frchito

KAPUSO O KAPAMILYA? ALIN KA BA SA DALAWANG ITO?

In Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagsilang ng Panginoon, Panahon ng Pasko, Propeta Simeon, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Disyembre 27, 2008 at 16:57

christmas-nativity-scene-1

Kapistahan ng Banal na Pamilya
Disyembre 28, 2008

Mga Pagbasa: Sirac 3:2-6, 12-14 / Col 3:12-21 / Lk 2:22-40

Malaking usapin ito na puedeng pagsimulan ng isang malaking away. Sa cyber space, kung titingnan natin ang mga blogs at mga komento sa mga blogs, mayroong isang maigting at tunay na iringan sa pagitan ng mga kapuso at mga kapamilya. Pati ang pagkamatay ni Marky Cielo kamakailan ay ginamit ng ilang mga panatikong tagasunod ng dalawang network upang magpalitan ng mga maaanghang na mga salita.

Tutumbukin ko na agad … Ang sabi ng pistang ito ngayon ay simple lang. Kapuso tayong lahat, at kapamilya rin tayong lahat. Hayaan ninyong ipaliwanag ko …

Ang Simbahan ( Santa Iglesia Katolika) ay isang guro at isang ina. Bilang guro, nag-aalay siya ng mga pangaral segun sa pangangailangan ng tao sa panahong kasalukuyan. Bilang Ina, siya ay naggagabay sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga modelo o huwaran na maari natin tularan sa paglalakbay natin sa landas ng buhay at pananampalataya.

Magmula noong taong 1921, ang kapistahan ng Banal na Pamilya ay itinatag ng Simbahan. Bakit ba? Una, huwaran nga ba ang pamilya ni Jesus, Maria at Jose? Ikalawa, ano ba ang problema at kailangan natin ng isang huwaran o tularan?

Sa unang tanong, medyo mahirap ito sagutin. Una sa lahat, iisa ang anak ng pamilyang ito. Sa mga sumusunod at pumapanig sa family planning, ang pamilya ni Jesus, Maria, at Jose ang kanilang patunay na dapat ngang panatiliing maliliit ang mga pamilya. Ikalawa, ang sanggol na nabanggit sa ebanghelyo ay isinilang sa pagkadalaga, at lahat ng uri ng suliranin ang sumalubong sa kanyang pagsilang. Nandiyan ang wala silang matuluyang bahay. Isinilang siya sa isang sabsaban. Alam nyo ba kung ano ibig sabihin nito? Katabi ng bata sa simula pa ang lahat ng uri ng virus, kasama siguro ang Ebola Reston strain, na kamakailan ay nakagimbal sa marami, na hindi pala naman nakasasama sa tao. Nandiyan rin ang mainggitin at selosong haring Herodes, na ang tanging alam labanan ay mga batang walang kaya. Dahil sa sanggol na isinilang sa Belen, maraming mga inosenteng bata ang nadamay sa kanyang pagdating. Ipinapatay sila ni Herodes.

Ang ikalawang tanong ay higit na madaling sagutin. May problema ba talaga ang mga pamilya ngayon? Hindi na tayo kailangan pa mag-debate hinggil dito. Malaki ang suliraning hinaharap ng mga pamilya sa ating bayan at sa buong daigdig. Kailangan natin ng huwaran o modelo na magagamit natin bilang tularan sa ating pakikibaka sa masalimuot nating buhay.

Una, wala na yatang pamilya sa Pilipinas na buo o laging buo sa anumang sandali. Pagdating ng kolehiyo, ang mga bata ay nagsisipagpuntahan sa mga siyudad upang mag-aral. Ang higit na marami na hindi makapag-aral dahil sa kasalatan, ay nakikipagsapalaran sa mga siyudad, sa mga sentrong matatao, tulad ng Maynila at lahat na yata ng mga lungsod sa Pilipinas. Patuloy na dumadami ang tinatawag natin na “internal” o “external” migration. Kung hindi papunta sa labas ng bansa, ang karamihan ay patuloy na nagsisiksikan kung saan inaakala nilang mayroong pagkakataon upang kumita, umangat, o maka-alwan sa buhay. Dahil dito, hindi na uso ang nagsisimba ng sabay-sabay bilang pamilya. Ang mga kabataan ay nagsisimba sa hapon, sa gabi, o sa mga misa sa “malls.”

Ikalawa, ang maraming pamilya ay watak-watak dahilan sa iba-ibang dahilan. Nandiyan ang trabaho. Ang mga call center agents ay iba ang oras. Ang mga nasa opisina ay iba rin. Dahil sa trapiko at iba pang dahilan, ang pagkain nang sama-sama ay hindi na nagagawa ng karamihan. Kanya-kanyang painit ng pagkain. Kanya-kanyang lagay ng mainit na tubig sa instant noodles, at kanya-kanyang programa sa TV o gamit ng personal computer (para sa mga mapera).

Sa magkabilang panig, ang nakikita natin ay parehong problema. Ito ang kinapapalooban ng kapistahan natin.

Subali’t ang pagiging modelo ay hindi nasasalalay sa kung ano ang kalalagayan ng panahon ngayon o anumang kakulangan sa buhay ni Jesus, Maria, at Jose bilang isang pamilya. Ang pagiging modelo nila ay nakasalalay sa kung anong mga pagpapahalaga ang malinaw nilang kinakatawan at isinabuhay sa maikli nilang pagsasama sa daigdig.

