frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

PASTULAN AT PAHINGAHAN; HINDI RANGYA AT KAPANGYARIHAN!

In Homily in Tagalog, Kristong Hari, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 16, 2011 at 11:22

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 20, 2011

Mga Pagbasa: Ez 34:11-12.15-17 / 1 Cor 15:20-26.28 / Mt 25:31-46

Hindi kaila sa lahat na magulo ang politika saanman. Sa Europa, halos magsipagbuwagan ang mga gobyerno dahil sa mas masahol pang sitwasyon ng ekonomiya. Sa mga bansang pinamumugaran ng mga diktador, malamang na hindi mapagkakatulog ang mga diktador na kapit-tuko pa rin sa kanilang poder, sa kanilang posisyon, at mapanlinlang na mga administrasyon. Ang mga inihalal na matindi ang mga pangako hinggil sa pagbabago ay di malayong hindi na muling manalo, sapagka’t wala namang nagbago sa takbo ng kanilang pamumuhay.

Mahirap ang tayo ng mga hari … Sa ilang mga bansang mayroon pang hari o reyna, ang malaking problema nila ay ang makakita ng karapat-dapat na kahalili. Sa Thailand, bagama’t napaka tanyag at popular si Haring Bhumibol, hindi kaila na ang kanyang anak, ang prinsipe, ay isang kabiguan para sa mga taga Thailand. Sa ilang mga bansa sa Africa, ang mga namumuno ay nanganganib na sapitin ang kahindik-hindik na sinapit ng diktador ng Libya, si Ghadafi.

Mahirap ang mamuno. Mahirap ang mangasiwa. Kahit saan, ang may putong na korona ay hindi matiwasay ang buhay … “uneasy lies the head that wears a crown,” ika nga. Mahirap ang maghari. Mahirap ang magkaroon ng karangalang umupo sa kataas-taasang trono. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ay nagtataka ako kung bakit nagkakandarapa ang mga bihasa sa katiwalian, at nag-uunahan upang maging presidente ng Pilipinas, na pagkatapos naman ng termino ay singkaran nang paghahanapan ng butas, para ipako sa krus, o kung hindi man ay ikulong sa piitan.

Ito ang telon sa likod ng entablado natin sa araw na ito. Ano ba ang eksena? Sino ba ang bida sa ating entablado sa liturhiya natin ngayon?

Mahirap man natin isipin, isang Hari ang nasa sentro ng ating eksena ngayon – si Kristong Hari!

Pero ano ba ang takbo ng kwento natin ngayon? Kwento ba ito na tulad kay Ghadafi, o tungkol sa kinamumuhiang si GMA? Kwento ba ito tungkol sa mga AFP generals na sa liit ng kanilang sweldo at laki ng kanilang pagkagahaman ay nakapag-tago ng daan-daang milyon, hindi lamang sa Pilipinas, kundi pati sa Amerika at sa buong mundo? Kwento ba rin ito tungkol sa isang mapaghiganting Presidente na walang inatupag kundi maghanap ng isisisi sa nauna at maghanap ng masisisi sa hindi niya kayang gawin? Kwento ba ito tungkol sa mga mapanlinlang at magulang at masibang mga pinuno na walang ginawa kundi mag-imbestiga at magpapogi sa harapan ng kamera at mag-ipon ng mga alipores upang maging kampon sa susunod na eleksyon?

Ang eksena natin ay tungkol sa hari ngunit kakaibang hari, kakaibang pinuno, na may kakaibang mga pinahahalagahan. Ito ay kwento ng isang hari na walang kaharian, isang pinunong walang inuutusan at kinukutusan (o kinokotongan). Ito ay Hari na ang paghahari ay hindi makamundo, at lalung walang kinalaman sa kamunduhan.

Ito ang pinunong ang pamunuan ay wala sa kapangyarihan, kundi sa panunungkulan, sa paglilingkod, at kahinahunan. Ito ang paghaharing ang pangunahing pakay ay ang tipunin, kupkupin, at arugain ang kanyang kawan.

Kawan! … hindi kaharian! Tupa! Hindi lupa at lugar na pinamumugaran!

Hindi kaila sa atin lahat na ang Israel mismo ay hindi pinalad sa kanilang mga pinuno. Sa salin-saling mga namuno sa Israel, na pawang nakabiyak ng puso ng mga Israelita, Diyos na mismo ang nangako at nagwika at nagpamalas nang kung ano ang kahulugan ng mamuno – na walang iba kundi ang maglingkod, manungkulan, at magpa-alipin: “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, at babantayan ang malulusog at malalakas.”

Ang mga haring makamundo ay may mga kaharian, may pinaghaharian, may mga taong nasa kanilang pinangingibabawan.

Sa kapistahang ito ng Kristong Hari, hindi ang kanyang pagiging nasa itaas o nasa ibabaw ang pokus, ang tinutukoy at binibigyang-halaga ng liturhiya. Hindi ito tungkol sa kanyang kapangyarihan, kundi tungkol sa ating kakayahang magpasailalim at sumunod sa Kanyang kalooban.

Kailangan natin ng Hari – hari ng puso at kaisipan bago maging hari ng sangkalupaan. Ang trahedya sa panahon natin ay ito … Gusto nating maging hari, pero ayaw natin ang paghahari ng Diyos. Gusto natin ang Panginoong Jesucristo, pero ayaw natin ang krus na kanyang pinasan. Gusto natin ng luwalhati, pero ayaw natin ng pighati. Gusto natin ng tagumpay, pero ayaw natin ang pagpupunyagi.

Oo … si Kristo ay Hari … Pero hindi ang kanyang pagiging Hari ang mahalaga ngayon. Ang pinakamahalaga para sa atin ngayon ay ito … anong uri ba tayong tagasunod? Anong uri ba tayong mga tagasunod sa Haring siya mismo ang nagpakita kung ano ang kahulugan ng maka Kristiyanong panunungkulan … “Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan.”

