frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

BUBUKLURIN, PADADAMAHIN, KAHAHABAGAN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Isaias, Taon A on Agosto 10, 2011 at 17:32

Ika-20 Linggo ng Taon(A)
Agosto 14, 2011

Pambihira ang isang malaking taong yumuyuko at nagpapakababa. Bihira ang lumiliban sa kabilang panig upang makipagniig sa mga hindi niya kasamahan, hindi kababayan, at hindi kapanalig. Di ba’t saanmang bansa tayo magpunta bilang Pinoy ay pilit tayong nagsasama-sama, nagbubuklod, at nakikisalamuha sa kapwa nating Pinoy?

Ito ang isa sa mga malinaw na turo ng mga pagbasa natin sa araw na ito. Sa unang pagbasa, mga “dating dayuhan” ang nabilang sa bayan ng Diyos. Sa mga dating dayuhan na ito ay binitiwan ni Isaias ang isang pangako: “Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok.” Ang mga dating hindi kabilang, hindi katapong, at hindi kaisa at kaniig ay mabibilang sa angkan ng Diyos.

Pangako itong maluwag ang dating sa ating puso. Saanman tayo magpunta ay mayroong pagtatangi-tangi, pagkakahiwa-hiwalay, at pagkabilang sa iba-ibang mga pulutong. Sa London sa mga araw na ito, ang katiwasayan at kaayusan ay binasag ng matinding mga riot at kaguluhan, dahil sa isang karahasang ginawa ng kapulisan sa isang taong hindi puti ang balat. Sa ating bayan, bawa’t kalye na yata sa mga subdivision ay may harang, may bantay, may balakid. Iba ang iniikutang mundo ng mga may kaya, at iba ang iniinugang daigdig ng mga salat sa buhay.

Pangako itong tunay na tumitimo sa kaibuturan ng puso nating lahat. Di ba’t tayo ay mga pakawala kung minsan sa buhay natin? Di ba’t tayo ay nahihiwalay ng maraming beses sa kapwa dahil sa ating kasalanan at pagkamakasarili? Di ba’t tayong lahat ay napapadala kung minsan sa pagtatangi-tangi at paghahati-hati? Di ba’t tayo man ay nagiging banyaga kung minsan sa ating bayan? Di ba totoong kung minsan ay parang mas marami pang karapatan ang mga banyaga sa ating lupain kaysa sa ating lahat na taal na taga Pinas?
Ang pangakong ito mula sa bibig ni Isaias ay bunga ng isang pangarap ng Diyos para sa atin. At ano ba ang pangarap na ito?

Tingnan natin kung ano ang namumutawi sa bibig ni San Pablo … Kausap niya ang mga Hentil, mga taong hindi kabilang sa bayan ng Diyos, mga hindi Judio, mga hindi kapanalig. Subali’t bilang isang apostol, si San Pablo na mismo ang nagsabi: “pinangangatawanan ko ang aking ministeryo upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo’y maligtas ang ilan sa kanila.” “Ang muling pagtanggap sa kanila’ para na ring pagbibigay-buhay sa mga patay.” Pagyakap, pagtanggap, pakikipagkaisa ang dulot na mensahe na kaakibat ng kaligtasan … hindi pagtatangi, at lalung hindi ang paghihiwalay.

Ano ang naging daan ng pakikipagkaisa? Sinagot rin ito ni Pablo … “Sila’y naging masuwayin ngayong kayo’y kinahahabagan upang sila’y kahabagan din. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag.”

Bawa’t isa sa atin ay halimbawang mataginting ng habag na ito ng Diyos. Ako ang una … Buhay na larawan ako ng banal na habag ng Diyos. Hindi karapat-dapat, masuwayin, at makasalanan, patuloy pa rin niya akong tinatanggap, ipinagkakaisa sa inyong mga kapanalig.

Ito ang dakilang aral na malinaw pa sa sikat ng araw sa ebanghelyo sa araw na ito. Nagtungo si Jesus sa Tiro at Sidon, mga lugar na hindi dapat iniikutan ng isang Judio. Hindi lamang iyon, hinayaan niyang siya at kausapin ng isang babaeng Cananea. Bawal na bawal … hindi karapat-dapat … Nguni’t lumiban sI Jesus, pumunta sa kabilang ibayo, kumbaga, at tumanggap sa isang dapat ay ipinagtatabuyan ng mga Judio.