Ano ba ang mga pagpapahalagang ito?

Dapat tayong bumaling muli sa mga pagbasa. Una sa lahat, ayon sa aklat ni Sirac (Ecclesiastico), ang pangunahing pagpapahalaga na may kinalaman sa kagustuhan at balak ng Diyos ay ang paggalang sa magulang. Ito ay pagpapahalagang walang kinalaman sa kung tayo man ay sabay-sabay kumakain, o kung tayo man ay natutulog at nakatira sa ilalim ng iisang bubong. Ang paggalang sa nakatatanda ay hindi naglalaho kahit ang tatay o nanay ay nasa Dubai, nasa Roma, o nasa Singapore.

Ikalawa, ang mga pagpapahalagang ito ay inilista ni San Pablo sa sulat niya sa mga Koloses. Ang mahabang listahan ng mga kabutihang-asal ay pinuputungan ng kataas-taasang kabutihang-asal na tinatawag nating pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagkamaawain, kababaang-loob, at kakayahan para magpatawad sa kapwa o kapamilyang nagkakamali.

Ang dalawang uri ng pagpapahalaga at kabutihang-asal na mga nabanggit sa unang dalawang pagbasa ay puede nating bigyang lagom sa pagsasabing lahat ng ito ay may kinalaman sa pagiging isang “kapuso.” Tayo ay tinatawagan ng simbahan upang maging tulad ng banal na pamilya, na sa kabila ng lahat ng uri ng balakid, kasama na si Herodes na ubod inggitero, ay nanatiling tapat sa panawagan sa kanila ng Diyos. Nanatili silang magkasama, sa pag-iwas sa kanyang mga galamay, at sa pagtakas patungong Egipto.

Nguni’t hindi lamang ito. Ayon sa kanilang batas, mayroon silang dapat gawin bilang Judio. Matapos ang panahong nakalaan para sa paglilinis ng Ina, nagtungo sila sa Jerusalem upang ialay sa templo ang kanilang bagong silang. Mahirap man at salat sa karangyaaan, ay itinawid ng mag-asawang Jose at Maria ang anak upang makapag-alay ng dalawang bato-bato na alay ng pinaka-mahirap na pamilya sa templo. Dito ang banal na pamilya ay nakatagpo ng mga taong may kinalaman at may malasakit sa pagsilang ng sanggol. Isa na rito si Simeon na sa kanyang katandaan, ay nag-agguanta at nagtiis maghintay sa templo hangga’t masumpungan niya ang pinakahihintay ng buong angkan ni David. Naging kapamilya si Simeon at marami pang iba na naghihintay rin sa Mananakop. Hindi lamang siya nakilahok at nakisama sa batang pamilya. Inangkin niya at inampon ang pamilyang ito at nang mapagtanto niyang ang sanggol na iniaalay sa templo ay siyang kanilang pinakahihintay, ay napabulalas si Simeon sa isang taimtim na panalangin ng papuri at pamamaalam.

Ito ang liksiyon para sa atin ng pistang ito: ang pagiging kapuso at kapamilya. Sa panahon natin, palasak ang pagkakanya-kanya. Lahat na lamang ay ginagamit na tuntungan upang magka-iba-iba at magkaroon ng pagtatangi-tangi sa lipunan. Noong simbang gabi sa ibang lugar, ang mga kabataang walang magawa ay nagbalak mag-rambulan sa palibot ng simbahan, kundi man textingan, bondingan, at ligawan. Noong araw, nag-aaway at nag-iirapan ang mga Noranians at Vilmanians, o Susanians at Amalians. Ngayon, ang magkasangga ay ang kumakatig o kumakapit sa ABS-CBN o GMA networks, o sa Green Archers o sa Atenistas, o iba pang mga pangkat-pangkat. Tila baga nasa dugo ng Pinoy ang pamumulitika. Noong panahon ng Hapon ay mayroong mga rebolusyonaryo at mga makapili – mga taong parang hunyango na hindi mo alam kung kanino talaga ang katapatan.

Ang kapistahan ng Banal na Pamilya ay kapistahan ng kaisahan, pagmamahalan, katapatan sa isa’t isa at marami pang mga pagpapahalagang Kristiyano na isinabuhay at ipinamalas ng mag-anak na si Jesus, Maria, at Jose. Buod ng lahat ng ito? Maging kapuso at kapamilya. Hindi ito tulad ng kwarta o kahon noong araw. Kailangan natin ang pareho. Kailangan natin ang lahat – ang papuri ni Simeon at ang pasaring ng matanda: “Ang batang ito ay nakalaan para sa pagbagsak at pagsulong ng marami sa Israel … magiging isang tanda na pagsasalungatan … at pati ang puso mo ay yuyurakan ng isang sibat …” Kapuso at kapamilya … luwalhati at luha … kapaitan at katamisan … pagsilang at kamatayan … pagkamatay at muling pagkabuhay … Ang lahat ay nakatuon sa kabuuan at kaganapan ng kaligtasan.

Advertisement

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

%d bloggers like this: