frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

PAGKAKALOOB O PANLOLOOB?

In Epipaniya, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Enero 2, 2009 at 09:19

midc49mbecketti

magifredi1

KAPISTAHAN NG EPIPANIYA
(PAGPAPAHAYAG NG PANGINOON)
Enero 4, 2009

Marami ang mga balak at gawaing panloloob tuwing nalalapit ang Pasko. Lagi nilang sinasabi na mahirap ang buhay, kung kaya’t ang ilan ay nanloloob na lamang ng hindi nila bahay, ng hindi nila gamit, upang mabuhay. Nakapagtataka, pero kung mahirap ang buhay, bakit nila mas pinahihirap ito sa ibang tao sa kanilang maiitim na balak at gawain?

Bago mag Pasko, isang kahindik-hindik na barilan ang naganap sa Paranaque, malapit kung saan ako malimit mag-Misa. Mahigit 15 ang namatay, kasama na ang masasamang-loob na nagbalak manloob at maglimas ng hindi nila pinaghirapan. Kapag nakaririnig tayo ng ganitong balita, nagpupuyos ang damdamin natin … nagtatanong … Bakit may mga taong ang pakay lamang ay mamitas at umani ng hindi nila itinanim? Bakit mayroong mga taong ang gusto lamang ay dumulog sa hapag na puno ng pagkaing hindi sila ang nagbayo, ni hindi nagluto?

Ang higit na nakararami ay hindi ayon sa ganitong saloobin at gawain – ang panloloob at pagnanakaw.

Mahalaga sa ating Pinoy ang “loob.” Ang “loob” ng Pinoy ay kumakatawan sa kabuuan at yaman ng ating pagkatao. Ang “loobin” natin ang buod ng kung sino tayo, ang lagom ng ating tinatawag na “kakanyahan” (identity). Ang mabuting loob, ang mababa ang loob, ang maganda ang kalooban ay pawang mga konseptong may kinalaman sa isang mabuting tao, sa isang taong ang kabuuan ay pawang kaaya-aya, pawang kaiga-igaya. Ang loob ang tanda ng lahat ng mabuti at maganda sa isang tao.

Nguni’t dahil dito, ang yurakan ang “loob” na ito ay siya ring sukdulan ng kasamaan para sa mga Pinoy. Ang magbigay ng dahilan para sa “sama ng loob” ay ang tapakan ang batayan ng pagkatao natin. Ang “looban” ang bahay o pag-aari ng isang Pinoy ay pagyurak sa kakanyahan ng tao, ang bale-walain ang kaganapan ng pagkatao natin bilang Pinoy.

Ito ang dahilan kung bakit nagpupuyos ang damdamin natin kapag “nilooban” tayo, kapag ang bahay natin ay pinasok at hinalughog. Ito ay paglabag sa kaibuturan ng ating kalooban.

Sa araw na ito, ang liturhiya ay may kinalaman sa konsepto ng “loob” pero sa isang natatanging paraan. Ang mga mago ay hindi nanloob, bagkus nagkaloob. Ito ang tahasang kabaligtaran ng lahat ng masamang kaakibat ng panloloob. Sila ay naparoon sa kinalalagyan ng bagong silang na sanggol, hindi upang manloob, kundi magkaloob. Hindi sila naparoon upang kumabig, kundi ang magbigay ng pag-ibig, ng pag-aalay na tanda ng pag-ibig at pagmamagandang-loob.

Malaki ang kinalaman nito sa ating pananampalataya. Marami ngayong kabataan ang laging naghahanap ng kung ano ang kanilang mahihita sa anumang gawain. Marami ang nagsasabing, wala sila, ika ngang, napapala sa Misa. Diumano’y wala silang nakukuha, wala silang natatanggap o naiuuwi.

Ang saloobing ito ay saloobing pakabig, hindi pagkakaloob. Ito ang saloobin na walang iniwan sa mga nanloloob.

Ang Misa ay hindi panloloob … Ito ay pagkakaloob … Ito ay pakikisama sa mga taong “may magandang kalooban” na silang nararapat magbigay-puri at luwalhati sa Diyos, na una at higit sa lahat ay nagkaloob ng sarili sa ikaluluwalhati ng lahat.

Mahalaga na ang diwang ito ng pagkakaloob ay tumiim sa ating bagang at kaisipan, at kalooban. Sapagka’t ito ang diwa ng Kapaskuhan – ang magkaloob, ang magbigay, at hindi ang kumabig. Ang Pasko ay pista ng pag-ibig, hindi pagkabig.

Mayroong kabaligtaran sa mga mago ang nababasa natin sa ebanghelyo. Nariyan si Herodes, na nagulumihanan sa pagsilang ng sanggol na si Jesus. Pakabig siya, hindi isang taong tigib ng pag-ibig. Pati bata ay pinatulan niya para lamang matiyak ang kanyang kapangyarihan. Ang kanyang niloloob ay masasabi nating kaakibat ng “sama ng loob.” Ang kanyang hiling sa mga mago na ituro rin sa kanya ang kinalalagyan ng bata ay malayo sa diwa ng pagkakaloob, kundi ang panloloob, ang pagsasamantala sa kaalaman ng iba, para sa pansariling kapakanan. Hindi na tayo dapat magtaka na nakilatis ng mga mago ang tunay niyang niloloob, kung kaya’t hindi nila sinabi kung saan matatagpuan ang sanggol.

At alam natin lahat kung ano ang kanyang ginawa – ang kasukdulan ng panloloob nang kinitil niya ang buong “kalooban” ng mga batang paslit na walang kamalay-malay.

Isa sa magandang kagawian ng mga Pinoy sa maraming lugar, lalu na sa panahon ng Pasko, ay ang malayang pagkakaloob ng alay sa Misa. Bagama’t hindi ang material na bagay ang mahalaga, ang pag-aalay ay tanda ng malayang pagkakaloob sa Diyos.

Ito ang isa sa mga malinaw na liksiyon ng kapistahan natin ngayon. Ang Misa ay isang sakripisyo. Bilang sakripisyo, ang buod ay nakasalalay sa kaloob, sa alay, sa puhunang malaya nating ibinibigay sa Diyos. Naparito tayo sa Misa, hindi upang kumabig, kundi upang magkaloob ng buo nating sarili, lahat ng ating balakin, pangarap, kakayahan, at bunga ng ating gawain.

Sa madaling salita, ang Misa ay hindi upang mayroon tayong mahita at mapala, kundi, ang pagkakaloob higit sa lahat, ng lahat ng ating niloloob sa Diyos. Sa ganitong paraan, tunay ngang tayo ay karapat-dapat makibahagi sa kaloob niyang kapayapaan – para sa mga taong may mabubuting kalooban!

Nanguna ang mga mago sa Belen. Naiwan ang masasama ang kalooban tulad ni Herodes. At tayo ay inaanyayahang makisama at makilakbay sa mga mago. Ang hantungan ng lakbaying ito ay walang iba kundi Siyang dakilang kaloob ng Diyos para sa atin lahat.

Dapat pa bang itanong kung mayroon tayong mahihita sa lahat ng ito?

KAPUSO O KAPAMILYA? ALIN KA BA SA DALAWANG ITO?

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Propeta Simeon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 27, 2008 at 16:57

christmas-nativity-scene-1

Kapistahan ng Banal na Pamilya
Disyembre 28, 2008

Mga Pagbasa: Sirac 3:2-6, 12-14 / Col 3:12-21 / Lk 2:22-40

Malaking usapin ito na puedeng pagsimulan ng isang malaking away. Sa cyber space, kung titingnan natin ang mga blogs at mga komento sa mga blogs, mayroong isang maigting at tunay na iringan sa pagitan ng mga kapuso at mga kapamilya. Pati ang pagkamatay ni Marky Cielo kamakailan ay ginamit ng ilang mga panatikong tagasunod ng dalawang network upang magpalitan ng mga maaanghang na mga salita.

Tutumbukin ko na agad … Ang sabi ng pistang ito ngayon ay simple lang. Kapuso tayong lahat, at kapamilya rin tayong lahat. Hayaan ninyong ipaliwanag ko …

Ang Simbahan ( Santa Iglesia Katolika) ay isang guro at isang ina. Bilang guro, nag-aalay siya ng mga pangaral segun sa pangangailangan ng tao sa panahong kasalukuyan. Bilang Ina, siya ay naggagabay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga modelo o huwaran na maari natin tularan sa paglalakbay natin sa landas ng buhay at pananampalataya.

Magmula noong taong 1921, ang kapistahan ng Banal na Pamilya ay itinatag ng Simbahan. Bakit ba? Una, huwaran nga ba ang pamilya ni Jesus, Maria at Jose? Ikalawa, ano ba ang problema at kailangan natin ng isang huwaran o tularan?

