frchito

Archive for the ‘Karaniwang Panahon’ Category

KALINGA, LINGAP, HANAP

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Oktubre 19, 2009 at 17:02

Story of Jesus in Pictures 018
Ika-30 Linggo ng Taon(B)
Oktubre 25, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 31: 7-9 / Hebreo 5: 1-6 / Marcos 10: 46-52

Nakagawian ko nang bigyang lagom ang mga pagbasa sa tatlong magkakawing na mga kataga, isa para sa tatlong pagbasa. Isa itong nakasanayan ko nang pamamaraan upang mailahad ang ilang hibla ng pangaral na lumulutang sa mga pagbasa sa bawa’t Linggo ng taong liturhiko.

Bagama’t hindi natin maikakahon ang salita ng Diyos, tungkulin ko bilang pari na pagpira-pirasuhin kung baga, ang Salita tulad nang ang tinapay ng Eukaristiya ay pinagpipira-piraso natin sa Misa at ibinabahagi sa bayan. Mayaman at matalim at malalim ang Salita. Susun-suson ang mga nagkukubling kahulugan na makapagpapayaman sa buhay pangkaluluwa ng tao. Sa yaman at lawak at lalim na ito ng pangaral ng Salita, bawa’t Linggo, ay mahalagang pag-usapan natin ang ilan lamang sa mga hiblang ito na hindi natin maikakamada sa iisang iglap, at maipapaloob sa iisang maikling pagninilay.

Nais kong isipin na isa sa maraming hiblang lumulutang sa mga pagbasa ngayon ay ang maigting at mainit na kalinga na mula sa Diyos. Ang kalingang ito ay nakita natin sa mainit na pagtingin at pangangalaga para sa mga “nalabi sa Israel.” Nadarama natin ito sa pagsisikap ng Diyos na “tipunin ang kanyang bayan mula sa sulok ng sanlibutan.” Nakikita natin ito sa kanyang pagbubukod-tanging pagmamatyag sa mga “bulag at mga pilay, at mga inang may pasusuhin.” Damang-dama natin ito sa pagtuturing Niya kay “Israel na para Niyang anak,” at kay Efraim bilang Kanyang “panganay.”

Kalinga … ito ang hanap natin lahat. Kalinga … ito ang inaasam ng milyong nagdurusa pa rin magpahangga ngayon dahil sa baha, bagyo, at marami pang suliraning nagpatong-patong sa bayan natin. Kalinga … ito ang pangarap, pithaya, at sanghaya ng puso ng bawa’t Pinoy.

Kalinga … ito ang magandang balitang hatid ng liturhiya sa araw na ito. Ito ang ating hanap … Totoo … at ito ang lingap na pahatid sa atin ng Diyos. Sa Kaniyang pagkakalinga na ipinamalas hindi lamang kay Israel at Efraim, atin ngayong bukambibig: “Gawa ng Diyos ay dakila kaya tayo’y natutuwa!” (Salmong Tugunan).

Lingap … ito ang buod ng ikalawang pagbasa. Ang lingap at kalinga ng Diyos ay naging makatotohanan sa katauhan ni Kristong dakilang saserdote. “Itinalaga siyang maglingkod sa Diyos” at para sa tao. Hinirang siya at itinalaga ng Diyos na nagsabi: “Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama.” Lingap ng Diyos na nagmahal nang sapat sa Kanyang bayan, upang isugo ang kanyang bugtong na Anak, para sa ating kaligtasan.

Lingap at kalinga ang hanap ng marami ngayon, kung kailan ang Pilipinas ay parang siniphayo ng tadhana. Tila tinikis ng kapalaran ang bayan natin, na nagdaan at nagdadaan pa rin sa hagupit ng kalikasang nag-aalboroto. Lingap at kalinga ang hanap natin sa lipunan, na nakilala sa maraming taon bilang “el pueblo amante de Maria,” ang bayang umiibig kay maria, isang bayang natanghal sa pamilya ng mga bansa bilang bayang tinaguriang “el pueblo Filipino te da su corazon” … isang bayang nag-alay ng puso sa Diyos mula pa sa mga nagdaang maraming taon.

Hanap … Tulad ni Bartimeong bulag na naghanap nang masinsin sa Panginoon, palahaw ang ating sigaw sa Panginoon sa oras ng panganib at pagsubok: “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Nguni’t ang naghanap ang siyang natagpuan ng hinahanap … Tumigil si Jesus at ipinatawag ang naghahanap at nagwika: “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.”

Hindi lamang mga tulay at bahay ang naanod ng baha. Hindi lamang mga daan at mga gusali ang sinira ng bagyong Ondoy at Pepeng. Nawasak rin ang batayan ng ating kakayahang panatilihing matatag ang pananampalataya at pag-asa natin sa Diyos at sa sarili. Nagapi ng malagim at malungkot na katotohanan ng malawakang paghihirap ang kapanatagan ng kalooban at pananalig sa Diyos na mapagkalinga at nagbibigay-lingap sa atin hanggang ngayon … sa kabila ng maraming pagdurusa.

