frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

LILIPULIN, PAGAGALINGIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon K on Nobyembre 12, 2010 at 07:59

Ika-33 Linggo ng Taon (K)
Nobyembre 14, 2010

Mga Pagbasa: Mal 3:19-20 / 2 Tesalonika 3:7-12 / Lucas 21:5-19

Dalawang tila magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng unang pagbasa. Dalawang hakbang ng Diyos … dalawang nag-uumpugang gawain na tila hindi dapat makita sa Diyos ayon sa ating makataong pang-unawa. Narinig natin si Malaquias na sa dalawa lamang pangungusap ay nagwika ang Diyos: “Lilipulin ko ang mga palalo at masasama,” at sa kabilang iglap ay nagwika rin ng ganito: “Ngunit ang mga sumusunod ay pagagalingin ng aking kapangyarihan na lulukob sa inyo, gaya ng sikat ng araw.”

Maliwanag pa sa sikat ng araw ang katotohanang ang Diyos ay Diyos ng katarungan at Diyos ng habag at dakilang awa.

Isa ito sa mga kababalaghan ng Diyos na malimit hindi maunawaan ng tao. Diyos na nagsusulit at Diyos na nag-iinit sa pagmamalasakit sa mga nagsisikap magpakabanal at magpakabuti! Salubungan ang ating pakikitungo sa Diyos, hindi puro pakabig, hindi puro papasok sa atin. Palitan, ika nga … nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

Sa mga huling Linggong ito ng taong liturhiko, tinatawag ang pansin natin sa mga bagay na may kinalaman sa higit mahahalagang bagay sa buhay. At sa unang pagbasa pa lamang ay narinig na natin kung ano ang isa sa mahahalagang bagay na ito …. Kung tayo ay dapat lipulin, o kung tayo ay karapat-dapat pagalingin!

Tingnan natin sumandali ang halimbawang pamalas ni Pablo … “dapat,” aniya, “tularan ninyo ang aming ginawa.” Hindi lamang iyon, sinabi pa niya: “hindi dapat pakanin ang ayaw gumawa.” Bigayan, palitan, hindi puro pakabig, hindi panay pahila. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

Tingnan naman natin ang maling pinagkakabalahan ng marami … mga giyera, mga pagputok ng bulkan, mga trahedya na lahat ay nagbubunga ng pangamba at takot. Hindi ito ang mahalaga… hindi takot at pangamba, at hindi dahil sa gugunaw ang mundo at maglalaho ang lahat ng nakikita natin. Iyang lahat ng iyan ay mangyayari, bukas o makalawa … sa panahong hindi natin inaasahan. Ang mahalaga ay kung ano ang kahulugan ng lahat ng ito … ang pagpapahalaga sa Diyos ng katarungan at ang pagkilala sa kanya bilang Diyos na mahabagin at makatarungan.

Mayroon namang ang pinahahalagahan ay ang magandang pangalan lamang, ang kanilang imahe sa harap ng madlang tao, ang kanilang posisyon o kapangyarihan dito sa mundong ibabaw.

May isang higit na mahalagang bagay ang pahatid sa atin ng ebanghelyo … ang pribilehiyong makapagdusa katulad ni Kristo, para sa Diyos at sa kapwa, para sa kahariang walang hanggan. Parang hindi yata magandang balita ito! Sino ang gusto magdusa? Sino ang naghahanap maghirap? At sino sa atin ang matutuwa na tayo ay dakpin at usigin?

Tila tumbalik ang hanay ng pagpapahalaga ng Diyos, at talagang mahirap isakatuparan!

Subali’t ang magandang balita ay hindi lamang ang magandang pakinggan. Ang balitang mapagpalaya ay hindi lamang iyong nakakakiliti ng puso at damdamin. Ang balitang mapagligtas ay humihingi ng puhunan … nangangailangan ng “patinga” kumbaga … Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa!

Kamakailan, nabalita ang isang dalagitang pinagtangkaang patayin noong bata pa … halos pugutan ng ulo ng mga salarin, at pinutol ang dalawang kamay. Mahirap isipin … lalong mahirap tanggapin. Nguni’t sa kabila ng lahat, natanggap niya ang nangyari … sa kabila ng karumal dumal na bagay na ginawa sa kanya, hindi siya nagpatalo sa kasamaang palad. Gumapang mula sa siguradong kamatayan … nagsikap, nag-aral, nagpatawad at ngayon ay isa nang tanyag ng chef, na marunong magluto, maggayat at maghanda ng pagkain, kahit walang mga kamay at daliri! Isa itong kapwa natin Pinoy mula sa Mindanao!

Inusig, nilapastangan, pinahirapan at halos patayin … Hindi niya hinanap ito, ngunit tinanggap niya nang maluwag. Naghirap, nagdusa, nagpakasakit sa ngalan at alang-alang sa Diyos. Halimbawang malinaw na patunay sa mga kataga ng ebanghelyo: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”

Dalawa ang puede natin pagpilian … tayo ba ay nabubuhay upang “lipulin” o tayo ba ay nagsisikap upang “pagalingin?”

