frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

LILIPULIN, PAGAGALINGIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon K on Nobyembre 12, 2010 at 07:59

Ika-33 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 14, 2010

Mga Pagbasa: Mal 3:19-20 / 2 Tesalonika 3:7-12 / Lucas 21:5-19

Dalawang tila magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng unang pagbasa. Dalawang hakbang ng Diyos … dalawang nag-uumpugang gawain na tila hindi dapat makita sa Diyos ayon sa ating makataong pang-unawa. Narinig natin si Malaquias na sa dalawa lamang pangungusap ay nagwika ang Diyos: “Lilipulin ko ang mga palalo at masasama,” at sa kabilang iglap ay nagwika rin ng ganito: “Ngunit ang mga sumusunod ay pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyo, gaya ng sikat ng araw.”

Maliwanag pa sa sikat ng araw ang katotohanang ang Diyos ay Diyos ng katarungan at Diyos ng habag at dakilang awa.

Isa ito sa mga kababalaghan ng Diyos na malimit hindi maunawaan ng tao. Diyos na nagsusulit at Diyos na nag-iinit sa pagmamalasakit sa mga nagsisikap magpakabanal at magpakabuti! Salubungan ang ating pakikitungo sa Diyos, hindi puro pakabig, hindi puro papasok sa atin. Palitan, ika nga … nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

Sa mga huling Linggong ito ng taong liturhiko, tinatawag ang pansin natin sa mga bagay na may kinalaman sa higit mahahalagang bagay sa buhay. At sa unang pagbasa pa lamang ay narinig na natin kung ano ang isa sa mahahalagang bagay na ito …. Kung tayo ay dapat lipulin, o kung tayo ay karapat-dapat pagalingin!

Tingnan natin sumandali ang halimbawang pamalas ni Pablo … “dapat,” aniya, “tularan ninyo ang aming ginawa.” Hindi lamang iyon, sinabi pa niya: “hindi dapat pakanin ang ayaw gumawa.” Bigayan, palitan, hindi puro pakabig, hindi panay pahila. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

Tingnan naman natin ang maling pinagkakabalahan ng marami … mga giyera, mga pagputok ng bulkan, mga trahedya na lahat ay nagbubunga ng pangamba at takot. Hindi ito ang mahalaga… hindi takot at pangamba, at hindi dahil sa gugunaw ang mundo at maglalaho ang lahat ng nakikita natin. Iyang lahat ng iyan ay mangyayari, bukas o makalawa … sa panahong hindi natin inaasahan. Ang mahalaga ay kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito … ang pagpapahalaga sa Diyos ng katarungan at ang pagkilala sa kanya bilang Diyos na mahabagin at makatarungan.

Mayroon namang ang pinahahalagahan ay ang magandang pangalan lamang, ang kanilang imahe sa harap ng madlang tao, ang kanilang posisyon o kapangyarihan dito sa mundong ibabaw.

May isang higit na mahalagang bagay ang pahatid sa atin ng ebanghelyo … ang pribilehiyong makapagdusa katulad ni Kristo, para sa Diyos at sa kapwa, para sa kahariang walang hanggan. Parang hindi yata magandang balita ito! Sino ang gusto magdusa? Sino ang naghahanap maghirap? At sino sa atin ang matutuwa na tayo ay dakpin at usigin?

Tila tumbalik ang hanay ng pagpapahalaga ng Diyos, at talagang mahirap isakatuparan!

Subali’t ang magandang balita ay hindi lamang ang magandang pakinggan. Ang balitang mapagpalaya ay hindi lamang iyong nakakakiliti ng puso at damdamin. Ang balitang mapagligtas ay humihingi ng puhunan … nangangailangan ng “patinga” kumbaga … Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

Kamakailan, nabalita ang isang dalagitang pinagtangkaang patayin noong bata pa … halos pugutan ng ulo ng mga salarin, at pinutol ang dalawang kamay. Mahirap isipin … lalong mahirap tanggapin. Nguni’t sa kabila ng lahat, natanggap niya ang nangyari … sa kabila ng karumal dumal na bagay na ginawa sa kanya, hindi siya nagpatalo sa kasamaang palad. Gumapang mula sa siguradong kamatayan … nagsikap, nag-aral, nagpatawad at ngayon ay isa nang tanyag ng chef, na marunong magluto, maggayat at maghanda ng pagkain, kahit walang mga kamay at daliri! Isa itong kapwa natin Pinoy mula sa Mindanao!

Inusig, nilapastangan, pinahirapan at halos patayin … Hindi niya hinanap ito, ngunit tinanggap niya nang maluwag. Naghirap, nagdusa, nagpakasakit sa ngalan at alang-alang sa Diyos. Halimbawang malinaw na patunay sa mga kataga ng ebanghelyo: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Dalawa ang puede natin pagpilian … tayo ba ay nabubuhay upang “lipulin” o tayo ba ay nagsisikap upang “pagalingin?”