At dito papasok ang magandang balita … Ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi dapat unawaing wala nang paghihirap, wala nang pagdurusa, at wala nang pagdududa. Ang magandang balita ay hindi lamang para sa ngayon at dito sa mundong ibabaw. Ang magandang balita ay may kinalaman sa dakilang panawagan ng Diyos sa isang kinabukasang dakila na hindi makakamit sa daigdig na ito.

At ang magandang balita ay may kinalaman sa malalim at batayang kahulugan ng mga nagaganap sa buhay ng tao, maging ang kahulugan na dapat natin mapulot sa gitna ng lahat ng kapaitang nagpapababa sa antas ng pag-asa ng bayang Pilipino. Ito ang katotohanang moral na mahirap man at mapait man pakinggan, ay siyang maghahatid sa tunay na kalayaan, at kaligtasan.

Isa sa mga katotohanang moral na hatid sa atin ng mapait na karanasan sa mga nagdaang mga linggo ay walang iba kundi ito … Ang pagdurusa ay bunga ng kasalanan ng tao. Ang kamatayan ay bunga ng kasalanan. At ang pagbabago ng takbo ng klima ay hindi isang pag-aalboroto ng kalikasan tulad ng isang juramentadong bigla na lamang nawala sa sarili at nagwalang-hiya. Bunga ang lahat ng ito ng kasakiman, katakawan, pagkamakasarili, at kawalan ng wastong pangangalaga sa kalikasan.

Nguni’t sa kabila ng katotohanang ito, ang kabilang mukha ng katotohanan ay namamalas din natin. Ang katotohanang tayo ay may kakayahang bumangon sa pagdurusa at makapagpakita ng pagkalinga, lingap, at pangangalaga sa isa’t isa. Sa kabila ng paghahanap natin sa kariwasaan at katiwasayan ng buhay, naaantig ang damdamin natin tuwing sasapit ang mga trahedya. Lumilitaw ang napakaraming bayaning sa ating wari ay walang pansin at walang pakundangan at walang pahalaga sa kapwa. Naglalabasan ang mga taong salat na salat rin sa mga pangunahing pangangailangan, nguni’t nanduon sila na nag-aalay ng kanilang angking yamang hindi mabibigyang-halaga – ang kanilang sarili.

Hindi pa huli ang lahat. Hindi pa lubusang naglalaho ang lahat ng yamang taglay ng bayang Pinoy. Kalinga ng Diyos ay nagkakabuhay sa lingap ng kaloob natin sa isa’t isa – sa pamamagitan ng bayanihan. Hanap man natin ang kariwasaan at kagaanan o alwan sa buhay, handa pa rin tayong magtiis, magbata ng dagdag pang hirap, at magpasan ng krus bilang tagasunod ni Kristo.

Kalinga at lingap man ang hanap; kalinga at lingap ng Diyos rin ang ating ginaganap … sa simple at payak na pamamaraan. Bulag mang paapu-apuhap sa dilim, liwanag ng panawagan ng Diyos ang ating hinaharap. At ang hinaharap nating ito ay isang tagubiling malinaw pa sa araw sa tanghaling tapat: “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.”

MATIMBANG, HINDI LANG MAS LAMANG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Taon B on Oktubre 5, 2009 at 18:23

green forestIka-28 Linggo ng Taon (B)
Oktubre 11, 2009

Mga Pagbasa: Karunungan 7:7-11 / Hebreo 4:12-13 / Marcos 10:17-30

Hirap magpasya ang tao sa maraming bagay. Sa pagdedesisyon, marami tayong tinitimbang. Ang pagpapahalagang nakalalamang, o higit na matimbang ang siyang napapansin, siyang nasusunod, at siyang nag-uutos. Gaano man kaganda ang mga pangungusap, sa huli, ang mas lamang na batayan ng pagpapahalaga, ang mas matimbang na batayan ang siyang naghahari.

Sa nakaraang bagyong nagdaan, kay limit namutawi sa bibig ng marami na ang dahilan ng matinding pagbaha ay ang tinatawag nilang “climate change.” Nanduon na ako … tunay na may pagbabago sa klima, saan mang dako ng daigdig. Nagbabago ang ihip ng hangin, kumbaga. Napapalitan ang direksyon ng mga daluyong, at ang mga lugar na hindi dati binabagyo ay ngayong sinasalanta ng mapanirang ulan, unos, at buhawi.

Hindi mahirap makita na ang paghahanap ng masisisi ay isang kagawiang malimit gawin ng tao. Hindi rin mahirap unawaing hangga’t makalulusot, ang tao ay lulusot, sa lahat ng uri ng gusot. Nguni’t hindi rin mahirap unawaing, kung mayroon ngang global warming at climate change, ay hindi maaaring siya mismo ang dahilan ng kanyang sarili. Sa madaling salita, hindi natin puedeng sisihin nang walang hanggan ang climate change para sa mga mapanirang baha na naganap sa Pilipinas noong nakaraang Linggo at mga araw.

Nguni’t para marating ito, hindi lamang kaalaman ang dapat gamitin. Hindi lamang agham ang dapat pairalin. Mayroong higit pa sa agham o ciencia na dapat pag-ukulan ng pansin.

