Ika-31 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 4, 2007
Mga Pagbasa: Karunungan 11:22-12:2 / 2 Tesalonika 1:11-2:2 / Lucas 19:1-10
May kinalaman sa wastong pagpapasiya at pagpapahalaga sa tao ang mga pagbasa natin ngayon. Sa unang pagbasa, malinaw na isinasalarawan ang pagpapahalaga ng Diyos sa tao. Bagaman at ang tao ay tila isang patak lamang ng hamog, o isang matingging butil sa timbangan, “mahal ng Diyos ang lahat ng kanyang ginawa” ayon sa aklat ng Karunungan.
Ito ang kabaligtaran ng tingin ng mga tao sa isang kubrador ng buwis na si Zaqueo. Walang luhang maaring tumulo para kay Zaqueo kung ang pag-uusapan ay ang mga Judio noong panahon ni Jesus. Si Zaqueo ay mapera, makapangyarihan, at mapang-api. Siya ay isang katiwala ng mga Romano na ang trabaho ay mangolekta ng buwis para sa kanila, at binigyang-karapatang magpatong ng kung ano mang halaga sa tunay na dapat bayaran. Si Zaqueo ang orihinal na “broker” sa ating lipunan. Kung ang mga Romano ay ang katumbas ng ZTE ng China, si Zaqueo ay katumbas ng mga kumolekta ng suhol sa naturing na “NBN deal sa Pilipinas.”
Malaki ang problema ni Zaqueo. Hindi lamang na siya ay maliit. Maliit ang tingin ng balana sa kanya … mababa at mapangutya … na nararapat lamang sa isang katulad niyang puro dagdag-bawas ang nasa isip, kung baga, puro pera at puro pagsasamantala. Walang iniwan ang isang patak ng hamog sa kanya, o isang napakaliit na butil sa timbangan. Ganoon na lamang at sukat ang pagmamaliit at pagkamuhi ng mga tao sa kanya.
Subali’t sa kabila nito ay matayog at mataas ang kanyang pangarap. Kung gaano kababa ang tingin ng tao sa kanya, ay ganoon naman katayog ang kanyang pagnanasa. Nang mabalitaan niyang padaan si Jesus, nagmadali siya at nanguyabit sa isang matayog na puno upang matunghayan ang pinagkakalibumbungan ng marami.
Nasadlak si Zaqueo sa mababang uri ng paghahanap-buhay. Subali’t hindi nangangahulugang hanggang doon na lamang siya. Tulad ng salmista sa lumang tipan, tumingala si Zaqueo, tumingin sa itaas … sa mga bundok kung saan magmumula ang kaligtasan. Naghanap siya … nagsikap … at ang kanyang pag-akyat ay nagbunga ng isang mataginting na kautusan mula sa Panginoong kanyang hanap ngunit siyang nakatagpo sa kaniya: “Bumaba ka riyan at magmadali, sapagka’t gusto kong makituloy sa iyong bahay.”
Malimit na tayo ay maghusga sa ating kapwa. Malimit na ang mga tao ay nagpapadala sa kanilang mga maling akala at haka-haka sa ibang tao. Napakadali para sa atin ang walaing halaga ang isang taong sa tingin natin ay maitim pa sa uwak ang budhi … kamuhi-muhi, at dapat lamang iwasan kundi itakwil.
Ito ang maling akala na napinta sa isipang ng marami tungkol sa maliit na pagkatao ni Zaqueo.
Subali’t tulad ng sinabi sa unang pagbasa, hindi kailanman nagtatakwil ang Diyos na nagmamahal at nagmamalasakit sa lahat ng kanyang ginawa. Nagpaparangya Siya sa lahat, sapagka’t ang lahat ay sa kaniya … nguni’t ayon din sa Karunungan, ay nagpapaala-ala siya sa mga makasalanan, upang sila ay lumayo sa kanilang kabuktutan at maniwala sa Panginoon.
Dito natin makikita ang laking kaibahan ng pananaw ng Diyos. Si Kristo lamang, na nakatunghay sa tunay na kadakilaan ng pagkatao ni Zaqueo na nagkukubli sa kaniyang pagiging ganid at gahaman sa pera, ang tumingala sa puno at nagwika: ‘Bumaba ka diyan … magmadali ka at ako ay tutuloy sa iyong bahay.”
Nais kong isipin na ang winika ni Jesus kay Zaqueo ay katumbas ng isang paggising sa pagkakatulog ng isang taong tinatawagan sa kadakilaan. Nais kong isipin na ito rin ay isang paanyaya sa isang tao na, bagama’t itinuturing na masama, ay puno pa rin ng kakayahang magpanibago. Nabasa ni Jesus sa pag-akyat ni Zaqueo at paghahanap sa kanya ang malalim na pag-aasam ng tao sa katotohanan, sa kaligtasan, at sa ikapapanuto ng kanyang buhay. Nabatid ni Jesus na sa kanyang pangunguyabit sa puno ng sikomoro, ay nanduon ang tunay niyang damdamin, ang tunay niyang naisin na mapalapit kay Kristo at sa kanyang mabuting balita ng kaligtasan.
Iisang diwa ang tinutumbok ko. Sa ating mundo na puno ng panghihinawa at pagkawalang-pag-asa sa kakayahan ng tao na magbago, ang halimbawa ng Panginoong tumawag kay Zaqueo at nag-anyaya sa kaniya, ay isang malinaw na panawagan sa pag-asa at pagtitiwala sa patuloy na kakayahan ng taong magbago. Noong nakaraang mga Linggo ay nabanggit ko kung paano ang marami ay nanghihinawa, nawawalan ng pag-asa sa takbo ng lipunan at politika natin.
Pinamumugaran ng napakaraming higit na masahol pa kay Zaqueo ang lipunan at pamahalaan natin. Wala tayong katiyakang itong kalakaran ng pamahalaan at lipunan ay madaling maglalaho sa lalung madaling panahon.
Kailangan nating tumingala sa itaas katulad ni Zaqueo. Kailangan nating tumingin sa kabundukan kung saan magmumula ang ating kaligtasan. Kailangan nating manguyabit sa puno ng pag-asa at patuloy na maghanap kay Kristo – upang tayo ay matunghayan niya at matawag.
Si Zaqueo ay kagya’t sumunod at tumalima. Pinagbayaran niya ang lahat ng pinagkakautangan … nagbayad-puri at nagbagong-buhay. Ang taong minaliit ng marami ay tiningala ng Panginoon: “Bumaba ka diyan at magmadali, sapagka’t nais kong makituloy sa iyong tahanan.” Ang tiningala ay nagpakumbaba at nagbagong-buhay. At ang lahat ay nauwi sa pagtalima sa kalooban ng Diyos, na hindi nagsiphayo ng anumang kanyang nilalang.
Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Noviembre 1, 2007