frchito

PAGHAMON SA PAGLISAN

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 14, 2007 at 11:50

Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon
May 20, 2007

ISANG PAGHAMON SA PAGLISAN

Malimit unawaing pag-alis o paglisan ang pag-akyat ni Jesus sa langit. Kapag may umaalis, may naiiwan. Iyan ang malimit nating karanasan bilang tao. Bihasang-bihasa ang Pinoy sa balitaktakang ito. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad. Kung ipagpalumagay nating bawa’t isa nito ay may apat na kapamilyang naiwan, mahigit kalahati ng ating kababayan ang nakaranas na lisanin.

Malungkot ang maiwan. Noong ako’y bata, lagi akong malungkot kapag Linggo ng hapon. Ito ay sapagka’t ang kalahati ng aming pamilya ay umaalis, pabalik sa Maynila, kung saan sila ay nag-aaral or nagtatrabaho. At kaming mga maliliit ay naiiwan sa Mendez, isang tahimik at malungkot na lugar sa mata ng isang bata na malayo sa ibang kapatid.

Sa araw na ito, paglisan ni Jesus ang ating usapin. Subali’t kakaiba ang paglisang ito. Sa ating maka-taong karanasan ng paglisan, may naiiwan, may nauulila. Sa paglisan ni Jesus, hindi naulila ang mga apostol at mga disipulo. Hindi tayo naulila. Bagkus nagkamit tayo ng isang kakaiba o panibagong pananatili o pananahan ng Diyos sa ating piling. Siya na mismo ang nagsabi: “Huwag kayong matakot o mabalisa. Narinig ninyong sinabi ko, ‘ako’y lilisan nguni’t babalik ako sa inyong piling.”

May kaakibat na pangako ang kanyang pag-alis. Ang pangakong ito ay ang matagal nang pangako ng Diyos mula pa sa Lumang Tipan – ang kanyang pananatili kasama ng kanyang bayang pinili, ang kanyang malasakit na pag-aaruga sa kanyang bayan, tulad ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak (Isaias 49).

Ngunit tulad ng sa bawa’t paglisan ay may pabaon sa naiiwan, si Jesus ay may pabaon … may paghamon … “Bakit kayo nakatingala sa alapaap?” Ito ang tanong ng dalawang anghel sa mga apostol. Hindi sapat ang sumamba. Dapat mauwi ang pagsamba sa pagpapakatotoo. Hindi rin sapat ang magpugay sa Diyos. Ang pagpugay at pagpupuri ay dapat makita sa pagpapahayag ng katotohanang mapagligtas.

Sa ating bayan, hindi sapat na tayo ay Kristiano kung maturingan. Dapat rin tayong maging kristiano sa isip, sa salita, at higit sa lahat, sa gawa. Hindi na puede na ipagmakaingay lamang na tayo ay isang kristianong bayan. Ang Honduras ay katulad natin … halos lahat ay katoliko. Ngunit, ang bayang ito ay katulad rin natin … mataas ang kriminalidad, maraming patayan, at maraming kadayaan at pagsasamantala sa lipunan.

Ang nangyari kay Julia Campbell, isang napakabuting tao mula sa Amerika, na pinaslang sa may Banawe, ay isa sa napakaraming palatandaan na ang ating pananampalataya ay dapat umangat at lumampas sa antas ng salita lamang. Kung paanong si Kristo ay umakyat sa langit, ang ating pananampalatayang kristiano ay dapat ding umangat sa larangan ng buhay pansarili at pampubliko.

Si Kristo ay lumisan sa piling ng mga Apostol. Ngunit ang kanyang paglisan ay hindi upang tuluyang maglaho, kundi bagkus upang siya ay makapakimayan, at manatili nang tunay at lubusan sa piling ng buong daigdig.

Nguni’t ang kanyang paglisan ay tigib ng isang paghamon – na tayo ay magpakatotoo sa ating pananampalataya at magpahayag nang lubusan sa ating pananampalataya sa ating buhay, sa ating bahay, sa ating lipunan.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: