frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

DULANG SA ILANG

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hunyo 4, 2007 at 04:47

KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO
Hunyo  10, 2007

Batay sa Ebanghelyo ni Lukas 9:11b-17

DULANG SA ILANG

Maraming panganib at pangambang nagtatago sa ilang. Tigib ito ng kawalang-katiyakan at pagkabalisa. Walang tubig, walang pagkain, walang mapagkukunan ng ano mang itinuturing na mahalaga sa buhay ng isang tao.

Sa ilang nadama ni Jesus ang kawalang katiyakan. Doon siya nakadama ng lubos na kasalatan. Doon din siya tinukso ng makaitlong ulit ng demonyo. Sa ilang ay naranasan niya kung ano ang kahulugan ng manatiling gutom sa loob ng maraming araw, at ang magpasuling-suling nang walang tiyak na patutunguhan.

Ito ang ilang na nagbigay rin ng pangamba sa mga apostoles. Sa kanilang takot, winika nila kay Jesus: “Pauwiin na natin ang mga tao. Wala silang makakain dito.”

Hinamon nila si Kristong siyang nagwagi sa kabila ng lahat ng suliranin at pagsubok sa ilang. Sa kanilang pagkabalisa, higit nilang pinairal ang pangamba at takot. Ang pinakamalinaw na landas na nakita nila ay ang itulak ang mahigit sa limang libong katao pabalik sa kani-kanilang pinanggalingan.

Subali’t ang pinuno ng paglalakbay na ito sa ilang ay hindi natinag … hindi natakot. Bagkus pinagsabihan ang mga apostol at hinamon rin sila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sa araw na ito ng kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, nakatutuwang isipin at mabatid na sa kanilang paglalakbay, ang Diyos mismo ang gumawa ng paraang ang lahat ay makadulog sa dulang ng pantawid-buhay. Pinagtipon-tipon niya ang mga tao sa grupong tig-lilimampu. Pinadulog niya ang lahat, at pinagkalooban ng pagkain.

Ang buhay natin maging ngayon, o lalu ngayon ay tigib ng iba-ibang uri ng ilang. Binabalot tayo at pinaliligiran ng sari-saring kasalatan, pangamba, at matinding pagkabalisa. Tulad ng mga apostol, maaari din tayo madala ng takot. Maaari din tayo matinag ng kawalang katiyakan sa maraming larangan ng ating buhay.

Hindi malayo na ating siphayuin o itulak, hindi lamang ang mga taong nagsisipagsunuran kay Kristo. Maari nating siphayuin o ika nga’y sipain ang lahat ng sitwasyong sa tingin natin, ay nagdadagdag sa ating pangamba. May mga taong sa harap ng matinding suliranin ay tinatanggihan ang pagsisimba at pananalangin. Mayroon namang nawawalan ng pag-asa. Mayroon ring lubusang pinapanawan ng tiwala sa kapwa tao. Ilan sa mga kakilala ko at marami pa ang lumisan na sa bansang ito sapagka’t tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa ating sistema politikal? Ilan sa mga Pilipino ang nagdesisyon nang mangimbang-bansa sa kadahilanang wala silang nakikitang kinabukasan sa bansang ito na pinamumugaran ng mga taong ang tanging hanap ay ang kani-kanilang bulsa at makasariling kapakanan lamang?

Lubos ko silang nauunawaan at hindi ko sila sinisisi. Matinding gutom at pangamba ng kawalang-katiyakan ang maaaring sapitin nila dito, sampu ng kanilang mga anak. Masasabi nating ang kultura ng korupsyon ang siyang nagtulak sa kanila upang lumisan sa disyertong ito.

Nais kong isipin na batid ng Diyos na tayo ay pawang nasasadlak sa disyertong ito na tigang sa pag-asa at katiyakan. Sa araw na ito, ginugunita natin kung paano pilit na pinakain ni Jesus ang mga taong walang mapupuntahan sa ilang. Sa halip na palayasin, pinagtipon-tipon niya ang mahigit sa 5,000 tao at inutusan ang mga disipulo: “kayo mismo ang magbigay ng pagkain sa kanila.”

