frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

KALOOB, KASAMA, KAISA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Abril 24, 2008 at 13:38

Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay-Taon A
Abril 27, 2008

Mga Pagbasa: Gawa 8:5-8.14-17 / 1Pedro 3:15-18 / Juan 14:15-21

N.B. Humihingi ako ng paumanhin kung hindi ako nakapagpadala ng pagninilay sa mga nakaraang Linggo. Naging abala ako sa mga sunud-sunod na retreats sa iba-ibang grupo at kongregasyon. Sana’y magampanan ko ito nang tuluyan hanggang makakaya ko. Maraming salamat sa inyong pagtangkilik!

Lakas at kapangyarihan mula sa itaas ang malinaw na lumulutang sa ating mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, natunghayan natin si Felipe na tumulak patungong Samaria upang ipahayag ang Mesiyas. Doon, maraming himala ang naganap, matapos ang kanyang pahayag. Higit sa lahat, tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, ayon sa aklat ng mga Gawa. Lakas at kapangyarihan din na kalakip ng pag-asa ang tagubilin ni Pedro: “Maging handang magpaliwanag sa dahilan ng iyong pag-asa.” At siya mismo ay naging handa upang ipaliwanag ito: “Ito ang dahilan,” aniya, “kung bakit si Kristo ay namatay para sa mga kasalanan … upang maihatid kayo sa Diyos.”

Sa ebanghelyo, narinig naman natin ang kaloob na siyang simulain ng tunay na kalakasan mula sa Diyos – ang kaloob ng Espiritu: “Hihingin ko sa Ama, at magpapadala Siya ng isa pang Parakleto – upang makapiling ninyo sa tuwina – ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng daigdig.”

Sa paglawig ng panahon at paglapit ng paggunita sa pag-akyat ng Panginoon sa langit, at pagbaba ng Espiritu Santo, naririnig natin kung paano unti-unting ikinikintal ng liturhiya ang diwa ng mabibigyang taguri natin sa tatlong salitang ito: KALOOB, KASAMA, KAISA.

Batid natin bilang Katoliko na ang ating pananampalataya ay isang makasaysayang pananampalataya. Ang ibig sabihin nito ay simple lang … ang Diyos ay nagpakilala sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Ginamit Niya ang kasaysayan upang unti-unti at dahan-dahan Niyang ipakilala ang kanyang sarili sa tao. Samakatuwid, ang kanyang pagpapahayag ay napapaloob at nakalakip sa kasaysayan ng bayang Israel, na pinili Niya sa mula’t mula pa, at kung saan nagmula ang mga patriarca, mga hari, mga hukom, mga propeta, na ginamit Niya sa takbo ng panahon upang magwika para sa Kaniya.

Ang huling naganap ay ang pagdatal ni Kristong Mananakop. Nakilala siya sa kasaysayan bilang isang guro, taga-gawa ng mga himala, at sa mga huling araw ay nag-alay ng kanyang buhay, namatay sa krus, at muling nabuhay.

Ito ang mga ginunita natin sa mga nakaraang mga Linggo – sa panahon ng Pagkabuhay na muli.

Subali’t sa araw na ito, patuloy nating tinutunghayan ang kasaysayan ng kaligtasan ng tao. Sa araw na ito, ay ginugunita natin ang unti-unti niyang pagpapabatid sa atin ng isa pang mahalagang katotohanan tungkol sa kaniyang pagka-Diyos. At ito ay ang katotohanang ang Diyos ay SANTATLO, TRINIDAD … ang Diyos ay iisa ngunit may tatlong Persona. Ipinakilala Niya na ang Diyos ay isang Banal na Santatlo.

Sa Kanyang muling pagkabuhay ay nakilala ang kaniyang pagiging Diyos, ang Bugtong na Anak ng Diyos, ay Diyos rin tulad ng kanyang Ama, na binabanggit niya sa ebanghelyo sa araw na ito. Nguni’t hindi lamang ito, unti-unti rin niyang ikinikintal sa atin, na ang Ama at ang Anak ay binubuo sa kanilang pagka-Diyos ng isa pang Persona, na tinagurian niyang Parakleto – ang Espiritu Santo, ang ikatlong Persona sa Banal na Santatlo.

Subali’t ang mga pagbasa ngayon ay hindi isang simple at tahasang leksiyon lamang ng katesismo tungkol sa Banal na Santatlo, bagkus ang mga pagbasa ay isang pagpapakilala o isang pahimakas tungkol sa Banal na Espiritu at ang kanyang papel na ginagampanan sa ating buhay bilang mananampalataya.

Tatlong kataga ang aking mungkahi upang maunwaan natin ang kanyang papel na ginagampanan sa atin ngayon, noon pa man, at magpakailanman: KALOOB, KASAMA, KAISA.

KALOOB … Tulad nang ang Anak ng Diyos ay kaloob ng Ama, ang Banal na Espiritu Santo ay kaloob ng Ama at ng Anak. Ito ay pagkilala ng Diyos sa atin bilang kanyang bayang pinili. Ito ay pagkilala rin ng Diyos sa atin bilang mga ampong anak ng Diyos, na inangkin ng Ama sa sandali ng ating Binyag. Kinilala Niya tayo bilang kasapi ng Kanyang pamilyang maka-Diyos.

