frchito

Archive for the ‘Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo’ Category

ANG DIYOS BA AY “UNLI” O “ONLY”?

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Taon K on Hulyo 18, 2010 at 22:29

Ika-17 Linggo ng Taon(K)
Julio 25, 2010

Mga Pagbasa: Gen 18:20-32 / Col 2:12-14 / Lucas 11:1-13

Uso ngayon ang “unli” kahit saan. Unlimited calls, unlimited texts, unlimited rice, at marami pang iba. Sa dami ng mga network na naglalaban-laban, unahan sila sa pagkakaloob ng kung ano-anong gimik upang mabili ang kanilang SIM at load. Sa dami ng mga kainan sa buong bansa, unahan din ang mga food chains ng kung ano-anong gimik na katumbas ng “unli.” Nadyan ang Mang Inasal na nagpauso ng unlimited rice. Sumunod ang marami, kasama ang maraming kainan sa Cebu, na unahan sa pagkakaloob ng unlimited rice.

Ayaw ng tao ngayon ang anumang tasado. Hindi na kikita ang mga restoran na ang nakalagay sa plato ay kaning hugis tasa, na may katabing ilang hiblang hilong gulay, at ilang maliliit na pirasong ulam. Tulad ng mga “load,” gusto ng tao ngayon ay panay unli, walang limit, walang bakod, walang hangganan.

Kung walang limit, hindi ito nakukuha sa bilang. Sa unang pagbasa, tumawad si Abraham … kung may limampu, aniya, maglulubag ba kaya ang loob ng Diyos? Tugon ng Diyos ay hindi nabakuran ng bilang, ng numero o anumang pasubali. Naglubag ang loob ng Diyos, hanggang sa ang tawad ng Diyos ay bumaba sa sampu!

Iisa ang tinutumbok ng pagbasang ito: unli ang pag-ibig ng Diyos … walang hangganan, hindi tasado, hindi bilang, hindi nababakuran. Sa pakiusap ng taong nagsusumamo sa panalangin, naglulubag ang loob ng Diyos; humuhupa ang kanyang galit, at nagkakaloob ng hinihiling sa Kaniya.

Ito ang pangako ng Diyos sa isang nagsusumamong Abraham: “Hindi ko wawasakin ang lunsod dahil sa sampung iyon.”

Ngunit sa kabila ng paghahanap natin ng lahat ng uri ng “unli,” hindi maipagkakaila na marami sa ginagawa natin ay tasado, bilang, at sukat. Binibilang natin ang minuto habang nag-sesermon si Father. Sinusukat natin ang takbo ng oras kung tayo ay gumagawa ng bagay na hindi natin lubos na gusto. Tinatasahan natin ang isa’t isa kung hindi tayo lubos na magaan ang loob sa isa’t isa. Binabakuran natin ang buhay natin… Tingnan nyo na lang kung gaano karaming bakod at guardia ang nagbabantay sa ating mga subdivision sa buong Pilipinas!

Mapagkait tayo … madamot …. Mapagkwenta, kung ang pag-uusapan ay ang pakikitungo natin sa Diyos. Ni hindi natin kaya manatili sa simbahan ng higit sa isang oras. Ni hindi tayo makahintay na matapos ang panghuling awit bago lumabas ng simbahan. Ni hindi tayo makarating sa Misa nang tama sa oras.

Gusto natin ang unli, pero hindi unli ang pagmamahal natin sa Diyos.

Ang magandang balita natin ngayon ay kabaligtaran ng mga saloobin nating madamot at mapagbilang. Para sa Diyos, pati tayong dati rati ay patay sa kasalanan, ay muli niyang binuhay. Sabi ni San Pablo ay “pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.”

Walang pasubali … walang hangganan … walang limitasyon ang pag-ibig niya sa atin. Ni pagkadipa niya sa krus ay kanyang sinukat. Wala siyang ipinagkait. Walang ikinubli, at lalung walang binawi.

Medyo sukat din ang ating mga hiling. Lahat ay nabibilang. Lahat ay nasusukat. Subali’t sa turo ng Panginoon sa atin, unli rin ang kanyang turo … Ama namin sa langit … sa langit, hindi sa lupang ibabaw. Bago humiling ng kung ano-ano, ay ipinagkaloob muna sa Diyos ang nararapat sa kanya – pagsamba, pagpupuri, pagbubunyi. “Sambahin ang ngalan Mo.” Sa halip na makamundong hiling ay binigyang-halaga ang higit na mahalagang katotohanan … “mapasaamin ang kaharian Mo.”

