frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

KETONG, KOTONG, SULONG!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Eliseo, Taon K on Oktubre 7, 2010 at 12:26

Ika-28 Linggo ng Taon (K)
Oktubre 10, 2010

Mga Pagbasa: 2 Hari 5: 14-17 / 2 Timoteo 2:8-13 / Lucas 17: 11-19

Walang kapag-a pag-asa si Naaman sa Syria kung saan siya nagmula. Wala ni isang duktor, ni isang tagapagpagaling na masumpungan sa kaniyang sariling bayan, upang mahingan ng tulong at makapagpabatang muli sa kanyang balat na dinapuan ng kung anong kurikong, na kung tawagin noon ay “ketong.”

Nguni’t isang malinaw na pahayag ng Kasulatan ay ang pahimakas tungkol sa darating na tagapagpagaling, tagapagligtas, at tagapaghatid sa landas ng kagalingan at kaligtasan, na unti-unting ipinahayag sa Lumang Tipan.

Sa araw na ito, si Eliseo ang natokahan upang maghatid ng pahimakas o paunang hula tungkol sa darating na Mesiyas.

Malaking papel ang ginampanan ni Naaman sa paunang hulang ito ni Propeta Eliseo. Isa ito sa namamaulong pahayag ng mga pagbasa. Walang sinumang walang kapag-a pag-asa sa harapan ng Diyos. Tanging isa lamang ang kondisyon – ang kagustuhan, ang pagnanais at pagnanasa, at paghahanap ng kagalingan sa kamay ni Eliseo. At ang kanyang pagnanasa ay ginamtipalaan ng Siyang tanging may tangan ng ating kabuuang kaligtasan – ang Diyos. “Ngayo’y napatunayan kong walang ibang Diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel.”

Hindi lamang ketong ang dumapo sa ating lipunan. Tulad ni Naaman, sa makataong pagtingin, halos wala na tayong kapag-a pag-asa. Tuloy ang pagdami ng mga mangmang at sayad sa lupa ang kahirapan. Tuloy ang pagdami ng mga walang makitang trabaho sa bayan natin, na siyang nagtutulak sa milyon-milyon upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Pareho pa rin ang sistemang naghahari sa gobyerno … ang malakas at kaibigan, at kamag-anak ay hindi natitinag ng batas. Panay pa rin ang tanggi ng mga halimaw na pumatay ng 57 tao para lamang maalis ang balakid sa kanilang walang sawang “paglilingkod sa bayan.” Tuloy pa rin ang “kotong” at ang jueteng at lalong tuloy ang paninila ng mga asong gubat na kagalang-galang na nananagana sa salapi ni Judas. (Kahiya-hiya man sabihin, isang dagok sa aming mga pari, na mayroong mga Obispo at pari na tumatanggap rin sa salaping ito mula sa lukbutan ni Judas!)

Nguni’t isa lamang itong bahagi ng magandang balita sa araw na ito. Ketongin man o salarin, may pag-asa pang nakatatak sa puso ng bawa’t tao sa mundo. Subali’t ang pag-asang ito ay dapat pagsikapan, pagtibayin, at pagalawin. Si Naaman ay naglakbay. Si Naaman ay lumisan rin sa kanyang bayan. Tulad ng milyon-milyong Pinoy na nasa lahat ng dako ng daigdig, bilang pagtugon sa kanilang pag-aasam, pagnanasa at pagnanais tungo sa isang higit na magandang pamumuhay para sa kanilang pamilya. Ang ketong ng kawalang kabuhayan ay napalitan nila ng kanlong ng katatagan ng puso at diwa upang magpaka martir o bayani sa ibang bansa. Ang kanilang kasalatan ay napalitan ng kayamanan ng pagmamahal sa kapakanan ng pamilya at mahal sa buhay.

Nagsikap si Naaman. Sumunod o tumalima sa utos ni Eliseo na lumublob ng makapitong beses sa ilog Jordan. Hindi siya nahiya na makisalamuha sa mga taong malamang ay nilibak siya dahilan sa kahiya-hiyang sakit ng ketong. Tiniis niya ang lahat para lamang gumaling.

Katulad siya ni Pablo na binata ang lahat maligtas lamang ang marami: “Pinagtitiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magtamo rin sila ng kaligtasang mula kay Kristo Hesus, at ng walang hanggang kaluwalhatian.”

Ketong, kotong, at kurikong ng kasalanan ang tunay nating suliranin bilang Pinoy. Palitan man natin ang Presidente taon-taon, ang katotohanang tumatambad sa atin ay iisa: ibang diyos ang pinaglilingkuran ng marami sa atin liban sa tunay ng Diyos ng Israel!

Isang malinaw na panawagan ang dapat natin marinig mula sa Diyos sa araw na ito. Popular man o hindi ang presidente, alam nating hindi nakadepende sa kanya ang bagay na tayong lahat lamang ang makagagawa. Mataas man o mababa ang kanyang “rating” sa survey, ang katotohanang tayo ang “boss” at tayo rin ang magsusulong sa ating kinabukasan ay hindi natin matatakasan.

Sampung ketongin ang pinagaling ni Jesus. Sa sampung ito, siyam ang mayroong mas matinding ketong – ang kakapalan hindi lamang ng mukha, kundi pati na rin ng balat nilang nahirati na sa pagkamakasarili. Ito ang mas masahol pa sa ketong ni Naaman na dumapo sa balat elepante ng mga tampalasang politico na walang kahiya-hiya, at walang kabubusugan sa patuloy na pagsisipsip ng dugo ng mga bayaning OFW na tinatawag nilang bayani ng bayan. Ito rin ang kakapalan ng balat nating lahat na walang sawa sa paninisi ng jueteng lords, nguni’t wala ring sawa sa pagtaya sa jueteng.

Iisa lamang ang dapat natin gawin bawa’t isa sa atin – ang sumulong, ang umahon, at ang lumisan sa kumunoy na ito ng kasalanan. Sampu ang nagsumigaw sa Panginoon: “Jesus, Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Sampu ang humiyaw at nagmakaawa. Iisa lamang sa sampu ang sumulong at umahon sa isang tunay na pagbabago. Tanging siya lamang ang bumalik upang magpasalamat.

Tanging siya lamang ang lubos sa pagsulong, pag-ahon, at pagbabagong wagas. At tanging siya lamang ang nakarinig ng magandang balita na puno ng pag-asa: “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”

Ketong, kotong, kurikong ng kasalanan? Panis lahat ito sa biyaya ng Diyos at kanyang pagmamahal. Subali’t may isa pa tayong dapat gawin: Sulong! Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad!

HANGGANG KAILAN, PANGINOON?

In Catholic Homily, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Propeta Habbakuk, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Setyembre 28, 2010 at 09:24

Ika-27 Linggo ng Taon(K)
Oktubre 3, 2010

Mga Pagbasa: Habbakuk 1:2-3, 2:2-4 / 2Tim 1:6-8, 13-14 / Lucas 17:5-10

Agguanta ang salitang kastila na sumasagi sa aking isipan sa pagninilay sa mga pagbasa sa linggong ito. Hindi lamang ito katumbas ng pagtitiis. May kinalaman ito sa pagtitiis na may kahalong paghihintay. Parang may kaugnay ito sa kristiyanong pag-asa, ang paghihintay na may bahid ng pagtitiwalang ang hinihintay ay may kahihinatnan.

Panalangin ito ng mga taong, bagama’t may panimdim na pasan sa balikat at laman ng puso, ay nakukuha pang tumaghoy at makiusap sa Diyos: “hanggang kailan, Panginoon?” Ito ang panaghoy na malaon na nating natutunang sambitin. Ito ang panalanging laman na ng puso at isipan sa mula’t mula pa … noong nakatikim ang bayan natin ng paulit-ulit na pagyurak sa ating dangal, sa ating kalayaan, at sa ating katalinuhan.

Ito rin ang malaon na nating kahilingan sa Diyos … Naghihintay pa rin tayo na maibsan ang talamak na kahirapan sa maraming dako ng bayan natin. Naghihintay pa rin tayo na makihalubilo ang bayan natin sa hanay ng mga bansang tinitingala ng buong mundo, dahil sa propesyonalismo, sa kaalaman, sa kapahaman, at sa kakayahan sa lahat ng larangan ng pakikipagtalastasan, komersyo, at produksyon.

Hanggang kailan pa kaya, Panginoon, kami magtitiis sa patuloy na pagbulusok ng tiwala ng buong mundo sa ating bayan? Hanggang kailan pa kaya tayo magtitiis sa patuloy na panlilibak ng ibang bansa sa dami ng kapalpakan ng mga namumuno sa atin? Hanggang kailan pa kaya titikisin ng buong mundo pati ang nakahihiyang kawalan ng pagtitiwala sa ating mga paliparan at ang seguridad sa nasabing paliparang internasyonal?

