frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

MAGBUNGA, KUNDI AY PUTULIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Pebrero 28, 2013 at 17:05

Ikatlong Linggo ng Kwaresma Taon K

MiracleofthefigMarso 3, 2013

Mga Pagbasa: Ex 3:1-8a, 13-15 / 1 Cor 10:1-6, 10-12 / Lucas 13:1-9

MAGBUNGA O PUTULIN!

Medyo mahirap intindihin ang ebanghelyo sa araw na ito. May halong konting tila pananakot, subali’t may hibla rin ng katotohanan. Sino ba sa atin ang hindi umasa na magbunga ang pagsisikap natin, anuman iyon? Sino sa atin ang hindi umasang tumanggap ng magandang grado, lalu na’t pinagpuyatan natin ang aralin? Sinong magsasaka ang hindi naghanap ng bunga matapos gawin ang lahat para itanim at palaguin ang bungang-kahoy?

Lahat tayo ay may ideya kung ano ang pagtitimpi. Sa dinami-dami ng mga kabulastugang nagawa natin noong bata, di ba’t hanga tayo sa mga magulang na nagtimpi, nagtiis, at nagpigil ng sarili upang tayo ay mamulat, matuto, at mapalaki nang tama? Sino sa atin ang hindi humanga sa ating magulang na isusubo na lamang nila at sukat ang pagkain, ay ibibigay pa sa atin? Sino ang hindi natuwa na tayo ay pinagpasensyahan, at pinagbigyan sapagka’t tayo ay bata lamang?

Ang lahat ng ito ay may katotohanan at may kinalaman sa buhay natin. Matiisin ang Diyos … mapagtimpi … mahinahon … at hindi pabigla-bigla.

Dalawang bagay ang tila paalaala sa atin ng ebanghelyo ngayon. Una, matapos ikwento ang nangyaring malagim sa mga Galileo na pinaslang ni Pilato, at sa 18 kataong nadaganan ng bato sa Siloam, isang babala ang turo sa atin … na kung hindi tayo magbabalik-loob ay malamang na sapitin rin natin ang sinapit nila. Ikalawa ay galing sa puno ng igos. Dapat raw magbunga, at may hangganan ang paghihintay.

Nakatatakot … nakababahala … pero totoo at makahulugan, bilang isang paalalang dinaan sa isang uri ng golpe de gulat.

Pero di ba totoo rin na tayo ay pasaway? Di ba totoo rin na sa kabila ng paulit-ulit na trahedya ay patuloy pa rin ang pagwasak natin sa kalikasan? Di ba totoong kahit na naganap na ang Ondoy at Sendong at Pablo … ang Ormoc, ang Ginsaugon, Leyte, at ang Cherry Hills Subdivision ay patuloy pa rin tayong nagwawalang bahala? Di ba totoong tayo ay maigsi ang alaala, at madaling lumimot?

Pwes! Ang araw na ito ay puno ng paalaala, kahit na sa pamamaraang golpe de gulat. Ang lahat ay may hangganan. Pati nga ang salop ni Fernando Poe Jr ay pag napuno ay kinakalos. Ang lahat ay may katapusan. Pati nga mga eroplano sa America ay nagreretiro sa disyerto ng Mojave sa Nevada. Pati mga mahinahong tao ay nabubugnot rin, at nauubusan rin ng pasensya.

At ito ang mahalagang pagunita sa atin … Mahinahon ang Diyos. Matiisin. Mapagtimpi at mapagpatawad. Pero nagsasawa rin ang may arin ng puno ng igos, kung walang bungang dulot at hatid.

Pumapatak ang metro ika nga. Dumadaloy ang panahon, at pati mga ilog ay natutuyo at pati mga halaman ay nagpapahinga rin, kumbaga.

Iisa ang diwang pagunita ng lahat ng ito sa atin. May hangganan ang lahat. At ang buhay ng tao ay may wakas. May pagsusulit at pagtutuos. Hindi araw-araw ay pasko, sabi nga.

Siguro ay tama lang na ating isaisip ngayon at sa lahat ng araw ng kwaresma …

Magbunga o putulin! Anong bunga ang nakikita sa buhay natin?

 

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG!

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Taon K on Pebrero 15, 2013 at 11:28

The-temptation-of-Christ-1024x947Unang Linggo sa Kwaresma (K)

Febrero 17, 2013

Mga Pagbasa: Deut 26:4-10 / Rom 10:8-13 / Lk 4:1-13

AMININ. AKUIN. IPAHAYAG

Nakakatawa at nakakalungkot isipin ang mga tapunan ng sisi, batuhan ng mga bintang na nagaganap sa pagitan ng mga pulitiko na tinatawag nating “kagalang-galang.” Hindi ko na uulitin pa ang naririnig naman ninyo sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Pero sa dinami-dami ng mga imbestigasyon na ginawa ng senado at kongreso, wala pa akong natatandaang sinuman na umamin sa anong katiwalian. Pati ang mga pumatay sa mahigit na 50 katao sa Mindanao ay malayo pa sa kaliwanagan.

