frchito

Archive for the ‘Gospel Reflections’ Category

KAGANAPAN!

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 21, 2007 at 15:22

Linggo ng Pentekostes
May 27, 2007

Mga Pagbasa: Gawa 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7, 12-13 /

Juan 20:19-23

KAPANGYARIHAN, KAISAHAN, KALOOB, KAPAYAPAAN … KAGANAPAN!

Maraming komentarista sa radyo at TV ang gumagamit nang mali sa salitang “kaganapan.” Para sa kanila, ito ay may kinalaman sa mga “nagaganap” na pangyayari sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Subali’t ang tunay na kahulugan ng kaganapan ay may kinalaman hindi sa mga bagay na nangyayari kundi sa bungang ganap o kabuuan ng isang bagay.

Nais kong isipin na ang pista natin ngayon sa simbahan ay kapistahan ng kaganapan. Hindi ito tungkol sa naganap sa araw na ito kundi sa kahulugan ng naganap sa araw ng Pentekostes. Sa madaling salita, ang pang-unawa ko sa salitang ito ay di tulad sa pang-unawa ng mga komentarista sa radyo at TV.

Ano ba ang kaganapang tinutukoy natin?

Una sa lahat, para natin masagot ito, dapat nating tunghayan ang mga naganap sa araw na ito ayon sa Banal na Kasulatan. Sa unang pagbasa, ang naganap ay ang makulay na pagbaba ng Espiritu Santo. Dito ay natutunghayan natin kung paanong ang isang malakas na hangin, mga dilang apoy, at ugong na malakas, ay dumatal sa silid na kinalalagyan ng mga disipulo. Ang lahat ng ito ay walang iba kundi mga tanda ng pagdatal o pagbaba ng Espiritu Santo sa anyong nabanggit. Ito ang naganap ayon sa unang pagbasa. Maaari nating bigyang lagom ito sa salitang kapangyarihan. Ang lahat ng nangyari ay may kinalaman sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos: malakas na ihip ng hangin, mga dilang apoy, ugong, liwanag, at init. Ano naman ang bunga ng naganap na ito? Ang tandang nabanggit ay simbolismo ng kaloob na kaakibat ng pagbaba ng Espiritu Santo. Ang kaloob na ito ay nagbunga ng kadulasan ng dila. Parang natanggalan ng buhol ang kanilang mga dila. Nakapagsalita sila sa iba-ibang salita, at hindi lamang iyan, naunawaan silang lahat ng mga taong iba-iba rin ang katutubong wika: mga Parto, Medeos, Elamitos, atbp.

Ikalawa, ang pagbaba ng Espiritu Santo ay nagbunga ng mga iba’t ibang kaloob. Pati ang kakayahang ipagbunyi si Jesus bilang Panginoon ay isa sa mga kaloob na ito. Binabanggit ni Pablo ang mga kaloob na espiritwal mula sa iisang Espiritu, pati na rin ang mga kaloob ng iba-ibang uri ng paglilingkod.

Ikatlo, mula sa unang pagbasa ay narinig natin ang isa pang dakilang kaloob sa mga taong nanggaling sa maraming sulok ng daigdig: ang kaisahan. Bagaman at iba’t iba ang wika nila, nagkaunawaan sila at narinig nila ang kani-kanilang mga salitang katutubo.

Ang ika-apat ay siyang higit na mahalaga sa lahat. Ito ay ang buod ng kaloob ni Kristong muling nabuhay. “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang kasalanang inyong patawarin ay pinatatawad na rin sa langit. Ang kasalanang hindi ninyo patawarin ay hindi rin patatawarin.”

Malinaw ayon sa kasulatan na mayroong mga kaloob, at mayroon ring dakila at natatanging kaloob. Ang mga kaloob na matutunghayan sa liham ni San Pablo sa mga Corinto ay marami at naglalayong mauwi sa kabutihan ng ibang tao, hindi sa taong tumanggap nito. Dito kabilang ang paglilingkod, ang pagpapagaling sa ngalan ng Diyos, ang pagtuturo o pangangaral, o kaya’y ang pamamahayag sa ngalan ng Diyos. Ito ay mga kaloob na sa balak ng Diyos ay dapat gamitin para sa kapakanan ng ibang tao.

