frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

IKAW ANG MAGPAPASYA, WALA NANG IBA!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Pebrero 15, 2014 at 15:17

sermon-on-the-mount%5B1%5D

Ika-anim na Linggo Taon A
Febrero 16, 2014

IKAW ANG MAGPAPASYA, WALA NANG IBA!

Muli na namang karunungan ang paksa ng mga pagbasa. At tuwing karunungan ang usapan, laging pumapasok ang usapin tungkol sa mga eskriba at pariseo – ang mga pinaka-aral sa mga tao noong panahon ng ating Panginoon.

Pero tulad nga ng nasabi na natin nang maraming pagkakataon, iba ang ang aral lamang at iba rin ang tunay na maalam o marunong. Dalawang uri ng kaalaman ang tinutumbok ng tatlong pagbasa: ang kaalamang makamundo at mababaw at ang karunungang wagas at makalangit.

Pero bagama’t itinatangi ng mga pagbasa ang karunungang makalangit, ang pangaral ng tatlong pagbasa ay lubhang makatotohanan at nakalapat ika nga, sa lupa. Tatlong bagay ang binibigyang-pansin ng ebanghelyo, na may kinalaman sa ating pagkatao: ang galit, ang pita ng laman at pagnanasa sa laman, at ang pagwiwika ng katotohanan.

Sino ba sa atin ang hindi nakaranas magalit? Sa takbo ng panahon natin ngayon, sino ba ang hindi magagalit sa kabatirang pinaiikot lang tayo ng mga maaalam na “honorable,” at binibigyan tayo ng mga palusot na wala naman talagang lusot? Sino ba ang hindi mawawalan ng pasensya sa mga taong kung sino ang mataas ang pinag-aralan ay sila namang nanlalamang sa mga walang kamuang-muang na mahihirap?

Tanggap ko na isa ako sa mga taong mahina at marupok sa bagay na ito. Mahirap ang isiping tayo ay tinatanga ng mga taong iba ang pakahulugan sa “sandwich,” sa NGO, at sa marami pang ibang salitang nauuso araw-araw.

Sino rin sa atin ang hindi nadadala ng kahinaan ng laman, at ng tindi at lakas ng pita ng laman? Sino sa atin ang hindi nagdadaan sa matinding pagnanasang hindi naaangkop sa ating estado? Mayroon bang hindi kahit miminsang napadala sa bugso ng damdamin at lukso ng matinding pagnanasa?

Sino rin sa atin ang hindi nahirapang mapadala sa kagustuhang umiwas sa katotohanang nagsisilbing parang maliit na bato sa ating sapatos kung kaya’t hindi tayo makalakad nang tuwid hangga’t hindi natin inaalis ito? Sino sa atin ang hindi narahuyo ng pagsasabi ng kasinungalingan upang maisalba lamang ang sariling imahe sa harapan ng kapwa?

Mahirap magpakatao… Mahirap magpakabanal … Mahirap magpakatapat. At ang magandang balita ngayon ay ito … Nauunawaan lahat ito ng Diyos. Nauunawaan Niya ang ating mga hinaharap na pagsubok.

Ngunit ang kanyang pag-unawa ay hindi nangangahulugang pagsang-ayon sa mali. Ang pagtanggap sa ating kahinaan at karupukan ay hindi isang lisensya sa paggawa nang hindi tama. Ang pagiging mahirap na bayan natin ay hindi nangangahulugang dapat tayong manatiling tanga at naiisahan tuwina ng mga aral at mga makapangyarihan. Ang ating pagiging simple ay hindi nangangahulugang dapat tayong maging uto-uto at napadadala na lamang sa panlilinlang ng mass media at pagsunod sa kalakaran ng kamalian, kahit na ito ay pinasisimunuan ng kongreso at ng ehekutibo sa gobyerno.

Iisang bagay ang tinutumbok ni Sirac sa unang pagbasa … ang ating kakayahang magpasya, ang ating kakayahang mamili. Ito ang karunungang ‘hindi karunungan ng sanlibutang ito,” ani San Pablo, kundi ang “panukala ng Diyos.”

Ito rin ang karunungang higit pa sa makamundong kaalaman ng mga eskriba at pariseo. Ito ang karunungang maghahatid sa atin sa tama at wastong pagharap sa galit, sa pita ng laman, at sa pagsasabi ng katotohanan. Ito ang karunungang malimit ay hindi nauuunawaan ng mundo at hindi pinahahalagahan ng mga taong walang materyal na pakinabang dito.

Masalimuot at magulo ang ating lipunan. May palusot ang lahat. May istorya ang lahat ng nasasangkot sa malakihang katiwalian. Tulad nating lahat, natural lamang na maghanap ng pasulot, maghanap ng ituturo. Ngunit sa likod ng kanilang pagtanggi ay ang nagpupuyos na katotohanan – na daan daang milyon at bilyong piso ang napunta lamang sa mga bulsa ng mga gahamang ngayon ay bayani dahil magtatapat daw sa ngalan ng katotohanan, nguni’t tila hindi ang buong katotohanan.

