frchito

Posts Tagged ‘Pagmamalasakit sa Kalikasan’

UNAWAIN ANG ARAL MULA SA PUNO NG IGOS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 10, 2009 at 04:56

dead tree
Ika-33 Linggo ng Taon(B)
Nobyembre 15, 2009

Mga Pagbasa: Daniel 12:1-3 / Hebreo 10:11-14,18 / Marcos 13:24-32


Maraming aral ang maaaring dulot ng liturhiya natin ngayon. Sa Linggong ito, bago magwakas ang taong liturhiko, puno ng mga aral ang mga pagbasa, at ang buong liturhiya natin sa Simbahang Katoliko. Isa sa mga lumulutang na aral ay walang iba kundi ito: may wakas ang lahat … ang panahon, ang daigdig, ang buhay na makalupa, ang kapangyarihan, ang yaman, ang katanyagan at lahat ng pinahahalagahan ng tao sa mundong ibabaw, kasama rin ang paghihirap ng tao.

Sa susunod na Linggo, huling Linggo ng taon, paksa ng liturhiya ang isang katotohanang walang wakas – ang paghahari ni Kristong Panginoon sa buong daigdig at sa kalangitan.

Subali’t tunghayan muna natin ang sinasaad ng mga pagbasa. Sa hula ni Daniel, mataginting ang katotohanang umaalingawngaw sa ating pandinig: may hinaharap tayong buhay na walang hanggan. Ito ay lumilitaw sa mga pananalitang punong puno ng pag-asa: “mga pangalang nakasulat sa aklat ng Diyos, mga parang tala sa kalangitan magpakailanman, mabubuhay ang marami sa mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig” …

Ang lahat ay tumutuon sa wakas – wakas ng lahat ng totoong alam natin, wakas ng lahat ng karanasang kaakibat ng ating pagiging tao sa lupang bayang kahapis-hapis.

Subali’t ang wakas na ito ay hindi lamang isang pagtatapos na tulad ng pagwawakas ng isang sine. Ang pagtatapos na ito ay kaakibat ng isang mataginting ring katotohanan – ang pagka-Diyos at Panginoon ni Kristong Mananakop at tagapagligtas. Ito ay isang wakas na may dahilan, may batayan, at may hantungan – ang paghahandog ni Kristong Punong Pari “dahil sa mga kasalanan,” na sapat na sapagka’t siya ay “naluluklok sa kanan ng Diyos.”

Malimit nating sabihin bilang Pinoy na “nasa huli ang pagsisisi.” Nasa wakas ang pagkatuto at pagkadala kumbaga. Nasa wakas ang pagkabatid na tayo ay nagkamali.

Subali’t ito nga ba ay totoo para sa atin? Natututo nga ba tayo?

Maraming buhay ang nagwakas dahil sa tatlong magkakasunod na bagyong dumatal sa bayan natin. Maraming kinabukasan ang nawasak o lumabo dahil sa matindi pang kahirapang hatid ng bagyong nagdaan. Maraming buhay ang nalagutan ng hininga at pangarap na naparam ng baha at unos at pagguho ng lupa.

Maraming iba pang sakunang hatid, hindi ng bagyo, kundi ng politika at mga tampalasan at makasariling mga namumuno ang paulit-ulit na dumating sa bayan natin.

Marahil ay mayroon tayong aral na mapupulot sa mga pahatid sa atin ngayon. Ito ang aral na pahiwatig sa atin na may kinalaman sa tama at wastong pagbabasa sa mga tanda ng panahon. Ito ay batay sa katotohanang ang Diyos ay patuloy na nagpapahayag ng sarili sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan. Patuloy siyang nangungusap sa atin sa pamamagitan ng mga nagaganap sa lipunan natin.

Sa mga labi mismo ng Panginoon ay narinig natin ang pangangailangang magbasa nang nagaganap, matuto sa mga aral ng kalikasan, at maging bihasa sa pagtunton ng kung ano ang niloloob ng Diyos para sa atin.

Ang unang liksiyon na dapat natin ngayon alalahanin ay ito: ang mga huling bagay, kumbaga … ang katotohanan na may kamatayan, may langit, may purgatoryo, at may impyerno. Ito ang apat na mahahalagang aral sa atin sa pagsapit ng wakas ng taon ng simbahan. Ito ang apat na katotohanang dulot sa atin ng pagkabatid na may wakas ang panahon sa daigdig na ito.

Pero ang aral na ito ay may taglay na sangang aral na karugtong at kaakibat nito. Kung may wakas ang lahat, mayroon higit na mahalaga kaysa sa lahat. Mayroong katotohanang hindi naaagnas, hindi nagwawakas, at hindi naglalaho. Ito ang katotohanang mapagligtas – ang katotohanang ang punong pari na nag-alay ng sarili para sa atin, ay maghahari magpakailanman.