Nguni’t kung babasahin natin ang karugtong ng liham na ito ni Pablo, makikita rin natin na ang mga kaloob na ito ay nagbunga rin ng away, sigalot, kawalan ng pagkakaisa, pagtutungayaw, inggit, pagseselos, at iba pang mga suliranin ng mga taga-sunod ni Kristo. Alam nating lahat kung gaano kagulo ang naging samahan ng mga Corinto, at kung paano naging pasaning mabigat sila ni Pablo Apostol.

Maging sa ating panahon, sari-saring suliranin ang dinadala ng pagkakaroon ng kaloob na katalinuhan, kakayahan, at kaalaman. Intriga, inggit, at kompetisyon ang malimit ibunga nito. Subali’t kailangan ng Simbahan ng mga sari-saring kaloob na ito. Kailanman, ang Simbahan ay binubuo ng mga kasaping may maraming kakayahan, ng mga tumanggap ng maraming kaloob mula sa Diyos – mga kaloob na dapat ay ginagamit para sa kapakanan ng buong bayang mananampalataya. Hindi dapat problema na ang mga kasapi ng simbahan ay maraming angking kakayahan o katalinuhan.

Subali’t ayon sa ating karanasan, malimit ay away ang ibinubunga ng lahat ng ito. Tingnan na lamang natin ang ating lipunan. Sa halip na maraming kagandahan ang mangyari, paralisado ang maraming antas ng lipunan … hindi makausad, hindi makaungos, at hindi makalarga. Kung mayroong isang malinaw na paralysis sa ating lipunan, ito siguro ay ang halimbawa ng bagong airport sa Maynila. Matapos gastusan at tustusan ng limpak-limpak na salapi, hindi pa rin ito nagagamit. Nabubulok ito at nasisira, habang ang mga politico at di politico ay nagbabangay tungkol sa mga bagay na walang kapararakan.

Sa araw na ito ng Pentekostes, mayroon tayong dapat matutunan sa kapangyarihan at kaloob ni Kristong muling nabuhay. Una, hindi masama ang mga kaloob ng Espiritu Santo. Dapat nating pagyamanin at payabungin ang lahat ng ito. Subali’t ikalawa, ang mga kaloob na ito ay hindi siyang tampulan at wakas ng lahat n gating buhay at pagkatao. Hindi ito ang hantungan ng lahat. Ang mga kaloob ay tuntungan lamang para sa higit na mahalagang kaloob ni Kristong muling nabuhay – ang kapayapaan.

Sa selos, intriga, inggit, o walang patumanggap pagtutunggali at pag-uunahan dahil sa ating mga kakayahan, ang kaloob ng Espiritu Santo ay kapayapaan. Walang kaisahan kung walang kapayapaang panloob. Ito ang siyang dapat magbalanse sa ating mga pansariling mga kakayahan.

At dito na papasok ang salitang kaganapan na ating ginamit sa simula ng pagninilay na ito. Ang pagbaba ng Espiritu Santo ay nagsilbing kaganapan ng lahat ng mga pangako na may kinalaman sa Mesiyas at tagapagligtas na si Kristong muling nabuhay. Ang pagbaba ng Espiritu Santo ay nagpanibago sa takbo ng buhay ng daigdig. Dumulas ang kanilang dila. Nabuksan ang kanilang mga tainga. Napuspos sila ng pang-unawa. Tumanggap sila ng tapang at lakas mula sa itaas. Naging mapagpunyagi sila sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Nagkaroon ng ganap na kaisahan sa mga taong hindi magkaanu-ano. Isang bagong langit at isang bagong lupa ang naging bunga ng kaniyang pagbaba. Sinagian tayong muli ng pag-asa at katiyakang makakamit natin ang ganap na kaligtasan mula sa Diyos.

Sino ang hindi matutuwa sa mga naganap na ito? Sino ang hindi magagalak sa kaganapang dulot ng Espiritung may akda at tagapagtaguyod ng buhay?