Unli ang hiling natin … unlimited happiness, unlimited na karangalan para sa Diyos, una sa lahat, bago sa tao.

Pero, sa kabilang dako, unli rin ang hanap natin kalimitan. Unli ang hanap ng mga korap na politicong walang kabubusugan. Unli ang hanap ng mga tiwaling hindi yata napupuno ang kaban, kahit na puno na ang salop ng taong-bayan, at handa nang kalusin ang kanilang salop. Unli ang gusto ng maraming politikong sila na lamang yata ang may karapatan at may kaalaman na “maglingkod sa bayan.” Mayor na si Sir, ay mayora pa rin si Misis, at mayor at congressman pa si Junior at si Baby. Unlimited ang poder na hanap ng mga rebelde. Walang balakid, walang harang, walang sasalungat.

Sa kabilang dako, sukat na sukat tayo kung magbigay. Subali’t kung ang isang ama raw ay hindi magkakait ng anumang hiling ng isang anak, gaano pa kaya ang Diyos?

Unli, hindi only, ang Diyos natin. Hindi siya sukat kung magmahal. Unli ang Diyos kung magkaloob, at unli ang hangad Niya para sa Kanyang mahal na bayan. Hindi tasado ang kanyang biyaya. Hindi di metro ang kanyang pagmamahal. “kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit!”

Boracay, Malay, Aklan Province
Philippines
July 16, 2010

PANGAKO, PAGHIRANG, PAGTANGGAP

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon K on Hulyo 13, 2010 at 15:45

Ika-16 na Linggo ng Taon (K)
Julio 18, 2010

Mga Pagbasa: Gen 18:1-10a / Col 1:24-28 / Lucas 10:38-42

Alam ng karamihan ang kwento sa unang pagbasa … kwento tungkol sa isang pangakong binitiwan sa isang malugod na tumanggap sa bisitang hindi inaasahan. Alam rin ng marami kung gaano kahirap ang mag asikaso ng bisitang walang kaabug-abog na dumarating … Nabibigla tayo … nadidiskaril ang balakin natin sa buong araw. Mayroon tayong tawag sa bisitang bigla na lamang sumisipot sa pintuan natin … buwisita, sa halip na bisita.

Nguni’t alam natin ang naging bunga ng pagka-abala ni Abraham sa tatlong lalaking dumating na lamang at sukat sa kanyang tahanan. Matapos niya asikasuhin, pakainin, at bigyan ng panghugas ng paa ang tatlong bisita, nasuklian nang malaki ang kanyang puhunang kagandahang-loob – isang pangako mula sa mga sugo ng Diyos: “pagbabalik ko’y may anak na si Sara.”

Natupad ang pangakong ito sa pagsilang ni Isaac. Ito ang alam natin sa kasaysayan ng biblia.

Nguni’t may higit pa kaysa rito. Sa pagpapatuloy ng banal na kasaysayang ito, dumating ang panahon na ang pangako ay natuon sa isang gumanap na parang si Isaac, parang mga personaheng nabanggit sa Lumang Tipan. Si Pablo naman ang isa pang objeto ng paghirang. Tulad ni Isaac na hinirang ng Diyos upang sana ay ialay bilang sakripisyo, nahirang rin si Pablo “upang ipagpatuloy ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Kristo para sa Simbahan na kanyang katawan.”

Marami tayong hindi akalaing magaganap sa buhay natin. Bilang isang probinsyano, kumbaga, hindi ko akalaing maaabot ko ang akin nang naabot ngayon. Kung babalikan ko ang nakaraan, kay raming mga bagay na dumarating na lamang at sukat na hindi natin binalak, hindi natin pinagpasyahan, nguni’t nagaganap … sa ayaw at sa gusto natin.

Bagama’t hindi ako isa sa mga nagsuporta nang tahasan sa mga nakaupo ngayon sa gobyerno, hindi ko maipagkakailang hindi niya binalak, hindi niya ginusto at lalong hindi niya hinanap ang posisyong kapit niya ngayon – ang pagiging presidente. May bagay at pangyayaring dumarating na lamang at sukat … walang kaabog-abog. Ang mga bagay na ito ay maaaring hindi kaaya-aya, tulad ng pagdating ng mga “buwisita” sa buhay natin, ika nga. May mga bagay namang nakatutuwa, nakatataba ng puso … mga bagay na alam nating hindi natin pinagpaguran, nguni’t dumarating din sa buhay natin. Alam nating hindi tayo karapat-dapat sa anumang ito, ngunit pag dumating ay wala tayong magagawa kundi harapin nang buong tapang, buong ligaya, at buong pasasalamat.

Madaling tanggapin kung ito ay kaaya-aya. Walang problema kung ito ay pabor sa atin. Nguni’t tulad ng mga bisita ni Abraham, gambala ang dulot ng tatlong lalaking malalakas kumain.

Ewan ko sa inyo, pero, hindi madali tanggapin ang pagdating ng sakit… ng anumang problemang matindi. Hindi madali ang tumanggap sa mga pasakit na kagagawan ng mga taong pinagtiwalaan natin. Hindi madali ang lunukin ang mapait na gamut ng kawalang hiyaan na galing sa kapwang ginawan natin nang mabuti, at nagsukli ng kabaliwan at kabaluharaan. Hindi madali ang magpatawad sa isang taong yumurak sa iyong dignidad, at tumadyak sa iyong kinabukasan.

Hindi madali ang magtiwala lalu na kung napaso ka na sa mga hanay ng tagapaglingkod sa gobyernong walang ginawa kundi patabain ang kanilang mga pitaka at impok sa bangko.
Nais kong isipin na lahat ng mga tagabasa ko ay nakaranas ng ganitong kapaitan. Tulad ni Abraham, na matapos pagkalooban ng isang anak, ay hiningi ng Diyos na ialay niya bilang sakripisyo … tulad ni Pablong nagbata ng sari-saring hirap mapalaganap lamang ang salita ng Diyos. Ang pangako na nauwi sa isang paghirang sa kanya ay nagbunga ng paghihirap, ayon sa kanya mismo.

Marami akong hindi matanggap sa takbo ng ating lipunan. Hindi ko gusto ang lagi na lamang pagsisimula sa zero, ang pagmimistulang walang ginawang mabuti ang naunang administrasyon. Hindi ko gusto na tuwing magbabago ang administrasyon, walang ginawa ang bago kundi sisihin ang nauna, na para bagang alam na alam nila ang solusyon sa lahat ng suliranin, na para namang ginawa lahat ng nauna sa kanila. Hindi ko rin gusto ang “witch hunting” na tinatawag, na tila baga, bago pa madukal ang ebidensiya ay nahusgahan na ang dapat husgahan, sa tulong ng malimit ay kakosa nilang mga mamamahayag!

Sa kabila ng lahat … ako ay puno pa rin ng pag-asa. Pag-asa ang aking lako bilang pari. Pag-asa ang aking produkto kaisa ng Inang Simbahan. Anumang pangako sa isang panibagong takbo ng lipunan, ay nangangailangan ng katumbas na paghirang sa mga taong handang tuparin ang pangako, tulad ni Abraham. Bagama’t abala ang pagdating ng tatlong lalaki, tinanggap niya nang maluwag sa kalooban. Ang kanyang pagtanggap ay nagbunga ng pangako.

Pagtanggap … ito ang ginawa ni Marta. “Malugod siyang tinanggap ng isang babaeng nagngangalang Marta sa tahanan nito.” Dalawang estilo ang ipinamalas ng magkapatid sa pagtanggap. Ang isa ay nagpaka-abala. Naghanda. Nagsumikap para mapakain ang bisita. Ang isa naman ay naupo sa paanan ng panauhin. Nakinig. Nakipagniig. Pareho silang maraming natutunan. Si Maria ay natuto sa kanyang pakikinig. Si Marta ay napagyaman ang kanyang malugod na paglilingkod.

Tayo man ay mayroong pangakong pinanghahawakan … pangako ng kaligtasan, ng buhay na walang hanggan.

Ang pangakong ito ay magaganap kung handa rin tayong magpahirang at magpagal sa ngalan ni Kristo, tulad ni Pablo. Ngunit ang lahat ng ito ay nagbubunga ng mga kapalit sa pagtanggap. Kailangan nating makinig. Kailangan rin nating magpagal at mag-trabaho tulad ni Marta.

Ang pagtanggap ay nangangahulugang dapat tayo magpaka-abala, maghirap kung kailangan, sa ngalan ng dakilang pangako na naghihintay para sa atin lahat.