Noong nakaraang Linggo, isa sa mga paksang binigyang diin ko ay ang kahulugan ng pista ng Banal na Santatlo. Ito ay may kinalaman sa kagustuhan ng Diyos na lubos na mapalapit sa tao, sa kanyang pinakamamahal na bayan. Siya ay Maylikha at Ama. Siya ay Anak at Kapatid natin. At Siya ay Espiritung patuloy na naghahatid sa kaliwanagan. Ang pagmamahal niya sa atin ay hindi lamang maka-isa niyang ipinakita, bagkus, maka-dalawa, at maka-itlong beses niya ipinadama at ipinadadama.

Tayong mga Pilipino ay mistulang nasa disyerto pa rin. Dito sa ating bayan, disyerto ang lipunang pasuling-suling sa ilang at naghahanap ng matitinong lider na tulad kay Kristong ang nasa ay hindi ang sila ay palayasin upang mag-arumbang ng kanilang makakain. Sa halos isandaang bansa kung saan tayo ay nagsipaglayasan sa paghahanap ng luntiang damo ng kinabukasan, ilang pa rin ang karanasan ng marami. At hindi lamang iyan, saan man tayo naroroon, saan mang lupalop tayo nagtitipon, kaakibat ng buhay natin ang karanasan ng kapaitan, ng paglalayu-layo ng damdamin sa isa’t isa, ang pag-aalitan, ang hindi paguunawaan, maging sa mga magkakamag-anak o magkakapatid.

Ang buhay ay isang disyertong nababalot ng maraming mga hilahil at suliranin.

Ang Panginoong hindi nagpalayas sa mga taong disin sana ay nagutom sa ilang, ay siya rin nag-aanyaya sa atin sa panahong ito. Siya ay Diyos ng buhay. Siya ay Diyos ng pag-ibig. At siya ay Diyos na nagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang kawan.

Ang kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo ay walang ibang batayang kahulugan liban dito. Mahal niya tayo. At ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa kanyang pagtitipon sa atin sa luntiang damuhan ng pag-asa, pagtitiwala, paghihintay sa tulong Niyang nagbibigay-pagkain sa mga gutom at mga nauuhaw. Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang itinutulak paalis. Bagkus tinitipon Niya ang lahat, tulad ng tinipon niya tayo ngayong araw na ito sa simbahang ito. Dito ay tatanggap tayo ng pagkaing nagbibigay-buhay. Dito ay matitikman natin ang kanyang inihanda para sa mga handa ring maglakbay kasama Niya tungo sa walang hanggang katiyakan sa langit na tunay nating bayan. Ang pagkaing ito ng mga manlalakbay ay walang iba kundi ang Eukaristiya – ang Kaniyang Katawan at Dugo.

Dulang sa ilang ang Eukaristiyang ito. Pagkain ito ng mga naghahanap, naglalakbay, pasuling-suling sa disyerto ng buhay, Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang sinisipa paalis. Wala siyang itinataboy, bagkus ang lahat ay inaanyayahan. Dulang ito sa ilang ng kawalang-pag-asa. Dulang ito sa ilang ng kawalang katiyakan. Sinumang kakain ng Kanyang katawan at iinom ng kanyang dugo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.

Halina’t dumulog sa hapag ng Panginoon!

SANDASAL, SAMPALATAYA, SAMBUHAY, SANTATLO!

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 28, 2007 at 15:03

Kapistahan ng Banal na Santatlo
Hunyo 3, 2007

Mga Pagbasa: Kawikaan 8:22-31 / Rom 5:1-5 / Jn 16:12-15

Ang politika ay mahalaga para sa ating mga Pinoy. Pinag-uusapan ito … pinagpapalitan ng kuro-kuro … malimit pinag-aawayan din. Sa hindi kakaunting pagkakataon, pinagpapatayan din ito ng mga taong sobra ang pagkahumaling sa politika. Sa cyberspace, ang mga taong may dedikasyon sa kani-kanilang paboritong paksa ay nagsasama-sama sa mga tulad ng mga yahoogroups at nagkukumpulan sa blogsites. Masasabi nating ang ibong may parehong kulay ng balahibo ay nagkukumpulan at nagkakaisa.

