frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

KATOTOHANANG ASAM-ASAM; KATOTOHANANG LASAM-LASAM

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo on Nobyembre 8, 2007 at 21:57

Ika-32 Linggo ng Karaniwang Panahon (K)
Nobyembre 11, 2007

Mga Pagbasa: 2 Mc 7:1-2, 9-14 / 2 Tesalonika 2:16 – 3:5 / Lucas 20:27-38

Sanay na sanay ang Pinoy na isabuhay sa kasalukuyan ang mga mahalagang bagay na parating pa lamang sa hinaharap. Maagap at maaga ang Pinoy kung magdiwang. Setyembre pa lamang ay nagkukumahog na ang mga himpilan ng radyo, mga shopping malls, at mga TV network na magpadama, magpatugtog, at magbigay-paalala tungkol sa darating na Pasko.

Maging sa mga pamilya ay maaga mangarap ang mga bata. Bunsod marahil ng kahirapan ay maagang makintal sa isipan ng mga musmos ang kagustuhang marating at makamit ang anumang karera upang makatulong sa magulang, makaipon, at makapag-paanyo ng magandang kinabukasan. Hindi malayong ang mga bata ay sinisimulang paghandaan ng itutustos sa pag-aaral bago pa man sila isilang.

Maaga mangarap ang Pinoy at malayo ang tanaw kapag ang pinag-uusapan ay ang hinaharap. Marunong ang Pinoy na habang maaga pa, ay ninanamnam na, dinadama, at isinasabuhay na ang bagay na bagama’t wala pa, ay pinakahihintay na at pinakamimithi. At sapagka’t ang kanyang isip at puso ay nakatuon sa darating, sa hinihintay na hinaharap, handa rin ang Pinoy na magtiis, magdusa, at maghirap sa kasalukuyan. Sanay ang Pinoy maghintay. Sanay ang Pinoy magtiis at magdanas ng hirap sapagka’t ang hinaharap ay pihong darating. Hindi ba’t ito ang nasa puso ng mahigit 10 milyong kababayan natin na nasa ibang bansa at nagpapakahirap para sa tinatawag nilang kinabukasan? Hindi ba’t ang pinakaaasam na hinaharap ang siyang dahilan kung bakit handa ang Pinoy na humarap sa kalungkutan, pamamanglaw, at pagkagiliw sa kanilang mahal sa buhay at manatili nang maraming taon sa malayong lugar?

Ito ang buod na kapansin-pansin sa ating mga pagbasa sa araw na ito. Mapait ang pinagdaanan ng pitong magkakapatid. At kung iisipin natin na pati ang kanilang ina ay nagdanas din ng parehong malupit na kamatayan, lalung tumitingkad ang kabatirang basta ang hinaharap ang pinag-uusapan, ay walang hindi gagawin ang taong puno ng pag-asa, tigib ng pananampalataya, at lipos ng pagmamalasakit sa pinaninindigang katotohanang ang kaganapan ay wala pa rito ngayon, kundi sa darating pang panahon.

Sa ngalan ng hinaharap, ang taong matapat at matuwid at puno ng pananampalataya ay handang bale-walain ang kasalukuyan, at ituring ito na pangalawa o pangatlo lamang sa hanay ng pagpapahalaga.

Ano nga ba ang nilalaman ng hinaharap na ito? Ano nga ba ang higit na mahalagang katotohanan na nagbunsod sa pitong magkakapatid upang harapin ang mapait na kamatayan sa pugong nagliliyab at naglalagablab?

Ano nga ba ang mahalagang bagay o lagay na ito na naging sapat na dahilan upang ang mga tao ay mamuhay na tila baga ang pinakahihintay ay dumating na? … na naging sapat na dahilan upang hindi na sila mamuhay tulad ng karamihan?

Iisa ang sagot ng una at pangatlong pagbasa … pareho ang tinutumbok ng mga ito. At ang higit na mahalagang ito ay ang kanilang paniniwalang ang tao ay muling mabubuhay, upang makapiling ang Diyos magpakailanman. Ito ang maka-apat na ulit na sagot ng magkakapatid sa aklat ng Macabeo. Ito rin ang sagot ni Jesus sa mga Saduseong nag-usisa sa kanya ng mga tanong na walang kapararakan … mga tanong na alam naman ng lahat ay malayong-malayo sa larangan ng makatotohanan at maaring mangyari.

Tulad ng mga tanong ng mga taong aral at nagdudunung-dunungan, ang tanong ng mga Saduseo ay isang patibong. Ang pakay nila ay siluin ang Panginoon, at hindi upang malaman ang katotohanan. Sa kadahilanang hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay, nag-imbento sila ng tanong na batid natin ay malayong mangyari. Nguni’t sa halip na mawalan ng matibay na pundasyon ang sagot ni Jesus, ay bagkus naidiin niya ang katotohanan – na sa muling pagkabuhay ay mababago ang takbo ng ating pakikitungo sa isa’t isa … na sa muling pagkabuhay ay hindi na tayo nalalambungan ng makamundo at material na uri ng pakikipag-ugnayan sa isa’t isa … na ang mga muling nabuhay ay tila mga anghel, na hindi na muling mamamatay kailanman.

Matibay at malalim ang pagpapahalaga ng taong sumasampalataya dito sa katotohanang ito. At sapagka’t mahalaga ito, ninanamnam na ito bilang katotohanang ganap at narito na. Dahil ito ay pinaninindigan ng sumasampalataya, handa siyang mamuhay na tila baga ay ito ay isa nang katotohanang naganap na ngayon, dito, palagian, at saanman. Maging ang pamumuhay bilang anghel ay handa niyang gawin at akuin. Maging ang pag-aasawa ay handa niyang ipagpaliban o palampasin, sapagka’t dama na niya at niloloob na ang hinaharap na katotohanan ng muling pagkabuhay.

Tulad ng pitong magkakapatid, malayo ang tanaw ng mga sumasampalataya … malalim, matibay, at mapunyagi. Sa lakas ng kanilang pangitain sa hinaharap na luwalhati, ay tinanggap nila ang pansamantalang kahirapan sapagka’t nadama na nila ang luwalhating darating mula sa Panginoon.

Tulad ng libo-libong mga banal at mga martir sa kasaysayan ng Santa Iglesya, pinaninindigan natin ang sinasaad sa Salmo na binasa natin sa sandali ng Komunyon:
“Ang Panginoon ay aking pastol, hindi ako mangangailangan ng anuman.” Sapagka’t sa ating pananampalataya, ang katotohanang inaasam at hinihintay ay katotohanang ganap, laganap, at nilalasam na.

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Paranaque City, Nobyembre 8, 2007

PAGTINGALA, PAGBABA, AT PAGTALIMA

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Nobyembre 1, 2007 at 21:29

Ika-31 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 4, 2007

Mga Pagbasa: Karunungan 11:22-12:2 / 2 Tesalonika 1:11-2:2 / Lucas 19:1-10

May kinalaman sa wastong pagpapasiya at pagpapahalaga sa tao ang mga pagbasa natin ngayon. Sa unang pagbasa, malinaw na isinasalarawan ang pagpapahalaga ng Diyos sa tao. Bagaman at ang tao ay tila isang patak lamang ng hamog, o isang matingging butil sa timbangan, “mahal ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa” ayon sa aklat ng Karunungan.

Ito ang kabaligtaran ng tingin ng mga tao sa isang kubrador ng buwis na si Zaqueo. Walang luhang maaring tumulo para kay Zaqueo kung ang pag-uusapan ay ang mga Judio noong panahon ni Jesus. Si Zaqueo ay mapera, makapangyarihan, at mapang-api. Siya ay isang katiwala ng mga Romano na ang trabaho ay mangolekta ng buwis para sa kanila, at binigyang-karapatang magpatong ng kung ano mang halaga sa tunay na dapat bayaran. Si Zaqueo ang orihinal na “broker” sa ating lipunan. Kung ang mga Romano ay ang katumbas ng ZTE ng China, si Zaqueo ay katumbas ng mga kumolekta ng suhol sa naturing na “NBN deal sa Pilipinas.”

Malaki ang problema ni Zaqueo. Hindi lamang na siya ay maliit. Maliit ang tingin ng balana sa kanya … mababa at mapangutya … na nararapat lamang sa isang katulad niyang puro dagdag-bawas ang nasa isip, kung baga, puro pera at puro pagsasamantala. Walang iniwan ang isang patak ng hamog sa kanya, o isang napakaliit na butil sa timbangan. Ganoon na lamang at sukat ang pagmamaliit at pagkamuhi ng mga tao sa kanya.

Subali’t sa kabila nito ay matayog at mataas ang kanyang pangarap. Kung gaano kababa ang tingin ng tao sa kanya, ay ganoon naman katayog ang kanyang pagnanasa. Nang mabalitaan niyang padaan si Jesus, nagmadali siya at nanguyabit sa isang matayog na puno upang matunghayan ang pinagkakalibumbungan ng marami.

Nasadlak si Zaqueo sa mababang uri ng paghahanap-buhay. Subali’t hindi nangangahulugang hanggang doon na lamang siya. Tulad ng salmista sa lumang tipan, tumingala si Zaqueo, tumingin sa itaas … sa mga bundok kung saan magmumula ang kaligtasan. Naghanap siya … nagsikap … at ang kanyang pag-akyat ay nagbunga ng isang mataginting na kautusan mula sa Panginoong kanyang hanap ngunit siyang nakatagpo sa kaniya: “Bumaba ka riyan at magmadali, sapagka’t gusto kong makituloy sa iyong bahay.”

Malimit na tayo ay maghusga sa ating kapwa. Malimit na ang mga tao ay nagpapadala sa kanilang mga maling akala at haka-haka sa ibang tao. Napakadali para sa atin ang walaing halaga ang isang taong sa tingin natin ay maitim pa sa uwak ang budhi … kamuhi-muhi, at dapat lamang iwasan kundi itakwil.

Ito ang maling akala na napinta sa isipang ng marami tungkol sa maliit na pagkatao ni Zaqueo.

Subali’t tulad ng sinabi sa unang pagbasa, hindi kailanman nagtatakwil ang Diyos na nagmamahal at nagmamalasakit sa lahat ng kanyang ginawa. Nagpaparangya Siya sa lahat, sapagka’t ang lahat ay sa kaniya … nguni’t ayon din sa Karunungan, ay nagpapaala-ala siya sa mga makasalanan, upang sila ay lumayo sa kanilang kabuktutan at maniwala sa Panginoon.

Dito natin makikita ang laking kaibahan ng pananaw ng Diyos. Si Kristo lamang, na nakatunghay sa tunay na kadakilaan ng pagkatao ni Zaqueo na nagkukubli sa kaniyang pagiging ganid at gahaman sa pera, ang tumingala sa puno at nagwika: ‘Bumaba ka diyan … magmadali ka at ako ay tutuloy sa iyong bahay.”

Nais kong isipin na ang winika ni Jesus kay Zaqueo ay katumbas ng isang paggising sa pagkakatulog ng isang taong tinatawagan sa kadakilaan. Nais kong isipin na ito rin ay isang paanyaya sa isang tao na, bagama’t itinuturing na masama, ay puno pa rin ng kakayahang magpanibago. Nabasa ni Jesus sa pag-akyat ni Zaqueo at paghahanap sa kanya ang malalim na pag-aasam ng tao sa katotohanan, sa kaligtasan, at sa ikapapanuto ng kanyang buhay. Nabatid ni Jesus na sa kanyang pangunguyabit sa puno ng sikomoro, ay nanduon ang tunay niyang damdamin, ang tunay niyang naisin na mapalapit kay Kristo at sa kanyang mabuting balita ng kaligtasan.

Iisang diwa ang tinutumbok ko. Sa ating mundo na puno ng panghihinawa at pagkawalang-pag-asa sa kakayahan ng tao na magbago, ang halimbawa ng Panginoong tumawag kay Zaqueo at nag-anyaya sa kaniya, ay isang malinaw na panawagan sa pag-asa at pagtitiwala sa patuloy na kakayahan ng taong magbago. Noong nakaraang mga Linggo ay nabanggit ko kung paano ang marami ay nanghihinawa, nawawalan ng pag-asa sa takbo ng lipunan at politika natin.

Pinamumugaran ng napakaraming higit na masahol pa kay Zaqueo ang lipunan at pamahalaan natin. Wala tayong katiyakang itong kalakaran ng pamahalaan at lipunan ay madaling maglalaho sa lalung madaling panahon.

Kailangan nating tumingala sa itaas katulad ni Zaqueo. Kailangan nating tumingin sa kabundukan kung saan magmumula ang ating kaligtasan. Kailangan nating manguyabit sa puno ng pag-asa at patuloy na maghanap kay Kristo – upang tayo ay matunghayan niya at matawag.

Si Zaqueo ay kagya’t sumunod at tumalima. Pinagbayaran niya ang lahat ng pinagkakautangan … nagbayad-puri at nagbagong-buhay. Ang taong minaliit ng marami ay tiningala ng Panginoon: “Bumaba ka diyan at magmadali, sapagka’t nais kong makituloy sa iyong tahanan.” Ang tiningala ay nagpakumbaba at nagbagong-buhay. At ang lahat ay nauwi sa pagtalima sa kalooban ng Diyos, na hindi nagsiphayo ng anumang kanyang nilalang.

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon

Noviembre 1, 2007