LUMALAMPAS SA MGA ULAP!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Oktubre 21, 2010 at 12:21

Ika-30 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 24, 2010

Mga Pagbasa: Sirac 35:12-14, 16-18 / 2 Tim 4:6-8, 16-18 / Lucas 18:9-14

Karanasan nating lahat ang magdaan sa unos, mabasa sa ulan, at mahamugan sa karimlan. Kapag tag-ulan, ang hanap natin ay mainit na sabaw, pagkaing nakapagbibigay-init sa kalamnan, at humahagod sa katawan at kaloobang dumaan sa pagsubok at paghihirap.

Isa sa hindi ko malimutang karanasan sa pagkabata ay ang walang kapagurang paghagod ng likod ng Lola ko tuwing ako ay may sakit. Bukod sa paghagod sa masasakit na kalamnan, iyon lamang ang pagkakataong pumupunta sa tindahan sa kanto ang lola – upang bumili ng Royal Tru-orange … walang masyadong halaga, walang masasabing anumang bisa, nguni’t tagos sa kalamnan at puso ang pagmamahal na lubha kong kinakailangan kung masakit ang ulo at katawan, at nag-aapoy sa lagnat!

Nais kong isipin na hagod ng puso at kaluluwa ang pahayag ni Sirac sa unang pagbasa. Matapos ang patong-patong at sunod-sunod na pagbagyo sa bayan natin … matapos ang susun-susong mga suliranin na ating hinarap, kasama rito ang panlalait ng mga Insik sa HongKong dahil sa kapalpakan sa Luneta, hagod ng kaluluwa at puso ang hanap natin.

Ito ang hagod ng magandang balita para sa atin sa araw na ito. “Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila, at ang pagsusumamo ng balong nagsasaysay ng nangyari sa kaniya.”

Kailan ang huling pagkakataong ikaw ay “nagsaysay” sa Diyos? Kailan ang huling pagkakataon na nakapagsumbong, ika nga, tayo sa Panginoon? Ewan ko sa inyo, pero marami tayong dapat isaysay sa Kaniya. Marami tayong mga panimdim, mga kahilingan, mga kagustuhan, at mga bagay na hindi dapat kay Tulfo isumbong.

May bahid ng kalungkutan ang mga pagbasa, lalu na ang ikalawa. Sa sulat ni Pablo kay Timoteo, malungkot ang binabanggit na paglisan ni Pablo. Nguni’t ang kabilang mukha ng kalungkutan ay kagalakan. Ang kabilang pisngi ng paglisan ay ang gantimpala para sa isang naging tapat sa Diyos. Ang kabilang bahagi ng larawan ng paglisan ni Pablo ay ang magandang balitang naghihintay sa lahat ng tapat sa Diyos: “Ang Panginoon ang siyang magpuputong sa akin ng korona, hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa muli niyang pagparito.”

Subali’t tingnan sandali kung sino ang karapat-dapat sa tender loving care na ito o hagod na mapagmahal ng Diyos! … Nagkakatugma ang dalawang naunang pagbasa: “ang naglilingkod sa Kaniya nang buong puso,” “ang mapagpakumbaba,” hindi ang Pariseo na sigurado na sa kanyang sarili, bagkus ang publikanong mababa ang turing sa sarili, nguni’t tumanggap sa kanyang pagkakamali at kahinaan.

Sila, hindi ang palalo at mayabang, ang tumatagos sa puso ng Diyos. Ang kanilang dalangin ang “lumalampas sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di dumarating sa kinauukulan.”

May aral sa bawa’t isa sa atin ang mga pagbasa. May tama tayong lahat dito. Sino sa atin ang hindi nagmalabis sa buhay natin? Sino sa atin ang hindi napadala sa hambog at yabang? Sino sa atin ang hindi makuhang tumanggap ng pagkakamali sa ilang pagkakataon sa tanang buhay natin? Sino sa atin ang hindi nakapagmalabis at nakapagyabang sa harapan ng mga taong kayanan natin? Ilan sa atin ang nagmalabis sa paggamit ng titulo, ng wangwang, ng plaka ng sasakyan, at nahirati sa paghahawi ng mga simpleng taong walang kilala sa gobyerno at walang kaya sa lipunan?

May Pariseo sa puso ng bawa’t isa sa atin. May Pariseong mapag-kutya, mapagmata, at mapagmalabis sa lahat ng tao, kabilang tayong lahat. Ang panalangin ng mga ito ay “hindi lumalampas sa mga ulap” at hindi makahahagod ng puso at kalamnan.

Ang Royal tru-orange na bigay ng lola ko noong bata ako at maysakit, ay walang tunay na halaga at bisa. Pero may “tender loving care.” Humahagod, nanunuot sa puso, at nakapagpapagaling.

Ito ang panalangin ng mga taong nagpapakumbaba, nagsasaysay, o sabihin na nating nagsusumbong sa Diyos … lumalampas sa mga ulap! Tayo na’t magsaysay sa Diyos, mag-ulat at magsumbong. Lagi niyang dinirinig ang daing ng ulila at busabos … tulad nating lahat, dito sa lupang bayang kahapis-hapis!