Subali’t sa ating buhay, may mga higit na mahahalagang bagay na hindi lamang pinag-uukulan ng pansin at pinag-uusapan. Itong mga ito ay namumutawing lagi sa labi ng mga nagpapahalaga dito. Ang laman ng puso at kaisipan ay bumubukal sa bibig, at nag-uumapaw sa bigkas ng balana. Higit sa lahat, ito ay masasalamin sa buhay ng mga taong ito.

Isang halimbawa nito ay ang paniniwala ng Inang Simbahan sa Tatlong Persona ng Iisang Diyos. Bago pa man ito ay naging isang dogma o opisyal na turo ng Simbahan, bahagi na ito ng panalangin ng Simbahan. Bago pa man naimbento ang katagang “Trinidad” (Trinity) ay bahagi na ang katumbas nito sa panalangin ng Simbahan. Kung ano ang dasal ay siya rin ang pugay. Ang batas ng pagpupugay ay siya ring batas ng pagsampalataya. Sa Latin, lex orandi, lex credendi. At hindi lamang iyan … maaari nating idagdag ito … lex vivendi. Ang batas ng pananalangin ay siya ring batas ng paniniwala … at batas ng pamumuhay.

Dakilang Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo. Mahalaga para sa ating mga Katoliko ang Diyos at ang mga katotohanan tungkol sa Kaniya. Bagama’t wala sa Bibliya ang salitang Santatlo o Trinidad, ang katotohanang ang iisang Diyos ay may tatlong Persona ay malinaw sa Bibliya. Ang tatlong pagbasa sa araw na ito ay puno ng mga pahimakas sa katotohanang ito.

Sa unang pagbasa, ang Diyos Ama ay pinangatawanan ng “Karunungan” ayon sa Aklat ng Kawikaan. Ang Karunungan ay nanduon na bago pa man nalikha ang sansinukob. Ang Karunungan ay sinasabing puno ng galak sa mga taong kaniyang nilikha. Malinaw na ito ay pahimakas ng Diyos Amang Maylikha ng sanlibutan.

Sa ikalawang pagbasa, natutunghayan natin ang ilan pa sa mga pahimakas ng Banal na Santatlo ayon kay San Pablo. Sa kabila ng mapapait na karanasan, aniya, ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. Bukod dito, sinasabi niya na tayo ay naging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristong Panginoon. Siya ang dahilan kung bakit ang sumasampalataya ay puno ng pag-asa, kung kaya’t kaya niya ipagyabang at ipagmakaingay pati na rin ang kanyang mga paghihirap at mga pagsubok sa buhay. Ayon kay Pablo, ang karanasang mapapait ay isang malinaw na pamamaraan upang maranasan nang tahasan ang Diyos sa ating buhay.

Sa Ebanghelyo ayon kay Juan, malinaw ang pahiwatig ni Kristo tungkol sa Kaniyang Ama at tungkol sa Espiritu Santo: “Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan ay aakayin niya kayo sa kaganapan ng katotohanan … Ang lahat ng sa Ama ay sa akin.”

Noong nakaraang dalawang Linggo, sinabi ko na kakaiba ang ating Diyos. Ibang klase ang ating Diyos talaga. Hindi siya katulad ng mga diyos-diyosan ng mga taong hindi nagkapalad makatanggap ng kaniyang pagpapakilala. At ang kaniyang pagpapakilala ng sarili sa daloy ng kasaysayan ay malinaw at puno ng pahimakas tungkol sa katotohang Siya ay iisa sa Tatlong Persona. Siya ay Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Tapatin natin ang ating sarili. Ito ay isang hiwaga na hindi natin kayang arukin. Ito ay isang misterio na hindi natin lubos na mauunawaan kailanman. Subali’t hindi como misterio ay hindi rin totoo. Maraming misterio na hindi natin nauunawaan. Misteryo ang buhay at misterio rin ang kamatayan. Malaking misterio kung bakit mayroong malulusog at mayroong dinadapuan ng malubhang sakit. Bagama’t alam natin ipaliwanag kung paano umiilaw ang fluorescent lamp (na inimbento ng isang Pinoy), hindi talaga natin naiintindihang lubos kung paano ang paglundag-lundag ng electrons ay nagbubunga ng liwanag. Ang kaya lamang natin ay sabihin kung ano ang nangyayari sa electrons. Hindi natin kayang ipaliwanag kung bakit ito ay nagiging ilaw o liwanag.

