita at nasasalat na kaligtasan para sa mga nagugutom at naghihikahos?

Mahalaga na mailagay natin ang sarili sa sitwasyon ng mga Israelita na binusog ng Panginoon sa ebanghelyo. Mahalaga na maunawaan natin na bukod sa pisikal na pagkagutom, ay mayroon silang higit na malalim na pagkagutom – ang arap at hanap ng tao sa kaibuturan ng kaniyang puso na binanggit natin noong nakaraang Linggo. Ito ang dakilang pagkagutom ng tao sa Diyos, ang malalim na pag-aasam natin sa kanyang kabanalan, sa kanyang katarungan at kapayapaan.
Ang arap at hanap ng tao ay nagbunga sa yakap ng Diyos na nagkaloob ng dakilang pagpapala. At ang dakilang pagpapalang ito ay naisalarawan sa pagpapakain ni Kristo sa limang libong katao, hindi pa kasama ang mga babae at mga bata.

Tunay na magandang balita ito para sa atin na magpahangga ngayon ay nagugutom pa rin sa maraming bagay. Gutom tayo sa katarungan. Gutom tayo sa kapayapaan. Salat na salat ang tao ngayon sa pagkakaisa at pagtutulungan, at pagbibigayan. Uhaw ang maraming bahagi ng mundo ngayon sa tubig na mapagpala. Uhaw ang maraming bansa sa tulong ng mga nakaririwasang bansa sa daigdig. Marami ang gutom, salat, at uhaw sa kalinga ng kapwa, sa pagmamalasakit sa kalikasan at sa pag-iingat at pangangalaga sa mga kaloob ng Diyos sa daigdig ng kalikasan.

Tunay na ang mga kamay ng Diyos ay nakaunat para magkaloob sa atin ngayon ng kalinga at pagpapala. Naganap ito sa pamamagitan ng milagro na ginawa ni Jesus. Nagaganap pa rin ito sa patuloy na himalang nangyayari tuwing tayo ay dumadalo sa Misa. Nagaganap pa rin ito sa tuwinang tayo ay binubusog niya sa kanyang salitang nagbibigay-liwanag sa buhay ng tao.

Subali’t may isang mahalagang aspekto ang magandang balitang ito na hindi natin pwedeng kaligtaan. Ang kalinga at pagpapala ng Diyos ayon sa ebanghelyo ay hindi parang mana sa lumang tipan na nahulog na lamang at sukat. Hindi ito isang paalagwa mula sa langit na walang hinihinging puhunan mula sa atin. Kung titingnan natin muli ang salaysay ni Mateo, makikita natin, na ang himala ay naganap dahil sa dalawang mahalagang bagay: una, nagkaloob sila ng  5 tinapay at dalawang isda. Namuhunan sila nang tama. Hindi nila ipinagkait ang kaunting mayroon sila. Ikalawa, nang marinig ni Jesus ang mungkahi ng mga disipulo na pauwiin na ang mga tao, ang hamon ni Kristo ay maliwanag: “Kayo na mismo ang magbigay sa kanila ng pagkain.”

Narito ang susi sa magandang balita. Nasa Diyos ang kalinga at pagpapala, nguni’t nasa tao ang paggawa. Nasa Diyos ang  awa at biyaya, nasa tao ang gawa.

Takot ang marami sa nagtataasang presyo ng bilihin. Takot ang balana sapagka’t tila wala nang pag-ampat sa pagbulusok ang kalidad ng buhay ng tao sa ating bayan. Pahirap tayo ng pahirap. Parami nang parami ang mga suliranin. At napakadali ang magpadala sa kalakaran ng kultura at isipin na ang solusyong iminumungkahi ng mga mambabatas na pigilin ang pagdami ng tao sa pamamagitan ng Reproductive Health bill, ay siyang tunay na solusyon, kahit na ito ay labag sa kalooban ng Diyos at turo ng Iglesia Katolika.

Kalinga at pagpapala ang dulot at kaloob ng mga kamay ng Diyos. Ito ay batid natin. Subali’t dapat din natin mabatid na ang kaloob na ito ay makapangyayari lamang kung tayong lahat ay marunong mamuhunan. Ang solusyon sa napakaraming tao sa bansa ay hindi maaring lapatan ng lunas sa paraang yumuyurak sa dignidad ng tao, sa paraang artipisyal at bagay na nagpapababa sa dignidad humana. Lahat ay dapat mamuhunan dito. Ang mga mag-asawa ay dapat mamuhunan sa wasto at napapanahong pagpipigil sa sarili at pagsasakripisyo, na daan sa paglago ng tunay at wagas na pag-ibig sa isa’t isa. Ang mga namumuno sa lipunan ay dapat ding mamuhunan sa pamamagitan ng paggawa upang ang mga estruktura ng lipunan ay maisa-ayos at mapawi at mapuksa ang lahat ng estruktura ng kadayaan, katakawan, katiwalian, at pagkamakasarili. Ang lahat ay inaanyayahang dumulog sa hapag ng makalangit na bangkete sa pamamagitan ng daan ng wagas na pag-ibig at sakripisyo.

Tunay na tunay na ang Diyos ang simulain ng kalinga at pagpapalang kinakailangan ng balana. Pero ang kalinga at pagpapalang ito ay nagdadaan din sa ating lahat. Tayong lahat ang tulay na pinagdadaanan ng biyaya ng Diyos. Nasa Diyos ang kalinga at pagpapala, pero nasa tao ang paggawa.