frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

KUNG NAGTITIWALA TAYONG MAY MANGYAYARI!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon K on Agosto 4, 2010 at 12:45

Ika-19 na Linggo ng Taon(K)
Agosto 8, 2010

Mga Pagbasa: Karunungan 18:6-9 / Heb 11:1-2, 8-19 / Lucas 12:32-48

Matindi ang mga pagsubok na hinaharap natin. Mahirap ang mga sagabal na nakahambalang sa daang tinatahak ng marami. Nandyan ang kahirapang umuukilkil sa buhay ng napakarami. Nandyan rin ang katiwaliang, siyang dahilang ng karamihan sa kahirapang ito. Nandyan rin ang kamangmangan, na bunga naman ng kahirapang ito. At nandyan ang kawalan ng magandang kinabukasan na kaakibat ng batayang suliraning ito.

Mahaba ang listahan natin … susun-suson … patong-patong … sala-salabat …

Di miminsan natin narinig ang unang pangungusap sa liham sa mga Hebreo sa ika-2 pagbasa: “Tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.”

Alam natin na walang katiyakan sa maraming bagay sa mundo. Hindi tiyak na ang mga ulan at unos na darating ay magpupuno lamang ng ating mga dam at imbakan ng tubig. Maaring umapaw na naman ang mga ito tulad noong isang taon at maging sanhi ng mga baha. Sa panahong ito ng global warming na tinatawag, kung kailan ang takbo ng panahon ay nagbabago sa buong mundo, wala tayong katiyakan … walang kasiguraduhan.

Nguni’t gusto ko sanang baguhin nang kaunti sa araw na ito ang diskusyon … palitan natin sumandali ang kalakaran ng isipan natin. Sa kabila ng kawalang katiyakan ay ito ang malinaw na pangaral ng unang pagbasa: “Alam ng iyong bayan na ililigtas mo ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway.” Ito ang malinaw pa sa tanghaling tapat na katiyakang pinanghahawakan ng banal na kasulatan.

Maraming halimbawa ang sinasaad sa liham sa mga Hebreo. Ang lahat ng ito ay halimbawa tungkol sa pananalig … ni Abraham, ni Isaac, ni Jacob, ni Sara at iba pa. Mahaba itong salaysay tungkol sa katapatan ng Diyos, sa isang banda; at sa pananalig ng tao, sa kabila.

Hirap na magtiwala ngayon ang Pinoy. Winaldas ng pamahalaang nagdaan, at ng marami pang ngayon ay namumuno na muli (mga recycled na mga liders ng bayan) ang tiwala ng bayan. Napaso na tayo sa lahat ng uri ng kasinungalingan, kadayaan, katakawan, at kasakiman ng maraming mga kung tawagin natin ay mga “honorable.” Di miminsang nakatikim tayo ng pait at ng galit na hindi natin makimkim dahil sa mga tampalasang ang mga bahay, rancho, at ari-arian ay hindi kailanman mabibili ng kanilang maliliit din namang sweldo bilang mga “naglilingkod” sa bayan.

Hirap na hirap tayo ngayon magtiwala. Ang ating pananalig ay di miminsang niyurakan ng mapait na katotohanang hindi lahat ng mababango ang pananalita ay nagsasabi ng tapat, at gumagawa ng wasto at marangal.

Mayroon pa kaya tayong pag-asa?

Naparito kayo sa simbahan sa araw na ito ng Linggo upang makarinig ng katagang naghahatid ng buhay … mga pananalitang nagbubunsod sa atin upang magtiwala pa kahit hindi na karapat-dapat na magtiwala pa.

Ito ang magandang balitang nais kong bigyang diin ngayon. “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.” “Tumulad kayo sa mga taong naghihintay ng pag-uwi ng kanilang Panginoon mula sa kasalan …”

Noong ako ay batang paslit pa na nagkakamulat sa Cavite, isang pangungusap ang lagi kong naririnig noon sa matatanda … “pasasaan ba’t giginhawa rin tayo?” “pasasaan ba’t magbabago rin naman ang takbo ng panahon, ang kalakaran sa pangangalakal” … at marami pang iba! Pasasaan ba?