Ito ang sinasaad sa unang pagbasa – karunungan, hindi lamang kaalaman. Maaalam ang mga nagbalak ng mga subdibisyon sa Cainta, Marikina, Antipolo, at Pasig. Nagawa nila ng paraan na maging mamahaling lote ang mga baybayin ng ilog, ilat, estero, o bambang. Maalam rin ang mga nagputol ng mga troso sa bundok, sapagka’t maipakikita nila ayon sa agham na kailangan bawasan ang mga puno sa gubat. Maalam rin ang mga nagkaloob ng pahintulot mula sa municipio, sa lalawigan, sa mga ciudad, sa DENR, at sa maraming pang sangay ng pamahalaan. Nakakuha sila ng sertipikasyon sa DENR, at sa iba pang opisina. Maalam rin ang mga politikong naghakot ng mga botante mula sa mahihirap na lugar sa katimugan. At maalam rin ang mga negosyanteng nakakita ng minahan ng ginto sa mga programang sa biglang tingin ay maka-mahirap hangga’t mapagtanto mo na ang programang yaon ay nagsasamantala sa kamangmangan, kahirapan, at kakulangan ng edukasyon ng mga mahihirap.

Maraming maalam sa mundong ibabaw. Nguni’t hindi maaalam ang kinasasalalayan ng ating ikapapanuto, kundi ang mga marurunong.

Ang marunong ay nakakaunawa at nakakakilatis, hindi lamang ng tama at mali, kundi ng kung ano ang mas lamang, higit na matimbang, at higit na naghahatid sa wagas na kaalaman.

Ang marunong ay nagpapairal ng tinatawag nating hanay ng pagpapahalaga, hindi lamang ng kinang, kislap, o kulay ng kung anong tila mahalaga, na sa muling pagkilatis ay hindi nalalayo sa puwet ng baso lamang.

Ito ang kaalamang hanap ng binatillo na nagtanong kay Kristo: “Ano ba ang dapat kong gawin upang mapunta sa langit?” ito rin ang kaalaman at karunungang napapaloob sa Salita ng Diyos na “higit na matalas kaysa tabak na magkabila’y talim.” Ito ang karunungang dapat sana ay mas lamang, matimbang, at nakapagdudulot ng wastong pagpapasiya.

Naghanap ang binatilyo sa karunungan. Sinagot siya ni Kristo nang walang pag-aatubili. Nguni’t ang kanyang orihinal na tanong at hanap ay nasakal ng iba pang pagpapahalaga. Naglaho ang unang balak at unang hanap. Napalitan ito ng isang malalim na kalungkutan sa mukha ng binatilyo. Nasiil ng ibang pagpapahalaga ang kanyang pagpapahalaga sa pagsunod kay Kristo.

Pumurol kumbaga, ang talim ng salita ng Diyos matapos ito mahasa sa mababaw na hanay ng pagpapahalagang makamundo. Pero hindi ang Salita ng Diyos ang pumurol kundi ang kakayahang kumilala at kumilatis ng tama, ng nakapaghahatid sa buhay, ng nakapagdadala ng kaligtasan.

Masalimuot ang mga suliranin ng bayan natin. Imposible na climate change lamang ang may sala. Pati tayo na nahirati at namihasa na sa paggamit ng plastic sa lahat ng bagay, sa paggamit ng styro para sa maraming bagay, sa madaliang pagtatapon kahit sa mga estero at canal at daanan ng tubig, ay bahagi ng suliraning ito. Sala-salabat ang suliranin. Patong-patong, susun-suson.

Ito ang katangian ng tinatawag nating “social sin” – kasalanan ng lahat!

Ito ang dahilan kung bakit dapat nating harapin ang kahulugan ng tanong ng binatilyo: “ano ba ang dapat gawin upang maabot ang kaharian ng langit?” Alam niya ang sagot sa kanyang sariling tanong. Ginagawa na raw niya ang lahat ng yaon, ayon sa binatilyo. Nagtanong siya, nguni’t hindi siya handang makinig sa sagot.

At ano ba ang buod ng sagot? Ano nga ba ang dapat gawin ng isang tagasunod ni Kristo? Ano ba ang kailangan? Hindi lang kaalaman kundi karunungan. Hindi lang kabatiran kundi lubos na kaalaman.

Saan ba tayo inihahatid ng kaalamang ito? Sinagot ni Jesus ang binatilyo: “Ang sinumang mag-iwan ng lahat … ay makararating sa kaharian ng langit.” Pero may pasubali, may kalakip at kasama ito … ang pag-uusig ng tao. Sa madaling salita, may kaakibat ng pagdurusa ang paghahanap ng tunay na karunungan. Ang mga matimbang sa biglang wari ay nabubunyag ang kababawan at kawalang-halaga. Ang higit na matimbang sa mata ng tao ay nagiging bale wala, sa harap ng wagas na karunungang naghahatid sa higit na mataas na antas ng kamalayang maka-Diyos.

Nawa’y magising na ang kamalayang Pinoy, tungo, hindi sa mababaw na kaalaman, kundi sa tunay at mapagligtas na karunungan.