frchito

Archive for the ‘LIngguhang Pagninilay’ Category

HALINA, O ESPIRITU SANTO!

In LIngguhang Pagninilay, Tagalog Homily, Taon K on Mayo 12, 2016 at 15:30

LINGGO NG PENTEKOSTES
MAYO 15, 2016

Mga Pagbasa: Gawa 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7, 12-13 / Juan 20:19-23

IBAÕT IBA, NGUNIÕT IISA!

Tapos na ang mahabang paghihintay ng bayan. Nagwika na ang higit na nakararami.
BagamaÕt ang nagwagi sa halalan ay maaring hindi siyang pinili ng higit na
nakararaming Pinoy sa buong kapuluan, hindi maipagkakailang ang mga nagwagi
ang siyang hinirang ng lamang na numero ng mga bumoto at nagpahayag ng
kanilang damdamin. IbaÕt iba ang pinili ng balana. Sa dami ng mga kumandidato sa
pagkasenador lamang , ang mga lumutang na mga pangalan ay silang mga datihan
na at luma Ð mga pangalang naka-ukit na yata sa isipan ng mga mamboboto.

Hindi ko maipagkakailang hindi ako masaya sa resulta sa maraming kadahilanan.
Hindi ko rin maipagkakailang nasusot ako sa takbo ng mga pangyayari, ngayon, at sa
iba pang nagdaang mga eleksyon. NguniÕt dapat ko ring sabihing masaya ako
sapagkaÕt kahit man lamang ngayong taong ito, ang tunay na kalooban ng mga
mamboboto ang siyang naghari, at hindi ang malawakang dagdag-bawas!

May isang ibang uri ng hanging umiihip sa dako natin ngayon!

Hanging umiihip É ito ang isa sa malinaw na larawan sa pista ng pentekostes! Sa
pagbaba ng Espiritu Santo, ihip ng hangin at dilang apoy, at dagundong ang
natambad sa paningin natin. Ito ang kapangyarihang galing sa itaas na siya nating
pinagyayaman at ginugunita sa araw na ito.

Sa demokrasya, kapangyarihan mula sa ibaba ang naghahari Ð ang kapangyarihan
ng mamboboto, ang kapangyarihan ng taong-bayan. Sa Inang Simbahan,
kapangyarihan mula sa itaas ang siyang naghahari, ang siya nating pinaiiral.

At dito papasok ang mga samut-sari nating mga suliranin sa lupang ibabaw. Sa
mundong ito, na lupang bayan nating kahapis-hapis, puno ng pagkakaiba ang
nakikita natin, puno ng pagtatangi at pagkakahiwa-hiwalay. Naroon ang maka LP at
maka NP É naruon din ang mga balimbing na hindi mo malaman kung ano talaga
ang partido nila É naroon ang mga taong sala sa init at sala sa lamig. Narito rin
tayong mga salawahan at mga hunyango, na kung minsan ay maka-Diyos at malimit
ay makamundo at makasarili.

Ito ang larangang iniikutan natin lahat Ð ang mundong nababalot ng kultura ng
kasalanan, kultura ng kayabangan, pag-iimbot, at pagkamakasarili. Nandyan ang
lahat ng uri ng pagkakahati-hati sa ibaÕt ibang mga grupo o pulotong, ang kawalan
ng kaisahan, ang kawalan ng pagsasamahan sa ilalim ng iisang pamunuan. BagamaÕt
nanalo ang mga nanalo, alam nating hindi pa man nagsisimula sila sa kanilang
panunungkulan, ay marami nang bumabatikos sa kanila.

Ang bayan natin, tulad ng buong simbahan, tulad ng lahat ng mga sumasampalataya
kay Jesus, ay nababalot ng pagkakahiwa-hiwalay at pagkakahati-hati.

Ano ba kaya ang kailangan natin upang magkaniig at magkaisa?

Kailangan natin ng mga dilang apoy na bababa rin sa atin upang tupukin ang lahat
ng hidwaan sa bayan natin. Kailangan natin ang Espiritu Santo. At sa dahilang sa
araw na ito ay ginugunita natin ang kanyang pagbaba, minarapat kong paalalahanan
ang lahat na sapagkaÕt dumating na Siya at bumaba, ang tanging dapat natin gawin
ay ang tanggapin siya nang buo ang loob, at walang pasubali, walang pagtanggi, at
may ganap na pagtanggap.

Kailangan natin ng malakas na hangin. Sa panahong ito kung kailan sinusunog tayo
ng El Nino, minarapat ko ring ipaalaala sa ating lahat, na higit pa sa El Nino ang init
ng ating mga pagtutungayaw at pag-aalipusta sa isaÕt isa. Kaisahan ang dulot ng ihip
ng hangin É hindi lamang kaisahan kundi katapangan. Ang mga nahihintakutang
mga disipulo ay nangagsipaglabasan sa kanilang pinagtataguan upang mangaral,
magpahayag, at mamuno sa mga taong lupasay sa takot at pangamba.

Sari-saring hangin ang umiihip sa buhay natin bilang bayan. Nandyan ang ihip ng
paghihiganti É ang paghahanap na magbayad ang mga kinamumuhiang kalaban at
katunggali sa politika. Nandyan ang ihip ng hangin ng kayabangan ng mga taong
naihalal lamang ay Òfeeling greatÓ na, at Òfeeling powerfulÓ na. Nandyan ang ihip ng
hangin ng mga hambog at bulaan na ang pangako sa bayan ay hanggang sukdulan ng
langit, nguniÕt wala namang laman kundi hangin É parang ampaw na walang bigat,
walang dating, walang laman!

Maraming nakapinid sa buhay natin ngayon É hindi lamang pinto na nakakandado.
Nakapinid ang mga mata at isipan sa maaaring mabago, maaaring mapahusay at
mapabuti. Kay raming mga kontrabida sa poll automation. Kay raming mga propeta
ng kapariwaraan. Nang magtagumpay, masaya ang lahat. Kay raming mga propeta
na, hindi pa man nagsisimula ang bagong administrasyon, ay puro kabulukan na ang
kanilang awit. Sala-salabat na ang kanilang mga dila sa pagbatikos sa problemang
hindi pa nangyayari.

Sa araw na ito, lakas mula sa itaas ang dumarating. Hindi mga survey at mga
mapanlasong mga pluma at papel at periodiko. ÒSumainyo ang kapayapaan!Ó Ito ang
sabi ng Panginoong muling nabuhay at umakyat sa kanan ng Ama. Ito ang pangako
at tagumpay na kaloob ng Panginoong nagkaloob pa nang higit pa É ang pagdatal at
pagbaba ng Espiritu Santo.

Halina, O Espiritu Santo! Liwanagan kaming lahat É puspusin kaming lahat ng iyong
lakas at biyaya. Sunugin ang mga peklat ng lipunan naming hindi na yata
makahulagpos sa lahat ng uri ng katiwalian. Hipan nang malakas ang mga balakid sa
buhay namin na siyang hadlang sa aming pag-unlad na ganap. Patungan kami ng
dagundong ng kulot na maggigising sa aming pagka-idlip sa paggawa ng mabuti.
Pukawin ang mga isipan namin upang, tulad ng mga apostol, kami ay
mangagsipaglabasan, at mangaral sa ngalan mo, at sa Iyong kapangyarihan. IbaÕt iba
ang aming mga ibinoto. IbaÕt iba ang mga sinuportahan namin. IbaÕt iba ang mga
paniniwala namin.

SubaliÕt IISA ka, O Diyos! Iisa ang iyong kaloobÉ Iisa ang Espiritung sa amin ay
lumukob. Halina, O Espiritung banal. Lukuban kaming ganap upang mapanuto at
upang makatunghay ng isang bagong bukang liwayway ng ganap na pagbabago at
buhay ayon sa kaloob mong alay!

Pagpalain Mo kaming iyong bayan, dine sa lupang bayang kahapis-hapis, tungo sa
langit na tunay naming bayan. Amen!

LIMOT NA TALO PA? WAGI!

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Taon K, Uncategorized on Marso 12, 2016 at 04:48

Ika-5 Linggo ng Kwaresma Taon K

Marso 13, 2016

May mga karanasan na mahirap limutin. Mayroong pangyayaring hindi agad makatkat sa isipan at sa guni-guni. Lahat tayo ay may pitak sa puso na pinagsisidlan ng lahat ng kapaitan, at masamang alaala.

Hindi tayo nag-iisa sa ganitong karanasan. Ang aking asong Labrador ay ayaw na ayaw mapapalapit sa kung saan may malakas na tunog ng motor. At takot na takot siyang mapalapit sa kung saan ginugupitan sila ng kuko. Noong tuta pa siya, ay parang nasaktan yata ng ginupitan ng kuko sa mga paa.

