frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

IKAW NA! WALA NANG IBA!

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Propeta Isaias, Taon K on Pebrero 8, 2013 at 10:08

imagesIkalimang Linggo ng Taon K

Febrero 10, 2013

Mga Pagbasa: Isaias 6:1-2a.3-8 / 1 Cor 15:1-11 / Lu 5:1-11

IKAW NA, PROPETA; WALA NANG IBA!

 

Kapag sumagi ang takot, mahirap kumilos; mahirap gumawa ng anuman. Naranasan nyo na bang kumuha ng test kung saan nakasalalay kumbaga ang inyong kinabukasan? Natatandaan ko nang kumuha kami ng eksamen para sa propesyonalisasyon ng mga guro. Kami ang unang-unang grupo na kumuha nito mula nang ito ay naging batas. Pawis na ang puwet ay pawis pa ang kili-kili at mga kamay. Hindi kami mapakali sa upuan. Gutom at uhaw kami pero hindi namin makuha kumain. At nang bumalik kami upang tingnan kung kami ay pumasa, ang daming nanginginig habang naghihintay; at lalung marami ang nag-iiyak dahil sa hindi sila kasama sa listahan.

Dama ko ang dinama ni Isaias … Hindi niya maubos maisip na siya na nga ay itinuring na propeta at nakatunghay sa Diyos: “Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi.” Natako siya sapagka’t nakita niya ang Diyos, at ayon sa paniniwala ng mga Judio, walang nakakakita sa Diyos na nananatiling buhay.

Subali’t hindi lang Diyos ang kanyang nakita. Pati sarili niya ay nakilala niya at nakita sa kanyang kabuuan – isang makasalanan … isang taong hindi karapat-dapat na maging propeta.

Kung titingnan ko ang nakalipas, wala ni isang pagkakataong maituturing ko ang sarili ko bilang karapat-dapat at handa. Nang nakuha ko ang aking grado sa PRC, at naging ganap na guro, hindi ako makapaniwalang ako na nga! Nang ako ay maging pari, hindi ko maubos maisip na ako ay pinagkatiwalaan ng Diyos. Hindi ako handa. Hindi ako ganap na maalam. At lalung hindi ko tanggap na ako ay karapat-dapat. Aminin ninyo … wala isa man sa inyo ang makapagsasabing handang-handa kayo sa anuman, di ba? Baka sa inuman, puede pa.

Noong nakaraang dalawang Linggo, nakapagsabi ako ng mga hinaing sa inyo. Mahirap, ika ko, ang mangaral ngayon sa ngalan ng Diyos. Walang masyadong nakikinig. Maraming kabataan ang nagpupunta ng Simbahan na dala ang kanilang smartphone, at sa oras ng sermon ay nagpepesbuk o nagtetext. Iyong mga nakikinig ay pag nagkataon ay nagagalit, sa maraming dahilan … kesyo namumulitika raw kami, kesyo makaluma raw kami at hindi na akma sa takbo ng panahon, kesyo hindi raw nila maintindihan ang aming sinasabi, at marami pang iba. Meron pang paborito niyang itawag sa amin ay Damaso. At kahit na siya na nga ang nambastos at naglapastangan sa isang panalangin sa loob ng simbahan, ay siya pa ang bida at kawawa, ayon sa grupo ng mga artista at mamamahayag sa mainstream media.

Tingnan natin ang dalawa pang pagbasa … Pati si Pablo ay tinamaan rin ng sakit ng pangamba. Nguni’t tulad ni Isaias ay tumanggap rin ng katotohanan kung sino siya: “Ako ang pinakahamak sa mga apostol, ako’y di karapat-dapat tawaging apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin.”

Ganito nga yata ang buhay. Ganito nga yata ang pagiging apostol o propeta. Laging hindi handa. Buti pa ang mga Boy Scout, laging handa raw sila. Iyon ang akala nila…

Pati mga mangingisda ay nawawalan rin ng tiwala sa sarili at nanghihinawa. Buong magdamag ka nga naman mangisda at walang mahuli, ay narito ang guro at sabihin ba naman sa iyong pumalaot ay ihagis muli ang lambat! A ver! Kaya nyo ba yon? Puyat na nga at pagod magdamag ay may bagong saltang nanghiram na nga at lahat ng bangka ay may hatid pang liksyon kung paano at saan maganda ang huli!

Nguni’t may hatid na pangaral ang lahat ng ito. May magandang balita para sa ating puro masamang balita ang dumarating. Bagama’t nag-atubili, sumunod sila sa Panginoon na magsusugo sa kanila kapagdaka. May iba pa palang mas mahalaga kaysa sa makahuli ng isda.

At ang lahat ay nababatay sa katotohanan: ang unang katotohanan ay tungkol sa ating sarili … Hindi tayo handa. Hindi natin alam ang lahat. At lalung hindi natin kayang gawin ang gawaing Diyos lamang ang makagagawa. Pero ito ang ikalawang katotohanan: kailangan ng tulong ng Diyos – tulong mula sa taong tulad mo, tulad ko na walang angking kakayahan at kapangyarihan – mga taong gumagawa ng mga bagay na hindi nakukuha sa pa-cute at kayabangan, porma at kasinungalingan.

Ngunit may isang mahalagang hinding-hindi dapat natin kalimutan … Huwag matakot … mamalakaya … gumawa at tumalima!

Handa ka na ba? Ako, matapos nang maraming taon ay ito pa rin ang sagot … Hindi! Pero ngayon ay batid nating hindi ito ang mahalaga …

Huwag matakot! Mamalakaya! Ikaw na! Wala nang iba!