Pasasaan? Ito ang sagot ng Diyos sa aking mga kababayang pinanawan na ng pag-asa. Ito ang sagot ng Panginoon sa mga kapwa kong tila ang kanilang pakiramdam ay pinagsawaan na sila ng Diyos. Ito ang magandang balitang namamaulo sa mga pagbasa natin ngayon … ililigtas ng Diyos ang mga matuwid at parurusahan ang kanilang mga kaaway … May bukas pa … at may hustisyang naghihintay para sa lahat. Pasasaan ba at darating din ang wakas para sa mga naniniil, nandarambong, nandaraya, at nanlalamang sa kapwa!

Pero dapat natin ngayong patunayan na tayo man ay handang mamuhunan. Dapat natin ipamalas na kahit ngayon, tayo rin ay nakahanda upang magbuwis ng nararapat, magbayad nang malaki upang makamit ang siyang inaasahan natin.
Kailangan natin na mag-asal Abraham; mag mistulang Isaac at Jacob, Sara, at marami pang iba. Kailangan natin muling magtiwala. Kailangan nating isugal pati ang ating pighati at pagkabigo makamit lamang natin ang inaasam.

Kung gusto natin ang kaayusan, dapat natin iwaksi ang wangwang, ang paniningit sa kalye, ang pagwawalang bahala sa batas. Kailangan natin na tulungan ang namumuno upang mapuksa ang lahat ng uri ng katiwalian sa lipunan. At ito ay nagmumula sa bawa’t isa sa atin … ang pagbabayad ng buwis, ang pagbabayad sa homeowners’ association, ang pagsunod sa batas trapiko, ang pag-aalis ng mga hambalang sa mga bangketa, at marami pang iba.

Kung gusto natin ng kaayusan, gagawin natin ang kaayusan … tulad nina Abraham, tulad ng lahat na mga halimbawang binanggit sa ikalawang pagbasa. Ito ang gawa ng mga taong may pananalig, at “tayo’y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin.”

PINAMUHUNANAN: KAYAMANAN O KABIGUAN?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 29, 2010 at 08:21

Ika-18 Linggo ng Taon(K)
Agosto 1, 2010

Mga Pagbasa: Eccl 1:2, 2:21-23 / Col 3:1-5,9-11 / Lc 12:13-21

Atubili ang mga palakpak ng mga mambabatas sa unang SONA ni PNoy … malamya, mahina, at hindi nakitaan ng masigabo at marubdob na pagsang-ayon! Bagama’t hindi ako lubos na palo at paniwala sa kanyang mga numero at mga pasabog na kalagiman, sang-ayon ako sa isang bagay – na dapat puksain, putulin, at puknatin ang lahat ng uri ng katiwalian … mapasa bigas, mapasa tubig, mapasa anumang bagay na tanging pag-asang nalalabi para sa mga mahihirap.

Alam natin kung ano ang dahilan dito … marami sa mga mambabatas ay namuhunan sa huling administrasyon. Marami sa kanila ay kasabwa’t, kaakibat, at kasama sa pangungulimbat sa pamamagitan ng pork barrel. Alam rin natin na marami sa kanila ay namuhunan kasama ng mga dating Lakas-Kampi-CMD na ngayon ay nagkalagas-lagas na sapagka’t namumuhunan na ang marami sa Liberal Party!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Lahat tayo ay namumuhunan sa isa o higit pang bagay. Ang mga nagnanais sumali sa Wowowee ay namumuhunan ng oras, ng dangal, ng amor propio, at ng paggalang sa sarili, magkaroon lamang ng pagkakataon kumita nang kaunti sa programa. Pati ang mga tumataya sa Lotto o sa jueteng ay namumuhunan rin … ng kaunti nilang pera, magkaroon lamang ng pagkakataon tumama at biglang magkamal ng maraming salapi! Alam natin ang bunga nito … Sa halip ng kayamanan ay kabiguan!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Ipinupuhunan ng mga mahihirap ang dangal, pati ang sariling paggalang magkaroon lamang ng pagkakataon kumita. Pati mga bobo ay puedeng kumita sa Wowowee, basta handa silang libakin ng madla na sila nga ay bobo at kulelat sa paaralan!