Mahaba ang listahan natin ng mga dahilan upang mag-agguanta.

Sa araw na ito, tinutumbok ng Panginoon ang dagdag at wastong dahilan upang tayo ay matutong mag-agguanta.

Una sa lahat, isang halimbawa ni Habakuk ang ipinamamalas sa atin. Sa kabila ng kanyang panaghoy, lumutang ang isang kabatirang siyang batayang matatag ng pagtitiis – ang katotohanang may Diyos na nagkakaloob ng gantimpala sa mga matuwid na nagtitiis: “Masdan mo, ang hambog ay mabibigo sa kaniyang kapalaluan, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kaniyang katapatan.”

Pangako ng Diyos ang siyang batayan at dahilan ng pagtitiis ng taong sumasampalataya.

Ikalawa, isang paalaala ang pahatid ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Pablo. Nguni’t hindi lamang ito paalaala, kundi isa pang malinaw na halimbawa. Si Pablo, na siyang larawan ng pagtitiis, pag-asa, at sa malalim na paniniwalang ang lahat ay may kahulugan, at ang lahat ay may hangganan at katuturan … “Maging masigasig sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos.” “Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus.”

Katigan at muog ng pagtitiis ang katotohanang may Diyos at sa katotohanang ang Diyos na ito ay Diyos ng pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay pinatunayan mismo ni Hesus na kanyang Anak.

Alam natin lahat ito. Alam natin kung gaano kamahal tayo ng Diyos. Subali’t sa mga sandali ng pighati at panaghoy ay kay dalin natin lumimot. Kay dali natin matangay ng kawalang pag-asa, at ng tampo o sama ng loob sa Diyos. May masamang nangyayari sa mga taong nagpapakabuti. Dahil sa kasalanan ng tao, nababalot ng hiwaga ng paghihirap ang buhay natin lahat. Ang kasakiman at katiwalian ay naghahatid ng matinding paghihirap sa buhay ng mga walang kinalaman sa masasamang nagaganap sa mundo. Limampu at pitong kataong walang kamalay-malay ang pinaslang para lamang mahawi ang oposisyon sa dinastia ng isang pamilya ng mga politicong ganid at halang ang kaluluwa.

Sa mga sandaling ito, malaking habag sa sarili ang sumasagi sa atin lahat. Walang sinuman ang dapat magdusa o karapat-dapat sa anumang paghihirap. Wala dapat sinumang tatangis dahilan sa katakawan ng ibang tao.

Subali’t dahilan sa misteryo ng kasalanan na bumalot sa kalikasang makatao, ang paghihirap ay naging bahagi ng buhay natin sa lupang bayang kahapis-hapis.

Ang ikatlong aral na lumulutang sa mga pagbasa ngayon ay ang tama o wastong tugon sa lahat ng uri ng pagdurusang sumasagi sa atin. At ito ay ang kababaang-loob – ang kakayahang tumanggap anumang hindi katanggap-tanggap, ang pagtitiwalang anuman ang mangyari sa atin ay may katuturan, may kahihinatnan, may kahulugan. Sa sandaling ito, ang sumasagi sa aking isipan ay ang katotohanang ang payak at mababa ang loob, ay hindi kailanman maibabagsak pa sa lusak ng kawalang-dangal. Ang taong payak at mababa ang loob ay hindi napapahiya, hindi napapariwara. Nanatili sa kanyang puso at isipan ang katotohanang hindi makakatkat ninuman, at ng anuman sa kanyang pagkatao – ang angking dangal na kaloob ng Diyos sa lahat ng tao.

Ito ang dahilan kung bakit hindi suliranin ang paglilingkod, ang pagtupad sa tungkuling naka-atang sa balikat. Alam niya ang katotohanang muog at batayan ng kanyang dangal: “Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.”

Kung ito ang saloobing ito, matapang at matatag natin mapaninindigan ang panalanging bagama’t puno ng panimdim at pagtangis ay puno rin ng mapagpalayang pag-asa: “Hanggang kailan, Panginoon, kami daraing sa iyo, at di mo diringgin?”

Ito ang maka-kristiyanong pagtitiis, pag-aaguanta … paghihintay at katiyakang pasasaan ba’t at lilipas rin ang lahat?