Sa unang tanong, medyo mahirap ito sagutin. Una sa lahat, iisa ang anak ng pamilyang ito. Sa mga sumusunod at pumapanig sa family planning, ang pamilya ni Jesus, Maria, at Jose ang kanilang patunay na dapat ngang panatiliing maliliit ang mga pamilya. Ikalawa, ang sanggol na nabanggit sa ebanghelyo ay isinilang sa pagkadalaga, at lahat ng uri ng suliranin ang sumalubong sa kanyang pagsilang. Nandiyan ang wala silang matuluyang bahay. Isinilang siya sa isang sabsaban. Alam nyo ba kung ano ibig sabihin nito? Katabi ng bata sa simula pa ang lahat ng uri ng virus, kasama siguro ang Ebola Reston strain, na kamakailan ay nakagimbal sa marami, na hindi pala naman nakasasama sa tao. Nandiyan rin ang mainggitin at selosong haring Herodes, na ang tanging alam labanan ay mga batang walang kaya. Dahil sa sanggol na isinilang sa Belen, maraming mga inosenteng bata ang nadamay sa kanyang pagdating. Ipinapatay sila ni Herodes.

Ang ikalawang tanong ay higit na madaling sagutin. May problema ba talaga ang mga pamilya ngayon? Hindi na tayo kailangan pa mag-debate hinggil dito. Malaki ang suliraning hinaharap ng mga pamilya sa ating bayan at sa buong daigdig. Kailangan natin ng huwaran o modelo na magagamit natin bilang tularan sa ating pakikibaka sa masalimuot nating buhay.

Una, wala na yatang pamilya sa Pilipinas na buo o laging buo sa anumang sandali. Pagdating ng kolehiyo, ang mga bata ay nagsisipagpuntahan sa mga siyudad upang mag-aral. Ang higit na marami na hindi makapag-aral dahil sa kasalatan, ay nakikipagsapalaran sa mga siyudad, sa mga sentrong matatao, tulad ng Maynila at lahat na yata ng mga lungsod sa Pilipinas. Patuloy na dumadami ang tinatawag natin na “internal” o “external” migration. Kung hindi papunta sa labas ng bansa, ang karamihan ay patuloy na nagsisiksikan kung saan inaakala nilang mayroong pagkakataon upang kumita, umangat, o maka-alwan sa buhay. Dahil dito, hindi na uso ang nagsisimba ng sabay-sabay bilang pamilya. Ang mga kabataan ay nagsisimba sa hapon, sa gabi, o sa mga misa sa “malls.”

Ikalawa, ang maraming pamilya ay watak-watak dahilan sa iba-ibang dahilan. Nandiyan ang trabaho. Ang mga call center agents ay iba ang oras. Ang mga nasa opisina ay iba rin. Dahil sa trapiko at iba pang dahilan, ang pagkain nang sama-sama ay hindi na nagagawa ng karamihan. Kanya-kanyang painit ng pagkain. Kanya-kanyang lagay ng mainit na tubig sa instant noodles, at kanya-kanyang programa sa TV o gamit ng personal computer (para sa mga mapera).

Sa magkabilang panig, ang nakikita natin ay parehong problema. Ito ang kinapapalooban ng kapistahan natin.

Subali’t ang pagiging modelo ay hindi nasasalalay sa kung ano ang kalalagayan ng panahon ngayon o anumang kakulangan sa buhay ni Jesus, Maria, at Jose bilang isang pamilya. Ang pagiging modelo nila ay nakasalalay sa kung anong mga pagpapahalaga ang malinaw nilang kinakatawan at isinabuhay sa maikli nilang pagsasama sa daigdig.

Ano ba ang mga pagpapahalagang ito?

Dapat tayong bumaling muli sa mga pagbasa. Una sa lahat, ayon sa aklat ni Sirac (Ecclesiastico), ang pangunahing pagpapahalaga na may kinalaman sa kagustuhan at balak ng Diyos ay ang paggalang sa magulang. Ito ay pagpapahalagang walang kinalaman sa kung tayo man ay sabay-sabay kumakain, o kung tayo man ay natutulog at nakatira sa ilalim ng iisang bubong. Ang paggalang sa nakatatanda ay hindi naglalaho kahit ang tatay o nanay ay nasa Dubai, nasa Roma, o nasa Singapore.

