frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

UHAW SA KATANGHALIANG TAPAT!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon A on Marso 26, 2011 at 12:18

Ikatlong Linggo ng Kwaresma (A)
Marso 27, 2011

UHAW SA KATANGHALIAN!

Hindi natin alam kung ano ang nagbunsod sa babaeng Samaritana upang mag-igib ng tubig sa katanghaliang-tapat. Maari lamang natin hulaan kung bakit. Pero ang tila maliwanag pa sa tanghaling tapat ay ito … Masipag na maybahay ang samaritana. Ewan ko kung nauhaw ang kanyang kasama sa bahay na hindi niya asawa. Ewan ko rin kung nagdatingan ang lima pang kinasama niya sa tanang buhay niya, na nangailangan ng tubig para pang hugas ng mga paa. Pero ang malinaw ay tila ito … walang nag-iigib ng tubig sa tanghaling tapat, hangga’t maaari, pero ang samaritana ay nagpapagal pa kung kailan ang karamihan marahil ay nagpapahinga na, o kumakain, o gumagawa ng iba pang hindi nangangailangang lumabas pa ng bahay sa ilalim ng masakit na sinag ng araw.

Uhaw sa katanghalian … ito siguro ang puede nating gawin bilang pamagat sa maikling kwentong ito.

Pero hindi ito isang maikling kwento, kundi isang salaysay ng kaligtasan … salaysay hinggil sa buhay na naghahatid sa buhay na walang hanggan … tungkol sa tubig na buhay na kapag ininom natin ay hindi na kailanman tayo muling mauuhaw.

Isang malaking sorpresa ang hatid sa atin ng kwentong ito. Una sa lahat, hindi komun na makita ang isang babae na nakikipag-usap sa isang lalaki sa publiko. Ikalawa, hindi rin karaniwan na ang isang samaritana ay nakikipag talamitam sa isang Judeo, na galing sa Galilea, o sa Judea. Subali’t hindi ito ang nais kong bigyang-pansin, yamang ito ay paksang mas naaangkop sa mga iskolar ng bibliya.

Ang nais ko sanang bigyang pansin ay ito … Kung ako ay guro ng samaritana, marahil ako ay nainis sa kanya. Una … ang mga tanong niya ay parang patalon-talon. Walang sinundang iisang linya. Ikalawa, ang mga tanong niya ay parang umiiwas sa init ng mga paksa, lalu na’t may kinalaman sa kanyang pansariling buhay. Pero, isa pang sorpresa ang ginawa niya. Bagama’t tila umiiwas siya sa maiinit na paksa, hindi ibig sabihing hindi siya nakinig.

Ang kanyang uhaw sa katanghalian ay naghatid sa kanya sa pagtanggap ng isang pagkauhaw na higit na masahol at malalim kaysa sa materyal na pagkauhaw.

Katanghaliang-tapat sa maraming lugar ngayon sa ating daigdig. Nag-iinit ang maraming tao sa iba-ibang bansa kung saan ang mga namumuno ay mga makasariling taong mahigit 40 na taon na sa poder. Nagkakainitan rin ang mga Pinoy, nagtutunggali sa kung ano ang dapat gawin sa harap ng mainit na suliranin tungkol sa kahirapan at sa para sa kanila ay walang ampat na pagdami ng tao sa bayan natin. Sa maraming lugar sa daigdig, init ng ulo, at hindi kapayapaan ang naghahari.

Sa gitna ng nagpupuyos na damdaming ito ng karamihan, uhaw ang gumuguhit sa ating lalamunan at kalooban – uhaw sa kapayapaan, katarungan, at pagkakaunawaan sa isa’t isa.

Sa katanghaliang tapat na ito ng ating buhay bilang Pinoy at bilang Kristiano, may ilang mahahalagang turo ang kwento ng samaritanang lumabas upang umigib ng tubig sa kainitan ng araw.

At ang aral na ito ay isang malaking sorpresa para sa atin. Sa kanyang tila patalon-talong pagtatanong, tumimo pala sa puso niya ang mga sinabi ng Panginoon. At habang tila umiinit ang kanyang upuan sa mga tanong ng Panginoon, uminit rin ang kanyang pagpapasya. Ang ginawa niya ang kanyang pinagpasyahan …

Ipinamalita niya ang tungkol sa nakausap niya sa balon. Isang mahalagang tanong ang namutawi sa kanyang mga labi – ang pinakamahalagang tanong na dapat rin nating bigyang-pansin … “Siya kaya ang ipinangakong Mesiyas?”

Tayo man ay nakakaranas ng init sa ating pagka-upo. Binabagabag rin ang ating konsiyensiya hinggil sa maraming bagay, tungkol sa mga taong kinakasama natin, tungkol sa pagtrato natin sa kapwa tao, tungkol sa paglulustay natin ng yaman ng kalikasan, na nagdudulot ng patuloy na pag-iinit ng klima sa mundong ibabaw. Tayo man ay inaanyayahang mag-isip.

Sa dami ng sekretong nabunyag sa pakikipag-usap ng samaritana kay Kristo, nabuo sa kanyang isipan ang magsiwalat sa kapwa ng kanyang niloloob. Nabagabag siya … at nagkwento sa kapwa niya … “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa … Hindi kaya siya ang Mesiyas?”

Patuloy ang pagdatal ng katanghaliang tapat sa buhay natin. Patuloy nating nararanasan ang iba-ibang uri ng pagkauhaw sa buhay natin. Ngunit hindi lamang pag-iigib ng tubig ang siyang dapat natin gawin. Kailangan natin ng bagay na higit pa sa tubig …. Kailangan natin ng karunungang mula sa itaas … karunungang tulad ng tubig na buhay na kapag ininom ay hindi na magdudulot ng pagka-uhaw. Kailangan natin ng gabay na maghahatid ng kasagutan hindi lamang sa kung saan puedeng makapag-igib, o kung paano lutasin ang kahirapan, o kung tama ang panukalang batas na isinusulong ng mga mambabatas, na nagbibigay ng pamatid-uhaw nguni’t hindi naghahatid sa tubig na buhay na hindi na kailanman magdudulot ng pagka-uhaw.

Sa gulo ng usapan, sa init ng talakayan, sa dami ng balitaktakan, tunay na tayo ay nasa katanghaliang-tapat ng isang malalim na pagka-uhaw. Kailangan natin ng sagot. Hindi na dapat tayo magbato ng kung ano-anong tanong sa Panginoon na walang kinalaman sa kanyang sinasabi. Hindi na tayo dapat magmaang-maangan pa. Uhaw tayong lahat sa karunungan. Gulong-gulo ang isipan natin dahil sa maraming bagay, tulad ng salapi at kung ano ang kikitain ng marami sa usaping ito.

Tulad ng samaritana, na parang hindi nakikinig, dapat maantig ang damdamin natin, at matutong magtanong nang tama … Kahit na napahiya siya, ipinagmakaingay niya ang ginawa ng Panginoon …. “Sinabi niyang lahat ang aking ginawa … Hindi kaya Siya ang Mesiyas?”

Ang sagot sa tanong na ito ang tunay na sagot sa malaki nating problemang ito … uhaw sa katanghaliang tapat.

PERA O DANGAL; TUBIG O APOY; BUHAY O KAMATAYAN

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon A on Pebrero 11, 2011 at 12:39

Ika-anim na Linggo ng Karaniwang Panahon (A)
Pebrero 13, 2011

Mga Pagbasa: Sirach 15:15-20 / 1 Cor 2:6-10 / Mateo 11:25

Malungkot ang mga sunud-sunod na nagaganap sa bayan natin. May mga ninakawan na at inagawan ng sasakyan, ay pinatay pa. May mga balita tungkol sa diumano’y pangungulimbat ng laksa-laksang salapi mula sa kaban ng bayan, na napunta diumano sa iilang tao lamang … perang galing sa tulong ng ibang bansa para sa ating maralitang bayan … perang nakalaan sa ikagiginhawa sana ng mga hikahos nating mga kababayan, kasama na ang mga sundalo nating nasa gitna ng pakikipag bakbakan sa kaaway ng estado.

Lalung malungkot ang katotohanang bago pa man makita ang buong katotohanan ay mayroon nang natumba dahil sa mga usaping ito. At higit pang malungkot ang nakapanlulumong katotohanan na may mga tao pa ring bukod sa pagiging huli at malilimutin, ay tila walang kayang harapin ang totoo at isiwalat ang pawang katotohanan.

Nguni’t tingnan natin sumandali ang kabilang bahagi ng entablado na bumubukadkad sa ating paningin. Sa kabilang banda, ay nariyan si Heidi Mendoza … mahinang babae kung lakas pangkatawan ang pag-uusapan, mahinahon, nguni’t isang dakilang tanda ng katatagan ng loob at katuwiran ng puso at isipan.

Dalawang magkasalungat na larawan … tulad ng dalawang magkasalungat na puedeng pamilian ng tao, ayon kay Sirac … apoy o tubig, buhay o kamatayan … Sa kalagayan ng bansa natin, nais kong idagdag ang ikatlo … hindi kwarta o kahon, kundi pera o dangal!

Sa bukana ng pagtitipon natin bilang bayan ng Diyos sa araw na ito, natambad agad sa isipan natin ang dalawang dapat pagpilian ng tao. Nguni’t higit sa dapat pagpilian ay ang pananagutan ng taong mamili nang tama.

Narito ang tugon sa mga katanungan ng marami sa panahong ito: May katuwiran ba ang mga tampalasan na mangulimbat ng ganoong karami sa kaban ng bayan? May batayan ba ang kanilang kilos na kahit sino ang tumingin ay talagang sala at lisya sa batas ng Panginoon? Heto ang sagot ni Sirac: “Kailanman ay wala siyang inutusang magpakasama, o pinahintulutang magkasala.”

Nguni’t tila tuloy-tuloy ang pagdami ng mga carnapper. Tila tuloy-tuloy ang tipo ng politicang ang pakay lamang ay magkamal at mang-api ng mga walang kamuang-muang. Tila palasak pa rin ang paggawa ng shabu, at ng iba pang mga gamut na masama at nakasisiran ng kinabukasan ng kabataan. Sa kabila ng mga paulit-ulit na palabas at pakitang-tao, tuloy pa rin ang jueteng, ang pangongotong, at ang pagsasamantala sa kamangmangan ng higit nakararaming Pinoy.

Tayong mga nakakaunawa at nagkapalad na makapag-simba sa araw na ito ay may isang mahigpit na paalaala mula sa Diyos. Simple lamang ito … tungkulin natin na kung hindi man natin masugpo ang lahat ng krimeng organisadong ito, ay hindi tayo mabing bahagi nito. Tungkulin natin maging asin ng sanlibutan o ilaw ng sandaigdigan. Ayon kay San Pablo, hindi tayo dapat mag-asal na para bagang muli nating ipinapako sa krus ang Panginoon.

Nasa atin ang pagpapasya. Nasa atin ang kakayahang pumili.

Isang lumang kwento ang nasa isip ko ngayon, tungkol sa isang matandang paham na nakatira sa gubat. Isang araw, isang grupo ng kabataan ang nagpasyang subukin ang talino ng matanda. Nanghuli sila ng ibon at pumunta sa matanda na hawak ng pinuno ng grupo ang ibon sa kamay. Tinanong ng pinuno ang matanda. “Lolo, buhay ba o patay ang ibong hawak ko?” Nag-isip ang matanda. At napagtanto niyang kung ang sagot niya ay “patay,” ay puede niyang paliparin ang ibon. Kung ang sagot naman niya ay “buhay” ay maaarin niyang sakalin ang ibon upang mamatay. Kung kaya’t sa tanong na ito ang talubata, ito lamang ang kanyang sinabi: “Ang sagot ay nasa iyong mga kamay!”

Malungkot tayo. Nagpupuyos ang damdamin natin dahil sa walang patutunguhang imbestigasyon at sa pagkahuli ng mga heneral na walang natatandaan anuman. Nagpupuyos din ang damdamin natin na ang mga nag-iimbestiga ay hindi rin katiwa-tiwala at pihong mayroong sariling mga agenda. Tila wala nang masulingan ang taong-bayan. Nguni’t sa gitna ng kawalang-pag-asa, at kawalang kasagutan, ang Diyos ay nangangaral sa atin ng bagay na hindi natin dapat kalimutan …

At ito ang sukdulan … hindi tayo dapat tumulad sa mga tampalasan. Hindi tayo dapat maging tulad ng mga Pariseo at mga eskriba. Hindi tayo dapat tumulad sa mga nag-iimbestigang puro pakitang-tao lamang.

Ano ang dahilan ng lahat ng ito? Simple lamang … Mayroong mas higit pa na dapat nating pagsikapan, dapat nating asahan, at dapat nating pagtuunan ng lahat ng buong makakaya. Mayroong mas mahalaga kaysa kwarta, at kahon-kahong mga dolyares. Mayroong mas importante kaysa pera. Mayroong kabilang pisngi ang buhay. At mayroon din tayong kakayahang mamili.

Ano iyon? Hayaan nating si San Pablo ang tumugon … Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya.”

Kwarta o kahon? … Pera o dangal? … Apoy o Tubig? … Buhay o Kamatayan? Ang tugon ay nasa ating mga kamay!