frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon K on Agosto 23, 2013 at 20:27

Ika-21 Linggo ng Taon K
Agosto 25, 2013

PAGSIKAPANG PUMASOK SA MAKIPOT NA PINTUAN

Kung pasyal lang ang hanap natin, mas maiging maglakad sa malawak na daan. Walang tinik, walang dawagan, walang harang at walang katitisuran. Pero kung paghamon ang hanap mo, mas maiging maglakad sa makipot na daan. Ito ang hanap ng mga umaakyat ng bundok, liban kung tinatawag na “executive trail” ang gusto mo para lang masabing umakyat ka sa bundok.

Hindi na kailangang imemorize iyan … masarap kung maluwang at maaliwalas ang daan. Masarap mamasyal kung walang balakid at walang harang.

Nakatutuwang isipin ang pangitaing kwento ni Isaias. Magdaratingan daw ang iba-ibang mga tao mula sa lugar na hindi nila kakosa, kumbaga. Magtitipon daw pati ang mga taong walang pananampalataya sa Diyos na kinikilala ng mga Israelita. Isa itong pangitaing puno ng pag-asa, tigib ng kagalakan. Pati ang mga Israelitang may pagka suplado at walang pagtingin sa hindi nila kapanalig ay magiging kasama ng mga pagano sa kanilang pagsamba at pag-aalay ng sakripisyo sa dambana.

Nais ko sanang panghawakan natin ang pag-asang ito. Marami ang nagaganap sa ating kapaligiran at sa ibang lugar sa mundo. Kahindik-hindik ang sinapit ng maraming taga Syria nang sila ay pasabugan ng Sarin gas habang natutulog. Kahabag-habag ang dinaranas ng mga Kristiyano sa Egipto, kung saan mayroon ring sigalot na nagaganap. Ang ating bayan ay muling binabalot ng pag-aagam-agam dahil sa usaping pork barrel, at muling nagkakahati-hati ang taong bayan.

Hindi malawak ang landas na nilalakaran natin ngayon. Hindi maaliwalas at walang maliwanag na pangakong napipinto. Mahirap ang magpasya kung saang panig tayo at kung saan tayo susuling. Mahirap rin ang manatiling nasa balag ng alanganin tuwina, na walang tiyakang paninindigan, sa harap ng laganap na kawalang-hiyaang ginagawa ng mga taong dapat sana ay nangunguna sa pag-ugit ng isang magandang tadhana para sa bayan.

Pero hindi totoo na wala tayong magagawa. Meron tayong kakayahang umugit ng pagbabago. At ito ay nagmumula sa pusong handang magbata ng hirap, handang tumahak sa isang landasing hindi man malawak, ay siyang naghahatid sa wasto, sa tama, at sa kaaya-aya.

Ito ang binigyang-pansin ng liham sa mga Ebreo: “Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagka’t ito’y nagpapakilalang kayo’y inaari ng Diyos na kanyang mga anak.” Sa madaling salita, may katuturan ang pagtitiis. May kahulugan ang paghihirap.

Hindi lang malawak ang daan ng karangyaan at kapangyarihan. Marami ang nabibili ng pera. Maraming sarap ang nakukuha ng salapi. Ngunit kung gaanong kabanayad ang agos sa maluwang na ilog, ay ganuon din kabilis ang takbo tungo sa kapariwaraan.

Noong ako ay nasa kolehiyo pa, nagtuturo ako ng katesismo sa isang baryo sa Calamba. Isang araw, habang naghihintay sa sasakyan pauwi, may nakita akong maliit na bagong tanim na puno ng mangga. Sapagka’t walang magawa, ibinuhol ko ang puno. Pagkaraan ng mahigit sampung taon, binalikan ko ang punong yaon sa tabing daan. Naroon pa ang buhol. Matigas na. Pati puno ay malaki na. At ang pinakamatigas na bahagi ay kung saan ko siya pinahirapan, sa lugar kung saan ko siya ibinuhol. Lumakas at tumibay ang bahagi ng puno kung saan siya nasugatan.

Hindi lihis sa ating usapan ang paalaala ng Panginoon sa araw na ito: “pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan.” Huwag nang makisabay sa karamihan. Huwag nang magpadala na lamang sa agos at sumunod sa karamihan. Gumawa ng tama kahit na parang iilan kayong tumatahak sa daang matuwid.