KASAMA … Ang pangako ni Kristong muling nabuhay ay mataginting pa sa ating mga tainga: “Hindi ko kayo iiwanang nag-iisa … isusugo ko sa inyo ang Parakleto.” Ang buhay bilang Kristiyano ay buhay na parang mahabang lakbaying tinatahak natin … isang lakbaying punong puno ng kadiliman kung minsan, punong puno ng pangamba, at hilahil. Ang Banal na Espiritu ay tinaguriang Parakleto, isang puede nating pagsakdalan, isang tagapayo, isang kasama sa daang tinatahak.

KAISA … Ang Banal na Espiritu ay tanda ng ating pakikisalamuha, tanda at katotohanan ng pagka-hugpong (grafted) natin kay Kristo Jesus, pangako at patunay ng ating pakikibahagi sa buhay ng Diyos na naganap noong tayo ay binyagan. Ang Espiritu ay hindi lamang sakdalan. Siya ay ating sandalan, isang muog na matibay na puede nating katigan, sa masalimuot na landas ng buhay.

Ang liturhiya natin sa araw na ito, tulad ng binanggit ko sa simula ay isang salaysay ng kalakasan mula sa itaas. Ito ay ay salaysay ng pag-asa. Ang mundo natin ngayon ay nababalot ng pangamba … higit sa lahat ng kawalang katiyakan sa pagkain. Pamahal nang pamahal ang pagkain, ang bigas, at lahat na. Binabalot tayo ng takot at kawalang katiyakan.

Sa araw na ito, pinapawi ng Diyos ang pangambang ito sa puso natin. Sa halip na takot ay isang katiyakan ang kanyang dulot sa atin – ang pangako ng pagdatal sa buhay natin ng isang KALOOB, KASAMA, AT KAISA.

DIYOS AMA, PURIHIN KA! DIYOS ANAK, LUWALHATIIN KA! DIYOS ESPIRITU SANTO, KALOOB, KASAMA, AT KAISA NAMIN, PAGPUGAYAN KA!

TATLUHAN, TALUNAN, TULARAN

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo on Pebrero 7, 2008 at 20:27

Unang Linggo ng Kuaresma (Taon A)
Febrero 10, 2008

Mga Pagbasa: Gen 2:7-9; 3:1-7 / Roma 5:12-19 / Mt 4:1-11

TATLUHAN, TALUNAN, HUWARAN

Taunan natin binabasa sa tuwing darating ang unang Linggo ng Kwaresma ang maka-tatlong pagsubok ng demonyo kay Jesus sa ilang. Taon-taon ay naririnig natin ito na parang laging bago, parang laging may angking kakayahang manuot sa ating puso at damdamin. Ang Linggong ito ay hindi naiiba sa napakaraming nakaraang mga Kwaresma.

Talunan man sa tatluhang pagsubok, ang demonyo ay hindi nanghihinawa sa kanyang madilim na balakin at gawain.

Kung ang Banal na Misa ay pagsasakatuparan sa pamamagitan ng pag-aala-alang mabisa tungkol sa hiwaga ng kaligtasan ng tao, dapat natin kapulutan ng pangaral ang parehong kwento na paulit-ulit na natin narinig. Ito ay pangaral na hindi naluluma, hindi nalalaos, hindi nawawala.

Ilagay natin sumandali ang sarili sa pinangyarihan ng mga pagsubok – sa ilang. Hindi mahirap makita na ang binabanggit na ilang ay may katumbas sa ating mga karanasan. Hindi mahirap matanto na ang ilang ay wala na sa Palestina, sa gitnang silangan. Hindi mahirap na sumagi sa ating guni-guni na ang ilang na binabanggit sa ebanghelyo ay walang iba kundi ang disyerto ng buhay natin ngayon at saanman tayo naroroon.

Ang ilang ay kung saan halos maglaho ang buhay. Ang ilang ay kung saan halos malanta at mamatay ang kung ano mang dati ay buhay nguni’t ngayon ay tila naghihingalo. Ito ang larangan ng buhay ng bawa’t isa sa atin. Ito marahil ay ang ilang ng isang daigdig na binabalot ng dilim ng kasalanan at lahat ng uri ng katiwalian. Ito ang disyerto na sinadyang patunguhan ni Jesus. Ito ang ilang na kanyang hinarap, ang lugar kung saan siya maka-itlong sinubok, tinuya, at pinagsikapang gapiin ng tawag ng kasamaan.

Dito siya halos talunin ng demonyo. Dito siya halos ay magapi ng gutom, ng kagustuhang pumaibabaw sa lahat, at ng kagustuhang tumakas na sa lahat ng panimdim at suliranin.