Ipadala mo ang iyong Espiritu, O Panginoon, at magbabago ang buong daigdig!

PAGHAMON SA PAGLISAN

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 14, 2007 at 11:50

Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon
May 20, 2007

ISANG PAGHAMON SA PAGLISAN

Malimit unawaing pag-alis o paglisan ang pag-akyat ni Jesus sa langit. Kapag may umaalis, may naiiwan. Iyan ang malimit nating karanasan bilang tao. Bihasang-bihasa ang Pinoy sa balitaktakang ito. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad. Kung ipagpalumagay nating bawa’t isa nito ay may apat na kapamilyang naiwan, mahigit kalahati ng ating kababayan ang nakaranas na lisanin.

Malungkot ang maiwan. Noong ako’y bata, lagi akong malungkot kapag Linggo ng hapon. Ito ay sapagka’t ang kalahati ng aming pamilya ay umaalis, pabalik sa Maynila, kung saan sila ay nag-aaral or nagtatrabaho. At kaming mga maliliit ay naiiwan sa Mendez, isang tahimik at malungkot na lugar sa mata ng isang bata na malayo sa ibang kapatid.

Sa araw na ito, paglisan ni Jesus ang ating usapin. Subali’t kakaiba ang paglisang ito. Sa ating maka-taong karanasan ng paglisan, may naiiwan, may nauulila. Sa paglisan ni Jesus, hindi naulila ang mga apostol at mga disipulo. Hindi tayo naulila. Bagkus nagkamit tayo ng isang kakaiba o panibagong pananatili o pananahan ng Diyos sa ating piling. Siya na mismo ang nagsabi: “Huwag kayong matakot o mabalisa. Narinig ninyong sinabi ko, ‘ako’y lilisan nguni’t babalik ako sa inyong piling.”

May kaakibat na pangako ang kanyang pag-alis. Ang pangakong ito ay ang matagal nang pangako ng Diyos mula pa sa Lumang Tipan – ang kanyang pananatili kasama ng kanyang bayang pinili, ang kanyang malasakit na pag-aaruga sa kanyang bayan, tulad ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak (Isaias 49).

Ngunit tulad ng sa bawa’t paglisan ay may pabaon sa naiiwan, si Jesus ay may pabaon … may paghamon … “Bakit kayo nakatingala sa alapaap?” Ito ang tanong ng dalawang anghel sa mga apostol. Hindi sapat ang sumamba. Dapat mauwi ang pagsamba sa pagpapakatotoo. Hindi rin sapat ang magpugay sa Diyos. Ang pagpugay at pagpupuri ay dapat makita sa pagpapahayag ng katotohanang mapagligtas.

Sa ating bayan, hindi sapat na tayo ay Kristiano kung maturingan. Dapat rin tayong maging kristiano sa isip, sa salita, at higit sa lahat, sa gawa. Hindi na puede na ipagmakaingay lamang na tayo ay isang kristianong bayan. Ang Honduras ay katulad natin … halos lahat ay katoliko. Ngunit, ang bayang ito ay katulad rin natin … mataas ang kriminalidad, maraming patayan, at maraming kadayaan at pagsasamantala sa lipunan.

Ang nangyari kay Julia Campbell, isang napakabuting tao mula sa Amerika, na pinaslang sa may Banawe, ay isa sa napakaraming palatandaan na ang ating pananampalataya ay dapat umangat at lumampas sa antas ng salita lamang. Kung paanong si Kristo ay umakyat sa langit, ang ating pananampalatayang kristiano ay dapat ding umangat sa larangan ng buhay pansarili at pampubliko.

Si Kristo ay lumisan sa piling ng mga Apostol. Ngunit ang kanyang paglisan ay hindi upang tuluyang maglaho, kundi bagkus upang siya ay makapakimayan, at manatili nang tunay at lubusan sa piling ng buong daigdig.

Nguni’t ang kanyang paglisan ay tigib ng isang paghamon – na tayo ay magpakatotoo sa ating pananampalataya at magpahayag nang lubusan sa ating pananampalataya sa ating buhay, sa ating bahay, sa ating lipunan.