Ito ang buod ng magandang balita natin ngayon. Walang pagtatangi ang Diyos, bagkus, may pagtingin sa higit na nangangailangan. Tinugon niya ang babae… sa kanyang matinding pangangailangan, dahil sa kanyang matimyas na pananampalataya. “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Bagama’t batid ni Jesus na hindi dapat binibigyan ng pagkain ang mga aso galing sa dapat ay sa mga anak, nagdalang-habag siya sa Cananea.

Ito ang dakilang habag na tinitingala at hinihintay rin natin. Ako ang una sa lahat ang nangangailangan nito. Ito ang dakilang awa ng Diyos na naparito, hindi upang paglingkuran, kundi para maglingkod. Sa iyo. Sa akin. Sa ating lahat.

Sa araw na ito, tatlong kataga ang dapat mamutawi sa ating mga labi: bubuklurin niya
tayo, padadamahin ng kanyang pag-ibig, at kahahabagan. Purihin nawa ang Diyos na Ama ng awa at habag!

MAKINIG, SUMUNOD, AT MATITIKMAN NATIN!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Hulyo 30, 2011 at 11:10

Ika-18 Linggo ng Taon (A)
Julio 31, 2011

Para sa isang katulad kong may konting hilig sa pagluluto, nakatutuwa ang unang pagbasa, nakatatakam, nakabibighani. Payo sa mga nauuhaw at nagugutom, halina, diumano, at bumili nang nais kahit walang bayad!

Kailan ang huling pagkakataong bumili tayo nang walang bayad? Malayo na sa alaala ko ang mga pagkakataong, nakakahingi ng kung ano-ano sa kapitbahay, sa kahanggan, sa aming salita sa Mendez, Cavite, na sa iba ay kapitbahay! Maaring humingi ng baga, para hindi na gumastos sa posporo (casafuego) … puedeng makihingi ng ginataan, kapag ang kapitbahay ay sinipag magluto … at puede rin panaka-naka ay magbigay ng pansit, kung ito ang maliit na handa sa bertdey. Puedeng maki-inom sa bahay ng may bahay. Puedeng makisilong kung umuulan, at sa pagdating ng piyesta, ang lahat ng mapadpad o mapadaan ay kasama sa kainan!

Ganito yata talaga ang kultura ng mga taong gipit, mga taong payak, at walang masyadong rangyang aasahan sa buhay. Ito rin ang kultura ng mga taga disyerto kung saan ang hospitalidad o ang pagtanggap sa bisitang naglalakbay ay sukdulan na. Ito ay sapagkat ang paglalakbay sa disyerto ay puno ng panganib, tigib ng kawalang katiyakan, kung kaya’t ang pagtanggap sa mga naglalakbay ay isang birtud, isang kagandahang-asal.

Ang sinasaad ni Isaias dito ay patungkol sa mga Israelitang napatapon sa Babilonia. Uhaw na uhaw sila at gutom na gutom sa katiwasayan, kapayapaan at pamamatnubay ng Diyos.

Ang paanyaya na galing sa Diyos ay bilang pagtugon sa pagkauhaw at pagkagutom na ito.

Uhaw at gutom rin tayo sa maraming bagay. Uhaw na uhaw ang bayan sa mga katugunan sa katiwaliang palasak sa lipunan. Gutom na gutom ang lahat sa mga malinaw na tugon sa mga katanungang tila wala sinuman sa nakinabang nang malaki sa kaban ng bayan ay may alam isagot. Lahat sila ay nakalimot sa sariling pirma, nakalimot sa mga pinagbibili nilang mga bahay sa America. Lahat sila ay biglang nagkakasakit ng alta presyon; lahat ay biglang nangangailangan ng duktor at pagtigil sa ospital.

Di lingid sa ating kaalaman na hindi lamang uhaw at gutom ang nararanasan natin. Alam rin nating hating-hati ang bayang Pinoy sa maraming usapin. Hati ang Pinoy kung dapat bang ilibing si Marcos sa libingan ng mga bayani. Hati rin ang bayan kung dapat bang ipasa ang RH bill. Hating hati at hiwa-hiwalay ang mga tao sa maraming isyu, pati sa isang uri ng pananalitang tinatawag na jejemon, na marami sa mga kaedad ko ay walang kamuang-muang!

Nagkakahiwalay rin ang taong bayan dahil sa kasalanan, sa kasakiman, sa pagkagahaman sa pansariling kapakanan.