Iyan ang dahilan kung bakit tayo narito at nagdiriwang nang sama-sama. Ang laman ng puso natin at kaisipan ay siya ring laman ng ating mga bibig na umiigkas sa pagpupugay. Ang bunga nito ay kaisahan sa kung ano ang ating tinatayang mahalaga para sa buhay. Ang ating isang dasalan (liturhiya) o SANDASAL ay sumasalamin sa ating isahang pagtataya o SAMPALATAYA sa iisang Diyos na may akda ng magkabuklod at magka-akibat nating iisang buhay o SAMBUHAY.

Konektado ang buhay natin sa isa’t isa. Konektado rin ang buhay natin sa Kaniyang nagkaloob sa atin ng buhay. Ang isang hiwaga ay hindi lamang laman ng isipan. May kinalaman ito sa praktikal na pamumuhay. Ang Banal na Santatlo ay bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay. Kasama natin Siya sa simula hanggang sa wakas. Kaakibat Siya sa bawa’t sandali ng ating buhay makalupa at makalangit.

Nais kong ilahad sa aking mga tagabasa ang isang personal na karanasan na nagpapatunay na ang Diyos na ating binibigyang-pugay ay tunay at buhay. Ito ay karanasan ng isang matinding kadiliman na aking pinagdaanan kamakailan. Maraming hiwaga ang buhay, di ba? Isa sa hiwagang ito ay ang hiwaga ng pagdurusa. Hiwaga na may mga taong nagiging dahilan ng pagdurusa ng iba. Hiwaga na may mga taong nagdaraan sa matinding kadiliman kahit sila ay nagpapakabuti at kahit na ang kanilang intensyon ay pawang sa kabutihan lamang. Hiwaga na ang mga taong disin sana ay mabuti ay nagagamit ng demonyo sa kanyang maruming mga balak. Hiwaga na ang mga taong nag-alay ng kanilang sarili para sa Diyos at sa kapwa ay nababalot ang puso ng poot, inggit, at paninira ng kapwa.
Nakaranas ako ng ganitong kadiliman kamakailan. Maraming mga opsyon ang naglaro sa aking isipan. Ang karamihan ng mga ito ay hindi naghahatid sa kapayapaan at sa Diyos na tampulan ng kaisahan. Subali’t sa awa at habag ng Diyos ay nakuha kong manahimik. Nakuha kong magtiis nang tahimik. Nakuha kong hayaang matapakan ang aking kapalaluan upang mamayani ang karangalang makatao na hindi kailanman matatanggal ninuman. Nakuha kong hayaang masalamin sa aking buhay ang Diyos at ang kaisahang mensahe ng katotohanang Siya ay iisa sa Tatlong Persona.

Mahiwaga ang buhay ng tao. Mahiwaga ang ating Diyos – Ama, Anak, at Espiritu Santo. Nguni’t sa kabila ng hiwaga ay ang katotohanang Siya ay kapiling ng mga taong nagpupunyagi, nagsisikap makita Siya bagama’t nalalambungan ang mga mata nila ng kapaitan at pagdurusang kaakibat ng buhay sa balat ng lupa.

Ang ating SANDASAL na ito ay pahimakas ng ating SAMPALATAYA. Ang ating SAMPUGAY ay salamin ng ating pagsisikap makaisa rin ngayon at sa buhay na darating sa kaganapan ng hiwaga ng ating SAMBUHAY, kasama, kapiling, at kaakibat ng BANAL NA SANTATLO. Purihin ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, kapara noong unang-una, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.