Di hamak na mapait ang pinagdaanan ng bayan ng Diyos sa Egipto. At upang mapawi ang mapait na alaala, isang kapalit na pangitain ang hatid ni Isaias. Ang kanyang mensahe ay walang iba kundi kung paano nilupig ng Diyos ang malaking hukbo, at nilipol ang kanilang mga kabayo.

Ano ba ang puno at dulo ng payo ng Diyos? Ang mga nangyari noong unang panahon, ilibing sa limot, limutin na ngayon.

Limot … May nagsasabing hindi malilimot ang isang bagay liban kung ito ay mapalitan ng isang bagong gunita at alaala. Ito ngayon ang magandang balita ni Isaias: Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan.”

Pati si Pablo ay nahawa na rin sa virus ng paglimot. Inari kong kalugihan, aniya, ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Ang lahat, dagdag pa niya ay walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo at lubos na makiisa sa kanya.

Dalawang kataga ang namumutawi ngayon sa labi nating lahat: LIMOT, AT LUGI. Dapat nang ibaon ang ibang bagay sa puntod ng limot, at ituring na lamang ang lahat bilang LUGI kumpara sa bagong yamang hatid sa atin ng Panginoon.

Sa buhay natin, kung tayo ay laging mananatili sa masamang alaala, tayo ang lugi. Kung lagi nating panghahawakan ang sama ng loob at hindi palalampasin ang anumang hinanakit kaninuman, tayo ay laging lugi. Sabi ng mga dalubhasa, ang nananatili sa galit ay siyang higit na talo. Walang panalo ang taong nagpapadala sa anumang matinding galit. Ang unang magalit siyang talo.

Sa ebanghelyo isang babae ang nahuli daw sa pakikiapid. Malinaw na talo siya kung ang batas ang pag-uusapan. Lugi na siya, talo pa. Kahit may isa pang lalaking kasama niya sa paggawa ng kamalian, ang babae lamang ang lugi ayon sa kultura ng mga Israelita noong panahong yaon.

Lugi na siya sapagkat wala ang kanyang kalaguyo, ay talo pa sapagkat sinangkalan siya ng mga Pariseo para subukan at sukulin si Kristo. Hindi nila pakay ang itama ang mali, kundi ang gumawa pa ng isang kamalian – ang hiyain si Kristo.

Lugi na, talo pa. Wala siyang panalo. Walang kakampi. Tiyak na bitay sa pamamagitan ng pamamato ang kanyang kapalaran. Minsan sa buhay, para tayong ganito … kinalimutan na, ay lugi pa. Walang masulingan, walang malapitan. Dumadaan sa buhay natin ang karanasang tila wala tayong kakampi. Sabi ng isang manunulat sa Ingles, nagdaraan sa buhay natin ang pagkakataong tila pinatay ng Diyos ang lahat ng ilaw sa ating buhay. At sa pagkakataong ito ay wala tayong kapaga-pag-asa.

Ito ang kalalagayan ng babaeng nahuli sa pakikiapid. Ito ang kanyang mapait na karanasan. At dito naging makabuluhan ang sinabi ni Isaias: llibing na ang lahat sa limot. Kalimutan ang lahat. Magsimula tayo ng bago.

Dinala siya sa harap ni Jesus. Wala siyang sinabi at tumungo upang magsulat sa lupa. Naglista siya sa buhangin. Lista ng utang na hindi na sisingilin. Lista sa tubig, kumbaga. At nagwika ang Panginoon ng kataga ng pag-asa: Ang sinumang walang sala ay siyang unang pumukol!

Sino sa atin ang walang sala? Sino sa atin ang hindi nagkamali? Sino sa atin ang hindi nadulas at nahulog sa malaki o maliit na kamalian? Walang tuminag. Walang nagtangka. Walang nagmalinis. At lahat ay buking sa katotohanang lahat ay may sala. Unti-unting nag-alisan. Naiwan si babae kasama si Jesus. At tumingala ang Panginoon … ang kaisa-isang pagkakataon liban sa krus nang siya ay tumingala at nagwika: Wala bang nagparusa sa iyo? Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwang nang magkasala.

Limot na. Burado pa ang lahat. Ang dating lugi at talo ay naging wagi. Wagi ang may pag-asa. Wagi ang may tagapagligtas. Wagi ka hindi talo kung kapiling mo ang Diyos! Gawa ng Diyos ay dakila, kaya’t tayo ay natutuwa.