NANG DAHIL SA PANANALIG

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Agosto 10, 2013 at 13:43

imagesIka-19 na Linggo ng Taon K Agosto 11, 2013

NANG DAHIL SA PANANALIG

Naging tanyag maraming taon nang nakalilipas ang kanta ni Anthony Castelo … “Nang dahil sa pag-ibig,” aniya … at mahaba ang listahang kasunod sa mga unang katagang ito. May mga bagay na kapag taglay mo ay marami kang mararating. Kapag may hirap, may ginhawa, sabi nila. Kapag may isinuksok, ay may madudukot (noong uso pa ang alkansiya); kapag may itinanim ay may aanihin.

Labing-anim na taong gulang pa lamang ako nang magsimula ako mag-ipon ng mga libro. Naging kagawian ko ang magbasa nang magbasa. Marami sa mga unang mga libro ko ay naipamigay ko na, o nai-donate sa library ng seminaryo. Alam kong sa aking pagtuturo magpahangga ngayon, ay marami sa aking tinatawag na “stock knowledge” ay dinudukot ko sa mga nabasa ko magmula pa noong una.

Alam ko ring napakaraming tao na ang kanilang tinatamasa ngayon ay bunga ng kanilang pagpupunyagi, pagsisikap, at pagsisikhay. Sa normal na takbo ng buhay, ang yaman ay pinaghihirapan, pinaggugugulan nang panahon at pagpapagal (liban kung galing ito sa “pork barrel” kung kaya’t may ilan na ang yaman ay bigla at kataka-taka).

Ang kwento mula sa ikalawang pagbasa ay kwento ng isang taong binigyan kumbaga ng puhunan. Pinagkalooban si Abraham ng isang natatanging pagkakataong lumisan mula sa bayang sinilangan. Tinawag siya upang maging Ama ng maraming angkan, tungo sa lupang pangako para sa bayan ng Diyos. Pero ang puhunan ay hindi itinatago, hindi ibinabaon. Ang puhunan ay nagbubunga ng pangako kung ginagamit, o pinagyayaman.

Ito ang ginawa ni Abraham. Nakipagtulungan siya sa Diyos, at nagbunga nang sagana ang punlang ipinagkaloob ng Diyos: Nang dahil sa pananalig, tumalima si Abraham … nanirahan siya bilang dayuhan … tumira sa tolda … nagkaanak siya … Higit sa lahat, handa siyang ipagkaloob ang kanyang anak na si Isaac nang hilingin ng Diyos.

Madaling isipin na ang pananalig sa Diyos ay walang iba kundi ang pag-aasam, at paghihintay, ang takbo ng isipang sapat na na tayo ay humiling sa Diyos at magbantay lamang ng katuparan. Pero hindi ito ang sinasaad ng ebanghelyo … “Maging handa kayo at sindihan ang inyong mga ilawan,” ang paalaala ng Panginoon sa atin. Hindi sapat na tayo ay may ilawan o may puhunan.

May pananagutan tayo na gamitin nang tama ang lahat ng ito. Palasak na sa ating lipunan ang umasa sa gobyerno. Kung walang nangyayari, madali ang manisi. Kung bunton ang basura, galit tayo sa dapat nangongolekta ng basura. Nakakalimutan natin na kaya bunton ang basura ay dahil rin sa ating lahat, na nagtatapon kahit saan ng basura.

May maituturo sa atin si Anthony Castelo … Nang dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay naging tao. Nang dahil sa pag-ibig, nagdaan siya sa matinding pagdurusa hanggang sa pagkapako at pagkamatay sa krus. Nguni’t ngayo, ay turong mahalaga ay galing kay Abraham. Nang dahil sa pananalig ay naganap ang maraming bagay … Nguni’t ito ay isang pananalig na hindi lamang pagiging hinalig … walang pananagutan, walang sariling pagsisikap, parang si Juan Tamad na nakanganga lamang maghapon.

Bilang Pinoy, ito yata ang sakit nating lahat. Sanay umasa at maghintay, at bihasang manisi na lamang. Maraming angal, maraming salita, ngunit kulang sa gawa. Naghihintay at umaasa ngunit walang pinagsisikapan at ginagawa. Gising na bayan! Sindihan ang kandila at magbantay! Mahirap kaya ang maiwan sa labas pagdating ng panahon!