Ito ang ilang na bumabagabag sa atin ngayon. Kay daming mga “bato” na tumatambad sa atin na pawang gusto natin ngayong palitan hindi lamang ng tinapay, kundi gintong pambili ng tinapay at higit pa rito. Ang mga balita ngayon tungkol sa katakawan ng mga opisyal ng gobyerno, ng mga taong mangangalakal, ng mga taong gustong gustong gawing ginto ang bato, at magkamal ng mabilis na salapi, ay nagpapagunita sa atin, na bagama’t talunan na si Satanas, ay hindi pa siya nagsasara ng negosyo. Masugid pa rin siya sa paghahain ng pagsubok sa balana. At ang unang pagsubok ay may kinalaman, hindi lamang sa isang pirasong tinapay, kundi sa daan-daang milyong pisong “kickback” sa mga proyektong walang kakabu-kabuluhan para sa taong-bayan.

Ito ang ilang na kinasasadlakan ng bayang Pilipino … Sa ilang na ito ay nagkalat rin ang pagsubok upang talikuran na ang lahat, at takasan na ang lahat ng mga suliraning ito. Ito ang pagsubok sa taong takbuhan ang responsibilidad, iwanan ang pananagutan sa pamilya at lipunan. Ito ang paanyaya sa mga taong hindi na masaya sa kanilang buhay, upang sila ay gumuhit ng ibang tadhana … na humanap ng ibang bagong kasama sa buhay, ang iwanan ang mga anak at bumuo ng isang panibagong pamilya, na walang kaibahan sa kagustuhang itapon na lamang at sukat ang sarili mula sa tuktok ng templo.

Ito ang ilang na bumabagabag sa mga Pinoy ngayon … ang sumama na lamang sa takbo o kalakaran ng lipunan at makisawsaw na rin sa lahat ng uri ng kadayaan, pagsasamantala sa kapwa, at panlalamang. Sa pag-iisip ng marami, wala nang magagawa sa lipunan, kundi sumama na sa takbo ng korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan.

Nguni’t mayroon pa … Sa ilang na ito ay may paanyaya ring mataginting na magsikap maging makapangyarihan, maghawak ng posisyon, at gamitin ito upang pahirapan ang mga nasasakop. Ito ang pagsubok na naririnig ng tao upang magsikap pumantay sa Diyos, upang panghimasukan pati ang mga bagay na hindi angkop sa kanyang pagiging nilikha, ang magdunung-dunungan at mag-asal Diyos na siyang nakapagdedesisyon kung sino ang dapat mabuhay at sino ang dapat mamatay.

Ito ang ilang ng kapalaluan at kayabangan. Ito ang disyerto kung saan ang tao ang nagmimistulang mga diyos-diyosan at tinitingala ang anumang nilikhang bagay o nilalang bilang diyos na dapat pupugin ng pagsamba at paggalang.

Ito ang ilang na hinarap ni Kristo nang buong tatag at tapang, at katatagan. Sa ilang na ito, na halos ay wala nang buhay, ay nalantad at nabunyag ang tunay na Panginoon ng buhay. Sa kanyang apatnapung araw na pag-aayuno, sa pagharap niya sa hiwaga ng kamatayang handa niyang harapin, ay lalung nabunyag ang hiwaga ng buhay na walang hanggan. Sa ilang na ito, kung saan halos siya ay magapi ng tatluhang bulong ng demonyong talunan, ay nakilala kung sino ang Diyos, at kung sino ang dapat sambahin.

Ang Pilipinas ay matagal-tagal na ring nasa ilang. Napalilibutan ang mga Pinoy ng mga talunang kampon ni Satanas na patuloy ang bulong upang palitan ang posisyon nila at kapangyarihan, hindi ng tinapay, kundi ng ginto. Pinamumugaran ang lipunan ng mga taong sa kanilang panghihinawa, ay gusto nang lumisan, tumakas, at sumuko na sa kasamaan. Kay rami na ang sumuko at nangibang-bayan na. Kay rami na ang sumuko at iniwan na ang pamilya at bumuo ng panibagong pamilya sa ibang lugar. Puno ang lipunan ng mga taong handang ideklara ang kanilang sarili bilang kompetisyon ng tunay na Diyos ng buhay at kaligtasan. Kay raming sumasamba, hindi sa Kaniya, kundi sa napakaraming mga diyus-diyusan, na namimigay ng perang galing sa kaban ng bayan, o nasilaw na sa pansamantalang liwanag ng yamang material at nabubulok.

Ito ang ilang na naghatid kay Kristo sa pagwawagi. Ito ang ilang kung saan ang demonyong talunan ay naghatid ng tatluhang pagsubok. Ito ang kabalintunaang dapat natin mapagtanto sa araw na ito. Ang ilang na ito ang naging daan sa tagumpay at pagwawagi ng Panginoon. Nabaligtad Niya ang ilang. Sa tatluhang pagsubok, ay hindi Siya naging talunan, bagkus naging tularan at huwaran natin. Si Kristo ang “tinapay” ng buhay. Si Kristo ang ating muog at kaligtasan. Kung nariyan Siya ay wala nang dahilan upang magtakasan at lumisan.  At si Kristo rin ang tanging Diyos at huwaran ng tanan.