Kung ito ang pinakamahalaga, may aral din itong kaakibat para sa atin habang tayo ay naglalakbay sa buhay makamundo.

At ang aral na ito ay may kinalaman sa puno, sa igos, sa ilat, sa ilog, sa lawa, sa dagat at lahat ng nilikha ng Diyos. Hindi atin ito. Sa kanya ang lahat. Hindi natin angkin ang mundong ito. Tayo ay tagapag-alaga lamang. Hindi natin dapat abusuhin ito, kundi gamitin lamang nang tama, sapagka’t ang liksiyon ng puno ay malinaw.

Nakalimot na yata ang marami sa atin na tayo ay mga temporaryo at pansamantala lamang sa mundong ito. Ito ang liksiyon ng puno ng igos. Subali’t nang matuto tayong gawing diyus-diyusan ang pera, natuto rin tayo maging sakim, natuto rin tayong maging mapagkamal, madamot at walang kabubusugan.

Hindi ba’t ito ang dahilan sa mga baha? Bukod sa binabago na natin ang klima, at bukod sa kinalbo na natin ang lahat ng gubat, ay tinakpan nating lahat ang daluyan ng tubig, kung kaya’t ang liksiyon ng puno ay hindi na natin pinakinggan at inalintana.

May bukas pa. May pag-asa pa. Nguni’t dapat tayo magising sa katotohanan. May hangganan ang lahat. May wakas ang lahat. At habang naghihintay tayo ay dapat tayo maging mapagmasid at marunong bumasa ng mga tanda.

“Unawain ang aral mula sa puno ng igos…”

Hayward, CA
November 9, 2009

Advertisement

KALINGA, LINGAP, HANAP

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Oktubre 19, 2009 at 17:02

Story of Jesus in Pictures 018
Ika-30 Linggo ng Taon(B)
Oktubre 25, 2009

Mga Pagbasa: Jeremias 31: 7-9 / Hebreo 5: 1-6 / Marcos 10: 46-52

Nakagawian ko nang bigyang lagom ang mga pagbasa sa tatlong magkakawing na mga kataga, isa para sa tatlong pagbasa. Isa itong nakasanayan ko nang pamamaraan upang mailahad ang ilang hibla ng pangaral na lumulutang sa mga pagbasa sa bawa’t Linggo ng taong liturhiko.

Bagama’t hindi natin maikakahon ang salita ng Diyos, tungkulin ko bilang pari na pagpira-pirasuhin kung baga, ang Salita tulad nang ang tinapay ng Eukaristiya ay pinagpipira-piraso natin sa Misa at ibinabahagi sa bayan. Mayaman at matalim at malalim ang Salita. Susun-suson ang mga nagkukubling kahulugan na makapagpapayaman sa buhay pangkaluluwa ng tao. Sa yaman at lawak at lalim na ito ng pangaral ng Salita, bawa’t Linggo, ay mahalagang pag-usapan natin ang ilan lamang sa mga hiblang ito na hindi natin maikakamada sa iisang iglap, at maipapaloob sa iisang maikling pagninilay.

Nais kong isipin na isa sa maraming hiblang lumulutang sa mga pagbasa ngayon ay ang maigting at mainit na kalinga na mula sa Diyos. Ang kalingang ito ay nakita natin sa mainit na pagtingin at pangangalaga para sa mga “nalabi sa Israel.” Nadarama natin ito sa pagsisikap ng Diyos na “tipunin ang kanyang bayan mula sa sulok ng sanlibutan.” Nakikita natin ito sa kanyang pagbubukod-tanging pagmamatyag sa mga “bulag at mga pilay, at mga inang may pasusuhin.” Damang-dama natin ito sa pagtuturing Niya kay “Israel na para Niyang anak,” at kay Efraim bilang Kanyang “panganay.”

Kalinga … ito ang hanap natin lahat. Kalinga … ito ang inaasam ng milyong nagdurusa pa rin magpahangga ngayon dahil sa baha, bagyo, at marami pang suliraning nagpatong-patong sa bayan natin. Kalinga … ito ang pangarap, pithaya, at sanghaya ng puso ng bawa’t Pinoy.

Kalinga … ito ang magandang balitang hatid ng liturhiya sa araw na ito. Ito ang ating hanap … Totoo … at ito ang lingap na pahatid sa atin ng Diyos. Sa Kaniyang pagkakalinga na ipinamalas hindi lamang kay Israel at Efraim, atin ngayong bukambibig: “Gawa ng Diyos ay dakila kaya tayo’y natutuwa!” (Salmong Tugunan).

Lingap … ito ang buod ng ikalawang pagbasa. Ang lingap at kalinga ng Diyos ay naging makatotohanan sa katauhan ni Kristong dakilang saserdote. “Itinalaga siyang maglingkod sa Diyos” at para sa tao. Hinirang siya at itinalaga ng Diyos na nagsabi: “Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama.” Lingap ng Diyos na nagmahal nang sapat sa Kanyang bayan, upang isugo ang kanyang bugtong na Anak, para sa ating kaligtasan.

