Ika-5 Linggo ng Kwaresma Taon K
Marso 13, 2016
May mga karanasan na mahirap limutin. Mayroong pangyayaring hindi agad makatkat sa isipan at sa guni-guni. Lahat tayo ay may pitak sa puso na pinagsisidlan ng lahat ng kapaitan, at masamang alaala.
Hindi tayo nag-iisa sa ganitong karanasan. Ang aking asong Labrador ay ayaw na ayaw mapapalapit sa kung saan may malakas na tunog ng motor. At takot na takot siyang mapalapit sa kung saan ginugupitan sila ng kuko. Noong tuta pa siya, ay parang nasaktan yata ng ginupitan ng kuko sa mga paa.
Di hamak na mapait ang pinagdaanan ng bayan ng Diyos sa Egipto. At upang mapawi ang mapait na alaala, isang kapalit na pangitain ang hatid ni Isaias. Ang kanyang mensahe ay walang iba kundi kung paano nilupig ng Diyos ang malaking hukbo, at nilipol ang kanilang mga kabayo.
Ano ba ang puno at dulo ng payo ng Diyos? Ang mga nangyari noong unang panahon, ilibing sa limot, limutin na ngayon.
Limot … May nagsasabing hindi malilimot ang isang bagay liban kung ito ay mapalitan ng isang bagong gunita at alaala. Ito ngayon ang magandang balita ni Isaias: Ako’y magbubukas ng isang landasin sa gitna ng ilang, maging ang disyerto ay patutubigan.”
Pati si Pablo ay nahawa na rin sa virus ng paglimot. Inari kong kalugihan, aniya, ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon. Ang lahat, dagdag pa niya ay walang kabuluhan makamtan ko lamang si Kristo at lubos na makiisa sa kanya.
Dalawang kataga ang namumutawi ngayon sa labi nating lahat: LIMOT, AT LUGI. Dapat nang ibaon ang ibang bagay sa puntod ng limot, at ituring na lamang ang lahat bilang LUGI kumpara sa bagong yamang hatid sa atin ng Panginoon.
Sa buhay natin, kung tayo ay laging mananatili sa masamang alaala, tayo ang lugi. Kung lagi nating panghahawakan ang sama ng loob at hindi palalampasin ang anumang hinanakit kaninuman, tayo ay laging lugi. Sabi ng mga dalubhasa, ang nananatili sa galit ay siyang higit na talo. Walang panalo ang taong nagpapadala sa anumang matinding galit. Ang unang magalit siyang talo.
Sa ebanghelyo isang babae ang nahuli daw sa pakikiapid. Malinaw na talo siya kung ang batas ang pag-uusapan. Lugi na siya, talo pa. Kahit may isa pang lalaking kasama niya sa paggawa ng kamalian, ang babae lamang ang lugi ayon sa kultura ng mga Israelita noong panahong yaon.
Lugi na siya sapagkat wala ang kanyang kalaguyo, ay talo pa sapagkat sinangkalan siya ng mga Pariseo para subukan at sukulin si Kristo. Hindi nila pakay ang itama ang mali, kundi ang gumawa pa ng isang kamalian – ang hiyain si Kristo.
Lugi na, talo pa. Wala siyang panalo. Walang kakampi. Tiyak na bitay sa pamamagitan ng pamamato ang kanyang kapalaran. Minsan sa buhay, para tayong ganito … kinalimutan na, ay lugi pa. Walang masulingan, walang malapitan. Dumadaan sa buhay natin ang karanasang tila wala tayong kakampi. Sabi ng isang manunulat sa Ingles, nagdaraan sa buhay natin ang pagkakataong tila pinatay ng Diyos ang lahat ng ilaw sa ating buhay. At sa pagkakataong ito ay wala tayong kapaga-pag-asa.
Ito ang kalalagayan ng babaeng nahuli sa pakikiapid. Ito ang kanyang mapait na karanasan. At dito naging makabuluhan ang sinabi ni Isaias: llibing na ang lahat sa limot. Kalimutan ang lahat. Magsimula tayo ng bago.
Dinala siya sa harap ni Jesus. Wala siyang sinabi at tumungo upang magsulat sa lupa. Naglista siya sa buhangin. Lista ng utang na hindi na sisingilin. Lista sa tubig, kumbaga. At nagwika ang Panginoon ng kataga ng pag-asa: Ang sinumang walang sala ay siyang unang pumukol!
Sino sa atin ang walang sala? Sino sa atin ang hindi nagkamali? Sino sa atin ang hindi nadulas at nahulog sa malaki o maliit na kamalian? Walang tuminag. Walang nagtangka. Walang nagmalinis. At lahat ay buking sa katotohanang lahat ay may sala. Unti-unting nag-alisan. Naiwan si babae kasama si Jesus. At tumingala ang Panginoon … ang kaisa-isang pagkakataon liban sa krus nang siya ay tumingala at nagwika: Wala bang nagparusa sa iyo? Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwang nang magkasala.
Limot na. Burado pa ang lahat. Ang dating lugi at talo ay naging wagi. Wagi ang may pag-asa. Wagi ang may tagapagligtas. Wagi ka hindi talo kung kapiling mo ang Diyos! Gawa ng Diyos ay dakila, kaya’t tayo ay natutuwa.