May magandang balita pa kayang nagkukubli sa likod ng lahat ng ito?

Tungkulin ko bilang pari ang bigyang-diin ang balitang bumabagtas sa ngayon at dito … mga pangako ng Diyos na higit na lumalampas sa mga makataong kondisyon ng kasakiman at kasalanan. At sa araw na ito, nais kong isipin na tigmak ng magandang balita ang mga pagbasa.

Una sa lahat ay ito … pangarap rin ng Diyos ang kapayapaan at katiwasayan. Hindi gusto ng Diyos na tayo ay maging terrorist na lang lahat at magpatayan sa isa’t isa, na gamit pati Kanyang ngalan! Hindi gusto ng Diyos na tayo ay magkawatak-watak at maghilahan paroo’t parito dahil lamang sa mga batas, o panukala. Hindi gusto ng Diyos na tayo ay mawalay sa Kanya dahil sa kasalanan.

Ikalawa, sa wika ni San Pablo, wala ni anuman, aniya, ang puedeng maglayo sa atin sa pag-ibig ng Diyos. Walang anumang maaaring mamagitan sa atin at sa kalinga ng Diyos na mapagligtas. Himayin natin ito nang kaunti …

Paghihirap? Nabura na ni Kristo sa kanyang pagpapakasakit at pagkamatay ang kagat ng paghihirap. Hindi kaya nitong ihiwalay tayo sa Diyos!

Kapighatian? Ito man ay hindi pinaligtas ng Diyos. Sa pighati ng kanyang Ina sa pagkakita ng kanyang mapait na pagkamatay sa krus, napawi ang lahat ng bahid ng pagkatalo dahil sa pighati. Sa masaganang luhang tumulo sa pisngi ng mahal na Ina, at sa pagtangis din mismo ng Diyos kay Kristo, napawi ang lahat ng kapangyarihan ng pighati upang tayo ay malugmok sa kawalang pag-asa!

Kahubaran? Kay raming mga walang bubong at walang marangyang kasuutan sa lipunan natin na hindi nanghihinawa sa paggawa ng tama at mabuti. Kay raming mga payak at simpleng taong hindi ginagawang problema ang kasalatan, at patuloy na nabubuhay nang tapat sa kalooban ng Diyos!

Panganib? Di ba’t kay raming Pinoy ang sumusuong sa lahat ng uri ng panganib makakita lamang ng ipagtatawid buhay ng kanilang pamilya? Di ba’t kay rami ang nagsisikap pumunta sa Afghanistan man o saan mang sulok ng mundo makapagtrabaho lamang? Di ba’t kay raming mga misyonero ang patuloy na nabubuhay sa gitna ng tiyak na panganib maipahayag lamang ang magandang balita ng kaligtasan? Hindi … hindi nito kayang ihiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos!

Tabak? Natapos ba ang paggawa ng mabuti ng mga Obispo sa mahihirap na lugar ng bayan natin dahil lamang sa tabak na matalas ng kasinungalingan at PR media blitz bilang pagtuligsa at pagpapahina sa kredibilidad ng Simbahan? Natahimik ba ang simbahan dahil sa mga kasinungalingang ipinukol sa kanya? Wala … Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.

Natakot ba si Juan Bautista sa tabak ni Herodes? Naputol ba ang kanyang pagmamalasakit para sa pangakong Mananakop dahil lamang sa isang pinunong sinagian ng kawalang seguridad kung kaya’t siya ay pinapugutan ng ulo?

Ang mensahe sa Linggong ito ay mensahe ng pag-asa … Wala … Walang binatbat ang lahat ng panunuligsa at pang-uusig. Kahit ang dami ng mga dapat pakainin ay hindi naging sagabal para gumawa ng isang himala ang Panginoon.

Tulad noong araw, hindi mo kailangan ng maraming pera … hindi mo kailangan ng posporo … Hindi mo kailangan ang magarang kasuutan para makikain, makituloy o makisilong sa bahay ng may bahay. Marami ang libre … walang bayad.

Ito ang pag-asang nais kong ikintal sa aking sarili at sa ating lahat. Kaya natin ang lahat… kaya ng Diyos ang lahat. Kaya natin ito!

Lilimang tinapay at dadalawang isda ang puhunan ng Panginoon. Sa kanyang kasalatan, napakain niya ang higit sa limang libong katao. Ano ang kanilang ginawa?

Nakinig sila. Sumunod. At natikman nila ang kagandahang loob ng Diyos!