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG

In Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Enero 25, 2013 at 20:02

nehemiah-reading-the-lawIkatlong Linggo ng Taon K

Enero 27, 2013

Mga Pagbasa: Neh 8:2-4a. 5-6.8-10 / 1 Cor 12:12-30 / Lucas 1:1-4; 4:14-21

NATUTUPAD HABANG NAKIKINIG

Mahaba ang mga pagbasa ngayon … sing haba ng pagbasang ginawa ni Nehemias, na bumilang ng ilang oras. Nang matapos ang unang limang aklat ng Biblia, na kung tagurian ay Torah, sabik ang mga taong mapakinggan ang nilalaman nito. Ginawa ni Nehemias ito, at sa wakas ay nasusulat: “nabagabag ang kanilang kalooban; anopa’t sila ay umiyak.”

Napapaiyak rin tayo ngayon, sa haba kung minsan ng sermon ng pari. Napapaiyak rin tayo sa tuwa kung minsan, at maka tsamba tayo ng paring panay patawa ang sermon, kahit wala namang laman. Napapaiyak rin tayo kapag nag concert ang pari, at panay naman kanta ang inatupag, kahit walang kinalaman sa ebanghelyo ang awit! Pero, sa totoo lang, napapaiyak rin naman tayo dahil nararapat lamang – kapag naantig ang ating damdamin, dahil sa tinamaan tayo ng magaling sa sermon ng sinuman, pari man o layko.

Kailan ang huling pagkakataong lumuha ka dahil sa iyong narinig ang salita ng Diyos? Kailan ang huling pagkakataong nabagabag ang iyong damdamin sa iyong narinig o nabasa?

Sa ating panahon, aaminin ko, napakahirap nang magsermon. Napakahirap marating ang mga kabataang antemano ay walang intensyong makinig. At bakit? Dala-dala nila tuwina ang smartphone … handang handa sila mag facebook, maging sa simbahan, o mag twitter. At kung wala kang magandang boses na tulad ko, ay wala nang makikinig sa iyo, sapagka’t nahirati na ang karamihan sa kulturang pinamumugaran ng mga taong tulad ni Vice Ganda, at mga nagbabagang mga balita, na hindi naman balita ang laman kundi mga pasaring, mga komentaryo, at mga pagsuporta sa pinunong kakosa nila at kakulay.

Mahirap ngayon ang maghatid ng totoo. Ang naghahatid ng totoo ay ipinapako sa krus ng opinyon publiko. Ang naghahatid ng katotohanang mapagpalaya na hindi ayon sa agenda ng mga makapangyarihan ay madaling nabubusalan, basta’t sirain lamang ang kanilang credibilidad ng mga taong tampalasan na may hawak maghapon ng mikropono.

Subali’t tungkulin ko bilang pari ang mangaral at magpahayag, umulan man o umunos, tumila o sumikat ang araw. Ito ang ginawa ni Jesus. Bagama’t hindi siya tanggap sa Nazaret, ginawa niya pa ring mangaral sa sinagoga. “Hindi ba’t siya ay anak ng karpintero?” Walang propetang tinatanggap sa sariling bayan.

Nguni’t ito ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Bagama’t hindi tanggap, tungkulin ay dapat gawin, sapagkat, ayon kay San Pablo, bumubuo tayo ng iisang katawan, na may maraming bahagi. “Hindi masasabi ng mata sa kamay, ‘Hindi kita kailangan,’ ni ng ulo sa mga paa, ‘Hindi ko kayo kailangan.’”

Kaisahan at kabuuan … ito ang simbahan, ang katawang mistiko ni Kristo. Ito ang panawagan sa ating lahat, ang bumuo, ang magkaisa, ang maging matatag sa pagniniig bilang mga anak ng Diyos.

Subali’t mahirap man, masakit man, ito ang dapat nating gawin … ang magbukas ng isip at puso at makinig at tumanggap sa Salita ng Diyos.

May pakiusap ako sa aking mga tagapakinig (o tagabasa). Walang nagsasayaw ng tango nang mag-isa. Laging may dalawang panig sa isang usapin. At kung may nagsasalita, ay may kinakausap at dapat makinig. Ito ang buhay natin bilang Kristiyano … sapagka’t ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig.

Alam kong naghahanap kayo ng mahusay magsermon. Nguni’t ang sermon ay hindi isang amateur singing contest. Hindi rin ito isang stand-up comedy show. At lalong hindi ito dapat kwentuhan kung ano ang nangyari sa telenobelang sinusundan natin. Ito ay ang paghihimay ng Salita ng Diyos, at pagbabahagi ng kahulugan at kaugnayan ng Salita ng Diyos sa buhay natin dito, ngayon, at sa lahat ng panahon.

Natutupad ngayon ang mga Salitang ito sa buhay nating nagsisikap makinig, nagsisikap isabuhay ang narinig, at nagpapayaman sa mga katagang narinig. Kung ang mga nakinig kay Nehemias ay nabagabag, dapat rin tayong mabagabag kahit papaano. Dapat rin tayong maantig kahit kaunti. Sapagka’t ang Salita ng Diyos ayon sa sulat sa mga Hebreo ay isang tabak na doble ang talim, nanunuot sa kasu-kasuan ng tao … mabisa at mabunga.

Sa inyo … matanong ko kayo … paano nagaganap ang narinig natin ngayon … sa ating harapan ay natutupad ang mga salitang ito. Dito. Ngayon. Sa buhay at sa bahay natin!

Totoo ba?