frchito

Archive for the ‘Homily in Tagalog’ Category

LUWALHATI SA ANAK; PAPURI SA INA!

In Homily in Tagalog, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Taon K, Uncategorized on Disyembre 31, 2015 at 10:07

014_mdd_du_perpetuel_secours

[The Greek letters above the image are abbreviations of the words Meter Theou, which means Mother of God]

[TINAPAY NG SALITA NG DIYOS]

Maria, Ina ng Diyos

Enero 1, 2016

LUWALHATI SA ANAK; PAPURI SA INA!

Ipinagdiwang natin ang kapanganakan ng Anak ng Diyos noon isang Linggo. Sa oktabang ito ng Pasko ng Pagsilang, hindi lamang ang Anak ang siya nating itinatanghal. Pati ang nagluwal sa kanya, at naghatid sa Anak ng Diyos sa kaliwanagan ng buhay sa daigdig, ay atin rin binigyang-dangal.

Walang taong hindi nagwiwika nang maganda tungkol sa anak, na hindi rin nagwiwika nang maganda tungkol sa kanyang Ina. Walang sinuman ang nagkakait ng papuri at parangal sa isang Ina ng isang taong nakakitaan ng anumang uri ng kadakilaan.

Kung anong puno ay siyang bunga, ika nga. Walang prutas na nahuhulog nang sobrang layo sa punong-kahoy. Ang anak ay nagbibigay parangal sa kanyang pinagmulan.

Ang pagdiriwang natin sa araw na ito ay pagdiriwang patungkol sa luwalhati at kadakilaan ng Diyos na nagpakumbaba at naging tao sa pagsilang ni Kristong pangakong Mesias. Sa pagkilala natin sa kanyang Ina, hindi natin ninanakawan ng luwalhati at papuri ang Diyos na siya mismong nagpasya na isilang ang kanyang bugtong na Anak sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng isang babaeng nagngangalang Maria.

Hindi po ito idolatriya. Hindi rin ito pagsamba sa diyus-diyosan. Hindi ito isang kalapastanganan sa Diyos na tanging karapat-dapat luwalhatiin at sambahin.

Pero, ito nga mismo ang natatanging papel na ginampanan ng Mahal na Birhen. Nakipagtulungan siya sa Diyos na nagpasyang isilang ang Kanyang Anak sa pamamagitan ng isang babae.

At sa pagpapasyang ito, sa pamamagitan ng milagro ng encarnacion o pagkakatawang-tao ng Diyos, ay tinatawag nating Anak ng Diyos si Jesus, bilang ikalawang Persona ng Banal na Santatlo, at anak rin ni Maria bilang taong totoo at Diyos namang totoo.

Ang Pista ni Maria, Ina ng Diyos ay pista ng Diyos. Sa kanya ang luwalhati. Sa kanya lamang ang pagsamba. Sa kanya ang lubos na pasasalamat ng madla.

Luwalhati sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo!

Papuri kay Maria, Ina ni Kristo, taong totoo at Diyos na totoo.

Papuri sa kanya na pumayag maging Ina ng Diyos sa katauhan at pagka-Diyos ni Kristong ating Panginoon at Manunubos!

NUKNUKAN NG MGA TIWALI; TAMPULAN NG MGA NAGWAGI

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan de Letran, Taon A on Nobyembre 8, 2014 at 17:18

temptation-and-cleansing-temple-tif

Kapistahan ng Pagtatalaga ng Simbahan ng San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2014

NUKNUKAN NG MGA TIWALI O TAMPULAN NG MGA NAGWAGI?

Medyo masakit sa tenga ang malamang nagalit ang Panginoon sapagka’t ginawang pugad ng komesyo ang Templo ng Jerusalen. Hindi tayo bihasa makita ang Panginoon na nagpapakita ng galit. Pero sa muling sulyap, ito ang nakikita natin – ang labis na pagmamalasakit ng Panginoon sa karapatan ng Diyos na dapat bigyang-halaga at bigyang-pugay sa kanyang tahanan.

Dalawang magkasalungat ng larawan ang nakapinta sa mga pagbasa ngayon … Ang una ay ang narinig natin sa ebanghelyo … naging nuknukan ng mga tiwali ang templo … naging tipunan ng mga walang pakay kundi ang kumita at makalamang. Ang ikalawa ay ang kabaligtaran … ang larawan ng tubig na nagbibigay panibagong buhay sa tuyot na disyerto at ilang ng Arabah … ang larawan ng kamatayang nagkakaroon ng panibagong buhay dahil sa tubig na ipinakikitang nagmumula sa templo ng Jerusalen.

Ito ang dalawang mukha nating lahat … Minsan tayo ay puno ng galit. May pagkakataong tayo ay tulad ng mga taong walang inisip kundi ang kita, at ang pangkabuhayang mga nasa, at pansariling mga kagustuhan. Subali’t minsan rin naman, tayo ay mga larawan ng mga taong handang magkaloob, handang magbigay, at nagtataglay ng ginintuang puso na nagiging sanhi ng pagpapanibagong-buhay ng kapwa.

Alam ng Diyos kung gaano karaming beses ako naging tulad ng mga hinagupit ng Panginoon sa templo … ganid, sakim, at makasarili! Alam rin ng Diyos kung gaano rin karaming pagkakataon ako naging mapagbigay, mapagkalinga, mapaghanap para sa kapakanan ng iba. Sa aking pagkatao ay nananalaytay ang dugong mabuti at dugong makasalanan, tulad ni Eba at Adan.

Alam rin natin na ang Santa Iglesya ay isang katipunan ng mga banal at makasalanan. Alam natin na ang mananampalataya ay hindi laging nagkakaisa. Malimit na tayo ay pinamamagitan ng hidwaan, ng tampuhan, ng inggitan, at isahan.

Sa araw na ito, pista ng pagtatalaga ng Simbahan ni San Juan de Letran, ang inang simbahan ng lahat ng simbahan sa buong mundo, maganda sanang gunitain kung ano ang dapat para sa atin …

At ano ba ang nararapat? Simple lamang, ayon sa mga pagbasa … ang maging tubig na nagbibigay o naghahatid buhay, ang maging isang pamayanang nagkakaisa sa iisang pananampalataya, iisang binyag, iisang Iglesya, iisang Diyos, at iisang Panginoon!

Bagama’t malayo pa ang ating lakbayin, hindi imposible ang panawagan sa atin ng Diyos – ang maging iisa, ang manatili sa pamamatnubay ng iisang Santa Iglesya, at ang mapanatili ang pagmamalasakit sa kapakanan ng Diyos at kanyang kagustuhan para sa ating lahat.

Tayo na sa ating Inang Iglesya! “Sa bayan ng dakilang Diyos, batis niya’y may tuwang dulot!” Bagama’t kung minsan ito ay nuknukan ng mga tiwali (mga makasalanan), ang tunay na pakay nito ay maging tampulan ng mga nagwagi!