KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO
Hunyo 10, 2007
Batay sa Ebanghelyo ni Lukas 9:11b-17
DULANG SA ILANG
Maraming panganib at pangambang nagtatago sa ilang. Tigib ito ng kawalang-katiyakan at pagkabalisa. Walang tubig, walang pagkain, walang mapagkukunan ng ano mang itinuturing na mahalaga sa buhay ng isang tao.
Sa ilang nadama ni Jesus ang kawalang katiyakan. Doon siya nakadama ng lubos na kasalatan. Doon din siya tinukso ng makaitlong ulit ng demonyo. Sa ilang ay naranasan niya kung ano ang kahulugan ng manatiling gutom sa loob ng maraming araw, at ang magpasuling-suling nang walang tiyak na patutunguhan.
Ito ang ilang na nagbigay rin ng pangamba sa mga apostoles. Sa kanilang takot, winika nila kay Jesus: “Pauwiin na natin ang mga tao. Wala silang makakain dito.”
Hinamon nila si Kristong siyang nagwagi sa kabila ng lahat ng suliranin at pagsubok sa ilang. Sa kanilang pagkabalisa, higit nilang pinairal ang pangamba at takot. Ang pinakamalinaw na landas na nakita nila ay ang itulak ang mahigit sa limang libong katao pabalik sa kani-kanilang pinanggalingan.
Subali’t ang pinuno ng paglalakbay na ito sa ilang ay hindi natinag … hindi natakot. Bagkus pinagsabihan ang mga apostol at hinamon rin sila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.”
Sa araw na ito ng kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, nakatutuwang isipin at mabatid na sa kanilang paglalakbay, ang Diyos mismo ang gumawa ng paraang ang lahat ay makadulog sa dulang ng pantawid-buhay. Pinagtipon-tipon niya ang mga tao sa grupong tig-lilimampu. Pinadulog niya ang lahat, at pinagkalooban ng pagkain.
Ang buhay natin maging ngayon, o lalu ngayon ay tigib ng iba-ibang uri ng ilang. Binabalot tayo at pinaliligiran ng sari-saring kasalatan, pangamba, at matinding pagkabalisa. Tulad ng mga apostol, maaari din tayo madala ng takot. Maaari din tayo matinag ng kawalang katiyakan sa maraming larangan ng ating buhay.
Hindi malayo na ating siphayuin o itulak, hindi lamang ang mga taong nagsisipagsunuran kay Kristo. Maari nating siphayuin o ika nga’y sipain ang lahat ng sitwasyong sa tingin natin, ay nagdadagdag sa ating pangamba. May mga taong sa harap ng matinding suliranin ay tinatanggihan ang pagsisimba at pananalangin. Mayroon namang nawawalan ng pag-asa. Mayroon ring lubusang pinapanawan ng tiwala sa kapwa tao. Ilan sa mga kakilala ko at marami pa ang lumisan na sa bansang ito sapagka’t tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa ating sistema politikal? Ilan sa mga Pilipino ang nagdesisyon nang mangimbang-bansa sa kadahilanang wala silang nakikitang kinabukasan sa bansang ito na pinamumugaran ng mga taong ang tanging hanap ay ang kani-kanilang bulsa at makasariling kapakanan lamang?
Lubos ko silang nauunawaan at hindi ko sila sinisisi. Matinding gutom at pangamba ng kawalang-katiyakan ang maaaring sapitin nila dito, sampu ng kanilang mga anak. Masasabi nating ang kultura ng korupsyon ang siyang nagtulak sa kanila upang lumisan sa disyertong ito.
Nais kong isipin na batid ng Diyos na tayo ay pawang nasasadlak sa disyertong ito na tigang sa pag-asa at katiyakan. Sa araw na ito, ginugunita natin kung paano pilit na pinakain ni Jesus ang mga taong walang mapupuntahan sa ilang. Sa halip na palayasin, pinagtipon-tipon niya ang mahigit sa 5,000 tao at inutusan ang mga disipulo: “kayo mismo ang magbigay ng pagkain sa kanila.”
Noong nakaraang Linggo, isa sa mga paksang binigyang diin ko ay ang kahulugan ng pista ng Banal na Santatlo. Ito ay may kinalaman sa kagustuhan ng Diyos na lubos na mapalapit sa tao, sa kanyang pinakamamahal na bayan. Siya ay Maylikha at Ama. Siya ay Anak at Kapatid natin. At Siya ay Espiritung patuloy na naghahatid sa kaliwanagan. Ang pagmamahal niya sa atin ay hindi lamang maka-isa niyang ipinakita, bagkus, maka-dalawa, at maka-itlong beses niya ipinadama at ipinadadama.
Tayong mga Pilipino ay mistulang nasa disyerto pa rin. Dito sa ating bayan, disyerto ang lipunang pasuling-suling sa ilang at naghahanap ng matitinong lider na tulad kay Kristong ang nasa ay hindi ang sila ay palayasin upang mag-arumbang ng kanilang makakain. Sa halos isandaang bansa kung saan tayo ay nagsipaglayasan sa paghahanap ng luntiang damo ng kinabukasan, ilang pa rin ang karanasan ng marami. At hindi lamang iyan, saan man tayo naroroon, saan mang lupalop tayo nagtitipon, kaakibat ng buhay natin ang karanasan ng kapaitan, ng paglalayu-layo ng damdamin sa isa’t isa, ang pag-aalitan, ang hindi paguunawaan, maging sa mga magkakamag-anak o magkakapatid.
Ang buhay ay isang disyertong nababalot ng maraming mga hilahil at suliranin.
Ang Panginoong hindi nagpalayas sa mga taong disin sana ay nagutom sa ilang, ay siya rin nag-aanyaya sa atin sa panahong ito. Siya ay Diyos ng buhay. Siya ay Diyos ng pag-ibig. At siya ay Diyos na nagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang kawan.
Ang kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo ay walang ibang batayang kahulugan liban dito. Mahal niya tayo. At ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa kanyang pagtitipon sa atin sa luntiang damuhan ng pag-asa, pagtitiwala, paghihintay sa tulong Niyang nagbibigay-pagkain sa mga gutom at mga nauuhaw. Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang itinutulak paalis. Bagkus tinitipon Niya ang lahat, tulad ng tinipon niya tayo ngayong araw na ito sa simbahang ito. Dito ay tatanggap tayo ng pagkaing nagbibigay-buhay. Dito ay matitikman natin ang kanyang inihanda para sa mga handa ring maglakbay kasama Niya tungo sa walang hanggang katiyakan sa langit na tunay nating bayan. Ang pagkaing ito ng mga manlalakbay ay walang iba kundi ang Eukaristiya – ang Kaniyang Katawan at Dugo.
Dulang sa ilang ang Eukaristiyang ito. Pagkain ito ng mga naghahanap, naglalakbay, pasuling-suling sa disyerto ng buhay, Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang sinisipa paalis. Wala siyang itinataboy, bagkus ang lahat ay inaanyayahan. Dulang ito sa ilang ng kawalang-pag-asa. Dulang ito sa ilang ng kawalang katiyakan. Sinumang kakain ng Kanyang katawan at iinom ng kanyang dugo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.
Halina’t dumulog sa hapag ng Panginoon!