KABABAAN, KARUNUNGAN, KATOTOHANAN, AT KALIGTASAN

In Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Oktubre 25, 2010 at 11:36

Ika-31 Linggo ng Taon(K)
Oktubre 31, 2010

Mga Pagbasa: Kar 11:22 – 12:2 / 2 Tesalonika 1:11 – 2:2 / Lucas 19:1-10

Maramdamin ang dating ng mga narinig nating pagbasa noong nakaraang Linggo. Narinig natin muli kung gaano kabisa ang dasal ng mga payak at mababa ang loob, na ayon sa kasulatan, ay “lumalampas sa mga ulap!” Iyan ang binigyang-diin rin ni Pablo, na handa nang humarap sa huling pagsasara ng tabing sa kanyang buhay, dahil sa mababang-loob na katapatang ipinakita niya sa kanyang paglilingkod sa ebanghelyo. Iyon din ang ipinamalas na kababaang-loob sa pananalangin na nagbunsod sa publikano upang tanggapin ang katotohanang napakahirap tanggapin ninuman: “Maawa ka sa akin, isang makasalanan!”

Nagtutuloy ang maramdaming pagpapaalaala sa atin ng mga pagbasa sa Linggong ito. Hindi lamang kababaan ang pinapaksa, kundi pati karunungan, na kaakibat ng kababaang-loob. Ano ba ang saligan at batayan ng karunungang ito?

Tutumbukin ko na agad ang sagot ng aklat ng Karunungan – at ito ay ang KATOTOHANAN. Ano bang katotohanan ito? Heto … ang “daigdig ay para lamang isang butil na buhangin” … “para lamang isang patak ng hamog sa umaga” …

Isa sa mga larawang-diwa na napulot ko kay Kahlil Gibran ay ito. Sinabi niya sa isa sa kanyang mga sinulat: “Takot ako sa taong mahina na nagpupumiglas at nagsisikap makilala bilang isang taong malakas.” (I am afraid of the weak man who tries furiously to appear strong!) Bilang isang tagapayo, batid ko ang bunga ng kahinaang nagmamaskara bilang kapangyarihan – reaction formation kung tawagin … mga taong hindi matanggap ang kanilang kahinaan, na bilang reaksyon, ay nagpupumiglas upang kakitaan ng katatagan ng ibang tao, tulad ng mga taong mangmang at walang alam na nagdudunung-dunungan.

Alam natin lahat kung ano ang ibig sabihin nito. Sa amin sa Cavite, may kasabihan: ang unang pumutak ay siyang nangitlog. Ang unang umangal ay siyang may suliraning panloob. Ang masyado magtatalak ay siyang unang unang may dapat gawin sa kanyang ipinagbubunganga.

At ang lahat ng ito ay dahilan sa iisang ugat – ang kawalang kakayahang tanggapin ang totoo – na tayong lahat bilang nilikha ay walang iniwan sa damo na narito ngayon, nguni’t wala na bukas … “isang butil ng buhanging di halos makatikwas ng timbangan!”

Ganito si Zaqueo sa simula … isang maliit na taong nagpupumiglas upang maging makapangyarihan, dahil sa kayamanan. Hindi lang na hindi siya makatikwas ng timbangan … Hindi rin niya kayang akyatin ang puno nang walang tulong at suporta ng kanyang mga utusang tinapakan ang mga balikat.

Subali’t may sandaling nakapag-isip at nakapagmuni-muni si Zaqueo. Nagpadala siya sa simula sa isang matinding kagustuhan. “At pinagsikapan niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito.” Nguni’t ang naghanap ang siyang hinanap at natagpuan. “Tumingala si Jesus at sinabi: Zaqueo, bumaba ka agad, sapagka’t kailangan kong tumuloy ngayon sa bahay mo.”

At dito pumasok ang katotohanan. Sa kanyang kababaan o kapandakan, ay natutunan niya ang higit pang kababaan – ang kababaang-loob na bunga ng pagtanggap ng katotohanan, na siya namang nagbunga ng kaligtasan!

Walang itinanong si Jesus tungkol sa kung magkano ang kinikita niya. Walang pagsusulit na hiningi ang Panginoon. Hindi siya hiningian ni Jesus ng “financial statement.” Nguni’t ang naghanap kay Jesus ay nakasumpong rin sa higit pa – ang katotohanan. Ang pagtanggap sa totoo ay nagbunsod sa kanya upang tanggapin rin ang hamon ng katotohanan – ang kaligtasang dulot ni Jesus.

Maraming kamangmangan at kahirapan sa mundo. Hindi ito ang masama. Hindi masama ang maging mahirap o dukha, lalu na’t ginawa na natin ang lahat upang makaahon dito. Nguni’t hindi gusto ng Diyos na tayo ay mahirati at manatili sa kahirapan. Hindi gusto ng Diyos na manatiling mangmang ang tao. Tinatawagan niya tayo sa karunungan. Nguni’t anong klaseng karunungan?

Ito ang karunungang nagmumula sa katotohanan – katotohanang moral – katotohanang mapagpalaya, mapagligtas, – katotohanang may gawaing masama at gawaing mabuti, at katotohanang ang panawagan ng mabuti ang siyang dapat pagsikapan ng tao.

Nasumpungan ni Zaqueo ang katotohanang ito. At nang makita niya ito, sinundan niya kagyat ang panawagan ng katotohanan. Kumilos siya at nagpasiya. Bagama’t walang sinabi ang Panginoon, sinabi niya: “Panginoon, ibibigay ko po sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian. At kung ako’y may nadayang sinuman, apat na ibayo ang isasauli ko sa kaniya.”

Anong uri ng katotohanan ang pinanghahawakan natin?