Subali’t ang pagtanggap ay kapatid ng pag-amin. Wala tayong matatanggap na hindi muna natin inaamin sa sarili. At matapos natin maamin at matanggap, ay handa na tayong magpahayag.

Isa ito sa pangunahing liksyon sa unang Linggo ng Kwaresma. Taon-taon, ito ang pagbasa sa ebanghelyo – ang isa pang katotohanang dapat natin aminin at akuin – ang katotohanang hindi lamang ang Panginoon ang tinukso. Pati tayo, ay patuloy na nakakaranas ng tukso, ng panghahalina ng masama, at hindi angkop sa kagustuhan ng Diyos.

Huwag na tayo magmaang-maangan pa. Sa tatlong tuksong pinagdaanan ng Panginoon, lahat tayo ay tinatamaan kumbaga. Isa-isahin natin …

Ang una ay ito … bato na gusto nating maging tinapay. Sa dami ng naghihirap ngayon, at sa dami naman ng puedeng mabili, tulad ng mga naggagaraang mga cellphone at tablets, gusto ng lahat ay biglang yaman. Ano ba ang Amalilio scam na pati isang artistang laging laman ng TV screen ay nawalan ng 50 milyon? Ano ba ang iba pang mga biglang naglahong mga pyramidal scheme na naganap paulit-ulit sa bayan natin? Di ba ito ay walang iba kundi kasakiman, katakawan, at ang paghahanap ng mabilisang pera na walang iniwan sa bato na gusto nating maging tinapay, ngayon, hindi sa isang linggo?

Di ba’t tayong lahat ay sinasagian ng kagustuhan ng pita ng laman, at mabilisang pagpaparaos ng kati ng kalamnan? Di ba’t kahapon, ayon sa mga ulat, ay buhol-buhol ang trapiko kung saan maraming motel? Di ba’t ito ang dahilan kung bakit mabilis na naipasa ang RH law? Sapagka’t naghahanap ang tao ng sex na walang pananagutan; sarap na walang responsibilidad? At di ba’t ito ang dahilan kung bakit gusto nating merong mamigay at magpa-alagua ng condom tuwing Valentine’s Day? Di ba’t ito rin ang dahilan kung bakit sa kabila ng tradisyon ng pag-aayuno at pag-abstinencia o hindi pagkain ng karne, ay tuloy-tuloy pa rin ang benta ng Chicken Joy? Ayaw natin ng bato … gusto natin ay tinapay.

Ang ikalawa ay palasak rin – kapangyarihan at kadakilaan. Ano sa palagay ninyo kung bakit nagkakandarapa tayo para ma-promote, kung bakit nagkukumahog tayo para makilala sa TV, at makilala bilang magaling at dakila at maganda o guapo? Di ba’t ito ay tulad ng tukso kay Jesus na bibigyan daw siya ng kadakilaan kung siya ay sasamba sa diyablo? Bakit sa palagay ninyo ang mga larawan sa facebook ay laging iyong wala kang tagyawat at laging balingkinitan at walang kabahid-bahid ng dungis ang mukha? Bakit sa palagay ninyo ang mga nasa facebook ay pawang magagaling daw mag Greek, mag Pranses,  at nag-aral daw sila sa iba-ibang lupalop ng daigdig? Bakit ang gagaling at ang gaganda ng ating profile sa mga social networking sites?

Ang ikatlo ay alam rin natin … ang ipasa ang pananagutan sa iba. Itapon mo sarili sa templo at ikaw ay hindi pababayaan ng mga anghel. Kainin mo gusto mo, kahit na bawal, at hindi ka naman magkakasakit. Gawin mo ang gusto mo, at kapag nagkasakit ka ay idemanda mo ang restoran, o ang gobyerno, o ang ibang tao. Huwag kang matakot. Problema nila yan … Ito ang mga katagang naririnig sa mga taong walang pananagutan sa sarili.

Matindi ang pinagdadaanan natin. Aminin. Tayong lahat ay makasalanan at di miminsang nabubulid sa tukso. Akuin at tanggapin. Pero may maganda bang balita?

Oo. Ito ang ipahayag. Matapos ninyo tanggapin na ang lahat ay galing sa Diyos ay nag-alay kayo sa altar, ayon sa Deuteronomio, “saka kayo lumuod upang sambahin ang Panginoon.”

Ipagbantog … “Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso.” “Kung inyong ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.”

Ito ang magandang balita. Pero nagmumula ito sa isang mahirap angkinin, mahirap akuin, mahirap tanggapin … na tayong lahat ay makasalanan, na tayo rin ay nasisilaw sa pera, at tayo ay nasisilo ng pita ng laman, at ng tawag ng kayamanan, kapangyarihan, at kadakilaan … Aminin. Akuin. Tanggapin, at ipahayag ang dakilang habag ng Diyos!