Mabuhay ang paghaharing ito ni Kristong Panginoon!

BUO. GANAP. WALANG PAGTANGGI. WALANG PAGTATANGI. PAG-IBIG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon A on Oktubre 17, 2011 at 13:45

Ika-30 Linggo ng Taon (A)
Oktubre 23, 2011

Mga Pagbasa: Exodo 22:20-26 / 1 Tes 1:5-10 / Mt 22:34-40

Natural at normal para sa atin ang makihalubilo sa taong kinasanayan na natin … mga taong kilala natin at kapalagayang-loob natin. Madaling mahalin ang kasa-kasama na natin at kabatak o “kakosa” natin sa maraming bagay. Madaling pagmalasakitan ang mga nakikita natin at nakakasama sa kasalukuyang panahon. Subali’t mahirap mahalin ang malayo sa atin … ang hindi natin nakikita o nakakasama … Mahirap magsabing mahal natin ang taong nakatira sa kabilang panig ng mundo, sa lugar na hindi natin kailanman mararating kundi sa panaginip lamang.

Natural at normal din ang magmahal sa sarili. Madaling mahalin ang sarili at unahin ang sarili. Sa isang banda, nararapat lamang, yamang ang sarili natin ang “pinakamalapit” sa atin. Dala-dala natin tuwina ang sarili natin. Kahit saan tayo pumunta at ano man ang gawin natin, ay “kasama” natin ang sarili.

Hindi kataka-taka na ang utos ng Diyos ay nakabatay sa pagmamahal sa sarili: “Ibigin mo ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”

Himayin natin ito nang kaunti. Una, ang pagmamahal ay nagmumula sa sarili.
Di ba kasabihan sa Ingles, “charity begins at home.” Nagmumula ito at nababatay sa pag-ibig na lehitimo sa ating sarili.

Pero … wag tayong padahas-dahas. Hindi pa tapos ang istorya. Hindi pag-ibig kung hindi buo. Hindi pag-ibig kung hindi ganap. Hindi pag-ibig ang may pagtanggi, at lalung hindi pag-ibig kung may pagtatangi.

Himayin pa natin ito. Hindi natin puedeng sabihin na mahal natin ang sangkatauhan o pamayanan kung hindi natin isinasama rito ang hindi pa isinilang, ang walang kamuang-muang, ang mahihina, at walang kaya. Hindi natin maaaring sabihin na mahal natin ang sangkatauhan kung tumatanggi tayo sa mga hindi pa isinisilang, sa mga balo, mga biuda, mga ulila, at mga banyaga.

Di ba’t ito ang mensaheng pahatid ni Isaias? Na nangunguna sa kanyang listahan ang mga walang kaya, ang mahihina, at walang kapangyarihan?

Hindi ba’t ito rin ang pahatid ni Pablo na nakaranas ng “katakot-takot na hirap” dahil sa pagtanggap sa Mabuting Balita? Hindi ba’t pagdama at pakikiramay ang hatid ni San Pablo sa mga taong inusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Diyos?

Ito rin ang katumbas ng aking pakikidama at pakikipag dalamhati kasama ng mga nagdaranas ng kung ano-anong pahirap at pasakit dahil sa kanilang pagdedepensa sa turo ng Simbahan tungkol sa pagmamalasakit sa inosenteng buhay. Batid kong hindi lang panlilibak, kundi pagbabatikos ang kanilang sinasapit, mapasa facebook, mapasa mga lansangan, at sa mga pahayagan o chat rooms.

Malinaw sa tanghaling tapat ang turo ng Panginoon tungkol sa pag-ibig …

Ang pag-ibig ay dapat laging GANAP at BUO … magmahal sa Diyos ng buong puso, buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.

Kung ito ay ganap at buo, ang pagtanggi sa kaninuman ay hindi pag-ibig na wagas. Pagtanggi kung hindi natin sakop sa pagmamahal ang mga walang kaya, at wala pang kaganapan ng pisikal na pamumuhay, kahit buhay na sa sinapupunan.

Kung ang pag-ibig ay walang pagtatangi, ito ay bumabalot at umiinog sa lahat, sa may kaya at walang kaya, may juicio o walang ganap pang juicio, malusog at buo ang pangangatawan, o manco o may kulang o anumang kapansanan. Tao rin ang hindi pa nakalalakad, nakapagsasalita, nakapangangatuwiran, o hindi pa iniluluwal sa kaliwanagan.

Sa maka syentipikong salita, ang anumang nagtataglay ng kabuuan ng “human genome” ay tao, hindi baboy, hindi hayop, hindi fetus lamang kundi tao. Tulad ko. Tulad mo. At malinaw ang utos tungkol sa buo, ganap, tunay, at wagas na pag-ibig. “Mahalin mo ang kapwa tulad ng pagmamahal sa sarili.”

Sa kabila nito, dapat kong sabihin ang katotohanang hindi natin mababago o mapapalitan. Kaakibat ng pag-ibig ang pagdurusa at pasakit. Sinabi rin ito ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: “Tinanggap ninyo ang Mabuting Balita at dahil dito’y nagdanas kayo ng katakot-takot na hirap.” Tulad ng dinadanas ng mga taong nagtatanggol sa opisyal na turo ng Simbahan tungkol sa pagmamalasakit sa inosenteng buhay. Tunay na kaakibat ng tunay, ganap, buo at wagas na pag-ibig ang tulad ng sinapit ng siyang nagmahal nang lubos at nagdipa ng kamay sa krus.

Ganoon katindi ang kanyang pag-ibig!

Tayo … hanggang saan ba ang hangganan ng ating pag-ibig?