Lingap at kalinga ang hanap ng marami ngayon, kung kailan ang Pilipinas ay parang siniphayo ng tadhana. Tila tinikis ng kapalaran ang bayan natin, na nagdaan at nagdadaan pa rin sa hagupit ng kalikasang nag-aalboroto. Lingap at kalinga ang hanap natin sa lipunan, na nakilala sa maraming taon bilang “el pueblo amante de Maria,” ang bayang umiibig kay maria, isang bayang natanghal sa pamilya ng mga bansa bilang bayang tinaguriang “el pueblo Filipino te da su corazon” … isang bayang nag-alay ng puso sa Diyos mula pa sa mga nagdaang maraming taon.

Hanap … Tulad ni Bartimeong bulag na naghanap nang masinsin sa Panginoon, palahaw ang ating sigaw sa Panginoon sa oras ng panganib at pagsubok: “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Nguni’t ang naghanap ang siyang natagpuan ng hinahanap … Tumigil si Jesus at ipinatawag ang naghahanap at nagwika: “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.”

Hindi lamang mga tulay at bahay ang naanod ng baha. Hindi lamang mga daan at mga gusali ang sinira ng bagyong Ondoy at Pepeng. Nawasak rin ang batayan ng ating kakayahang panatilihing matatag ang pananampalataya at pag-asa natin sa Diyos at sa sarili. Nagapi ng malagim at malungkot na katotohanan ng malawakang paghihirap ang kapanatagan ng kalooban at pananalig sa Diyos na mapagkalinga at nagbibigay-lingap sa atin hanggang ngayon … sa kabila ng maraming pagdurusa.

At dito papasok ang magandang balita … Ang magandang balita ng kaligtasan ay hindi dapat unawaing wala nang paghihirap, wala nang pagdurusa, at wala nang pagdududa. Ang magandang balita ay hindi lamang para sa ngayon at dito sa mundong ibabaw. Ang magandang balita ay may kinalaman sa dakilang panawagan ng Diyos sa isang kinabukasang dakila na hindi makakamit sa daigdig na ito.

At ang magandang balita ay may kinalaman sa malalim at batayang kahulugan ng mga nagaganap sa buhay ng tao, maging ang kahulugan na dapat natin mapulot sa gitna ng lahat ng kapaitang nagpapababa sa antas ng pag-asa ng bayang Pilipino. Ito ang katotohanang moral na mahirap man at mapait man pakinggan, ay siyang maghahatid sa tunay na kalayaan, at kaligtasan.

Isa sa mga katotohanang moral na hatid sa atin ng mapait na karanasan sa mga nagdaang mga linggo ay walang iba kundi ito … Ang pagdurusa ay bunga ng kasalanan ng tao. Ang kamatayan ay bunga ng kasalanan. At ang pagbabago ng takbo ng klima ay hindi isang pag-aalboroto ng kalikasan tulad ng isang juramentadong bigla na lamang nawala sa sarili at nagwalang-hiya. Bunga ang lahat ng ito ng kasakiman, katakawan, pagkamakasarili, at kawalan ng wastong pangangalaga sa kalikasan.

Nguni’t sa kabila ng katotohanang ito, ang kabilang mukha ng katotohanan ay namamalas din natin. Ang katotohanang tayo ay may kakayahang bumangon sa pagdurusa at makapagpakita ng pagkalinga, lingap, at pangangalaga sa isa’t isa. Sa kabila ng paghahanap natin sa kariwasaan at katiwasayan ng buhay, naaantig ang damdamin natin tuwing sasapit ang mga trahedya. Lumilitaw ang napakaraming bayaning sa ating wari ay walang pansin at walang pakundangan at walang pahalaga sa kapwa. Naglalabasan ang mga taong salat na salat rin sa mga pangunahing pangangailangan, nguni’t nanduon sila na nag-aalay ng kanilang angking yamang hindi mabibigyang-halaga – ang kanilang sarili.

Hindi pa huli ang lahat. Hindi pa lubusang naglalaho ang lahat ng yamang taglay ng bayang Pinoy. Kalinga ng Diyos ay nagkakabuhay sa lingap ng kaloob natin sa isa’t isa – sa pamamagitan ng bayanihan. Hanap man natin ang kariwasaan at kagaanan o alwan sa buhay, handa pa rin tayong magtiis, magbata ng dagdag pang hirap, at magpasan ng krus bilang tagasunod ni Kristo.

Kalinga at lingap man ang hanap; kalinga at lingap ng Diyos rin ang ating ginaganap … sa simple at payak na pamamaraan. Bulag mang paapu-apuhap sa dilim, liwanag ng panawagan ng Diyos ang ating hinaharap. At ang hinaharap nating ito ay isang tagubiling malinaw pa sa araw sa tanghaling tapat: “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.”