Ikalawa, ang mga pagpapahalagang ito ay inilista ni San Pablo sa sulat niya sa mga Koloses. Ang mahabang listahan ng mga kabutihang-asal ay pinuputungan ng kataas-taasang kabutihang-asal na tinatawag nating pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagkamaawain, kababaang-loob, at kakayahan para magpatawad sa kapwa o kapamilyang nagkakamali.

Ang dalawang uri ng pagpapahalaga at kabutihang-asal na mga nabanggit sa unang dalawang pagbasa ay puede nating bigyang lagom sa pagsasabing lahat ng ito ay may kinalaman sa pagiging isang “kapuso.” Tayo ay tinatawagan ng simbahan upang maging tulad ng banal na pamilya, na sa kabila ng lahat ng uri ng balakid, kasama na si Herodes na ubod inggitero, ay nanatiling tapat sa panawagan sa kanila ng Diyos. Nanatili silang magkasama, sa pag-iwas sa kanyang mga galamay, at sa pagtakas patungong Egipto.

Nguni’t hindi lamang ito. Ayon sa kanilang batas, mayroon silang dapat gawin bilang Judio. Matapos ang panahong nakalaan para sa paglilinis ng Ina, nagtungo sila sa Jerusalem upang ialay sa templo ang kanilang bagong silang. Mahirap man at salat sa karangyaaan, ay itinawid ng mag-asawang Jose at Maria ang anak upang makapag-alay ng dalawang bato-bato na alay ng pinaka-mahirap na pamilya sa templo. Dito ang banal na pamilya ay nakatagpo ng mga taong may kinalaman at may malasakit sa pagsilang ng sanggol. Isa na rito si Simeon na sa kanyang katandaan, ay nag-agguanta at nagtiis maghintay sa templo hangga’t masumpungan niya ang pinakahihintay ng buong angkan ni David. Naging kapamilya si Simeon at marami pang iba na naghihintay rin sa Mananakop. Hindi lamang siya nakilahok at nakisama sa batang pamilya. Inangkin niya at inampon ang pamilyang ito at nang mapagtanto niyang ang sanggol na iniaalay sa templo ay siyang kanilang pinakahihintay, ay napabulalas si Simeon sa isang taimtim na panalangin ng papuri at pamamaalam.

Ito ang liksiyon para sa atin ng pistang ito: ang pagiging kapuso at kapamilya. Sa panahon natin, palasak ang pagkakanya-kanya. Lahat na lamang ay ginagamit na tuntungan upang magka-iba-iba at magkaroon ng pagtatangi-tangi sa lipunan. Noong simbang gabi sa ibang lugar, ang mga kabataang walang magawa ay nagbalak mag-rambulan sa palibot ng simbahan, kundi man textingan, bondingan, at ligawan. Noong araw, nag-aaway at nag-iirapan ang mga Noranians at Vilmanians, o Susanians at Amalians. Ngayon, ang magkasangga ay ang kumakatig o kumakapit sa ABS-CBN o GMA networks, o sa Green Archers o sa Atenistas, o iba pang mga pangkat-pangkat. Tila baga nasa dugo ng Pinoy ang pamumulitika. Noong panahon ng Hapon ay mayroong mga rebolusyonaryo at mga makapili – mga taong parang hunyango na hindi mo alam kung kanino talaga ang katapatan.

Ang kapistahan ng Banal na Pamilya ay kapistahan ng kaisahan, pagmamahalan, katapatan sa isa’t isa at marami pang mga pagpapahalagang Kristiyano na isinabuhay at ipinamalas ng mag-anak na si Jesus, Maria, at Jose. Buod ng lahat ng ito? Maging kapuso at kapamilya. Hindi ito tulad ng kwarta o kahon noong araw. Kailangan natin ang pareho. Kailangan natin ang lahat – ang papuri ni Simeon at ang pasaring ng matanda: “Ang batang ito ay nakalaan para sa pagbagsak at pagsulong ng marami sa Israel … magiging isang tanda na pagsasalungatan … at pati ang puso mo ay yuyurakan ng isang sibat …” Kapuso at kapamilya … luwalhati at luha … kapaitan at katamisan … pagsilang at kamatayan … pagkamatay at muling pagkabuhay … Ang lahat ay nakatuon sa kabuuan at kaganapan ng kaligtasan.