Walang kakabu-kabuluhan! Wa-epek ang lahat! Walang saysay, walang silbi, walang patutunguhan! Hindi ba’t ito ang kahihinatnan ng lahat ng bagay na nasusukat, natitimbang, ang nabibilang? Buhok nga natin sa ulo, hindi natin mapigil sa paglagas. Ngipin nga natin, hindi natin patuloy na maiiwas sa dentista at gaano man kaingat tayo sa pagsisipilyo araw-araw o maya’t maya!

Ano kaya ang saysay ng lahat ng mga katiwaliang nabunyag noong isang araw sa SONA ni PNoy? Sobrang bigas na inangkat. Sobra-sobrang mga bonus sa mga naluluklok sa upuan ng mga makapangyarihan!

May kabuluhan ba ang mga ito? May patutunguhan kaya? O ito kaya ay walang iniwan sa isang pasabog na nagbubunga ng ingay at usok na wala namang bungang nananatili o naghahatid sa mabuti?

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Opo, mga kapatid! Walang kabuluhan ang lahat kung ito ay hindi bumabagtas sa mga bagay na nabibilang, nahihipo, nasusukat! Ito ang kawalang kabuluhan ng kwento ng ebanghelyo na isang tao ang humiling kay Jesus na hatiin ang mana nilang magkapatid. Ano ang puhunan niya? Isinangkalang niya ang pagmamahalang magkapatid at tumawag pa ng abogado upang hatiin ang mana na dapat sana ay kaya nilang hatiin bilang magkapatid!

Mali ang kanyang puhunan … palpak. Ipinuhunan niya ang pagkakaunawaan nila bilang magkapatid, at isinugal ang magandang samahan, dahil sa kapiranggot na lupa. Ang puhunan ay nauwi sa kabiguan … kabiguan ng pagmamahalan bilang magkapatid. Nauwi ito sa isang pagiging mangangalakal na ang tanging nais ay tubo at kita.

Ano kaya ang pinupuhunan natin? Tama kaya na gawing puhunan ang kapalpakan ng datihang gobyerno bilang sangkalan tungo sa isang diumano ay bagong pamumuno? Tama kaya na ang plataporma ng isang pinuno ay ang siraan ang nauna upang magmistulang mabango, kumpara sa dating puno ng kabulukan?

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Tama kaya na puhunanin ang sarili sa paglalasing, pagsasaya tulad ng tao sa ebanghelyo na matapos palakihin ang mga kamalig ay hindi na nag-unat ng buto at nagpagal para sa kinabukasan?

Nguni’t sa kasawiang palad, ganito tayo noon, at ganito pa rin tayo ngayon! Namumuhunan sa mga maling bagay … tumataya sa mga maling pato, at umaasa sa mga palsong mga pangako!

Malaki ang pananagutan natin sa ating puhunang tinanggap natin mula sa Diyos. Ito ay puhunan ng dangal, puhunan ng buhay, puhunan ng kagandahang-asal. Nilustay ng nakaraang mga administrasyon ang puhunang ito … Hindi naglaon ay talamak ang katiwalian kahit saan, kahit sa mga pribadong institusyon, kahit sa barangay, kahit sa mga homeowners’ associations.

Maling mga puhunan ang pinagkakitaan. Pati ang ihi na kinokolekta sa LTO tuwing kukuha ng lisensya … nagbabayad tayo ng ilang daang piso, at ang ihi ay alam naman nating itinatapon lamang. Wala namang drug test na nagaganap!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan!

Puhunang tama at wasto ang siya nawang dapat nating pagtuunan ng pansin. Puhunan ng dangal at wagas na paggalang sa sarili at sa kapwa … na nakikita sa paninindigan sa kapwa, hindi ang paglipat na parang paro-paro sa mga partido sapagka’t naroon ang salapi, ang pork barrel at ang mga kontrata mula sa gobyerno. Ang mga datihang kakosa ng dating Pangulo ay nagkumahug na sa paglipat sa bagong partidong nasa poder!

Walang kabuluhan! Walang kakabu-kabuluhan! Walang dangal, walang puri, walang kagalang-galang – at – tabi sa kaluluwa ay – walang hiya!

Kailangan tayo mamuhunan sa wasto, sa tama, sa bagay na hindi pinalakpakan ng mga ungas sa lehislatura! Kailangan natin mamuhunan sa higit na mahalaga: “Sa gabing ito ay babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo? Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”

Phinma Training Center, Tagaytay City
July 26, 2010