Kailangan nating mamili … Kailangan nating magpasya … May kakayahan tayong gumawa nito. Kaya natin ito … “Ikaw ang magpapasya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi.” Ikaw lamang at ako … Wala nang iba.

KAPANGYARIHAN NG DIYOS, HINDI KARUNUNGAN NG TAO

In Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Propeta Isaias, Tagalog Homily, Taon A on Pebrero 7, 2014 at 14:32

saltandlight

Ikalimang Linggo Taon A
Pebrero 9, 2014

KAPANGYARIHAN NG DIYOS, HINDI KARUNUNGAN NG TAO

Paksa ng tatlong pagbasa ang liwanag o ilaw. Tamang-tama, lalu na’t hanggang ngayon ay paapu-apuhap pa rin sa dilim ang maraming lugar na sinalanta ni Yolanda. Parang bumalik uli ang Candelaria sa diwa ng mga pagbasa. Iyan ang nakikita natin sa biglang wari.

Pero sa pangalawang tingin ay may nakikita tayong higit pa. Hindi sapat ang magliwanag. Kay raming ilaw sa ating mga siudad. Kay raming mga taong malinaw kung magsalita. Kay raming mga kagalang-galang sa kongreso ang mahusay magpaliwanag lalu na’t nasa harap ng camera sa TV. Kay rami rin naming mga paring mahusay bumulalas ng mga bagay na banal. Kay raming mga gurong maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanilang mga liksyon, tulad ng marami ring ang gawa ay mag-check lamang ng attendance at magtinda ng tsinelas at kung ano-ano pa para mabuhay.

Hindi sapat ang magsabing ako ay liwanag. Hindi sapat na bilang pari ako ay magturo kung paano pumunta sa langit. Kailangan ko ring ipakita ito sa gawa, hindi lamang sa salita.

Maraming mahusay magtalumpati sa ating lipunan. Maraming magaling gumawa ng pasinaya, at tuwing fiesta, maraming handa (kahit utang na babayaran nang mahabang panahon ang inihanda). Maraming honorable sa ating lipunan, kahit na ang pinaggagagawa ay hindi naman honorable o kagalang-galang. Madali ang gumawa ng pailaw, lalu na sa pasko. Madaling itago ang mga barong-barong sa likod ng mga parol at makukulay na pailaw.

Hindi sapat ang ilaw. Pati si Pablo ay sinasabi ito. Dapat, ika nga noong lumang patalastas ng Royal Tru-Orange, ay mayroong pulp bits ang orange drink. Kailangan ng patunay. Heto ang sabi ni Pablo: “Kaya mahina, takot, at nanginginig akong humarap sa inyo. Sa pananalita at pangangaral ko’y hindi ko kayo inakit ng matatamis na pangungusap batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”

Hindi tayo makakabingwit ng isda sa salita lamang. Kailangan masilo ito sa bunganga. Kailangan kumilos at gumawa, hindi lamang ngawa.

Ito marahil ang malaking pagkukulang sa ating bayan nating mga Pilipino. Tanging tayo ang Kristianong bayan sa Asya, pero tayo rin ang pinakamalakas uminom (pangatlo sa katunayan) at isa sa mga pinaka korap sa mga bayan sa Asya. Halos tatlong daan ang ating mga kongresista at 24 ang mga senador. Bilangin ninyo ang perang ginagastos sa kanila pa lamang, at huwag nyo nang hanapin kung saan napupunta ang pork barrel funds.

Kaming mga pari ay ilan sa mga pinaka-aral sa ating lipunan. Mahaba at maraming taon ang aming formation process. Pero sa hindi kakaunting pagkakataon, talong-talo kami ng mga laiko sa pagpapahayag ng magandang balita. Hitik kami sa pangaral tungkol sa liwanag, subali’t kulang sa pagbibigay-lasa sa buhay ng karamihang Pinoy.

Kailangan ng higit pa sa ilaw. At ito ang turo ng ebanghelyo. Kailangang maging asin, at magbigay lasa sa buhay ng mga taong karaniwan. Kailangang maging liwanag, pero kailangan ring magpagal upang ang liwanag ay magdulot ng pagbabago sa lipunan.

Magandang halimbawa ang ipinakita ngayon ni San Pablo. Nanginginig, nagpakumbaba, tumatanggap ng kanyang kahinaan at karupukan. Pero tumatanggap rin ng katotohanang sa kabila ng aming karupukan at kasalanan bilang pari at bilang tao, mayroon isang bagay at katotohanang hindi maaaring ipagkaila – na ang lahat ng produkto at katotohanang aming itinutulak bilang pari at tagapaghatid ng magandang balita, hindi “batay sa karunungan ng tao, kundi sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu at ng kapangyarihan ng Diyos.”

Maging liwanag at asin nawa tayong lahat!